Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matutulungan ba ng Patay ang Buháy?

Matutulungan ba ng Patay ang Buháy?

Matutulungan ba ng Patay ang Buháy?

ANG kabataang lalaki na si Tamba sa Kanlurang Aprika, ay kukuha ng exam sa paaralan. * Iginigiit ng kaniyang ina na kailangan niyang humingi ng tulong sa patay niyang mga kamag-anak para makapasa. Sa Palermo, Sicily, dinadalaw ng mga turista ang mga sementeryo sa ilalim ng lupa kung saan nakadispley ang daan-daang napreserbang bangkay. Naniniwala ang ilan na nagbibigay ng proteksiyon sa mga buháy ang mga bangkay na ito. Taun-taon, ang mga tao ay nagpupunta sa Lily Dale, isang bayan sa kanluran ng Estado ng New York, E.U.A., na kilala dahil sa napakaraming espiritista roon. Umaasa silang makakausap at matutulungan sila ng kanilang namatay na mga kamag-anak o kaibigan.

Sa buong daigdig, naniniwala pa rin ang mga tao na maaaring tulungan ng mga patay ang mga buháy. Ano sa palagay mo? Marahil ikaw o isa na malapít sa iyo ay naniniwala rito. Natural lamang na mangulila tayo sa namatay na mga mahal sa buhay. Nangangako ang mga espiritista na kaya nila silang ibalik. Isang espiritista na sinipi sa magasing Time ang nagsabing “lagi kang makahihingi ng tulong” sa daigdig ng mga espiritu. Totoo ba iyan? Talaga bang matutulungan ng mga patay ang mga buháy? Baka magulat ka sa maliwanag na sagot ng Bibliya.

Nabubuhay ba sa Ibang Daigdig ang mga Patay?

Simple at madaling maunawaan ang paliwanag ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay. Pansinin kung ano ang sinasabi ng Eclesiastes 9:5: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” May damdamin pa ba ang mga patay? Ang talata 6 ay sumasagot: “Ang kanilang pag-ibig at ang kanilang poot at ang kanilang paninibugho ay naglaho na, at wala na silang anumang bahagi hanggang sa panahong walang takda sa anumang bagay na gagawin sa ilalim ng araw.” Pansinin din ang sinasabi sa talata 10 ng kabanata ring iyon na “walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, ang dako na iyong paroroonan.” Ang salitang Hebreo na “Sheol” na ginamit dito ay nangangahulugang “karaniwang libingan ng tao.” Kapansin-pansin, ang katumbas na salita nito sa Griego na “Hades” ang ginamit sa Kasulatan upang ipakita kung saan napunta si Jesu-Kristo sa loob ng ilang araw pagkamatay niya.​—Gawa 2:31.

Maraming tinulungan si Jesus noong nabubuhay siya, pero alam niya na kailangan niyang mamatay. Inaasahan ba niya na makatutulong pa rin siya sa mga tao noong siya’y nasa libingan? Hindi. Inihambing niya ang kaniyang nalalapit na kamatayan sa gabi kung kailan ang mga tao ay nagpapahinga. (Juan 9:4) Alam na alam ni Jesus na ang mga tao ay magiging “inutil sa kamatayan.”​—Isaias 26:14.

Ganiyan din ang ibig sabihin ni Jesus nang ihambing niya ang kamatayan ng kaniyang kaibigang si Lazaro sa pagtulog. (Juan 11:11-13) Hindi natin inaasahang tutulungan tayo ng isang taong tulog, hindi ba? Ang taong tulog ay walang malay at hindi makatutulong sa sinuman.

Nananatili Bang Buháy ang Kaluluwa Pagkamatay?

Marami ang naturuan na ang kaluluwa ay bahagi ng isang tao na humihiwalay sa kaniyang katawan at patuloy na nabubuhay pagkamatay niya. Pero hindi iyan ang itinuturo ng Bibliya. Sinasabi sa atin ng unang aklat ng Bibliya, ang Genesis, kung ano ang kaluluwa. Ayon sa Genesis 2:7, nang lalangin ang unang tao, siya ay “naging isang kaluluwang buháy.” Ang tao ang mismong kaluluwa, kung paanong ang mga hayop ay mga kaluluwa rin. (Genesis 1:20-25) Kaya kapag namatay ang isang tao o hayop, ang kaluluwa mismo ang namatay. Pinatutunayan ito ng Bibliya.​—Ezekiel 18:4.

