Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Bang Mas Mataas ang mga Lider ng Relihiyon Kaysa sa mga Miyembro Nito?
Father, His Holiness, His Eminence, Reberendo, Santo Papa—ilan lamang ito sa mga titulong itinatawag sa klero (mga lider ng relihiyon) para ipakita ang pagkakaiba nila sa lego (mga ordinaryong miyembro). Sa maraming relihiyon, karaniwan nang magkaiba ang klero at ang lego, pero kaayusan ba ito ng Diyos, o tradisyon lamang ng mga tao? Higit sa lahat, sang-ayon kaya rito ang Diyos?
“SA BAGONG Tipan at noong panahon ng mga apostol, walang tinatawag na klero o lego,” ang isinulat ng propesor sa teolohiya na si Cletus Wessels. Ganito ang sabi ng Encyclopedia of Christianity: “Unti-unting lumitaw ang pagkakaiba ng klero bilang mga nasa posisyon at ng lego bilang mga miyembro . . . Ang mga ‘ordinaryong’ miyembro ng simbahan ay itinuturing na walang alam tungkol sa Diyos o sa Bibliya.” Lalong nakita ang pagkakaibang ito noong ikatlong siglo C.E.—mahigit 200 taon pagkamatay ni Jesu-Kristo!
Yamang ang pagkakaibang ito ay hindi nakasalig sa halimbawang iniwan ng mga apostol ni Jesus at ng iba pang mga Kristiyano noon, ibig bang sabihin, mali ito? Ayon sa Bibliya, oo. Tingnan natin kung bakit.
“Lahat Kayo ay Magkakapatid”
Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na lahat ng Kristiyano ay naglilingkod bilang mga ministro ng Diyos at na walang nakatataas o nakabababa sa kanila. (2 Corinto 3:5, 6) Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay “sang-ayon na walang sinuman [sa kanila] ang dapat na nakatataas,” ang sabi ng manunulat ng relihiyon na si Alexandre Faivre. Kaayon ito ng sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Lahat kayo ay magkakapatid.”—Mateo 23:8.
Siyempre pa, may mga lalaking makaranasan at may-gulang sa espirituwal na naglilingkod bilang mga tagapangasiwa. Ang gawain nila ay magpastol at magturo. (Gawa 20:28) Pero ang mga lalaking ito ay hindi mga klerigong suwelduhan. Karamihan sa kanila ay mga ordinaryong tao na naghahanapbuhay—may asawa at mga anak. Isa pa, naging kuwalipikado silang maglingkod bilang tagapangasiwa, hindi dahil sa nag-aral sila sa mga seminaryo, kundi dahil sa naging masisipag silang estudyante ng Salita ng Diyos at nagtataglay ng mga katangiang hinihiling ng Diyos. Sila ay mga taong “katamtaman ang mga pag-uugali, matino ang pag-iisip, maayos, mapagpatuloy, kuwalipikadong magturo, hindi lasenggong basag-ulero, hindi nambubugbog, kundi makatuwiran, hindi palaaway, hindi maibigin sa salapi, isang lalaking namumuno sa kaniyang sariling sambahayan sa mahusay na paraan.”—1 Timoteo 3:1-7.
Kung Bakit Makabubuting Sundin ang Bibliya
“Huwag higitan ang mga bagay na nakasulat,” ang sabi ng Bibliya. (1 Corinto 4:6) Nakalulungkot, nasisira ang kaugnayan ng mga tao sa Diyos dahil binabale-wala nila ang utos na ito. At ganiyan ang nangyayari sa kaayusang klero-lego. Paano? Tingnan natin ang sumusunod na anim na punto.
