Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Hindi Na Makapipinsala ang mga Mikrobyo sa Tao

Kapag Hindi Na Makapipinsala ang mga Mikrobyo sa Tao

Kapag Hindi Na Makapipinsala ang mga Mikrobyo sa Tao

ANG mga mikrobyo, o mga mikroorganismo, ay mahalaga sa buhay. Ang mga ito ang bumubuo sa malaking bahagi ng lupa at sa atin mismong katawan. Gaya ng sinabi sa kahong “Mga Uri ng Mikrobyo” sa pahina 7, “trilyun-trilyong baktirya ang nasa loob ng ating mga katawan.” Ang karamihan sa mga ito ay kapaki-pakinabang​—sa katunayan, mahalaga​—sa ating kalusugan. Bagaman kakaunti lamang ang nagiging dahilan ng pagkakasakit, makatitiyak tayo na, sa kalaunan, wala nang mga mikrobyo ang mamiminsala sa mga tao.

Bago natin suriin ang mga paraan kung paano malilipol ang lahat ng pinsalang dulot ng mga mikrobyo, isaalang-alang muna natin ang kasalukuyang mga pagsisikap upang sugpuin ang mga mikrobyong nagiging sanhi ng pagkakasakit. Bukod sa pagsusuri sa kasamang kahon na “Kung Ano ang Maaari Mong Gawin,” isaalang-alang ang mga pagsisikap ng mga propesyonal sa kalusugan para labanan ang mga mikrobyong di-tinatablan ng gamot.

Pangglobong mga Estratehiya

Ipinaliwanag ni Dr. Gro Harlem Brundtland, dating pangkalahatang direktor ng World Health Organization (WHO), ang pagsisikap na ginagawa. Sa Report on Infectious Diseases 2000, “Pagdaig sa mga Mikrobyong Di-tinatablan ng Gamot,” sinabi niya na kailangang makagawa ng isang “pangglobong estratehiya para masugpo ang pagkadi-tinatablan [ng mga mikrobyo] sa gamot.” Binanggit din niya ang “pagkakaisa ng lahat ng mga tagapangalaga ng kalusugan,” anupat idiniriin: “May pagkakataon tayong maglunsad ng malawakang pagsisikap upang sugpuin ang nakahahawang mga sakit.”

Noong 2001, ipinanukala ng WHO ang “Pangglobong Estratehiya Para sa Pagsugpo sa mga Mikrobyong Di-tinatablan ng Gamot.” Ipinanukala ng dokumentong ito ang isang plano na pinatungkol sa mga tagapangalaga ng kalusugan at sa mga tao sa pangkalahatan hinggil sa “kung ano ang gagawin at kung paano ito gagawin.” Kasali sa estratehiya ang pagtuturo sa mga tao kung paano maiiwasang magkasakit, gayundin ang pagbibigay ng tagubilin kung paano gagamitin ang mga antibiyotiko at iba pang mga panlaban sa mikrobyo kapag nagkaroon sila ng impeksiyon.

Bukod pa rito, ang mga tagapangalaga ng kalusugan​—mga doktor at mga nars gayundin ang iba pang mga nagtatrabaho sa ospital at sa mga álagaán ng mga maysakit at ng mga may-edad na (nursing home)​—ay hinimok na gumawa ng mas mahuhusay na hakbang upang maiwasang kumalat ang impeksiyon. Nakalulungkot, isiniwalat ng mga pag-aaral na nakaliligtaan pa rin ng maraming propesyonal sa kalusugan na maghugas ng kanilang mga kamay o magpalit ng mga guwantes kapag sinusuri ang iba’t ibang pasyente.

Ipinakita rin ng mga surbey na nagrereseta ang mga doktor ng mga antibiyotiko kung kailan hindi dapat. Ang isang dahilan nito ay ginigipit ng mga tao ang kanilang doktor na magreseta ng antibiyotiko para sa mabilis na paggaling. Kaya sumusunod naman ang mga doktor para lamang mapalugdan ang kanilang mga pasyente. Kadalasa’y walang panahon ang mga doktor para turuan ang kanilang mga pasyente o walang mga pamamaraan upang tukuyin ang nakahahawang mikrobyo. Isa pa, baka magreseta sila ng mas bago ngunit mas mahal at mas malakas na antibiyotiko. At ito rin ay isang salik sa problema sa mga mikrobyong hindi tinatablan ng gamot.

