Diskriminasyon—Ang Puno’t Dulo
Diskriminasyon—Ang Puno’t Dulo
“Lahat ng tao ay ipinanganak na malaya at may pare-parehong dangal at karapatan. Sila’y binigyan ng budhi at ng kakayahang mag-isip at dapat makitungo sa isa’t isa sa espiritu ng pagkakapatiran.”—Artikulo 1 ng Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao.
SA KABILA ng napakagandang simulaing iyan, laganap pa rin ang diskriminasyon sa buong daigdig. Ang malungkot na katotohanang ito ay hindi lamang nagpapatunay na napakasama ng panahong kinabubuhayan natin, kundi ipinakikita rin nito na talagang hindi perpekto ang tao. (Awit 51:5) Pero may pag-asa pa ring gumanda ang sitwasyon. Totoong hindi natin maaalis ang diskriminasyon sa palibot natin, pero puwede nating alisin ang diskriminasyon na posibleng nasa puso natin.
Mahalagang kilalanin na kahit sino sa atin ay may tendensiyang magtangi. Sinasabi ng aklat na Understanding Prejudice and Discrimination: “Marahil ang mahahalagang konklusyon buhat sa isinagawang pananaliksik hinggil sa diskriminasyon ay ang mga sumusunod: (1) lahat ng taong nakakapag-isip at nakakapagsalita ay may tendensiyang magtangi, (2) kadalasan nang kailangan ang malaking pagsisikap at kabatiran para maiwasan ang diskriminasyon, at (3) kung may sapat na pangganyak, magagawa ito.”
Edukasyon ang sinasabing “pinakamabisang paraan” para labanan ang diskriminasyon. Halimbawa, isisiwalat ng tamang edukasyon ang puno’t dulo ng diskriminasyon. Tutulungan din tayo nito na suriin ang ating saloobin nang mas timbang at harapin ang diskriminasyon sa wastong paraan kapag naging biktima tayo nito.
Ang Puno’t Dulo
Diskriminasyon ang dahilan kung bakit napipilipit, nabibigyan ng maling kahulugan, o ipinagwawalang-bahala pa nga ng mga tao ang mga katotohanang salungat sa kanilang mga opinyon. Posibleng pagmulan ng diskriminasyon ang waring wala namang masama pero maling pamantayang moral sa loob ng pamilya, o posible rin itong magmula sa mga nagtataguyod ng propaganda laban sa ibang lahi o kultura. Nariyan din ang nasyonalismo at maling mga turo ng relihiyon. Maaaring epekto rin ito ng mataas na pride. Habang pinag-iisipan mo ang sumusunod na mga punto at ang kaugnay na mga simulain sa Bibliya, suriin ang iyong saloobin at tingnan kung kailangan mong gumawa ng mga pagbabago.
Mga Kasama. Likas sa tao na makihalubilo, at maganda naman ito. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na “ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin” Kawikaan 18:1) Pero dapat tayong maging matalino sa pagpili ng mga kasama dahil malaki ang impluwensiya nila sa atin. Kaya naman aalamin ng matalinong mga magulang kung sinu-sino ang mga kasama ng kanilang mga anak. Ipinakikita ng mga pag-aaral na kahit tatlong taon pa lang ang mga bata, may tendensiya na silang magtangi ng lahi dahil nahahawa sila sa saloobin, pagsasalita, at pagkilos ng iba. Siyempre, mga magulang mismo ang dapat magsikap na maging mabuting impluwensiya sa kanilang mga anak dahil kadalasan nang ito ang pangunahing humuhubog sa pamantayang moral ng mga bata.
at nagwawalang-bahala pa nga sa praktikal na karunungan. (◼ Ano ang sinasabi ng Bibliya? “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.” (Kawikaan 22:6) “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Kung isa kang magulang, maaari mong tanungin ang iyong sarili: ‘Inaakay ko ba ang aking mga anak sa daang tama at makatuwiran sa mga mata ng Diyos? Nakikisama ba ako sa mga taong may mabuting impluwensiya sa akin? Mabuting impluwensiya ba ako sa iba?’—Kawikaan 2:1-9.
Nasyonalismo. Ayon sa isang diksyunaryo, ang nasyonalismo ay “isang diwa ng pagkamakabayan na dinadakila ang isang bansa na nakahihigit sa lahat ng iba pa at inuuna ang pagpapalaganap ng kultura at kapakanan nito kaysa ibang bansa.” Sa kaniyang aklat na Conflict and Cooperation Among Nations, ganito ang sinabi ni Ivo Duchacek, propesor ng political science: “Pinagwawatak-watak ng nasyonalismo ang mga tao. Kaya ang mga tao ay nag-iisip muna bilang mga Amerikano, Ruso, Tsino, Ehipsiyo, o Peruviano, at pangalawahin na lamang bilang mga tao—iyan ay kung maiisip pa nila.” Ganito ang isinulat ng dating secretary-general ng UN: “Karamihan sa mga problemang kinakaharap natin sa ngayon ay dahil sa, o bunga ng, maling mga saloobin—ang ilan sa mga ito ay nagagaya nang hindi namamalayan. Kabilang na rito ang konsepto ng nasyonalismong may makitid na pangmalas—‘bayan ko pa rin, tama man ito o mali.’”
