Ang Pangmalas ng Bibliya

Susunugin ba sa Impiyerno ang Masasama?

Susunugin ba sa Impiyerno ang Masasama?

SI Gertrude, isang mangangaral na Pentecostal, ay paniwalang-paniwala na mayroong maapoy na impiyerno. Para sa kaniya, hindi makatarungan kung sasabihing walang gayong lugar. Ikinakatuwiran niya na kung hindi susunugin sa impiyerno ang masasama, hindi maparurusahan ang mga gumagawa ng nakapangingilabot na kasamaan. Buong-buo ang paniniwala ni Gertrude dito. Sinabi niya, “Hindi ako sasamba sa Diyos kung walang maapoy na impiyerno para sa masasamang tao.”

Susunugin nga ba sa impiyerno ang masasamang tao, gaya ng itinuturo ng maraming relihiyon? Kung hindi, ano ang magiging parusa sa kanila?

Pinarusahan ng Diyos ang Unang Tao

Ayon sa Bibliya, nilalang ng Diyos na perpekto ang unang mag-asawa, sina Adan at Eva. (Genesis 1:27; Deuteronomio 32:4) Inilagay niya sila sa paraiso at binigyan sila ng pagkakataong mabuhay magpakailanman. Pero may ipinagbawal ang Diyos: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon.” Nagbabala siya: “Sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.”​—Genesis 2:16, 17.

Nakalulungkot, hindi nakapasa ang ating unang mga magulang sa simpleng pagsubok na iyon sa kanilang katapatan at pagkamasunurin. Kaya gaya ng babala ng Maylalang, hinatulan sila ng kamatayan. “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa, sapagkat mula riyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.”​—Genesis 3:19.

Kung susunugin sa impiyerno sina Adan at Eva bilang parusa, hindi ba dapat ay binabalaan sila ng Diyos tungkol dito? Wala siyang binanggit na magdurusa sila pagkamatay nila. Paano sila magdurusa samantalang wala naman silang imortal na kaluluwa na patuloy na nabubuhay pagkamatay? Napakalinaw ng sinasabi ng Bibliya tungkol dito: “Ang kaluluwa na nagkakasala​—iyon mismo ang mamamatay.”​—Ezekiel 18:4. a

Bilang Tagapagbigay-Buhay, alam ng ating Maylalang ang lahat ng bagay tungkol sa buhay at kamatayan. Sinasabi niya sa atin sa kaniyang Salita na ‘ang mga patay ay walang anumang kabatiran.’ (Eclesiastes 9:5) Kaya nang mamatay sina Adan at Eva, hindi sila nagdusa sa maapoy na impiyerno. Muli silang naging alabok at hindi na umiral. Sila ay “walang anumang kabatiran.”

Maaari ba Tayong Magdusa Pagkamatay?

Sinasabi ng Bibliya sa Roma 5:12: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.” Kaya makatuwiran ba talagang maniwala na nagdurusa ang mga tao sa maapoy na impiyerno dahil sa kanilang kasalanan, gayong si Adan, na naging sanhi ng kamatayan ng buong sangkatauhan, ay nauwi lamang sa alabok pagkamatay?​—1 Corinto 15:22.

Lahat tayo, gaya ni Adan, ay nasa ilalim ng iisang batas. “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan.” Bukod diyan, kapag namatay ang isang tao, siya ay “napawalang-sala na mula sa kaniyang kasalanan.” (Roma 6:7, 23) Kung ang mabubuti at masasamang tao ay namamatay at walang nagdurusa pagkamatay, nasaan ang katarungan ng Diyos?

Ang Katarungan ng Diyos

Hindi nagbago ang layunin ng Diyos para sa masunuring sangkatauhan mula nang lalangin niya ang unang mag-asawa at utusan sila na magpalaanakin at alagaan ang lupa. (Genesis 1:28) Maliwanag na ito pa rin ang kaniyang layunin gaya ng isiniwalat niya nang maglaon: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”​—Awit 37:29.

Pansinin na mabubuhay sa lupang ito ang mga matuwid. Magiging maligaya sila at hindi na magkakasakit. Ang orihinal ng layunin ng Diyos na punuin ang lupang ito ng matuwid na mga tao ay “tiyak na magtatagumpay.” Mangyayari ito kapag pinalitan na niya ang kasalukuyang masamang sistemang ito ng mga bagay ng isang bagong sanlibutan.​—Isaias 55:11; Daniel 2:44; Apocalipsis 21:4.

Bilyun-bilyong tao na namatay nang walang kaalaman sa mga kahilingan ng Diyos ang bubuhaying muli at tuturuan kung paano mamumuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Isaias 11:9; Juan 5:28, 29) Subalit ang mga ayaw sumunod sa mga kautusan ng Diyos ay parurusahan ng “ikalawang kamatayan.” Ibig sabihin, hindi na sila muling gigising pa.​—Apocalipsis 21:8; Jeremias 51:57.

Maliwanag, bilang Diyos ng pag-ibig, hindi pahihirapan ni Jehova ang mga tao sa maapoy na impiyerno. (1 Juan 4:8) Hindi rin niya hahayaang magpatuloy ang kasamaan. Kasuwato nito, tinitiyak sa atin ng Awit 145:20 na “binabantayan ni Jehova ang lahat ng umiibig sa kaniya, ngunit ang lahat ng balakyot [o, masasama] ay lilipulin niya.” Hindi ba’t maibigin at makatuwiran iyan?

[Talababa]

a Sa Bibliya, ang “kaluluwa” ay tumutukoy sa mismong tao​—hindi sa isang bagay na hiwalay sa katawan. Sinasabi ng Genesis 2:7: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Si Adan ay hindi binigyan ng kaluluwa na hiwalay sa kaniyang katawan. Siya mismo ang kaluluwang buháy.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

◼ Mayroon ba tayong imortal na kaluluwa?​—Ezekiel 18:4.

◼ Ano ang kalagayan ng mga patay?​—Eclesiastes 9:5.

◼ Paano parurusahan ng Diyos ang masasama?​—Awit 145:20.

[Blurb sa pahina 11]

‘Ang mga patay ay walang anumang kabatiran.’​—Eclesiastes 9:5

[Picture Credit Line sa pahina 10]

Photo: www.comstock.com