Ang iba pang larangan na binigyang-pansin ng Pangglobong Estratehiya ng WHO ay ang mga ospital, pambansang mga sistemang pangkalusugan, tagagawa ng pagkain, mga kompanya ng gamot, at mga mambabatas. Hinihimok ng ulat ang pagtutulungan nilang lahat upang malabanan ang mga mikrobyong di-tinatablan ng gamot na nagsasapanganib sa daigdig. Subalit magiging mabisa ba ang gayong programa?

Mga Hadlang sa Tagumpay

Tinukoy ng Pangglobong Estratehiya ng WHO ang malaking hadlang sa paglutas ng mga problema sa kalusugan. Ang motibo na kumita ng salapi. Sinabi ng Bibliya na ang pag-ibig sa salapi ang dahilan ng “lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” (1 Timoteo 6:9, 10) Ganito ang paghimok ng WHO: “Dapat ding isaalang-alang ang impluwensiya ng industriya ng gamot, kasali na ang pagkontrol sa pag-aalok ng mga ahente ng gamot sa mga klinika at pagsubaybay sa nakapagtuturong mga programa para sa mga tagapangalaga ng kalusugan na tinutustusan ng industriya.”

Puspusang iniaalok ng mga kompanya ng gamot ang kanilang mga produkto sa mga doktor. Ngayon, mas tuwiran nilang iniaalok sa publiko ang mga ito sa mga anunsiyo sa TV. Maliwanag na nakaragdag ito sa labis na paggamit ng mga gamot, na naging malaking dahilan naman ng pagdami ng mga mikrobyong di-tinatablan ng gamot.

Sa bahagi nito hinggil sa paggamit ng mga panlaban sa mikrobyo sa mga hayop na pinagkukunan ng pagkain, ang Pangglobong Estratehiya ng WHO ay nagsabi: “Ang mga beterinaryo sa ilang bansa ay kumikita ng 40% o higit pa sa pagbebenta ng mga gamot, kaya hindi rin nalilimitahan ang paggamit ng mga gamot na panlaban sa mikrobyo.” Gaya ng pinatunayan ng maraming dokumento, lumitaw at dumami ang mga mikrobyong di-tinatablan ng gamot dahil sa labis na paggamit ng mga antibiyotiko.

Sa katunayan, nakagugulat ang produksiyon ng mga antibiyotiko. Sa Estados Unidos pa lamang, mga 20 milyong kilo na ng antibiyotiko ang ginagawa taun-taon! Halos kalahati lamang ng kabuuang produksiyon sa daigdig ang nagagamit sa tao. Ang kalakhan ay iniisprey sa mga pananim o ipinakakain sa mga hayop. Ang mga antibiyotiko ay karaniwan nang inihahalo sa pagkain ng inaalagaang mga hayop, na ginagawa namang pagkain, upang mapabilis ang paglaki ng mga ito.

Ang Bahagi ng mga Gobyerno

Kapansin-pansin, ang Executive Summary ng Pangglobong Estratehiya ng WHO ay nagsabi: “Malaki ang pananagutan ng bawat bansa sa pagpapatupad ng estratehiya. Mahalaga ang bahaging gagampanan ng mga gobyerno.”

Ang totoo, maraming gobyerno ang nakagawa na ng mga programa upang masugpo ang mga mikrobyong di-tinatablan ng gamot, na binibigyang-diin ang pagtutulungan sa loob at labas ng kanilang pambansang mga hangganan. Kasali sa mga programang ito ang mas masusing pagsubaybay sa paggamit ng panlaban sa mikrobyo at mga mikrobyong di-tinatablan ng gamot, pinahusay na pagkontrol sa impeksiyon, tamang paggamit ng mga panlaban sa mikrobyo sa medisina at agrikultura, pananaliksik upang maunawaan ang pagkadi-tinatablan, at paggawa ng bagong mga gamot. Hindi naging optimistiko ang Report on Infectious Diseases 2000 ng WHO. Bakit?

Binanggit ng ulat ang “kawalan ng determinasyon sa bahagi ng mga gobyerno na hindi nagbibigay ng priyoridad sa kalusugan ng bayan.” Sinabi pa nito: “Ang sakit​—at samakatuwid nga ang pagkadi-tinatablan nito​—ay lumalaganap din sa mga kalagayang may kaguluhan sa bansa, karukhaan, lansakang pandarayuhan at pagkasira ng kapaligiran kung saan ang napakaraming tao ay nahahantad sa nakahahawang mga sakit.” Nakalulungkot, ang mga problemang ito mismo ang hindi kailanman malutas ng mga gobyerno ng tao.

