Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Patuloy na Pakikipag-Laban sa Tubig

Isang Patuloy na Pakikipag-Laban sa Tubig

Isang Patuloy na Pakikipag-Laban sa Tubig

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NETHERLANDS

“Sa pamamagitan ng malalakas na alon, dalawang beses sa isang araw na binabaha ng karagatan ang isang malaking bansa, anupat hindi malaman kung ang lupa ay pag-aari ng lupain o ng dagat. Isang kaawa-awang bayan ang naninirahan doon sa matataas na burol, na ginawa nila mismo upang umabot sa ibabaw ng pinakamataas na antas ng tubig na alam nila.”

GANIYAN ang paglalarawan ng awtor na Romano noong unang siglo na si Pliny na Nakatatanda tungkol sa pakikipagpunyagi laban sa dagat na sinuong ng mga naninirahan sa mabababang rehiyon na nasa North Sea. Nagpapatuloy hanggang sa ngayon ang labanang ito. Sa katunayan, mga kalahati ng mahigit sa 16 na milyong tao sa rehiyong iyan ang nakatira at nagtatrabaho sa lugar na mas mababa sa kapantayan ng dagat.

Sa kabila ng patuloy na pakikipaglaban, hindi itinuturing ng mga naninirahang ito sa Netherlands, o Mabababang Bansa, na sila’y kaawa-awa. Totoo, maaari ngang mababa at maliit ang kanilang bansa, * pero kabilang ito sa pinakamayayamang bansa sa daigdig. At nakapagtataka, utang ng Netherlands ang malaking bahagi ng kaunlaran nito sa tubig at sa pakikipaglaban dito.

Ang pagiging mabunga ng lupain ang isang mahalagang dahilan kung bakit pinili ng mga Olandes, ang mga naninirahan sa Netherlands, na manatili sa rehiyong ito. Angkop na angkop ito sa pagsasaka, paghahalaman, at pag-aalaga ng baka. At yamang dumadaloy rito patungo sa dagat ang pangunahing mga ilog sa Europa, napakahalaga rin ng lokasyon ng bansa kung kabuhayan ang pag-uusapan. Hindi nakapagtataka na ang Netherlands​—kasali na ang daungan ng Rotterdam, ang pinakamalaking piyer sa daigdig​—ay tinatawag na pintuang-daan patungo sa Europa!

Mahabang Panahon ng Pagtatayo ng mga Dike

Subalit hindi naman basta dumating na lamang ang pag-unlad. Sa loob ng nakalipas na 900 taon, nagtatayo na ng mga dike ang mga Olandes upang ipagsanggalang ang kanilang sarili laban sa tubig, kapuwa mula sa mga ilog na bumabagtas sa bansa at mula sa dagat. Bunga nito, ang Netherlands ngayon ay protektado laban sa tubig mula sa dagat at ilog sa pamamagitan ng libu-libong kilometro ng mga dike​—isang kahanga-hangang tagumpay!

Mayroon ding mga dike ang ibang mga bansa. Gayunman, napakahalaga ng mga dike rito dahil sa mga salik tulad ng taas. Ganito ang sabi ni Koos Groen, kasamang awtor sa aklat na Dijken (Mga Dike): “Kung ipapasiya ng buong populasyon ng Switzerland na magbakasyon nang isang buong taon sa ibang bansa, naroroon pa rin ang kanilang lupain pagbalik nila. Kung ganiyan naman ang gagawin ng mga Olandes, kalahati ng kanilang lupain at 75 porsiyento ng kanilang mga bahay ang naglaho na pagbalik nila.” *

Ang milyun-milyong Olandes ngayon na naninirahan sa mga lugar na mas mababa sa kapantayan ng dagat ay nakaiiwas na sa baha at nakakatulog na nang mahimbing sa gabi bunga ng isang patuluyang pakikipaglaban. Isaalang-alang ang pagsisikap na nasasangkot sa pagmamantini ng mga dalampasigan at mga bunton ng buhangin.