Pero maaaring itanong ng ilan, ‘Bakit maraming kuwento tungkol sa mga taong nakakausap, nakarinig ng tinig, o nakakita pa nga ng espiritu ng patay?’ Iyan ang karaniwang kuwentong maririnig sa iba’t ibang bahagi ng daigdig na nagbibigay ng pag-asa sa mga namatayan ng kamag-anak o matalik na kaibigan. Dahil dito, marami ang humihingi ng tulong sa mga espiritista na nagsasabing nakakausap nila ang mga patay.

Totoo ba ito? Kung gayon, hindi ba salungat ito sa binabanggit ng Bibliya? Inilarawan ni Kristo Jesus ang Salita ng Diyos bilang katotohanan. (Juan 17:17) Hindi puwedeng pilipitin ang katotohanan. Sa katunayan, maliwanag ang sinasabi ng Bibliya kung ano ang dapat nating maging pananaw hinggil sa paghingi ng tulong sa mga patay. Nakaulat sa Bibliya ang tungkol sa isa na humingi ng tulong sa patay. Kapag binasa nating mabuti ang ulat na ito, malalaman natin ang katotohanan.

Humingi ng Tulong sa Patay ang Isang Hari

May digmaan noon sa hilagang Israel. Makakasagupa ni Haring Saul at ng kaniyang mga hukbo ang mahirap-taluning mga Filisteo. Nang makita ni Saul ang kampo ng mga Filisteo, “ang kaniyang puso ay lubhang nanginig.” Nang mga panahong ito, tinalikuran na ni Saul ang tunay na pagsamba. Dahil dito, hindi sinasagot ni Jehova ang kaniyang mga pagsamo. Saan siya makahihingi ng tulong? Patay na ang propeta ng Diyos na si Samuel.​—1 Samuel 28:3, 5, 6.

Humingi ng tulong si Saul sa isang espiritista sa En-dor. Nakiusap siya sa espiritista na “iahon si Samuel” mula sa mga patay. Tinawag ng espiritista ang espiritu ni Samuel. Sinabi ng diumano’y espiritung ito ni Samuel na mananalo ang mga Filisteo at na si Saul at ang kaniyang mga anak na lalaki ay mamamatay sa digmaan. (1 Samuel 28:7-19) Talaga kayang si Samuel iyon?

Pag-isipan ito. Binabanggit ng Bibliya na sa kamatayan ang isang tao ay “bumabalik sa kaniyang pagkalupa” at na ‘naglalaho ang kaniyang pag-iisip.’ (Awit 146:4) Alam kapuwa nina Saul at Samuel na hinahatulan ng Diyos ang pakikipag-ugnayan sa mga espiritista. Aba, bago nito, nanguna pa nga si Saul sa pag-aalis ng espiritistikong mga gawain sa lupain!​—Levitico 19:31.

Isa pa, kung ang tapat na si Samuel ay buháy pa bilang isang espiritu, lalabagin kaya niya ang utos ng Diyos at makikipagtulungan sa isang espiritista upang makipagkita kay Saul? Ayaw kausapin ni Jehova si Saul. Kaya mapipilit ba ng isang espiritista ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na makipag-usap kay Saul sa pamamagitan ng patay nang si Samuel? Hindi. Maliwanag, ang “Samuel” na ito ay hindi ang tapat na propeta ng Diyos. Ito ay isang espiritu​—isang demonyo na nagkukunwaring si Samuel.

Ang mga demonyo ay mga anghel na naghimagsik sa Diyos sa simula pa lamang ng kasaysayan ng tao. (Genesis 6:1-4; Judas 6) Naoobserbahan ng mga demonyo ang mga tao samantalang nabubuhay ang mga ito; alam nila kung ano ang hitsura ng isa, kung paano siya nagsasalita at kumikilos. Gusto nilang ituro na hindi totoo ang sinasabi ng Bibliya. Kaya ang Bibliya ay nagbabala laban sa anumang pakikipag-ugnayan sa masasamang espiritung ito! (Deuteronomio 18:10-12) Aktibo pa rin sila ngayon.

Kaya mauunawaan natin ngayon kung bakit marami ang nagsasabing “naririnig” o “nakikita” nila ang mga mahal nila sa buhay na namatay na. Bagaman tila nakatutulong ito kung minsan, dinadaya ng masasamang espiritung ito ang mga tao. * (Efeso 6:12) Isipin din ito: Si Jehova ay isang maibiging Diyos na nagmamalasakit sa atin. Kung ang mga patay ay nabubuhay sa ibang dako at makatutulong sa kanilang mga kaibigan o pamilya, ipagbabawal kaya ng ating maibiging Maylikha ang pakikipag-usap sa kanila? Ituturing niya kaya itong “karima-rimarim”? Tiyak na hindi! (1 Pedro 5:7) Kung gayon, kanino tayo makaaasa ng tulong?