Gayunman, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa isang gobyerno na hindi lamang makalulutas sa mga problemang nagiging sanhi ng pagkakasakit kundi lubusan din namang mag-aalis sa karamdaman. Baka iniisip mo na may mga mikrobyo na talagang laging mamiminsala, subalit may mabubuting dahilan para maniwalang may kinabukasan na di-hamak na mas maganda kaysa riyan.

Kapag Hindi Na Makapipinsala ang mga Mikrobyo

Matagal nang binanggit ng propeta sa Bibliya na si Isaias ang tungkol sa isang gobyernong nakahihigit sa tao at ipinakilala ang tagapamahala nito. Pansinin ang hula, na lumitaw sa bersiyon ng Bibliya na King James: “Sa atin ay isinilang ang isang sanggol, ibinigay sa atin ang isang anak na lalaki: at ang gobyerno ay maaatang sa kaniyang balikat: at siya’y tatawaging Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”​—Isaias 9:6, amin ang italiko.

Sino ang sanggol na ito, ang prinsipeng ito, na siyang mamamahala? Pansinin kung paano siya inilarawan bago pa man siya naisilang. Sinabi ng anghel na si Gabriel sa birheng si Maria: “Narito! ikaw ay maglilihi sa iyong bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang pangalan nito. Ang isang ito ay magiging dakila . . . , at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.”​—Lucas 1:31-33.

Nang sumapit na sa hustong gulang si Jesus, pinatunayan niyang siya nga ang ipinangakong Tagapamahala ng gobyernong Kaharian ng Diyos. Hindi lamang ipinahayag ni Jesus sa lupa ang “mabuting balita ng kaharian” kundi ipinakita rin naman niya ang kaniyang kapangyarihan na alisin ang lahat ng sakit at karamdaman. Iniulat ng Bibliya na “lumapit sa kaniya ang malalaking pulutong, na kasama nila ang mga taong pilay, baldado, bulag, pipi, at marami pang iba, at halos ipaghagisan nila sila sa kaniyang paanan, at pinagaling niya sila; anupat ang pulutong ay namangha habang nakikita nilang nagsasalita ang pipi at naglalakad ang pilay at nakakakita ang bulag.”​—Mateo 9:35; 15:30, 31.

Oo, anumang sakit o kapansanan ang pinagtiisan ng isang tao, pinagaling iyon ni Jesus. Bumuhay pa nga siya ng ilang taong namatay! (Lucas 7:11-​17; 8:49-​56; Juan 11:38-​44) Totoo, sa dakong huli ay namatay rin naman ang mga taong pinagaling, at maging yaong mga binuhay-muli. Subalit ipinakita pa rin ng mga himala ni Jesus kung ano ang kaniyang gagawin sa hinaharap sa mga taong mabubuhay sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. Ang Bibliya ay nangangako na sa panahong iyon ay “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”​—Isaias 33:24; Apocalipsis 21:3, 4.

Sa ngayon, gaya ng masaklap na katotohanang alam nating lahat, ang lahat ay nagkakasakit at namamatay. Pumipinsala ng milyun-milyong tao ang mga mikrobyo, kadalasang nakamamatay pa nga. Ngunit gayon na lamang ang kamangha-manghang pagkadisenyo ng katawan ng tao anupat may mga nagtataka kung bakit nagkakasakit ang tao. Ang doktor sa medisina na si Lewis Thomas ay sumulat tungkol sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga baktirya at nagsabi na ang sakit ay nangyaring “tulad ng isang aksidente.” Sinabi niya: “Maaaring nagkaroon ng kakaibang diperensiya ang mga pandepensa sa katawan ng mga taong nagkasakit.”

Tunay nga, ang mga taong may malalakas na sistema ng imyunidad ay bihirang magkaimpeksiyon dahil sa baktirya, kung magkaroon man ang isa. Magkagayunman, ang mga tao sa dakong huli ay tumatanda at namamatay. Sinasabi ng Bibliya na ang kasalanang minana mula sa orihinal at unang sakdal na taong si Adan ang may malaking pananagutan sa sakit at kamatayan. “Kung paanong sa pamamagitan ng isang tao,” ang paliwanag ng Bibliya, “ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”​—Roma 5:12.

Gayunman, isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa lupa para ibigay ang kaniyang sakdal na buhay bilang pantubos upang mapalaya ang mga tao mula sa mga epekto ng kasalanan. (Mateo 20:28) Ang Bibliya ay nagpapaliwanag: “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23; 1 Juan 5:11) Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, magkakatotoo na ang nakapagpapagaling na epekto ng haing pantubos ni Kristo. Sa gayon ang lahat ng mikrobyo, kahit na ang nagiging sanhi ng pagkakasakit sa ngayon, ay hindi na makapipinsala sa sinuman.