Pagmamantini ng mga Dalampasigan at mga Bunton ng Buhangin

Sa paglipas ng libu-libong taon, isang likas na harang na binubuo ng mga dalampasigan at mga bunton ng buhangin ang nabuo at nagsanggalang sa rehiyong ito mula sa dagat. Subalit palaging pinahihina ng erosyon ang harang na ito. Upang maibalik ang nawala, may pantanging mga barko na humuhukay ng buhangin mula sa ilalim ng dagat sa layong mga 9 hanggang 20 kilometro mula sa baybayin at itinatambak iyon sa dalampasigan. Mula noong 1970, halos 85 milyong metro kubiko na ng buhangin ang naibalik upang panatilihin ang mga bunton ng buhangin sa bansa!

Gayunman, hindi lamang mga tao ang nakikinabang sa pagmamantini sa mga bunton ng buhangin. “Bagaman 1 porsiyento lamang ng sukat ng lupa ng Netherlands ang binubuo ng mga bunton ng buhangin,” ayon sa pahayagang NRC Handelsblad ng Netherlands, “masusumpungan naman doon ang tatlong-kapat ng lahat ng uri ng ibon na nabubuhay sa bansa at dalawang-katlo ng lahat ng mas masalimuot na uri ng halaman.”

Pinaikli ang Depensa

Itinayo ng mga Olandes ang 32-kilometrong Afsluitdijk, o pumapalibot na dike, noong 1932. Biglang-bigla, binago ng dikeng ito ang Zuider Zee, o Southern Sea, mula sa isang interyor na dagat tungo sa isang lawa, ang IJsselmeer. Kasabay nito, nabawasan ang baybayin ng bansa mula sa mga 1,900 kilometro tungo sa mahigit nang kaunti sa 1,300 kilometro.

Pagkalipas ng mga 20 taon, pagkatapos ng isang kapaha-pahamak na baha noong 1953 na pumatay sa 1,835 katao, inilunsad ng mga tagapagtayo ng dike ang isang mas malaking proyekto. Tunguhin nila na sarhan ang lahat ng ilug-ilugan na nasa timog-kanlurang bahagi ng bansa maliban doon sa mga umaagos patungo sa mga piyer ng Rotterdam at Antwerp. Ang Delta Plan na ito, gaya ng tawag sa proyekto, ay nagbunga sa kalaunan ng higit pang pagpapaikli ng baybayin ng bansa tungo sa mga 622 kilometro.

Proteksiyon Laban sa mga Ilog

Hindi lamang sa dagat nanggagaling ang banta ng tubig kundi pati na rin sa mga ilog na umaagos sa Netherlands bago makarating sa dagat. Sa pagtatapos ng taglamig, pagkaraan ng mahabang tag-ulan at sa panahon na natutunaw ang niyebe sa bundok, dumadaluyong sa mga ilog na ito ang tubig mula sa Switzerland, Alemanya, Pransiya, at Belgium at pumapasok sa Netherlands.

Maaaring magbunga ng malulubhang problema ang gayon karaming tubig. Halimbawa, noong Pebrero 1995, lumaki nang husto ang tubig sa mga ilog sa sentro ng bansa anupat pinangambahan na baka bumigay ang mga dike. Kapag nasira ang isa sa mga dike, ang mga lupain sa kabila ng dike ay aapawan ng tubig na maraming metro ang taas. Ganito ang sabi ni Groen, na naunang sinipi: “Iilang tao lamang ang nakatatanto kung ano sana ang nangyari sakaling bumigay ang mga dike.”

