Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Si Jesus ba ang Miguel na Arkanghel?

Si Jesus ba ang Miguel na Arkanghel?

▪ Ang sagot ay oo. Karaniwan sa maraming kultura ang magkaroon ng higit sa isang pangalan. Totoo rin ito sa mga pangalan sa Bibliya. Halimbawa, ang patriyarkang si Jacob ay tinawag ding Israel. (Genesis 35:10) Si apostol Pedro ay may limang pangalan​—Symeon, Simon, Pedro, Cefas, at Simon Pedro. (Mateo 10:2; 16:16; Juan 1:42; Gawa 15:7, 14) Paano natin matitiyak na ang Miguel ay pangalan din ni Jesus? Isaalang-alang ang sumusunod na katibayan mula sa Kasulatan.

Limang beses na binanggit sa Bibliya ang tungkol sa makapangyarihang espiritung nilalang na si Miguel. Tatlo sa mga ito ay nasa aklat ng Daniel. Sa Daniel 10:13, 21, mababasa natin na tinulungan ni Miguel, na tinatawag na “isa sa mga pangunahing prinsipe” at “prinsipe ninyo,” ang isang anghel na isinugo. Pagkatapos, sa Daniel 12:1, mababasa natin na sa panahon ng kawakasan, “tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na nakatayo alang-alang sa mga anak ng iyong bayan.”

Mababasa rin ang Miguel sa Apocalipsis 12:7. Inilalarawan doon si “Miguel at ang kaniyang mga anghel” na nakikipaglaban sa isang napakahalagang digmaan na nagpalayas kay Satanas na Diyablo at sa kaniyang masasamang anghel mula sa langit.

Pansinin na sa mga nabanggit, si Miguel ay inilarawan bilang isang mandirigmang anghel na nakikipagbaka para ipagsanggalang ang bayan ng Diyos, anupat hinaharap pati ang pangunahing kaaway ni Jehova, si Satanas.

Sa Judas talata 9, tinawag si Miguel na “arkanghel.” Sa Ingles, ito ay “archangel,” na ang unlaping “arch” ay nangangahulugang “pangunahin” o “pinuno.” Ang salitang ito ay hindi kailanman ginamit sa Bibliya sa pangmaramihang anyo. Binanggit din ang arkanghel sa 1 Tesalonica 4:16 kung saan ganito ang sinabi ni Pablo tungkol sa binuhay-muling si Jesus: “Ang Panginoon [si Jesus] mismo ay bababa mula sa langit na may nag-uutos na panawagan, may tinig ng arkanghel at may trumpeta ng Diyos.” Dito, si Jesu-Kristo mismo ang tinutukoy na arkanghel, o punong anghel.

Ano ang maaari nating maging konklusyon? Si Jesu-Kristo ay siya ring Miguel na arkanghel. Ang mga pangalang ito​—Miguel (nangangahulugang “Sino ang Katulad ng Diyos?”) at Jesus (nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan”)​—ay nakapokus sa kaniyang papel bilang ang pangunahing tagapagtaguyod ng soberanya ng Diyos. Sinasabi ng Filipos 2:9: “Dinakila siya [ang niluwalhating si Jesus] ng Diyos sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan.”

Mahalagang tandaan na hindi nagsimula ang buhay ni Jesus nang isilang siya bilang tao. Bago isilang si Jesus, dinalaw si Maria ng isang anghel na nagsabing maglilihi siya sa pamamagitan ng banal na espiritu at tatawagin niyang Jesus ang bata. (Lucas 1:31) Sa panahon ng kaniyang ministeryo, madalas banggitin ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pag-iral bago siya naging tao.​—Juan 3:13; 8:23, 58.

Kaya bago naging tao si Jesus, siya ay si Miguel na arkanghel. Pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli at pagbalik sa langit, si Jesus ay muling naglingkod bilang Miguel, ang punong anghel, “sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.”​—Filipos 2:11.