Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Pagkakamaling Nauwi sa Digmaang Pandaigdig

Mga Pagkakamaling Nauwi sa Digmaang Pandaigdig

Mga Pagkakamaling Nauwi sa Digmaang Pandaigdig

Posible kayang sumiklab ang ikatlong digmaang pandaigdig dahil sa isang pagkakamali? Posible kayang magkamali ang mga opisyal ng pamahalaan at ng militar sa pagtantiya sa panganib nito, at sa gayo’y maging dahilan ng pagkamatay ng milyun-milyong tao?

HINDI natin alam. Pero ang alam natin, nangyari na mismo ang bagay na ito. Isang daang taon na ang nakalilipas, isinangkot ng mga lider sa Europa ang kani-kanilang bansa sa Malaking Digmaan, na nang maglaon ay tinawag na Digmaang Pandaigdig I. Wala silang kamalay-malay na ito pala’y magiging isang malagim na bangungot. “Napasubo kami sa digmaan,” ang inamin ni David Lloyd George, punong ministro ng Britanya mula 1916-1922. Tingnan natin ang ilang pangunahing pangyayari na nauwi sa malagim na patayan.

“Wala namang opisyal ng pamahalaan ang may gustong magkaroon ng malawakang digmaan,” isinulat ng istoryador na si A.J.P. Taylor, “gusto lang nilang manakot at manalo.” Para sa tsar o hari ng Russia, dapat gawin ang lahat ng paraan alang-alang sa kapayapaan. Hindi niya nais na magpasimuno ng isang kakila-kilabot na patayan. Pero sa paanuman, dahil sa dalawang putok ng baril noong Hunyo 28, 1914, mga alas 11:15 ng umaga, nagsimula ang malagim na bangungot.

Dalawang Putok na Bumago sa Daigdig

Pagsapit ng 1914, ang napakatagal nang iringan sa pagitan ng makapangyarihang mga bansa sa Europa ay nagdulot ng matinding tensiyon at nauwi sa pagbuo ng dalawang grupo ng magkakaalyadong bansa: ang Triple Alliance ng Austria-Hungary, Italya, at Alemanya at ang Triple Entente ng Britanya, Pransiya, at Russia. Bukod diyan, ang mga bansang ito ay may ugnayang pampulitika at pang-ekonomiya sa ilang bansa, kasama na ang mga nasa peninsula ng Balkan.

Nang panahong iyon, kinaiinisan na ng mga taga-Balkan ang pamumuno ng mas malalakas na bansa, kung kaya bumuo sila ng mga patagong samahan na ang adhikain ay ipaglaban ang kanilang kalayaan. Doon, isang maliit na grupo ng mga kabataan ang nagpakanang patayin nang pataksil ang artsiduke ng Austria na si Francis Ferdinand nang dumalaw ito sa Sarajevo, kabisera ng Bosnia, noong Hunyo 28, 1914. a Palibhasa’y iilan lamang ang pulis na naroroon, madali sana nilang magagawa ang kanilang pakana. Kaya lang, kulang sila sa pagsasanay. Isang kabataan ang naghagis ng maliit na granada pero hindi tumama sa target, at ang iba naman ay hindi agad nakakilos nang magkaroon sila ng pagkakataon. Ang kasabuwat nilang si Gavrilo Princip ang siyang nakapatay​—pero aksidente lang ito. Paano?

Nang makita ni Princip na buháy pa rin ang artsiduke, tinangka niyang makalapit sa kotse pero nabigo siya. Dahil nawalan na ng gana, naisipan na lang niyang magmeryenda sa isang tindahan sa kabilang kalsada. Sa galit ng artsiduke, ipinasiya nitong baguhin ang ruta niya. Pero dahil hindi alam ng drayber ang plano ng artsiduke, mali ang dinaanan niyang kalye. Kinailangan niyang iliko ang kotse pabalik. Tamang-tama naman, papalabas na noon si Princip mula sa tindahan at nasa tapat niya mismo ang target​—ang artsiduke na nakasakay sa kotseng walang bubong at wala pang tatlong metro ang layo mula sa kaniya. Tumapak si Princip sa may tagiliran ng kotse at dalawang beses na nagpaputok ng baril na pumatay sa artsiduke at sa asawa nito. b Malamang na walang kamalay-malay si Princip, isang inosenteng makabayang taga-Serbia, na ang kandilang sinindihan niya, wika nga, ay pagmumulan ng isang pagkalaki-laking sunog. Pero hindi lamang siya ang dapat sisihin sa kasunod nitong malalagim na pangyayari.

