Dinaraig ng Pag-ibig ang Diskriminasyon
Dinaraig ng Pag-ibig ang Diskriminasyon
“Isang bagong relihiyosong komunidad ang lumitaw sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan: hindi isang bansa na relihiyon ang turing sa nasyonalismo, kundi isang grupo ng mga boluntaryo na isinaisantabi ang kanilang mga pagkakaiba sa lipunan, lahi, at bansa: mga lalaki at babae na nagsasama-sama bilang mga indibiduwal, sa harap ng kanilang diyos.”—A History of Christianity, ni Paul Johnson.
NANG lumaganap ang tunay na Kristiyanismo sa buong Imperyo ng Roma, namangha ang mga tao sa kanilang nakita—isang espirituwal na pamilya na binubuo ng iba’t ibang lahi at namumuhay nang sama-sama sa tunay na kapayapaan at pagkakaisa. Ang sekreto kung bakit may kapayapaan sa “pamilyang” ito ay tunay na pag-ibig, na salig, hindi lamang sa emosyon, kundi sa mismong mga simulaing itinuturo ng Diyos.
Ang mga simulaing iyon ay itinuro at isinabuhay ni Jesu-Kristo, na naging biktima mismo ng pagkapoot at malupit na diskriminasyon. (1 Pedro 2:21-23) Galing siya sa Galilea, at ang mga taga-Galilea—na karamihan ay mga magsasaka at mangingisda—ay minamaliit ng mga Judiong lider ng relihiyon sa Jerusalem. (Juan 7:45-52) Bukod diyan, si Jesus ay isang mahusay na guro na iniibig at iginagalang ng karaniwang mga tao. Dahil diyan, inggit na inggit sa kaniya ang mga lider ng relihiyon kaya nagkalat sila ng kasinungalingan tungkol sa kaniya at nagpakana pa nga na patayin siya!—Marcos 15:9, 10; Juan 9:16, 22; 11:45-53.
Pero si Jesus ay hindi “gumanti . . . ng masama para sa masama.” (Roma 12:17) Halimbawa, kapag may lumalapit sa kaniya na Pariseo—miyembro ng Judiong sekta na salansang kay Jesus—para taimtim na magtanong, mabait niya silang sinasagot. (Juan 3:1-21) Kumain pa nga siya kasama ng mga Pariseo, kasali na ang isa na mapapansing may diskriminasyon laban kay Jesus. Paano? Noong panahong iyon, kaugalian nang hugasan ang paa ng mga panauhin; pero hindi ginawa ng Pariseo ang kabaitang iyon kay Jesus. Sumamâ ba ang loob ni Jesus? Hindi. Sa katunayan, ginamit niya ang pagkakataong iyon para magturo ng magandang aral tungkol sa awa at pagpapatawad.—Lucas 7:36-50; 11:37.
Inibig ni Jesus ang mga Hinahamak
Ang isa sa mga kilalang talinghaga ni Jesus ay ang tungkol sa mabuting Samaritano, kung saan isang Samaritano ang gumastos ng sarili niyang pera para tulungan ang isang Judiong binugbog at ninakawan. (Lucas 10:30-37) Bakit masasabing pambihirang kabaitan ang ipinakita ng Samaritano? Kasi hinahamak ng mga Judio at Samaritano ang isa’t isa. Sa katunayan, kadalasang ginagamit ng mga Judio ang salitang “Samaritano” para laitin ang iba—maging si Jesus ay tinawag na Samaritano. (Juan 8:48) Kaya napakahusay ng ilustrasyong ito na ginamit ni Jesus para ituro ang tungkol sa pagpapakita ng pag-ibig sa kapuwa, anuman ang kanilang lahi.
Hindi lamang ito itinuro ni Jesus kundi nagpakita rin siya ng halimbawa, anupat pinagaling niya ang isang ketonging Samaritano. (Lucas 17:11-19) Bukod diyan, tinuruan niya ang iba pang mapagpahalagang Samaritano, at nakipag-usap pa nga nang matagal sa isang Samaritana—isang bagay na talagang pambihira. (Juan 4:7-30, 39-42) Bakit? Ang istriktong mga Judiong rabbi ay hindi nakikipag-usap sa sinumang babae sa publiko—kahit na sa isang malapit na kamag-anak—lalo pa nga sa isang Samaritana!
Pero ano kaya ang pangmalas ng Diyos sa isang taong nagtatangi pero nagsisikap namang alisin ang damdaming ito sa kaniyang puso? Muli, nakaaaliw ang sagot ng Bibliya sa bagay na ito.
Matiisin ang Diyos sa Atin
Noong unang siglo, maraming Judiong Kristiyano ang naimpluwensiyahan ng matagal nang diskriminasyon laban sa mga di-Judio, na karamihan sa mga ito ay nagiging mga mananampalataya. Paano nilutas ng Diyos na Jehova ang problemang ito na posibleng pagmulan ng pagkakabaha-bahagi? Matiyaga niyang tinuruan ang kongregasyong Kristiyano. (Gawa 15:1-5) Nagbunga ang pagtitiyagang iyon, dahil gaya ng binanggit sa pasimula ng artikulong ito, kinalimutan nila ang kanilang mga pagkakaiba sa lipunan, lahi, at bansa. Bilang resulta, “ang mga kongregasyon ay patuloy na napatatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw.”—Gawa 16:5.
