Ayon kay Lucas 20:1-47

20  Minsan, habang tinuturuan niya ang mga tao sa templo at inihahayag ang mabuting balita, lumapit ang mga punong saserdote at mga eskriba kasama ang matatandang lalaki  at nagsabi: “Sabihin mo sa amin, ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganiyang awtoridad?”+  Sumagot siya: “May itatanong din ako sa inyo; sagutin ninyo ako:  Ang awtoridad ba ni Juan na magbautismo* ay galing sa langit o sa mga tao?”  Kaya nag-usap-usap sila: “Kung sasabihin natin, ‘Sa langit,’ sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?’  Pero kung sasabihin naman natin, ‘Sa mga tao,’ babatuhin tayo ng lahat ng tao dahil naniniwala silang propeta si Juan.”+  Kaya sinabi nilang hindi nila alam.  Sinabi ni Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng awtoridad na gawin ang mga ito.”  Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao ang ilustrasyong ito: “Isang tao ang nagtanim ng ubas sa kaniyang bukid+ at pinaupahan ito sa mga magsasaka, at naglakbay siya sa ibang lupain nang mahaba-habang panahon.+ 10  Pagdating ng anihan, pinapunta niya ang alipin niya sa mga magsasaka para maibigay nila rito ang parte niya sa inaning ubas. Pero binugbog ito ng mga magsasaka at pinauwing walang dala.+ 11  Nagpapunta siya ng isa pang alipin. Binugbog din nila at ipinahiya* ang isang iyon at pinauwing walang dala. 12  Nagsugo siya ng ikatlo; binugbog din nila ito at itinaboy. 13  Kaya sinabi ng may-ari ng ubasan, ‘Ano ang gagawin ko? Isusugo ko ang mahal kong anak.+ Malamang na igagalang nila siya.’ 14  Nang makita siya ng mga magsasaka, nagsabuwatan sila at sinabi nila sa isa’t isa, ‘Siya ang tagapagmana. Patayin natin siya para sa atin mapunta ang mana.’ 15  Kaya kinaladkad nila siya palabas ng ubasan at pinatay.+ Kung gayon, ano ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan? 16  Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasakang iyon at ibibigay ang ubasan sa iba.” Nang marinig nila ito, sinabi nila: “Huwag naman sanang mangyari iyan!” 17  Pero tiningnan niya sila at sinabi: “Kung gayon, ano ang kahulugan ng sinasabi sa Kasulatan: ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang naging pangunahing batong-panulok’?+ 18  Ang lahat ng babagsak sa batong ito ay magkakaluray-luray.+ Ang sinumang mababagsakan nito ay madudurog.” 19  Nahalata ng mga eskriba at mga punong saserdote na sila ang nasa isip ni Jesus nang sabihin niya ang ilustrasyong ito, kaya gusto nila siyang dakpin nang mismong oras na iyon; pero natatakot sila sa mga tao.+ 20  At pagkatapos na maobserbahan siyang mabuti, palihim silang umupa ng mga taong magkukunwaring matuwid para hulihin siya sa pananalita niya+ at maibigay sa pamahalaan at sa gobernador.* 21  Tinanong nila siya at sinabi: “Guro, alam naming tama ang sinasabi at itinuturo mo at hindi ka nagtatangi, at itinuturo mo ang katotohanan tungkol sa Diyos: 22  Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi?” 23  Pero nahalata niya ang masamang balak nila, kaya sinabi niya: 24  “Ipakita ninyo sa akin ang isang denario. Kaninong larawan at pangalan ang narito?” Sinabi nila: “Kay Cesar.” 