Sining ng Paggawa ng Espresso
Sining ng Paggawa ng Espresso
Daan-daang bilyong tasa ng kape ang iniinom taun-taon, kaya naman masasabing isa ito sa pinakapopular na inumin sa daigdig.
PARA sa ilang mahilig sa kape, ang espresso na tamang-tama ang pagkaka-brew ang “tunay na kape,” ang sabi ng babasahing Scientific American, “dahil lumalabas ang tunay na lasa ng beans sa pamamagitan ng prosesong ito.” Sa prosesong ito, itinutulak ng malakas na pressure ang singaw o mainit na tubig sa pinung-pinong giniling na kape.
“Gustung-gusto ng mga tao ang iba’t ibang uri ng kapeng espresso sa mga coffee shop, at gusto nilang makagawa ng ganito kasarap na kape sa kanilang bahay,” ang sabi ng isang eksperto sa industriya ng kape, na kinapanayam ng Gumising! Posible na ito dahil mayroon na ngayong mga pambahay na espresso machine. Kaya naman sa ilang lupain, parami nang parami ang gumagawa ng sarili nilang kapeng espresso.
Mahilig ka bang magkape? Gusto mo bang maging eksperto sa paggawa ng espresso? Paano ba ang paggawa ng napakasarap na espresso? Tanungin natin si John at ang tatay niyang si Gerardo, mga eksperto sa kape na taga-Sydney, Australia.
Tamang-tamang Timpla
Sa loob ng pabrika nina John at Gerardo, saku-sakong beans na hindi pa naibubusa ang nakahilera sa pader. Ang mga ito’y nanggaling pa sa iba’t ibang panig ng daigdig. “Pinaghahalu-halo ko ang iba’t ibang uri ng beans ayon sa isang subók nang timpla,” ang sabi ni John. “Ang bawat uri ng beans ay may kani-kaniyang katangian, na kapag pinagsama-sama ay nagbibigay ng isang partikular na lasa sa kape. Matagal-tagal din bago mo makuha ang gusto mong timpla. Sa katunayan, inabot ako ng anim na buwan bago ko nakuha ang timpla ng aming pinakamabiling espresso.” Kaya naman pala pinakaiingatan ng mga gumagawa ng kape ang kanilang sekretong resipi!
Malaki ang epekto ng pagbubusa sa lasa ng espresso. Kaya naman si Gerardo ang nangangasiwa sa gawaing ito, yamang siya ay makaranasan at eksperto rito. Habang ibinubusa ang beans, sumisingaw ang tubig at carbon dioxide mula rito. Lumalaki ang beans at pumuputok ang balat nito. Kapag pumutok na ang balat, naglalabas ito ng mabangong langis. Ang langis na ito ang nagbibigay ng partikular na aroma at lasa sa espresso. Ang sekreto ng paggawa ng espresso ay nasa ekspertong pagbubusa ng beans—kung kailan babaguhin ang lakas ng apoy o tindi ng init at kung gaano katagal ang pagbubusa.
Matapos ibusa, ang mainit at mangitim-ngitim na beans ay inilalagay ni Gerardo sa isang metal na basket at saka binubugahan ng malamig na hangin para hindi masobrahan ang luto. “Pinakamasarap ang kape mga isa o dalawang araw matapos itong ibusa,” ang sabi ni John. Nanunuot na sa beans ang langis na nagbibigay ng lasa rito at puwede na ngayon itong i-brew.
Sining ng Paggawa ng Espresso
“Sa lahat ng pamamaraan ng paggawa ng kape, ang paggawa ng espresso ang pinakamahusay—pero pinakamahirap gawin,” ang paliwanag ni John. Para makagawa ng tunay na espresso, dapat na maging eksperto ka sa tatlong bagay: paggiling ng beans (1), pagpikpik sa giniling na kape sa filter basket ng coffee machine (2), at pagpapatulo ng espresso (3). “Dapat na tamang-tama ang pagkakagiling sa beans,” ang sabi ni John. “Kung masyadong magaspang, ang espresso ay magiging malabnaw at matabang. Kung masyado namang pino, magiging mapait ito at lasang sunóg. Malalaman mong magaspang o pino ang pagkakagiling
kapag tumulo na ang espresso. Makikita sa crema—makremang bula sa ibabaw ng mainit na espresso—kung tamang-tama ang pagkakakatas sa langis ng kape.”Matapos gilingin ang beans, inilagay ito ni John sa filter basket at saka pinikpik hanggang sa kuminis ang ibabaw nito. Pagkatapos, ikinabit niya ang filter basket sa coffee machine at binuksan ang pump. Mabilis na tumulo ang mainit at mamula-mulang kape. Napansin agad ni John na masyadong magaspang ang pagkakagiling sa beans. “Mahirap matsambahan ang timpla ng tunay na espresso,” ang sabi niya. “Subukan natin ngayong gilingin nang pinung-pino ang beans. Pagkatapos, pikpikin pa natin itong mabuti para bumagal ang pagtulo ng kape.”
Matapos itong gawin ni John, pinaandar na niya ulit ang machine. Tumulo na ngayon ang makremang espresso na halos kasinlapot ng honey. Amoy na amoy ang napakabangong kape, at kitang-kita sa mga ngiti ni John na nakuha na niya ang tamang timpla. “Napakahalagang ihinto ang pagtulo kapag pumupusyaw na ang kulay ng kape,” ang sabi niya. Wala pa itong 30 segundo. “Kung hindi, masyado nang papait ang kape at sosobra na ang caffeine nito,” ang dagdag niya.
“Ito ang tunay na espresso,” ang sabi ni John, habang pinagmamasdan ang makapal at pinung-pinong crema nito. “Gusto n’yo?”
Mas gusto ng ilan ang purong espresso, na karaniwang tinatawag na “short black.” Sa ibang salita, wala silang ibang inihahalo sa kape, maliban siguro sa kaunting asukal. Ang iba naman ay naglalagay ng mainit na gatas para gawin itong cappuccino, latte, o iba pang timpla. “Sa ngayon, ang 90 porsiyento ng benta ng inuming may espresso ay yaong tinimplahan ng gatas,” ang sabi ng Fresh Cup Magazine. a
Talagang masarap magkuwentuhan habang umiinom ng kape o tsa. “Nag-uumpukan ang mga tao kapag may masasarap na inumin,” ang sabi ni John. “Iyan ang pinakamaganda sa mga inuming ito!”
[Talababa]
a Kung iniisip mo na baka dapat iwasan ng isang Kristiyano ang kape at tsa dahil mayroon itong nakaaadik na caffeine, puwede mong basahin ang artikulong “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” ng magasing Ang Bantayan, isyu ng Abril 15, 2007.
[Kahon/Larawan sa pahina 15]
PAGBILI AT PAGTATAGO NG KAPE
“Nababawasan ang lasa ng kape isang linggo pagkabusa rito, isang oras pagkagiling dito, at ilang minuto pagka-brew dito,” ang sabi ng isang manual sa pagbili ng kape. Kaya kung bibili ka ng beans, makabubuting kaunti lamang ang bilhin at itago ito sa malamig at madilim na lugar. Pero huwag mo itong ilalagay sa refrigerator, dahil baka magbasa-basâ ito at mawalan ng lasa. Tiyakin ding mai-brew agad ang kape matapos itong gilingin.
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Photo 3: Images courtesy of Sunbeam Corporation, Australia