Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Masama sa Pagmumura? (Marso 2008) Lumaki ako sa isang Kristiyanong pamilya, pero nakagawian ko nang magmura. Kahit anong gawin ko, hindi ko ito maitigil. Pero natulungan ako ng artikulong ito na makontrol ang sarili ko. Gaya ng sinasabi sa artikulo, ayaw kong gamitin sa maling paraan ang kaloob na kakayahang magsalita. Kaya ngayon, nag-iisip muna ako bago magsalita. Maraming salamat po.
C. P., Brazil
Labindalawang taóng gulang po ako. Ang dami pong nagmumura sa eskuwelahan, at natatakot ako na baka isang araw, pati ako, bigla na lang makapagmura. Susulat na po sana ako para hilingin na sumulat kayo ng isang artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” tungkol sa paksang ito, pero sakto namang dating ng artikulo na gusto kong lumitaw sa Gumising! Ipinaalaala po sa akin ng artikulo kung bakit masamang magmura, kaya lalo ko na po talaga itong iiwasan. Sana ituloy n’yo lang po ang pagsusulat ng ganitong mga artikulo!
A. P., Estados Unidos
Paglilinis ng bahay ang hanapbuhay naming mag-asawa, at isa sa mga may-bahay ang nagsabi na “new year’s resolution” niyang hindi na siya magmumura. Sinabi niyang araw-araw niyang hinihiling sa Diyos na tulungan siyang maalis ang masamang ugaling ito. Humihingi rin siya ng kahit anong literatura tungkol sa paksang ito. Ipinanalangin ko ito, at gaya rin ng dati, nag-download ako sa MP3 player ng bagong mga magasin mula sa Web site na www.jw.org. Maguguniguni ninyo siguro kung gaano ako kasaya nang mapakinggan ko kinabukasan ang talaan ng mga nilalaman! Kahit na para sa mga kabataan ang artikulo, alam kong may mapupulot pa rin siyang praktikal na payo dito. Sabik na sabik na akong ibahagi ito sa kaniya.
S. C., Estados Unidos
Pagkontrol ng Trapiko sa Himpapawid—Ano ang Papel Nito sa Ligtas na Paglipad ng mga Eroplano? (Abril 2008) “Ligtas na at puwede nang bumiyahe!” ang nasabi ko pagkabasa ko sa artikulo. Lumakas ang loob ko at mas panatag na ako ngayon dahil ipinakita ng Gumising! na talagang interesado sa kaligtasan ng mga pasahero ang mga tagakontrol ng trapiko sa himpapawid. Salamat po.
T. S., Brazil
Ano ang Sagot Mo? Ako po ay 12 taóng gulang at nakatira sa timugang Ireland. Salamat po sa mga quiz para sa mga bata sa likod ng Gumising! Ang galing po ng naisip ninyo. Naeengganyo tuloy kaming basahin ang magasin para masagutan ang mga tanong. Sana po laging may ganitong seksiyon. Salamat po uli.
A. C., Ireland