25  Sinabi niya: “Kung gayon nga, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar,+ pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”+ 26  Kaya hindi nila siya nahuli sa kaniyang pananalita sa harap ng mga tao. Sa halip, humanga sila sa sagot niya kaya napatahimik sila. 27  Pero ang ilan sa mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli,+ ay lumapit sa kaniya at nagtanong:+ 28  “Guro, isinulat ni Moises, ‘Kung mamatay ang isang lalaki nang walang anak, ang asawa niya ay pakakasalan ng kapatid niyang lalaki para magkaroon ng anak ang namatay na kapatid.’+ 29  Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay nag-asawa pero namatay nang walang anak. 30  Kaya ang babae ay pinakasalan ng ikalawa 31  at ng ikatlo, hanggang sa naging asawa niya ang pitong magkakapatid; namatay silang lahat nang walang anak. 32  Pagkatapos, namatay rin ang babae. 33  Kung gayon, dahil napangasawa niya ang pitong magkakapatid, sino sa kanila ang magiging asawa niya kapag binuhay silang muli?” 34  Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang mga tao sa sistemang ito ay nag-aasawa, 35  pero ang mga itinuturing na karapat-dapat makapasok sa darating na sistema at karapat-dapat buhaying muli ay hindi mag-aasawa.+ 36  Sa katunayan, hindi na rin sila mamamatay dahil magiging gaya sila ng mga anghel, at dahil bubuhayin silang muli, magiging anak sila ng Diyos. 37  Sa ulat tungkol sa matinik na halaman,*+ may binanggit si Moises tungkol sa pagbuhay-muli sa mga patay. Tinawag niya si Jehova na ‘Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’+ 38  Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, dahil silang lahat ay buháy sa kaniya.”+ 39  Kaya sinabi ng ilan sa mga eskriba: “Guro, tama ang sinabi mo.” 40  Dahil wala na silang lakas ng loob na magtanong pa sa kaniya. 41  Siya naman ang nagtanong sa kanila: “Bakit sinasabi ng mga tao na ang Kristo ay anak ni David?+ 42  gayong sinabi mismo ni David sa aklat ng mga Awit, ‘Sinabi ni Jehova sa Panginoon ko: “Umupo ka sa kanan ko 43  hanggang sa ang mga kaaway mo ay gawin kong tuntungan ng mga paa mo.”’+ 44  Tinawag siya ni David na Panginoon, kaya paano siya naging anak ni David?” 45  Pagkatapos, habang nakikinig ang lahat ng tao, sinabi niya sa mga alagad niya: 46  “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na gustong magpalakad-lakad na nakasuot ng mahahabang damit. Gusto nilang binabati sila ng mga tao sa mga pamilihan, at gusto rin nilang umupo sa pinakamagagandang puwesto sa mga sinagoga at sa mga upuan para sa importanteng mga bisita sa mga handaan.*+ 47  Kinakamkam nila ang mga pag-aari* ng mga biyuda at nananalangin nang mahaba para pahangain ang iba. Tatanggap sila ng mas mabigat na hatol.”

