Pilit Mong Itinatago—Pilit Nilang Inaalam!
Pilit Mong Itinatago—Pilit Nilang Inaalam!
Nakapag-solve ka na ba ng anagram? Nasubukan mo na bang bumili ng anumang bagay sa Internet o tingnan ang iyong bank record gamit ang computer? Kung oo, nakapasok ka na sa daigdig ng mga code, cipher, encryption, at decryption.
NOON, mga pulitiko lamang, embahador, espiya, at militar ang karaniwang gumagamit ng sekretong mga code. Hindi na ngayon. Mula nang maimbento ang mga computer at Internet, kadalasan nang napananatiling kompidensiyal ang mahahalagang impormasyon sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan, kasali na ang paghingi ng password na tinitiyak muna ng computer kung tama bago mabuksan ang mga rekord. Talagang napakahalagang bahagi ng buhay sa ngayon ang paggamit ng mga code.
Kaya makatuwirang itanong natin sa ating sarili: Gaano ba ka-safe ang kompidensiyal kong mga rekord? May magagawa ba ako para sa aking seguridad? Bago natin sagutin ang mga tanong na ito, tingnan natin ang kasaysayan ng matagal nang labanan ng mga gumagawa ng sekretong mga code at ng mga dumidiskubre ng code—isang labanan na halos sintanda na ng pagsulat mismo.
Sekretong mga Mensahe
Ang isang klase ng pagsulat ng sekretong mensahe na matagal nang ginagamit ay ang tinatawag na steganography. Ginagamit ang steganography para itago ang mismong nakasulat na mensahe. Iniulat ng sinaunang istoryador na si Herodotus na nakita ng isang tapong Griego na naghahanda ang Persia sa pag-atake sa kaniyang bayan. Para mababalaan ang kaniyang mga kababayan, sumulat siya ng mensahe sa mga tapyas ng kahoy at pinahiran ito ng
wax para matakpan ang sulat, isang taktikang ginamit din ng sinaunang mga Romano. Ayon kay Herodotus, dahil sa simpleng taktikang iyon, nakapaghanda ang mga Griego sa pag-atake ng hari ng Persia na si Jerjes kaya natalo nila ang mga Persiano.Kasali sa makabagong steganography ang paggamit ng microdot pati na watermarking paper at image para protektahan ang copyright. Noong Digmaang Pandaigdig II, ang microdot na ginamit ay mga larawang pinaliit hanggang sa maging parang tuldok. Palalakihin na lang ito ng tumanggap ng mensahe. Ganito rin ang ginagawa sa ngayon ng mga nagbebenta ng ilegal na pornograpya. Gumagamit sila ng computer software para itago ito sa mukhang disenteng digital na mga larawan, text, o sound file.
Sa steganography, nakatago ang mismong nakasulat na mensahe kaya hindi madaling mahahalata ang nagdadala o tumatanggap ng mensahe. Pero sakaling madiskubre ang mensahe, mababasa ito—maliban na lang kung ito ay encrypted.
Itinatago ang Kahulugan
Ang cryptology ay paraan ng pagpapanatiling kompidensiyal ng impormasyon sa pamamagitan ng pagtatago, hindi ng mismong sulat, kundi ng kahulugan nito. Para magawa ito, ang mensahe ay nirarambol at binubuong muli batay sa pinagkasunduang tuntunin, kaya ang mga nakakaalam lamang sa tuntunin ang makakaintindi sa mensahe.
Itinatago ng sinaunang mga Spartan ang kahulugan ng mensahe gamit ang isang simpleng baston na tinatawag na scytale. Isang istrip ng pergamino o katad ang mahigpit na ibabalot nang paikot sa baston at pagkatapos ay isusulat roon ang mensahe. Kapag kinalag sa baston, ang makikita lamang sa istrip ng katad ay walang-kahulugang mga letra. Pero kapag nakarating ito sa taong padadalhan at ibinalot ang istrip na katad paikot sa isa pang baston na may parehong diyametro, mababasa na niya ang mensahe. Kung minsan, tulad ng sa steganography, itinatago ang nakasulat na mensahe—isisinturon ng mensahero ang istrip ng katad, na ang parteng may sulat ang nakaharap sa katawan.
Sinasabi na sa panahon ng digmaan, itinatago ni Julio Cesar ang kahulugan ng ipinapadala niyang mensahe sa pamamagitan ng pagpapalit-palit ng mga letra—halimbawa, pinapalitan niya ang bawat letra ng kasunod na ikatlong letra sa alpabeto. Kaya ang a ay magiging d, ang b ay e, at iba pa.
Pagsapit ng Renaissance sa Europa, lalong sumulong ang cryptography. Isa sa mga nagsulong nito ay si Blaise de Vigenère, isang Pranses na diplomatiko na isinilang noong 1523. Isinulong niya ang isang sistema, na dati nang naimbento, kung saan itinatago ang mensahe sa grupo ng mga alpabeto. Ang kaniyang teknik, na inakala nilang walang makakadiskubre, ay tinawag nilang “code na hindi kayang i-decode” (le chiffre indéchiffrable). Pero matinik man ang mga gumagawa ng sekretong mga code, naging matinik din ang mga dumidiskubre ng mga code.
Halimbawa, nang suriin ng mga iskolar ng Islam ang Koran, na nasa wikang Arabe, napansin nila na mas madalas lumitaw ang ilang letra kaysa sa iba, na karaniwan din sa iba pang wika. Nakatulong ang obserbasyong ito para mabuo ang isang mahalagang teknik sa cryptography na tinatawag na frequency analysis. Sa pamamagitan ng pagbilang kung ilang ulit lumitaw ang isang letra, malalaman nila ang kahulugan ng letra at grupo ng mga letra sa isang mensahe.