Namumuong Digmaan

Bago ang 1914, iba ang pangmalas ng mga Europeo sa digmaan. Para sa kanila, ito’y marangal at kapaki-pakinabang​—pero sinasabi nilang sila’y mga Kristiyano. Naniniwala pa nga ang ilang opisyal ng pamahalaan na magdudulot ito ng pagkakaisa sa bansa at magpapasigla sa mga mamamayan nito! Isa pa, tinitiyak ng ilang heneral sa kanilang mga lider na kayang-kaya nilang talunin ang kalaban sa loob lamang ng maikling panahon. “Sa loob lamang ng dalawang linggo, matatalo natin ang Pransiya,” ang pagmamalaki ng isang heneral na Aleman. Wala silang kamalay-malay na milyun-milyong sundalo ang mapapasabak sa labanan sa loob ng maraming taon.

Isa pa, noong mga taon bago ang digmaan, “lumaganap ang labis na pagkamakabayan sa buong Europa,” ang sabi ng aklat na Cooperation Under Anarchy. “Ang mga paaralan, unibersidad, pahayagan, at mga pulitiko ay nagkaisa sa pagpapalaganap ng ganitong labis na pagkamakabayan at pagmamapuri.”

Halos walang ginawa ang mga lider ng relihiyon para makontrol ang di-magandang ideolohiyang ito. Sinabi ng istoryador na si Paul Johnson: “Nasa isang panig ang Protestanteng Alemanya, Katolikong Austria, Ortodoksong Bulgaria at Muslim na Turkey. Nasa kabilang panig naman ang Protestanteng Britanya, Katolikong Pransiya at Italya, at Ortodoksong Russia.” Karamihan sa mga ministro, ang sabi pa niya, “ay nagsasabing magkaugnay ang Kristiyanismo at ang pagkamakabayan. Ang mga sundalong Kristiyano, anuman ang denominasyon nila, ay inutusang magpatayan sa ngalan ng kanilang Tagapagligtas.” Isinabak din pati ang mga pari at madre, at libu-libong pari ang napatay sa labanan.

Ang magkakaalyadong bansa sa Europa, na siyang dapat humadlang sa pagkakaroon ng malaking digmaan, ang malamang na siya pang nagpasimuno nito. Paano? “Mahigpit ang kapit sa isa’t isa ng makapangyarihang mga bansa sa Europa,” ang sabi ng Cooperation Under Anarchy. “Iniisip ng bawat bansa na ang kanilang seguridad ay nakadepende sa kanilang kaalyado, kaya naman obligado silang depensahan ang mga ito​—kahit ang mga ito na mismo ang nagbuyo sa mga kaaway para sumalakay.”

Ang isa pang panganib ay ang Schlieffen Plan ng Alemanya, na ipinangalan sa dating mataas na opisyal ng Alemanya na si Heneral Alfred von Schlieffen. Ang planong ito ng una at mabilisang pagsalakay ay nabuo sa pag-aakalang kailangang labanan ng Alemanya ang Pransiya at Russia. Tunguhin nilang talunin agad ang Pransiya habang naghahanda ang Russia, at saka nila sasalakayin ang Russia. “Kapag naisagawa na ang plano [Schlieffen], makatitiyak ang magkakaalyadong puwersa na magkakaroon ng digmaan sa Europa,” ang sabi ng World Book Encyclopedia.

Nagsimula Nang Lumaki ang Apoy

Bagaman hindi napatunayan sa isang opisyal na imbestigasyon na ang pamahalaan ng Serbia ang may kagagawan sa pataksil na pagpatay sa artsiduke, desidido pa rin ang Austria na tapusin na ang pagkasubersibo ng mga Slav. Gustung-gusto ng Austria na “turuan ng leksiyon ang Serbia,” ang sabi ng istoryador na si J. M. Roberts.

Para mapahupa ang tensiyon, nag-alok ng isang posibleng solusyon si Nicholas Hartwig, embahador ng Russia sa kabisera ng Serbia. Pero inatake siya sa puso at namatay habang nakikipagpulong sa mga kinatawan ng Austria. Nang dakong huli, noong Hulyo 23, 1914, pinadalhan ng Austria ang Serbia ng isang listahan ng mga kahilingan bilang ultimatum. Dahil hindi nasunod ng Serbia ang ilang kahilingan, agad na pinutol ng Austria ang kanilang diplomatikong ugnayan. Sa maigting na pagkakataong iyon, wala nang nagawa ang diplomasya.

Pero may ilang pagsisikap pa ring ginawa para maiwasan ang digmaan. Halimbawa, iminungkahi ng United Kingdom na magkaroon ng isang komperensiya na dadaluhan ng iba’t ibang bansa, at hiniling ng kaiser, o emperador, ng Alemanya sa tsar ng Russia na huwag bumuo ng opensiba. Pero wala silang nagawa sa sumunod na mga pangyayari. “Ang mga opisyal ng pamahalaan, mga heneral, at ang lahat ng bansa ay nadala ng matinding takot sa magiging takbo ng mga pangyayari,” ang sabi ng aklat na The Enterprise of War.