Talababa

O “maglubog.”
O “winalang-dangal.”
Lit., “sa awtoridad ng gobernador.”
O “palumpong.”
O “hapunan.”
Lit., “Nilalamon nila ang mga bahay.”

Study Notes

lahat ng punong saserdote: Ang terminong Griego dito ay isinasaling “mataas na saserdote” kapag nasa anyong pang-isahan at tumutukoy sa pangunahing kinatawan ng mga tao sa harap ng Diyos. Dito, ang termino na nasa anyong pangmaramihan ay tumutukoy sa pangunahing mga saserdote, kasama na ang dating matataas na saserdote at posibleng pati ang mga pinuno ng 24 na pangkat ng mga saserdote.

mga eskriba: Noong una, ang terminong ito ay tumutukoy sa mga tagakopya ng Kasulatan, pero noong panahon ni Jesus, tumutukoy ito sa mga eksperto sa Kautusan at mga tagapagturo nito.

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25; Gaw 2:17), pero hindi lang ito tumutukoy sa matatanda. Dito, tumutukoy ang termino sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba. Ang Sanedrin ay binubuo ng mga lalaki mula sa tatlong grupong ito.—Mat 21:23; 26:3, 47, 57; 27:1, 41; 28:12; tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki.”

punong saserdote: Tingnan ang study note sa Mat 2:4.

eskriba: Tingnan ang study note sa Mat 2:4.

matatandang lalaki: Tingnan ang study note sa Mat 16:21.

ilustrasyon: O “talinghaga.” Ang terminong Griego na pa·ra·bo·leʹ, na literal na nangangahulugang “pagtabihin o pagsamahin,” ay puwedeng tumukoy sa isang talinghaga, kawikaan, o ilustrasyon. Karaniwang ‘pinagtatabi,’ o pinaghahambing, ni Jesus ang dalawang bagay na may pagkakatulad kapag nagpapaliwanag siya. (Mar 4:30) Ang mga ilustrasyon niya ay maikli at karaniwang kathang-isip lang na kapupulutan ng moral at espirituwal na katotohanan.

pinaupahan: Karaniwan ito sa Israel noong unang siglo. Dito, ang ubasan ay inihandang mabuti ng may-ari, kaya makatuwiran lang na umasa siyang kikita siya.

ilustrasyong: O “talinghagang.”​—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.

pinaupahan: Tingnan ang study note sa Mat 21:33.

nang mahaba-habang panahon: Si Lucas lang ang nagdagdag ng ekspresyong ito sa ilustrasyon tungkol sa mga magsasakang mamamatay-tao.​—Ihambing ang mga kaparehong ulat sa Mat 21:33 at Mar 12:1.

pangunahing batong-panulok: O “pinakaimportanteng bato.” Ang ekspresyong Hebreo sa Aw 118:22 at ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “ulo ng kanto.” Iba-iba ang intindi rito, pero lumilitaw na tumutukoy ito sa batong inilalagay sa tuktok ng kanto ng pinagdugtong na dalawang pader para maging matibay ang pagkakadugtong ng mga ito. Sinipi ni Jesus ang hulang ito para tukuyin ang sarili niya bilang ang “pangunahing batong-panulok.” Kung paanong kapansin-pansin ang bato sa pinakatuktok ng isang gusali, ganiyan din si Jesu-Kristo, dahil siya ang pinakatuktok bato sa kongregasyong Kristiyano ng mga pinahiran, na inihalintulad sa isang espirituwal na templo.

pangunahing batong-panulok: Tingnan ang study note sa Mat 21:42.

Cesar: O “Emperador.” Ang emperador ng Roma noong ministeryo ni Jesus ay si Tiberio, pero hindi lang tumutukoy ang termino sa namamahalang emperador. Puwede ring tumukoy ang “Cesar” sa awtoridad ng pamahalaang Romano, o sa Estado, at sa mga inatasang kinatawan nito, na tinatawag ni Pablo na “nakatataas na mga awtoridad” at tinatawag naman ni Pedro na “hari” at “gobernador.”—Ro 13:1-7; 1Pe 2:13-17; Tit 3:1; tingnan sa Glosari.

Cesar: Tingnan ang study note sa Mat 22:17.

larawan at pangalan: Sa harap ng karaniwang baryang denario noong panahong iyon, may larawan ng Romanong emperador na si Tiberio na may koronang dahon ng laurel. Namahala siya mula 14 hanggang 37 C.E. May nakasulat din ditong pangalan sa wikang Latin, “Tiberio Cesar Augusto, anak ni Augusto na itinuturing na diyos.”—Tingnan din ang Ap. B14.

denario: Ang baryang pilak na ito ng mga Romano, na may nakasulat na pangalan ni Cesar, ang “buwis” na sinisingil ng mga Romano sa mga Judio. (Mat 22:17, 19; Luc 20:22) Noong panahon ni Jesus, ang mga manggagawa sa bukid ay karaniwang sinusuwelduhan ng isang denario para sa 12-oras na trabaho sa isang araw, at karaniwang ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang denario sa pagkalkula ng halaga ng ibang pera. (Mat 20:2; Mar 6:37; 14:5; Apo 6:6) Iba’t ibang klase ng baryang tanso at pilak ang ginagamit sa Israel, kasama na ang mga baryang pilak na ginawa sa Tiro na ginagamit na pambayad ng buwis sa templo. Pero sa pagbabayad ng buwis sa Roma, lumilitaw na ang pilak na denario na may larawan ni Cesar ang ipinambabayad ng mga tao.​—Tingnan sa Glosari at Ap. B14.

