Mula sa Aming Archive
Pag-iingat ng Ating mga Hiyas Mula sa Nakaraan
MAHABA at makulay ang kasaysayan ng paglilingkod ng bayan ni Jehova. Matututuhan natin ang tungkol diyan hindi lang sa pamamagitan ng ating mga publikasyon kundi sa tulong din ng mga litrato, liham, personal na salaysay, at mga gamit na may kinalaman sa ating pagsamba, pangangaral, at kasaysayan. Pero bakit nga ba kailangang ingatan ang mga bagay na iyan at balikan ang ating nakaraan? Sa sinaunang Israel, ang mga ulo ng pamilya ay inutusang ipaalám sa kanilang mga anak ang mga kautusan at mga kamangha-manghang gawa ni Jehova upang “mailagak nila sa Diyos ang kanilang pagtitiwala.”—Awit 78:1-7.
Mula’t sapol, ang pagsasaliksik sa mga ulat ng kasaysayan ay may papel sa katuparan ng layunin ni Jehova. Halimbawa, nang tangkaing pahintuin ng mga mananalansang ang gawaing pagtatayo sa templo sa Jerusalem, nagkaroon ng opisyal na pagsasaliksik sa mga rekord na nasa Ecbatana, ang kabisera ng Media. Dahil dito, natagpuan ang dokumento ni Haring Ciro na nagbibigay ng awtorisasyon sa pagtatayong iyon. (Ezra 6:1-4, 12) Kaya naman, ang templo ay naitayong muli ayon sa kalooban ng Diyos. Nagsaliksik din sa mga ulat ng kasaysayan ang manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas dahil “tinalunton [niya] ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan.”—Luc. 1:1-4.
Ang Lupong Tagapamahala ay interesadung-interesado sa ating teokratikong kasaysayan. Tungkol
sa pangangailangang ingatan, igawa ng rekord, at ipasa ang ating espirituwal na pamana, ganito ang sabi ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, “Kailangang alam natin ang ating pinanggalingan para makarating tayo sa ating paroroonan.” Kaya naman, kamakailan ay itinatag sa Brooklyn, New York, ang departamentong Writing Archives, na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Writing Committee.ANG ATING “FAMILY ALBUM” AT MGA “PAMANA”
Sa paglipas ng panahon, nalilimutan natin ang nakaraan at naiisip natin na sana’y nakapag-ingat tayo ng mas kumpletong rekord tungkol sa ating pamilya. Sinisikap ng Writing Archives na ingatan at igawa ng rekord ang ating makulay at mayamang kasaysayan. Ang mga litratong iniingatan ng Writing Archives ay maituturing na bahagi ng ating “family album.” Kasama rin sa mga hiyas na iniingatan ng Writing Archives ang ating matatandang publikasyon, mga personal na salaysay, at mahahalagang memorabilya. Ang mga ito ay mga “pamana” na nagtuturo sa atin tungkol sa ating teokratikong kasaysayan at tumutulong para makita natin ang magandang kinabukasan ng ating espirituwal na pamilya.
Inaanyayahan namin kayong sumulyap sa Writing Archives sa pamamagitan ng bagong seksiyong ito na “Mula sa Aming Archive.” Lilitaw ito sa edisyon para sa pag-aaral ng Ang Bantayan sa pana-panahon. Sa isang isyu sa hinaharap, plano naming maglathala ng isang ulat na may mga larawan at sasagot sa mga tanong na: Ano ang Dawn Mobile? Sino ang gumamit nito? Kailan ito ginamit, at para sa anong layunin?
Tulad ng isang literal na family album, marami tayong matututuhan mula sa koleksiyon ng Writing Archives. Matututuhan natin ang tungkol sa ating sarili at sa ating mga “ninuno”—tungkol sa pananampalataya at lakas ng loob ng mga nauna sa atin, ang mga kagalakan at hamon sa paglilingkod sa ating maibiging Ama sa langit, at ang patnubay at walang-sawang pag-alalay ng Diyos sa kaniyang bayan. (Deut. 33:27) May tiwala tayo na pagpapalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap na ingatan ang ating espirituwal na kasaysayan upang lalo pa tayong magkaisa at mapatibay na gawin ang kaniyang kalooban.
[Kahon/Larawan sa pahina 31]
Ating Suriin
Kapag naghahanda ng mga literatura, DVD, at iba pang materyal na salig sa Bibliya, ang ating mga manunulat, artist, mananaliksik, at iba pa ay sumasangguni sa koleksiyon ng makasaysayang mga rekord at gamit. Kaya naman, sinisikap ng Writing Archives na tipunin at ingatan ang sari-saring makasaysayang materyal mula sa iba’t ibang mapagkukunan gaya ng mga tanggapang pansangay, mga departamento sa Bethel, mga kongregasyon, mga indibiduwal, at sekular na mga institusyon. Suriin natin ang mga gawaing nakapaloob dito:
Pagkolekta at Pagsusuri: Patuloy na nadaragdagan ang koleksiyon ng Writing Archives. Marami sa natatanging mga bagay na ito ay iniabuloy o ipinahiram ng mga indibiduwal na kabilang sa mga pamilyang may mahahabang rekord ng tapat na paglilingkod kay Jehova. Ang pagsusuri at pagkukumpara sa mga materyal na iyon ay tumutulong sa atin na maunawaan ang ating kasaysayan at ang mga taong nabuhay noong mga panahong iyon.
Pagkakatalogo: Ang koleksiyon ng Writing Archives ay binubuo ng libu-libong bagay na ang ilan ay mahigit sandaang taon na. Iba’t iba ang kanilang hugis, laki, at uri. Ang mga ito ay kailangang igawa ng katalogo, o rekord, para madaling mahanap at magamit sa pagsasaliksik.
Restorasyon at Preserbasyon: Ang lumang-lumang mga aklat at gamit ay inaayos at iniingatan gamit ang propesyonal na pamamaraan sa restorasyon. Ang mga dokumento, litrato, news clipping, pelikula, at rekording ay ginagawan ng digital format. Kaya naman, maaaring saliksikin ang mga ito sa pamamagitan ng computer. Sa gayon, maiiwasang masira ang orihinal na mga dokumento at iba pang makasaysayang mga gamit.
Pag-iimbak at Pagkuha: Ang mga materyal sa koleksiyon ay iniimbak sa maayos at ligtas na paraan para huwag mawaglit o mapinsala ng liwanag at halumigmig. Kasalukuyang binubuo ang isang database para mapadali ang pagsasaliksik at pagkuha ng mahahalagang hiyas na ito mula sa ating nakaraan.
[Mga larawan sa pahina 32]
1. Poster ng “Photo-Drama of Creation.” 2. Subscription register. 3. Sound car. 4. Pabalat ng Abril 15, 1912, Watch Tower. 5. Prison notice ni J. F. Rutherford. 6. Mikropono ng WBBR. 7. Ponograpo. 8. Maleta para sa mga aklat. 9. Personal na mga nota. 10. Telegrama para kay J. F. Rutherford.