Ang aral? Huwag kang sumuko, kundi patuloy na umasa sa Diyos, na saganang nagbibigay ng karunungan at lakas sa mga ‘patuloy na humihingi nang may pananampalataya’ para magawa nila ang tama. (Santiago 1:5, 6) Natatandaan mo ba sina Jennifer, Timothy, John, at Olga na binanggit sa unang artikulo ng seryeng ito? Nang maghaiskul si Jennifer, naging may-gulang na siyang Kristiyano at pinalalampas na lang niya ang mga panlalait sa kanilang lahi at ang panunukso sa kaniya. Di-nagtagal, nang tuksuhin ng mga kaklase niya ang isa pang babae, ipinagtanggol siya ni Jennifer at pinatibay.
Ano ang nakatulong kay Timothy para makontrol ang kaniyang sarili nang lait-laitin ng mga kaeskuwela niya ang kanilang lahi? Sinabi niya: “Ayokong mapintasan ang pangalan ng Diyos na Jehova. Lagi ko ring tinatandaan na kailangan nating ‘patuloy na daigin ng mabuti ang masama’ at huwag hayaang daigin tayo ng masama.”—Roma 12:21.
Nadaig ni John ang diskriminasyon laban sa kaklase niyang Hausa. “Noong tin-edyer ako,” ang naalaala niya, “nagkaroon ako ng mga kaibigang Hausa sa eskuwela. Nakasama ko sa paggawa ng project ang isa sa kanila at magkasundung-magkasundo kami. Ngayon pantay-pantay na ang
tingin ko sa mga tao anuman ang kanilang lahi o tribo.”Si Olga naman at ang partner niyang misyonera ay nanatiling matatag sa halip na matakot nang pag-usigin sila ng galit na galit na mga mananalansang, palibhasa’y umaasa sila na mayroon ding mga taong magpapahalaga sa mensahe ng Bibliya. At marami nga ang nagpahalaga. “Makalipas ang mga limampung taon,” ang sabi ni Olga, “isang lalaki ang lumapit sa akin at nag-abot ng isang magandang bag. May laman itong maliliit na bato na may nakasulat na mga Kristiyanong katangian, gaya ng kabutihan, kabaitan, pag-ibig, at kapayapaan. Sinabi niyang isa siya sa mga batang bumato sa akin at na Kristiyanong kapatid ko na siya ngayon. Pagkatapos, silang mag-asawa ay nagbigay pa ng dalawang dosenang puting rosas.”
Mawawala Na ang Diskriminasyon!
Malapit nang mawala ang diskriminasyon. Paano? Una, ang lupa ay pamamahalaan ng Isa na nakapagpatunay na “hindi siya hahatol ayon lamang sa nakita ng kaniyang mga mata”—si Jesu-Kristo. (Isaias 11:1-5) Bukod diyan, lubusang matutularan ng mga sakop ni Jesus sa lupa ang kaniyang saloobin, sapagkat ang lahat ay tuturuan niya at ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova.—Isaias 11:9.
Isinasagawa na ngayon ang pagtuturong ito ng Diyos at ni Jesu-Kristo para ihanda ang bayan ng Diyos sa bagong sistema ng mga bagay. Hinihimok ka namin na makipag-aral ng Bibliya para makinabang ka sa gayong libreng programa ng edukasyon. a Oo, hindi nagtatangi ang Diyos; kalooban niya na lahat ng uri ng tao ay “maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:3, 4.
[Talababa]
a Kung gusto mo ng libreng pag-aaral sa Bibliya sa oras at lugar na kumbinyente sa iyo, tumawag sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sa isa sa mga tanggapang pansangay na nakatala sa pahina 5. O makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa Web site na www.watchtower.org.
[Blurb sa pahina 8]
Malapit nang mawala ang diskriminasyon na nagpapahirap sa mga tao
[Kahon/Larawan sa pahina 8, 9]
MAKADIYOS NA MGA SIMULAIN PARA SA LAHAT
◼ “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. . . . Patuloy na daigin ng mabuti ang masama.” (Roma 12:17-21) Ang punto? Kahit hindi maganda ang pakikitungo ng iba sa iyo, gawan mo pa rin sila ng mabuti. “Kinapootan nila ako nang walang dahilan,” ang sabi ni Jesu-Kristo. Pero hindi siya gumanti.—Juan 15:25.
◼ “Huwag tayong maging egotistiko, . . . na nag-iinggitan sa isa’t isa.” (Galacia 5:26) Ang inggit at di-wastong pride ay makasisira sa ating kaugnayan sa Diyos at kadalasang humahantong sa pagkapoot at diskriminasyon.—Marcos 7:20-23.
◼ “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ba ang gusto kong maging pakikitungo sa akin ng iba?’ Pakitunguhan ang iba sa gayunding paraan, anuman ang kanilang edad, kulay ng balat, wika, o kultura.
◼ “Tanggapin ang isa’t isa, kung paanong tinanggap din tayo ng Kristo.” (Roma 15:7) Sinisikap mo bang makipagkilala sa mga taong iba ang pinagmulan at kultura, lalo na kung lingkod din sila ng Diyos?—2 Corinto 6:11.
◼ “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” (Awit 27:10) Anuman ang maging pagtrato sa iyo ng iba, hinding-hindi ka iiwan ng Diyos kung mananatili kang tapat sa kaniya.
[Larawan sa pahina 7]
Tinulungan ng isang mapagkawanggawang Samaritano ang isang Judiong ninakawan