larawan at pangalan: Tingnan ang study note sa Mat 22:20.

ibayad: Lit., “ibalik.” Si Cesar ang nagpagawa ng mga barya, kaya may karapatan siyang hilingin na ibalik sa kaniya ang ilan sa mga ito. Pero walang karapatan si Cesar na hilingin sa isang tao na ialay o ibigay ang buhay nito sa kaniya. Ang Diyos ang nagbigay sa mga tao ng “buhay, hininga, at lahat ng bagay.” (Gaw 17:25) Dahil diyan, siya lang ang may karapatang humiling ng bukod-tanging debosyon, kaya sa Diyos lang puwedeng “ibalik,” o ibigay, ng isang tao ang buhay at debosyon niya.

sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos: Kasama rito ang buong-pusong pagsamba, buong-kaluluwang pag-ibig, at tapat na pagsunod sa lahat ng utos niya.—Mat 4:10; 22:37, 38; Gaw 5:29; Ro 14:8.

ibayad: Tingnan ang study note sa Mat 22:21.

kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar: Ang eksenang ito, na mababasa rin sa Mat 22:21 at Mar 12:17, ang nag-iisang nakaulat na pagkakataong binanggit ni Jesus ang Romanong emperador. Kasama sa “mga bagay na kay Cesar” ang pagbabayad para sa serbisyo ng gobyerno at ang pagbibigay ng karangalan at relatibong pagpapasakop sa mga awtoridad.​—Ro 13:1-7.

sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos: Tingnan ang study note sa Mat 22:21.

Saduceo: Dito lang binanggit ang mga Saduceo sa Ebanghelyo ni Lucas. (Tingnan sa Glosari.) Malamang na may kaugnayan ang pangalang ito (sa Griego, Sad·dou·kaiʹos) kay Zadok (madalas na isulat na Sad·doukʹ sa Septuagint), na ginawang mataas na saserdote noong mga araw ni Solomon at na ang mga inapo ay lumilitaw na naglingkod bilang saserdote sa loob ng daan-daang taon.—1Ha 2:35.

pagkabuhay-muli: Ang salitang Griego na a·naʹsta·sis ay literal na nangangahulugang “pagbangon; pagtayo.” Ginamit ito nang mga 40 beses sa Kristiyanong Griegong Kasulatan para tumukoy sa pagkabuhay-muli ng mga patay. (Mat 22:23, 31; Luc 20:33; Gaw 4:2; 24:15; 1Co 15:12, 13) Sa salin ng Septuagint sa Isa 26:19, ginamit ang pandiwa ng a·naʹsta·sis bilang katumbas ng pandiwang Hebreo na “mabuhay” sa pariralang “ang iyong mga patay ay mabubuhay.”—Tingnan sa Glosari.

Pinakasalan ng ikalawa ang biyuda: Sa mga Hebreo noon, kung mamatay ang isang lalaki nang wala pang anak na lalaki, pakakasalan ng kapatid niya ang nabiyuda niyang asawa para magkaroon ito ng anak na magdadala ng pangalan ng namatay nitong asawa. (Gen 38:8) Ang kaayusang ito, na naging bahagi ng Kautusang Mosaiko nang maglaon, ay tinatawag na pag-aasawa bilang bayaw. (Deu 25:5, 6) Ginagawa ito noong panahon ni Jesus, gaya ng makikita sa sinabi rito ng mga Saduceo. Ayon sa Kautusan, puwede namang tumanggi ang isang lalaki na pakasalan ang naiwang biyuda, pero kahihiyan ito sa kaniya dahil ayaw niyang “itayo ang sambahayan ng kapatid niya.”​—Deu 25:7-10; Ru 4:7, 8.

