Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ “Sa kasalukuyan, mga dalawang bilyong tonelada ng nakalalasong basura ang nasa teritoryo ng Russia, at walang epektibong paraan para idispatsa ang mga ito.”—RIA NOVOSTI, RUSSIA.
◼ Biglang tumaas ang mga kaso ng pamimirata sa karagatan ngayong ika-21 siglo. Halimbawa, noong 2007, “nagkaroon ng 263 kaso ng pamimirata at tangkang pamimirata.”—THE WALL STREET JOURNAL, E.U.A.
Mga Buntis na Umiinom ng Alak
Taun-taon, mga 10,000 sanggol sa Alemanya ang ipinanganganak na may depekto dulot ng pag-inom ng alak, ang ulat ng Süddeutsche Zeitung. Grabe at permanente ang kapansanan ng mga 4,000 sa mga batang ito. “Kahit kaunting alak lang ang inumin ay delikado na sa isang buntis,” ang babala ng drug commissioner na si Sabine Bätzing. “Kailangang ipamulat sa mga doktor, komadrona, o nagbubuntis na kahit kaunti at paminsan-minsan lang umiinom [ang isang buntis], maaari itong makaapekto sa isip, katawan, o kaya nama’y paggawi ng bata.”
Paghahalaman—Maganda sa Kalusugan Mo
“Sa ginagawang pananaliksik, natuklasan na ang pagtatanim ng sarili mong mga gulay at prutas—gaano mo man ito kadalas gawin—ay makabubuti pala talaga sa iyong kalusugan,” ang sabi ng Psychology Today. Ipinakikita ng pananaliksik na kapag ang “ilang uri ng mycobacteria sa lupa” ay pumasok sa katawan o nasinghot, ‘malaki ang maitutulong nito sa immune system ng tao.’ Kaya sinasabi ng magasin na “tumitibay ang ebidensiya na ang pagpasok sa katawan ng mga elemento sa lupa ay nakabubuti sa kalusugan ng tao tulad ng naidudulot mismo ng masusustansiyang prutas at gulay na tumutubo rito.”
Pinakamahabang Tuluy-tuloy na Paglipad
Iniulat ng mga siyentipiko ng U.S. Geological Survey (USGS) ang “naitalang pinakamahabang tuluy-tuloy na paglipad ng isang land bird.” May mga bar-tailed godwit na sinubaybayan ng satelayt sa pagtawid sa Karagatang Pasipiko para sa kanilang taunang pandarayuhan. Isang babaing godwit ang tuluy-tuloy na lumipad nang 11,650 kilometro mula Alaska hanggang New Zealand sa loob ng walong araw. Pagdating nito sa New Zealand, “bumaba nang kalahati ang timbang nito na 700 gramo,” ang sabi ng magasing The Week. Sa kanilang paglalakbay pabalik, lumipad ang mga godwit mula New Zealand papuntang Tsina, pagkatapos ay sa Alaska—29,000-kilometrong balikang paglalakbay. “Kung 29,000 kilometro ang aberids na distansiyang nililipad ng mga godwit taun-taon,” ang sabi ng USGS, “mga 463,000 kilometro ang nalilipad ng adultong godwit sa buong buhay nito.”
Paghuli sa mga Magnanakaw ng Kaktus
Ang espesyal na mga kaktus sa Saguaro National Park, Arizona, E.U.A., ay ninanakaw. “Lahat ng tao ay gustong magkaroon ng saguaro sa kanilang bakuran,” ang sabi ni Jim McGinnis ng office of special investigation ng Department of Agriculture sa Arizona. Kaya karaniwan nang makakakita sa disyerto ng sasakyang may dalang kaktus. Puntirya ng mga magnanakaw ang uri ng kaktus na isa hanggang dalawang metro ang taas, na maibebenta nila nang isang libong dolyar o higit pa. Para masugpo ang pagnanakaw, plano ng mga opisyal na lagyan ng microchip ang mga kaktus. Kapag ginamitan ng scanner, malalaman kung ang kaktus na ibinebenta ng mga tindahan o ng mga nagla-landscape ay ninakaw sa National Park.