Isang “Banyerang” Walang Takip

Di-tulad ng ibang bansa, kilala ang Netherlands sa mga polder nito, mga “bagong lupain” na mababa sa kapantayan ng dagat at napalilibutan ng mga dike. Hanggang noong dulo ng ika-19 na siglo, ang antas ng tubig sa mga polder ay kinokontrol ng mga molino. Ngayon ay ginagawa na ito ng mga pumping station (istasyon na nagbobomba ng tubig) na kontrolado ng computer. Ipinaliwanag ni Peter Nowak, nagpapatakbo sa isang pumping station malapit sa Amsterdam, kung ano ang nasasangkot.

“Maihahambing mo ang isang polder sa isang banyera,” ang sabi ni Nowak. “Ang isang polder ay kadalasang mas mababa nang ilang metro sa kapantayan ng dagat. Hinahadlangan ng nakapalibot na dike ang pagbaha sa polder. Ngunit hindi nagsisilbing takip ang dike. Dahil sa malakas na pag-ulan, maaaring mapuno ng tubig ang banyera. Upang mahadlangan ang malubhang problema, kailangang bombahin palabas ang tubig. Pero saan pupunta ang tubig?”

Ang polder ay may sistema ng mga estero na inaagusan ng tubig patungo sa pumping station. Upang hindi magbara ang mga esterong ito, dapat linisin ng bawat magsasaka ang mga esterong nasa kanilang pag-aari. Saka binobomba ng pumping station ang sobrang tubig palabas sa polder tungo sa boezem, isang mahusay na sistema ng mga lawa at kanal na nagsisilbing imbakang lunas sa labas ng polder. Ang sobrang tubig sa boezem ay umaagos patungo sa dagat kapag kumati na ang tubig.

“Napakahalaga sa kabuhayan ng mga Olandes ang pagpapanatili ng tamang antas ng tubig sa polder,” ang sabi pa ni Nowak. “Sa tag-araw na kakaunti ang ulan, pinadadaloy ang tubig dahil kailangan ng mga magsasaka ang tubig sa kanilang mga estero upang lumago ang kanilang mga damo at pananim. Tumutubo sa ilang polder ang isa sa pinakapopular na mga produktong iniluluwas ng bansa​—mga bulaklak.”

Naninirahan sa Dating Kinaroroonan ng Dagat

Noong ika-20 siglo, ang mga polder ay hindi na itinuturing na karagdagang lupang sakahan lamang; ang mga ito ay itinuring na ring karagdagang lugar para tirahan. Noong dekada ng 1950, nang simulan ng mga tagaplano ng lunsod na idisenyo ang mga bayan sa mga polder, wala silang karanasan sa pagtatatag ng bagong mga pamayanan. Subalit ngayon, kapag dumalaw ka sa mga polder, makikita mo na nagtagumpay ang mga tagaplano ng lunsod na makapagtayo ng mga pamayanan sa lugar na dati ay sahig ng dagat! Bakit hindi ka pumaroon at tingnan mo mismo?

Nag-aalangan ka ba na subuking maglakad-lakad sa mga lugar na mas mababa sa kapantayan ng dagat? Mauunawaan naman iyan, pero marami ang nasorpresa nang malaman nilang nagawa na pala nila iyon nang hindi nila namamalayan. Halimbawa, kung nakadaan ka na sa Schiphol Airport, malapit sa Amsterdam, ang iyong eroplano ay lumapag sa lugar na dati ay ilalim ng isang lawa. Kung hindi mo napansin na mas mababa ka nang mga apat na metro sa kapantayan ng dagat, patunay ito na mahusay pa rin ang kalagayan ng mga dike sa Netherlands!

[Mga talababa]

^ par. 5 Ang kabuuan ng Netherlands ay 41,500 kilometro kuwadrado.