naging asawa: Tingnan ang study note sa Mar 12:21.

sistema: Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Sinasabi ni Jesus na ang pamumusong laban sa banal na espiritu ay hindi mapapatawad sa kasalukuyang di-makadiyos na sistema sa ilalim ng pamamahala ni Satanas (2Co 4:4; Efe 2:2; Tit 2:12), pati sa darating na sistema sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, kung saan matutupad ang ipinangakong “buhay na walang hanggan” (Luc 18:29, 30).​—Tingnan sa Glosari.

sa darating na sistema: O “sa darating na panahon.” Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Tinutukoy dito ni Jesus ang darating na sistema sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, kung saan matutupad ang ipinangakong buhay na walang hanggan.​Luc 18:29, 30; tingnan sa Glosari, “Sistema.”

mga tao: Lit., “mga anak.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay nasa panlalaking anyo. Pero sa kontekstong ito, malawak ang kahulugan ng salitang ito at hindi lang tumutukoy sa anak na lalaki. Malinaw na lalaki at babae ang tinutukoy dito dahil dalawang magkaibang salitang Griego ang ginamit para sa nag-aasawa, isa para sa mga lalaki at isa para sa mga babae. Sa kontekstong ito, ang buong ekspresyong “mga tao sa sistemang ito” ay maliwanag na isang idyoma para sa mga taong makasanlibutan ang ugali at paraan ng pamumuhay.

sistemang ito: Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa kasalukuyang sistema.​—Tingnan ang study note sa Mat 12:32; Mar 10:30 at Glosari, “Sistema.”

sistema: Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Sinasabi ni Jesus na ang pamumusong laban sa banal na espiritu ay hindi mapapatawad sa kasalukuyang di-makadiyos na sistema sa ilalim ng pamamahala ni Satanas (2Co 4:4; Efe 2:2; Tit 2:12), pati sa darating na sistema sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, kung saan matutupad ang ipinangakong “buhay na walang hanggan” (Luc 18:29, 30).​—Tingnan sa Glosari.

sa darating na sistema: O “sa darating na panahon.” Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Tinutukoy dito ni Jesus ang darating na sistema sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, kung saan matutupad ang ipinangakong buhay na walang hanggan.​Luc 18:29, 30; tingnan sa Glosari, “Sistema.”

darating na sistema: Ang salitang Griego na ai·onʹ, na literal na nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Dito, tumutukoy ito sa darating na sistema sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, kung kailan bubuhaying muli ang mga namatay.​—Tingnan ang study note sa Mat 12:32; Mar 10:30 at Glosari, “Sistema.”

mga tao: Lit., “mga anak.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay nasa panlalaking anyo. Pero sa kontekstong ito, malawak ang kahulugan ng salitang ito at hindi lang tumutukoy sa anak na lalaki. Malinaw na lalaki at babae ang tinutukoy dito dahil dalawang magkaibang salitang Griego ang ginamit para sa nag-aasawa, isa para sa mga lalaki at isa para sa mga babae. Sa kontekstong ito, ang buong ekspresyong “mga tao sa sistemang ito” ay maliwanag na isang idyoma para sa mga taong makasanlibutan ang ugali at paraan ng pamumuhay.

anak: Ang salitang Griego para sa “anak,” na dalawang beses lumitaw sa talatang ito, ay nasa panlalaking anyo. Sa ilang konteksto, malawak ang kahulugan ng salitang ito at hindi lang tumutukoy sa anak na lalaki.​—Tingnan ang study note sa Luc 20:34.

sa aklat ni Moises: Ang mga isinulat lang ni Moises ang tinatanggap ng mga Saduceo. Ayaw nilang paniwalaan ang turo ni Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli, maliwanag na dahil iniisip nilang wala itong basehan sa Pentateuch. Maraming teksto ang puwede niyang sipiin, gaya ng Isa 26:19, Dan 12:13, at Os 13:14, para patunayang mabubuhay muli ang mga patay. Pero dahil alam ni Jesus kung anong mga akda lang ang tinatanggap ng mga Saduceo, ginamit niya ang mga sinabi ni Jehova kay Moises para patunayan ang punto niya.​—Exo 3:2, 6.

may binanggit si Moises: Tingnan ang study note sa Mar 12:26.

