Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tapat at Nagtutulungang mga Magulang

Tapat at Nagtutulungang mga Magulang

Tapat at Nagtutulungang mga Magulang

◼ Halos nagyeyelo na ang paligid sa mataas na talampas ng Gauteng sa Timog Aprika. Mula sa aking ikatlong-palapag na opisina, aliw na aliw ako sa panonood sa isang punungkahoy na walang dahon habang ito’y umiindayog sa saliw ng humuhugong na hangin sa taglamig. Sa isang sanga ng punungkahoy, pinoprotektahan ng isang laughing dove, isang uri ng kalapati, ang kaniyang dalawang inakay mula sa malamig na hangin.

Bago mangitlog ang inahin, nagtulungan muna ang mag-asawang kalapati sa paggawa ng pugad​—ang lalaking kalapati ang nagdadala ng maliliit na sanga at dayami at ang babae naman ang nag-aayos ng mga ito. Napakahusay ng pagkakagawa nila dahil hindi man lamang nasira ng malalakas na hampas ng hangin ang pugad na ito na naging tahanan na ng mga itlog. Kung gabi, ang babaing kalapati ang lumilimlim sa mga itlog na ito, at kung araw naman ay ang lalaki. Pagkalipas ng mga dalawang linggo, pisa na ang mga itlog. Bago matapos ang dalawa pang linggo, malalaki na ang mga inakay na ito at kaya na rin nilang lumipad.

Pakinggan mo! Naririnig mo ba ang magandang huni na parang tunog ng mahinang halakhak? Ibig sabihin nito, dumating na ang babaing kalapati para palitan ang kaniyang asawa sa pagbabantay sa mga inakay. Mayroon itong pagkain sa lalamunan para sa kaniyang gutóm na mga inakay. Kahit nakalilipad na ang mga ito, patuloy pa rin silang pinakakain ng kanilang mga magulang hanggang sa kaya na nilang pangalagaan ang kanilang sarili.

Madalas kong hangaan ang pagtutulungan at mapagmahal na pangangalaga ng mga ibong iyon, na likas nilang naipamamana sa bawat henerasyon. Naalaala ko tuloy ang mga salita sa Awit 86:8: “Walang katulad mo . . . , O Jehova, ni mayroon mang mga gawa na tulad ng sa iyo.”

Sa nasusulat na Salita ng Diyos na Jehova, ang Bibliya, binigyan niya ang mga magulang ng maaasahang patnubay na maitutulad sa likas na katangiang ibinigay niya sa mga kalapati. Halimbawa, pinapayuhan ng Bibliya ang mga ina na “ibigin ang kanilang mga anak.” (Tito 2:4) Sa mga ama naman ay sinasabi nito: “Huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4; 1 Timoteo 5:8) Tiyak na napakahalaga sa paningin ng Diyos ang mga magulang na sumusunod sa mga payong ito.