Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gawing Mas Kasiya-siya at Kapaki-pakinabang ang Iyong Pag-aaral

Gawing Mas Kasiya-siya at Kapaki-pakinabang ang Iyong Pag-aaral

Paano magiging mas kasiya-siya at kapaki-pakinabang ang ating pag-aaral ng Bibliya? Isaalang-alang natin ang tatlong mahahalagang hakbang para makinabang tayo nang husto sa ating personal na pag-aaral ng Bibliya.

1 PANANALANGIN: Ang unang hakbang ay pananalangin. (Awit 42:8) Bakit? Dapat nating ituring na bahagi ng ating pagsamba ang pag-aaral ng Salita ng Diyos. Kaya kailangan nating hilingin kay Jehova na bigyan tayo ng tamang kalagayan ng isip at ng kaniyang banal na espiritu. (Luc. 11:13) Ganito ang sinabi ni Barbara, isang matagal nang misyonera: “Lagi akong nananalangin bago magbasa o mag-aral ng Bibliya. Pagkatapos, nadarama kong kasama ko si Jehova at natutuwa siya sa ginagawa ko.” Inihahanda ng pananalangin ang ating isip at puso sa saganang espirituwal na pagkaing nasa harap natin.

2 PAGBUBULAY-BULAY: Dahil gahol sa oras, pahapyaw lang na binabasa ng ilan ang Salita ng Diyos, kaya hindi sila nakikinabang. Nakita ni Carlos, na mahigit 50 taon nang naglilingkod kay Jehova, ang kahalagahan ng paglalaan ng panahon sa pagbubulay-bulay para higit na makinabang sa kaniyang pag-aaral. Sinabi niya: “Mga dalawang pahina na lang ng Bibliya ang binabasa ko araw-araw para mas marami akong panahong bulay-bulayin ang nababasa ko at sa gayo’y makuha ang mahahalagang aral dito.” (Awit 77:12) Kapag naglalaan tayo ng panahon para magbulay-bulay, napalalago natin ang ating kaalaman at kaunawaan sa kalooban ng Diyos.​—Col. 1:9-11.

3 PAGKAKAPIT: Mas makikinabang tayo sa isang gawain kung nakikita natin ang pakinabang dito. Ganiyan din sa pag-aaral ng Bibliya. “Dahil sa pag-aaral ng Bibliya, nakakayanan ko ang mga problema sa araw-araw, at nagiging handa akong tumulong sa iba,” ang sabi ni Gabriel, isang kabataang brother na may regular na iskedyul sa pag-aaral ng Bibliya. Sinabi pa niya: “Sinisikap kong ikapit ang lahat ng natututuhan ko.” (Deut. 11:18; Jos. 1:8) Oo, saganang kaalaman tungkol sa Diyos ang maaari nating matutuhan at ikapit.​—Kaw. 2:1-5.

REPASO: Napakalaking pribilehiyo na saliksikin ang kaalamang inilalaan ni Jehova, ang Bukal ng lahat ng karunungan! (Roma 11:33) Kaya naman, sa susunod na mag-aral ka, manalangin ka muna kay Jehova at hilinging bigyan ka niya ng kaniyang banal na espiritu at ng tamang kalagayan ng isip. Humintu-hinto sandali para bulay-bulayin ang nababasa mo. At sa iyong pang-araw-araw na buhay, ikapit ang mga natututuhan mo. Kapag ginawa mo ang mga hakbang na ito, masisiyahan at makikinabang ka nang husto sa iyong pag-aaral ng Bibliya.