‘Isang Drower na si Jehova Lang ang Makapagbubukas’
‘Isang Drower na si Jehova Lang ang Makapagbubukas’
◼ Noong 2007, namatay ang tatay nina Erika, anim na taóng gulang, at Mattia, apat na taóng gulang. Pero gumagaan ang loob ng magkapatid dahil sa pag-asa na pagkabuhay-muli.—Gawa 24:15.
Gustung-gusto ni Erika na sabihin sa iba ang kaniyang pag-asang batay sa turo ng Bibliya, lalo na sa paaralan nila sa Sicily. Halimbawa, nang sabihin ng kaibigan niyang si Beatrice na nasa langit na ang tatay ni Erika, sinabi ni Erika na iba ang sinasabi ng Bibliya. “Eh, nasaan siya?” ang tanong ni Beatrice.
“Nasa nitso,” ang sagot ni Erika. Kaya nagtanong si Beatrice kung ano ba ang nitso.
“Para itong drower na nabubuksan at naisasara,” ang paliwanag ni Erika. “Pero kapag naisara na ang drower, hindi mo na ito mabubuksan. Si Jehova lang ang makapagbubukas nito sa bagong sanlibutan.”
Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Erika sa kaibigan niya na Jehova ang pangalan ng Diyos, at gagawin niyang paraiso ang lupa, na hindi na magkakaroon ng sakit, at bubuhaying muli ang mga patay. Sinabi ni Erika kay Beatrice na tanungin ang nanay niya kung puwede siyang tumanggap ng regalong aklat na tumatalakay tungkol dito.
Nang sabihin ni Beatrice na pumayag ang nanay niya, ibinigay ni Erika sa kaniyang kaibigan ang isang kopya ng aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro. Lagi pa ring nakikipag-usap sa iba si Erika tungkol sa mga natututuhan niya sa Bibliya at binigyan pa nga niya ng isang kopya ng nasabing aklat ang kaniyang guro.
Siyempre, nalulungkot pa rin paminsan-minsan si Erika at ang kaniyang kapatid dahil sa pagkamatay ng kanilang tatay. Pero nababawasan ang lungkot nila dahil sa pag-asa na pagkabuhay-muli. Ang mga batang ito, gaya ng maraming iba pa sa buong daigdig, ay nagpapasalamat kay Jehova, ang Diyos ng tunay na kaaliwan.—Mateo 21:16; 2 Corinto 1:3, 4.
Maaari kang humiling ng isang kopya ng aklat na ito na may 256 na pahina, may magagandang larawan, at kasinlaki ng magasing ito. Punan lamang ang kalakip na kupon at ipadala sa adres na nasa kupon o sa isang angkop na adres na nakatala sa pahina 5 ng magasing ito.
□ Interesado akong tumanggap ng isang kopya ng aklat na ipinakikita rito.
□ Pakisuyong makipag-ugnayan sa akin tungkol sa isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.