^ par. 9 Sa Netherlands, dalawang-kalima ng bansa ay binubuo ng mga polder, mga lugar na mas mababa sa kapantayan ng dagat. Babahain ang mga polder na ito kung hindi regular na namamantini ang mga dike. Ang bulubunduking mga bansa na gaya ng Switzerland ay nasa itaas ng kapantayan ng dagat at, sa gayo’y hindi napapaharap sa katulad na panganib.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 18]

Pagtitipon SA LUGAR NA MAS MABABA SA KAPANTAYAN NG DAGAT

Ang isa sa dalawang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Netherlands ay mas mababa nang limang metro sa kapantayan ng dagat. “Habang papunta sa aming mga asamblea na ginaganap nang dalawang beses taun-taon,” ang komento ng isa sa mga Saksi ni Jehova, “madalas naming maalaala ang mga salita ng Diyos na nakaulat sa Job 38:8 at 11: ‘Sino ang nagharang ng mga pinto sa dagat at nagsabi: “Hanggang dito ka makararating, at hindi na lalagpas pa; at dito ang hangganan ng iyong mga palalong alon”?’ Ipinaaalaala sa atin ng mga salitang ito na ang paraan ng pagkontrol ni Jehova sa pambihirang puwersa ng tubig ay makapupong higit sa mga gawa ng mga taong inhinyero sa patubig, gaano man kahusay ang kanilang mga nagawa.”

[Kahon sa pahina 19]

Sino ang Nagmamantini ng MGA DIKE?

Ang mga dike at mga sistema sa kanal ay kailangang mantinihin at kung minsan ay kumpunihin. Mula noong Edad Medya patuloy, ang lokal at panrehiyon na mga awtoridad sa pangangasiwa ng tubig, na tinatawag na mga lupon sa patubig, ang bumabalikat ng pananagutang ito. Ang mga lupong ito ay nakasalig sa tatlong-baytang na prinsipyo: interes, pagbabayad, at karapatan. Sinumang interesado sa matitibay na dike ay dapat magbayad para sa pangangasiwa at pagmamantini. Ngunit mayroon din siyang karapatang makibahagi sa pagpapasiya hinggil sa pagmamantini ng mga dike at kung saan gagastusin ang salaping natipon.

Ang mga lupon sa patubig ay umiiral na sa Netherlands noon pa mang ika-12 siglo. Sa kasalukuyan, may mahigit na 30 lupon sa patubig. Ang karapatang magtatag, bumuwag, at mangasiwa sa gayong mga lupon ay nakasalalay sa mga awtoridad ng lalawigan. Sila ang magpapasiya sa laki at kayarian ng “hukbo ng dike.” Ang mga miyembro ng hukbong ito ay naninirahan sa lugar na kanilang ipagsasanggalang. Mabuti ang kanilang layunin​—ang pangangalaga at kaligtasan ng kanilang sari-sariling pamilya at ng kanilang pamayanan. Sa panahon na mataas ang tubig, nagpapatrolya sila sa dike, anupat handang kumilos dala ang mga sako ng buhangin at iba pang kasangkapan upang hadlangan ang anumang pagkabutas ng dike. Tinitiyak ng napakatagal nang sistemang ito ng mga lupon sa patubig na napangangalagaan nang mahusay ang mga dike.

[Mga mapa sa pahina 16]

(Tingnan ang publikasyon)

Kung walang mga bunton ng buhangin at mga dike, ang kulay asul na bahaging ito ay palagi nang babahain

[Larawan sa pahina 16, 17]

Itinayo ang malalaking dike sa dagat upang ipagsanggalang ang mababang lupain sa kabilang panig ng mga dike

[Larawan sa pahina 17]

Taun-taon, milyun-milyong metro kubiko ng buhangin ang kailangang ibalik

[Larawan sa pahina 18]

Karaniwan nang naglalakbay ang mga kotse sa lugar na mas mababa pa kaysa sa dinaraanan ng mga barko

[Larawan sa pahina 18]

Ang kasakunaan sa dike noong 1953

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Mga larawan: Met vriendelijke toestemming van het Nederlandse Ministerie van Verkeer en Waterstaat

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Dalawang larawan sa itaas: Met vriendelijke toestemming van het Nederlandse Ministerie van Verkeer en Waterstaat