Pagsapit ng ika-15 siglo, naging karaniwan na sa mga diplomatiko ng Europa na gumamit ng cryptography para ikubli ang kahulugan ng kanilang mensahe. Pero hindi ito laging garantisado. Halimbawa, na-decode ng Pranses na si François Viète ang sekretong code ng maharlikang korte ng Espanya. Sa matinding pagkadismaya, sinabi ni Haring Philip II na kasabuwat ni Viète ang Diyablo at ipinaglaban niyang dapat itong litisin sa hukumang Katoliko!
High-Tech Na!
Pagdating ng ika-20 siglo, lalo na noong dalawang digmaang pandaigdig, lalo pang sumulong ang cryptography. Nagkaroon ng masalimuot na mga kagamitan, gaya ng German Enigma, na parang makinilya. Habang nagta-type ng mga letra, may magkakatabing rotor na de-kuryente na gumagawa ng sekretong code. Pagkatapos ay ipadadala ito sa pamamagitan ng Morse code at ide-decode naman ng isa pang Enigma. Pero dahil sa mga pagkakamali at hindi pag-iingat ng pagód nang mga opereytor, nagkakaroon ng ideya ang mga dumidiskubre ng mga code kung paano makukuha ang kahulugan ng mensahe.
Sa panahon ng makabagong teknolohiya, ang sistema sa mga bangko, money transfer, at pagbabayad ng mga bill—pati na ang mga rekord sa ospital, korporasyon, at gobyerno—ay pinoprotektahan sa pamamagitan ng komplikadong mga encryption. Ito ay mababasa lamang ng mga may decryption program na siyang magbabalik sa orihinal na anyo ng mensahe.
Ang isang karaniwang susi ay may set ng mga uka, samantalang ang digital key ay isang set ng mga numerong zero at one na may iba’t ibang kombinasyon (ang isang numero ay isang bit). Kapag mas mahaba ang key, mas marami itong kombinasyon, kaya mas mahirap i-decode. Halimbawa, ang 8-bit key ay may 256 na posibleng permutation, o kombinasyon, samantalang ang 56-bit key ay may mahigit 72 quadrillion na kombinasyon. Ang kasalukuyang standard na ginagamit sa secured Web browsing ay 128-bit key, na mas marami nang 4.7 sextillion na kombinasyon kaysa sa 56-bit key! a
Gayunpaman, mayroon pa ring nakakapagnakaw ng kompidensiyal na mga impormasyon. Halimbawa, noong 2008, ang pederal na mga tagausig sa Estados Unidos ay nagsampa ng sinasabing pinakamalaking kaso ng pagnanakaw ng pagkakakilanlan (identity theft) laban sa 11 lalaki. Ang grupo ay sinasabing gumamit ng mga laptop computer, wireless na mga gadyet, at di-pangkaraniwang mga software para makuha ang numero mula sa mga credit card at debit card na ginagamit sa pagbabayad sa mga cash register.
Safe ba Talaga ang mga Kompidensiyal Mong Rekord?
Siyempre pa, hindi naman basta-basta madidiskubre ang mga code na proteksiyon ng iyong mga bank account at transaksiyon sa Internet. Pero nakadepende nang malaki sa iyo ang pagiging safe nito. Sinasabi ng Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.” (Kawikaan 22:3) Kaya maging matalino at ‘magkubli,’ wika nga, para makaiwas sa pandaraya at pagnanakaw. Gawin ang sumusunod na mga hakbang:
◼ Gumamit ng antivirus software sa iyong computer.
◼ Maglagay ng program na makakadetek ng spyware.
◼ Mag-install ng firewall.
◼ Laging i-update ang mga nabanggit, at mag-install ng security update sa ginagamit mong mga program at operating system.
◼ Mag-ingat sa mga link o sa natatanggap mong mga attachment sa e-mail o instant message, lalo na kung hindi mo kilala ang pinanggalingan nito at humihingi ito ng personal na impormasyon gaya ng password mo.
◼ Kapag nagpapadala ng mahahalagang impormasyon, gaya ng detalye sa credit card, gumamit ng encrypted connection, o mag-log off sa Web site kung tapos ka na. b
◼ Mag-isip ng password na mahirap mahulaan, at ingatan ito.
◼ Huwag kopyahin o buksan ang isang software na hindi mo alam kung kanino galing.
◼ Regular na gumawa ng back-up file, at itago ito.
Kung gagawin mo ang simpleng pag-iingat na iyan at ang iba pang inirerekomenda sa ngayon at irerekomenda sa hinaharap, mas malamang na magkaroon ka ng seguridad at maingatang kompidensiyal ang personal mong rekord.
[Mga talababa]
a Ang isang quadrillion ay 1 na sinusundan ng 15 zero. Ang isang sextillion ay 1 na sinusundan ng 21 zero.
b Ang mga encrypted Web page sa Web browser ay may mga secure-transaction symbol, gaya ng lock symbol o “https://” sa address bar. Ang s ay nangangahulugang secure.
[Larawan sa pahina 26]
Sinaunang scytale ng mga Spartan
[Larawan sa pahina 26]
Ang German Enigma noong ika-20 siglo
[Larawan sa pahina 26]
Gumagamit ngayon ng komplikadong encryption para maingatan ang mga personal na rekord