Ang emperador ng Austria, na nakatitiyak sa suporta ng Alemanya, ay nagdeklara ng digmaan laban sa Serbia noong Hulyo 28, 1914. Sinuportahan naman ng Russia ang Serbia at tinangkang pigilan ang Austria, anupat sinabing bumubuo sila ng mga isang milyong sundalong Ruso sa may border ng Austria. Bagaman mawawalan ng depensa ang Russia sa border ng Alemanya, napilitan pa rin ang tsar na ipadala ang lahat ng sundalo sa border ng Austria.

Tiniyak ng tsar sa kaiser na wala silang planong lusubin ang Alemanya. Pero dahil sa ginawang iyon ng Russia, kumilos agad ang Alemanya, at noong Hulyo 31, 1914, sinimulan nila ang pagsasagawa ng Schlieffen Plan, anupat nagdeklara ng digmaan laban sa Russia noong Agosto 1, 1914 at laban sa Pransiya pagkalipas ng dalawang araw. Dahil dadaan sa Belgium ang mga sundalong Aleman ayon sa Schlieffen Plan, binabalaan ng Britanya ang Alemanya na magdedeklara sila ng digmaan laban sa Alemanya kapag hindi kinilala ng bansang ito ang pagiging neutral ng Belgium. Pero dumaan pa rin ang mga Aleman sa Belgium noong Agosto 4. Nagsimula nang lumaki ang apoy.

“Ang Pinakamalubhang Pagbagsak ng Diplomasya sa Modernong Panahon”

“Naganap ang pinakamalubhang pagbagsak ng diplomasya sa modernong panahon nang magdeklara ng digmaan ang Britanya,” isinulat ng istoryador na si Norman Davies. Isinulat naman ng isa pang istoryador na si Edmond Taylor na matapos magdeklara ng digmaan ang Austria noong Hulyo 28, “ang patuloy na paglalabu-labo ng mga bansa ang isang malaking dahilan [ng digmaan]. Napakaraming pangyayari ang napakabilis na naganap sa napakaraming lugar. . . . Litung-lito na kahit ang pinakamarurunong na opisyal ng pamahalaan sa Europa.”

Mahigit 13 milyong sundalo at sibilyan ang nasawi dahil sa ‘paglalabu-labong’ ito. At ang maaliwalas na kinabukasang inaasahan ng mga tao ay nagdilim dahil sa laganap na pagpapatayan ng mga sibilisadong tao gamit ang napakaraming malalakas at bagong-imbentong mga sandata. Hindi na kailanman maibabalik ang dating kalagayan ng daigdig.​—Tingnan ang kahong “Digmaang Pandaigdig​—Isang Tanda ng mga Panahon?”

[Mga talababa]

a Ang Bosnia ay bahagi ngayon ng bansang Bosnia and Herzegovina.

b Aksidente lamang ang pagkakapatay ni Princip sa asawa ng artsiduke. Ang talagang babarilin niya ay ang gobernador ng Bosnia, si Heneral Potiorek, na kasama ng mag-asawa sa kotse, pero hindi ito ang tinamaan.

[Kahon/Larawan sa pahina 20]

DIGMAANG PANDAIGDIG​—ISANG TANDA NG MGA PANAHON?

Inihula ng Bibliya na ang mga digmaan ay magiging bahagi ng tanda ng mga huling araw ng napakasamang daigdig sa ngayon. (Mateo 24:3, 7; Apocalipsis 6:4) Ipinahihiwatig ng katuparan ng tandang iyan na napakalapit nang mamahala sa buong lupa ang Kaharian ng Diyos.​—Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.

Bukod diyan, aalisin ng Kaharian ng Diyos ang di-nakikitang puwersang nananaig sa daigdig​—ang napakasasamang espiritu sa pangunguna ni Satanas na Diyablo. “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” ang sabi ng 1 Juan 5:19. Ang masamang impluwensiya ni Satanas ang isa sa dapat sisihin sa maraming paghihirap ng mga tao, at tiyak na kasama na rito ang kapaha-pahamak na mga pangyayaring nauwi sa Digmaang Pandaigdig I.​—Apocalipsis 12:9-12. c

[Talababa]

c Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga huling araw at sa napakasasamang espiritung ito, tingnan ang salig-Bibliyang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Credit Line]

U.S. National Archives photo

[Larawan sa pahina 19]

Pataksil na pagpatay kay Artsiduke Ferdinand

[Credit Line]

© Mary Evans Picture Library