Minamaliit at Inaapi
Minamaliit at Inaapi
“Noong unang taon ko sa elementarya sa Espanya, lagi akong tinutukso ng mga kaklase ko dahil maliit ako. Halos araw-araw akong umuuwi na umiiyak.” —Jennifer, anak ng mga dayuhang Pilipino.
“Nang lumipat ako sa ibang eskuwelahan, kung anu-ano ang itinatawag sa akin ng mga kaeskuwela ko na lahing puti. Alam kong gusto nila ng away kaya ginagalit nila ako. Nakontrol ko naman ang sarili ko—pero ang totoo, nasasaktan ako at pakiramdam ko’y aping-api ako.”—Timothy, isang Aprikano-Amerikano.
“Noong pitong taóng gulang ako, magkalaban ang mga Igbo at mga Hausa sa Nigeria. Tinubuan na rin ako ng galit, at tinutukso ko na rin ang isang batang Hausa sa klase namin, kahit dati ko siyang kaibigan.”—John, miyembro ng grupong etniko na Igbo.
“Kami ng partner kong misyonera ay nangangaral sa lugar namin tungkol sa Bibliya. Mayamaya, sinundan kami at pinagbabato ng mga batang sinulsulan ng pari. Gusto ng pari na lisanin namin ang bayan.”—Olga.
NARANASAN mo na bang hamak-hamakin at maging biktima ng diskriminasyon? Malamang na dahil ito sa kulay ng iyong balat, relihiyon, kalagayan sa buhay, kasarian, o maging dahil sa edad. Ang mga biktima ng diskriminasyon ay kadalasan nang takót na makaranas ng mas matindi pang pang-aapi. Kapag napapadaan sa isang grupo ng mga tao, bumibili sa tindahan, lumilipat ng eskuwelahan, o dumadalo sa isang okasyon, baka kumakabog ang dibdib nila sa sobrang nerbiyos.
Bukod diyan, ang mga biktima ng diskriminasyon ay baka mahirapang makahanap ng trabaho, o hindi gaanong asikasuhin sa ospital, hindi makakuha ng magandang edukasyon, at mapagkaitan ng ilang pribilehiyo sa lipunan at karapatan sa batas. Kapag pinahihintulutan ng gobyerno ang diskriminasyon, maaari itong mauwi sa napakalupit na mga gawa gaya ng paglipol sa isang grupo ng mga tao at mga di-kalahi. Ang isang sinaunang halimbawa ng tangkang paglipol sa isang grupo ng mga tao ay mababasa sa aklat ng Bibliya na Esther. Pansinin na poot at diskriminasyon ang pinagmulan nito.—Esther 3:5, 6.
Kahit may mga batas laban sa diskriminasyon, laganap pa rin ito. Ganito ang sinabi ng High Commissioner for Human Rights ng United Nations: “Anim na dekada matapos aprobahan ang Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao . . . , ang mga batas tungkol sa pagkakapantay-pantay at kawalan ng diskriminasyon ay hindi pa rin naipapatupad sa lahat ng dako sa daigdig.” Nakababahala ito dahil patuloy ang pagdagsa ng mga dayuhan at refugee sa maraming lugar.
Kaya pangarap lang ba ang isang lipunan kung saan pantay-pantay ang lahat, o puwedeng mawala ang diskriminasyon? Tatalakayin ang mga tanong na ito sa kasunod na mga artikulo.