1. Ang pagkakaroon ng hiwalay na uring klero ay nagpapahiwatig na ang Diyos ay tumatawag o pumipili ng espesipikong mga indibiduwal. Gayunman, sinasabi ng Bibliya na lahat ng Kristiyano ay dapat maglingkod sa Diyos at pumuri sa kaniyang pangalan. (Roma 10:9, 10) May kinalaman naman sa paglilingkod bilang mga ministro ng kongregasyon, ang mga lalaking Kristiyano sa pangkalahatan ay pinasisiglang maabot ang gayong pribilehiyo, at iyan ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova.—1 Timoteo 3:1.
Lucas 9:48) Kaayon nito, sinabihan niya ang kaniyang mga tagasunod na huwag gumamit ng mga relihiyosong titulo.—Mateo 23:8-12.
2. Napakataas ng tingin sa mga klero, at kitang-kita ito sa mga titulong itinatawag sa kanila. Pero sinabi ni Jesus: “Siya na gumagawing gaya ng isang nakabababa sa gitna ninyong lahat ang siyang dakila.” (3. Ang suweldo ng klero ay nanggagaling mismo sa bulsa ng lego, at nagiging pabigat ito lalo na kung maluho ang klero. Sa kabilang banda, nagpapakita ng magandang halimbawa ang mga tagapangasiwang Kristiyano dahil sila mismo ay nagtatrabaho para tustusan ang kanilang mga pangangailangan. a—Gawa 18:1-3; 20:33, 34; 2 Tesalonica 3:7-10.
4. Palibhasa’y umaasa sa pinansiyal na tulong ng iba, baka matukso ang isang klerigo na pagaanin ang turo ng Bibliya para kilitiin ang tainga ng mga tao. Sa katunayan, inihula ng Kasulatan na ganito nga ang mangyayari. “Darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga.”—2 Timoteo 4:3.
5. Sa kaayusang klero-lego, kontento na ang mga miyembro sa pagsisimba linggu-linggo at ipinauubaya na lamang nila sa klero ang mga bagay tungkol sa relihiyon. Pero ang lahat ng Kristiyano ay dapat na maging palaisip sa kanilang kaugnayan sa Diyos at maging mahuhusay na estudyante ng Bibliya.—Mateo 4:4; 5:3.
6. Kapag walang alam sa Bibliya ang lego, madali silang maililigaw, at mapagsasamantalahan pa nga, ng mga klerigo. Oo, makikita sa kasaysayan ang maraming halimbawa ng gayong pang-aabuso. b—Gawa 20:29, 30.
Bilang pagsunod sa sinasabi ng Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova ay walang tinatawag na uring klero, kundi mga espirituwal na pastol at guro na handang maglingkod sa kawan ng Diyos nang walang bayad. Para mapatunayan mo ito, bakit hindi mo subukang dumalo sa isang Kingdom Hall sa inyong lugar?
[Mga talababa]
a Noong unang siglo, may mga panahong ‘nabuhay sa pamamagitan ng mabuting balita’ ang ilang naglalakbay na tagapangasiwa. Sila’y kusang-loob na pinatuloy sa mga tahanan at sinuportahan sa pamamagitan ng mga abuloy.—1 Corinto 9:14.
b Ang ilan sa mga halimbawang ito ay ang pagbebenta ng indulhensiya, ang Inkisisyong Katoliko, at maging ang pagsunog ng mga klerigo sa Bibliya dahil ayaw nila itong ipagamit sa kanilang kawan.—Tingnan ang magasing Ang Bantayan, isyu ng Nobyembre 15, 2002, pahina 27.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Paano dapat magturingan ang mga lingkod ng Diyos?—Mateo 23:8.
◼ Anong mga kuwalipikasyon ang kailangang abutin ng mga lalaking Kristiyano para maging tagapangasiwa sa kongregasyon?—1 Timoteo 3:1-7.
◼ Bakit hindi sang-ayon ang Diyos sa kaayusang klero-lego?—1 Corinto 4:6.
[Blurb sa pahina 23]
Di-tulad ng klero, gumawi si Jesus gaya ng “isang nakabababa”