Hindi ba makatuwirang alamin ang tungkol sa gobyernong Kaharian na ipinangako sa Bibliya, na lulutas sa mga problema ng sangkatauhan? Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tumulong upang mas marami ka pang matutuhan.

[Kahon sa pahina 9]

Kung Ano ang Maaari Mong Gawin

Ano ang maaari mong gawin upang mabawasan ang panganib ng mga mikrobyong di-tinatablan ng gamot? Nagbigay ang World Health Organization ng ilang panuntunan. Una, binalangkas nito ang mga hakbang na maaari nating gawin upang mabawasan ang sakit at pagkalat ng impeksiyon. Pangalawa, ipinaliwanag nito kung paano mapahuhusay ng mga tao ang kanilang paggamit ng mga panlaban sa mikrobyo.

Makatuwiran naman, ang pinakamabuting paraan upang mabawasan ang sakit at pagkalat nito ay gawin ang kinakailangang bagay upang maging malusog. Ano ang maaari mong gawin upang maiwasang magkasakit?

Mga Hakbang Upang Maiwasang Magkasakit

1. Gawin mo ang iyong buong makakaya upang matamo ang sumusunod na tatlong bagay: wastong pagkain, sapat na ehersisyo, at hustong tulog.

2. Maging malinis sa katawan. Idiniriin ng mga awtoridad ang paghuhugas ng kamay bilang ang pinakamabisang paraan upang maiwasang magkasakit at makahawa ng ibang tao.

3. Siguraduhing ligtas ang iyong pagkain at ang kinakain ng iyong pamilya. Lalong maging palaisip sa pagiging malinis ng iyong mga kamay gayundin ng lugar na pinaglulutuan ng pagkain. Isa pa, tiyaking malinis ang tubig na ipinanghuhugas mo sa iyong mga kamay at sa pagkain. Yamang dumarami ang mga mikrobyo sa pagkain, lutuing mabuti ang karne. Itago at palamigin nang wasto ang pagkain.

4. Sa mga lupaing may lumilipad na mga insektong nagdadala ng malulubhang sakit, limitahan ang iyong gawain sa labas ng bahay kung gabi o umagang-umaga kung saan sa oras na iyon ay napakaaktibo ng mga insektong ito. At laging gumamit ng kulambo o iskrin sa bintana at pinto.

5. Makatutulong ang mga bakuna upang masanay ang iyong sistema ng imyunidad na lumaban sa mga mikrobyo na pangkaraniwan sa lugar na iyong tinitirhan.

Paggamit ng mga Panlaban sa mga Mikrobyo

1. Magpatingin sa isang propesyonal sa kalusugan bago bumili o uminom ng anumang antibiyotiko o panlaban sa mikrobyo. Kadalasang mas nakikinabang ang nagbebenta kaysa sa bumibili sa mga promosyon na tuwirang nagbebenta sa mga mamimili.

2. Huwag gipitin ang iyong doktor na magreseta ng antibiyotiko. Kapag ginawa mo iyon, baka resetahan ka nga niya dahil lamang sa takot niyang mawalan ng pasyente. Halimbawa, ang sipon ay dulot ng mga virus, at hindi napagagaling ng mga antibiyotiko ang sipon. Ang pag-inom ng antibiyotiko kapag may virus ka ay makasusugpo sa kapaki-pakinabang na mga baktirya, anupat baka dumami pa nga ang mga mikrobyong di-tinatablan ng gamot.

3. Huwag mong ipagpilitan ang pinakabagong gamot​—baka hindi ito ang pinakamabuti sa iyo at maaaring lumaki lamang ang iyong gastos.

4. Alamin ang tungkol sa anumang gamot mula sa maaasahang mapagkukunan ng impormasyon: Para saan ba ito? Ano ba ang posibleng masasamang epekto nito? Ano ba ang epekto nito kung isasabay sa pag-inom ng ibang gamot at iba pang salik na maaaring mapanganib kapag ininom ito?

5. Kung talagang angkop na uminom ng antibiyotiko, karaniwan nang hinihimok ka na kumpletuhin ang inihatol na yugto ng gamutan, kahit mas mabuti na ang iyong pakiramdam bago mo pa man matapos inumin ang mga ito. Ang huling yugto ng gamutan ay makatutulong upang tiyakin na wala nang impeksiyon.

[Larawan sa pahina 10]

Sa ilalim ng matuwid na pamamahala ng Diyos, masisiyahan ang mga tao sa buhay na walang nakapipinsalang mga mikrobyo