Tunay na Tulong Para sa mga Buháy at Patay

Mula sa mga tinalakay natin, naunawaan natin na ang mga patay ay walang kakayahang tumulong sa mga buháy. Isa pa, ang paghingi ng tulong sa mga patay ay lubhang mapanganib, yamang labag ito sa kautusan ng Diyos at maaari tayong maimpluwensiyahan ng mga demonyo.

Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Jehova, ang ating Maylalang, ang pinakamagaling na Pinagmumulan ng tulong. Maaari niya tayong iligtas mula sa kamatayan mismo. (Awit 33:19, 20) Lagi siyang handang tumulong sa atin. Siya ang nagbibigay ng tunay na pag-asa, di-gaya ng mga espiritista.

Nalaman mismo ni Tamba, na binanggit sa simula, ang pagkakaiba ng maling pag-asang ipinapangako ng mga espiritista at ng katotohanang ibinibigay ni Jehova. Sinabi sa kaniya ng mga espiritista na kung hindi siya maghahandog sa kaniyang namatay na mga ninuno, babagsak siya sa exam. Nakipag-aral ng Bibliya si Tamba sa mga Saksi ni Jehova. Natutuhan niya ang tunay na kalagayan ng mga patay at na ang mga demonyo pala ang nagkukunwaring patay na mga ninuno. Kahit na pinipilit siya ng nanay niya na humingi ng tulong sa isang espiritista, tumanggi si Tamba. Sinabi niya sa kaniyang nanay, “Kapag bumagsak po ako, mag-aaral na lang akong mabuti sa susunod na taon.”

Ano ang resulta? Nakuha niya ang pinakamataas na grado sa exam! Namangha ang nanay niya, nawalan ng tiwala sa mga espiritista, at hindi na muling binanggit ang tungkol sa gayong paghahandog. Natutuhan ni Tamba na si Jehova ay nagbabala laban sa ‘pagsangguni sa mga patay para sa mga buháy.’ (Isaias 8:19) Dahil sa pag-aaral ng Bibliya, tiwala si Tamba na magtatagumpay siya kung susundin niya ang kautusan ng Diyos.​—Awit 1:1-3.

Kumusta naman ang mga namatay nating mahal sa buhay? Ano ang pag-asa nila? Hindi lamang tayong mga buháy ang tinutulungan ni Jehova, nangako rin siya ng tulong sa mga patay. Pagkatapos ilarawan na ang mga patay ay walang kakayahan, pansinin ang sinasabi ni propeta Isaias sa kabanata 26, talata 19: “Ang iyong mga patay ay mabubuhay. . . . Gumising kayo at humiyaw nang may kagalakan, kayong mga tumatahan sa alabok!” Sinabi pa ng hula na “yaong mga inutil sa kamatayan” ay mabubuhay-muli.

Isip-isipin iyan! Bilyun-bilyong natutulog sa libingan ang bubuhaying muli! Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na gustung-gusto na ni Jehova na buhaying muli ang mga patay. (Job 14:14, 15) Totoo kaya ito? Totoong-totoo ang pangakong ito para kay Jesu-Kristo anupat inilarawan niya ang mga patay na parang buháy na sa paningin ni Jehova.​—Lucas 20:37, 38.

Gusto mo rin bang makamtan ang pag-asang ito? * Patuloy na kumuha ng tumpak na kaalaman mula sa Bibliya. Sa iyong pag-aaral, makukumbinsi ka na kayang tulungan ni Jehova ang mga buháy at mga patay at ang kaniyang mga pangako ay “tapat at totoo.”​—Apocalipsis 21:4, 5.

[Mga talababa]

^ par. 2 Binago ang pangalan.

^ par. 18 Para sa higit na impormasyon sa paksang ito, tingnan ang brosyur na Espiritu ng mga Patay​Maaari ba Nila Kayong Tulungan o Pinsalain? Talaga Bang Umiiral Sila? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 26 Para sa higit na impormasyon tungkol sa pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 19]

Natural lamang na mangulila tayo sa namatay na mga mahal sa buhay

[Larawan sa pahina 20]

Si propeta Samuel ba talaga ang nakausap ni Haring Saul?