◼ Ano ang sinasabi ng Bibliya? “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [buong sangkatauhan] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Tanungin ang iyong sarili, ‘Yamang ipinakikita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa lahat—sa mga tao ng lahat ng bansa, pati na sa akin—hindi ba’t dapat kong pagsikapan na tularan siya, lalo na kung inaangkin kong sumasamba ako sa kaniya?’
Rasismo. Ayon sa isang diksyunaryo, ang mga nagtataguyod nito ay naniniwala na “nakadepende sa lahi ang pagkatao o kakayahan ng isa at na may isang lahing nakahihigit sa iba.” Pero gaya ng binabanggit sa The World Book Encyclopedia, ang mga mananaliksik ay “wala pang natutuklasang basehan sa siyensiya na magpapatunay sa gayong pag-aangkin na may isa[ng lahi] na nakahihigit sa iba.” Ang labis na kawalang-katarungan na itinataguyod ng rasismo, gaya ng sistematikong pagkakait sa kapuwa tao ng kanilang mga karapatan, ay masaklap na katibayan na batay sa kasinungalingan at maling akala ang rasismo.
◼ Ano ang sinasabi ng Bibliya? “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) “Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao.” (Gawa 17:26) “Hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Tanungin ang iyong sarili: ‘Sinisikap ko bang tingnan ang lahat ng tao ayon sa paraan ng pagtingin ng Diyos? Sinisikap ko bang kilalanin ang iba—marahil ang mga taong iba ang lahi o kultura—sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa kanila?’ Kapag nakita natin ang katangian ng iba, mas madali na nating maaalis ang maling opinyon natin sa kanila.
Relihiyon. Ganito ang sabi ng The Nature of Prejudice: “Kahindik-hindik ang laging ibinubunga kapag ginagamit ng mga tao ang kanilang relihiyon para bigyang-katuwiran ang [makasariling mga tunguhin] at pansariling interes ng isang grupong etniko. Sa ganiyang sitwasyon nababahiran ng diskriminasyon ang relihiyon.” Ayon sa aklat ding iyon, ang lalo nang kapansin-pansin ay kung paanong ang maraming relihiyosong tao na “dating makadiyos ay biglang magtatangi.” Ang mga simbahan na para lang sa isang partikular na lahi, ang pagkakapootan at karahasan sa pagitan ng mga sekta, at ang terorismong ginagawa sa ngalan ng relihiyon ay katibayan na totoo ang pananalitang iyon.
◼ Ano ang sinasabi ng Bibliya? “Ang karunungan mula sa itaas [mula sa Diyos] . . . ay mapayapa, makatuwiran, . . . hindi gumagawa ng pagtatangi-tangi.” (Santiago 3:17) “Sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at [relihiyosong] katotohanan.” (Juan 4:23) “Ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” (Mateo 5:44) Tanungin ang iyong sarili: ‘Tinuturuan ba ako ng aking relihiyon na magpakita ng tunay na pag-ibig sa lahat, kahit sa mga gustong manakit sa akin? Tinatanggap ba ng aking relihiyon ang lahat ng uri ng tao, mayaman man o mahirap, anuman ang kanilang lahi, kulay ng balat, kasarian, o katayuan sa lipunan?’
Pride. Kung dahil sa pride ay maging mapagmataas ang isa o mayabang, mas malamang na mauwi ito sa diskriminasyon. Halimbawa, kapag mataas ang pride ng isang tao, baka isipin niyang angat siya sa iba o maliitin niya ang iba na mababa ang pinag-aralan o mahihirap. Mas madali rin siyang maniwala sa propagandang nag-aangat sa kaniyang bansa o grupong etniko. Para makuha ang suporta ng mga tao at siraan ang mga itinuturing na naiiba o hindi kanais-nais, itinanim ng mga tusong propagandista, gaya ng diktador na si Adolf Hitler ng Nazi, sa isip ng mga tao na nakahihigit ang kanilang bansa o lahi.
◼ Ano ang sinasabi ng Bibliya? “Ang lahat ng may pusong mapagmapuri ay karima-rimarim kay Jehova.” (Kawikaan 16:5) “[Huwag gumawa] ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo.” (Filipos 2:3) Tanungin ang iyong sarili: ‘Sa loob-loob ko ba ay tuwang-tuwa ako kapag hinahamak ang iba o pinupuri ang aking lahi o etnikong grupo? Madalas ba akong mainggit sa iba na may mga talentong wala sa akin, o talagang nakikigalak ako sa kanilang mga kakayahan?’
Oo, tama na babalaan tayo ng Bibliya: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Kaya pakaingatan mo ang iyong puso, at huwag hayaang may anumang bagay na magpasamâ rito! Sa halip, punuin ito ng karunungan mula sa Diyos. Kung gagawin mo ito, ‘ang kakayahang mag-isip ay mag-iingat sa iyo, upang iligtas ka mula sa masamang daan, mula sa taong nagsasalita ng tiwaling mga bagay.’—Kawikaan 2:10-12.
Pero ano ang puwede mong gawin kung biktima ka ng diskriminasyon? Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
[Blurb sa pahina 6]
Kapag nakita natin ang katangian ng iba, mas madali na nating maaalis ang maling opinyon natin sa kanila