Tinawag niya si Jehova na ‘Diyos ni Abraham’: O “Sinabi niya: ‘Si Jehova na Diyos ni Abraham.’” Ipinapaliwanag dito ni Jesus na kahit matagal nang patay ang mga patriyarka, ipinakita ni Moises na Diyos pa rin nila si Jehova. Ang siniping bahagi sa talatang ito ay mula sa Exo 3:6. Makikita sa naunang mga talata (Exo 3:4, 5) na si “Jehova” ang nagsasalita, at sa Exo 3:6, sinabi ni Jehova kay Moises: “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.” Noong panahong iyon, 329 na taon nang patay si Abraham, 224 si Isaac, at 197 si Jacob. Pero hindi sinabi ni Jehova: ‘Ako ang Diyos nila noon,’ kundi sinabi niya: ‘Ako ang Diyos nila.’ Ang pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan ay isa sa mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang pangalang Jehova sa mismong teksto.​—Tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon sa Ap. C3; Luc 20:37.

dahil silang lahat ay buháy sa kaniya: O “dahil silang lahat ay buháy para sa kaniya.” Ipinapakita ng Bibliya na ang mga taong malayo sa Diyos ay para na ring patay sa kaniya, kahit buháy sila. (Efe 2:1; 1Ti 5:6) Pero ang mga lingkod ni Jehova na may pagsang-ayon niya ay nananatiling buháy sa paningin niya kahit patay na sila, dahil siguradong bubuhayin niya silang muli.​—Ro 4:16, 17.

Jehova: Ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo sa Aw 110:1, na sinipi rito. Pero gaya ng ipinaliwanag sa Ap. A5, karamihan ng salin ng Bibliya ay hindi gumamit ng pangalan ng Diyos sa tinatawag na Bagong Tipan, kahit sa mga pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan. “Panginoon” lang ang mababasa sa karamihan ng Bibliya. Pero gaya ng makikita sa Ap. C, may mga salin ng Bibliya na gumamit ng Jehova, Yahveh, Yahweh, יהוה (YHWH, o Tetragrammaton), PANGINOON, at ADONAI sa malalaking letra (na nagpapakitang ipinampalit ito sa pangalan ng Diyos) sa mismong teksto ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sa ilang edisyon ng King James Version noong ika-17 siglo, ginamit sa tekstong ito ang “PANGINOON” na nasa malalaking letra, pati sa tatlong iba pang teksto sa Kristiyanong Griegong Kasulatan kung saan sinipi ang Aw 110:1. (Mat 22:44; Mar 12:36; Gaw 2:34) Ganito rin ang ginawa sa mga sumunod na edisyon. Sa Hebreong Kasulatan ng saling iyon, ang paggamit ng “PANGINOON” ay nagpapakita na pangalan ng Diyos ang lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo, kaya kapag ginagamit ang “PANGINOON” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, nangangahulugan itong iniisip ng mga tagapagsalin na si Jehova ang tinutukoy sa teksto. Kapansin-pansin din na sa New King James Version, na unang inilathala noong 1979, ginamit ang “PANGINOON” sa lahat ng pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan kung saan ang tinutukoy ng salitang ito ay ang pangalan ng Diyos.

pamilihan: O “pinagtitipunan ng mga tao.” Ang salitang Griego na a·go·raʹ ay ginamit dito para tumukoy sa lugar kung saan namimili at nagbebenta ang mga tao. Ito rin ang lugar kung saan nagtitipon ang mga tao sa mga lunsod at nayon sa sinaunang Gitnang Silangan at sa mga teritoryong sakop ng mga Griego at Romano.

pinakamagagandang puwesto: Lit., “mga upuan sa unahan.” Lumilitaw na ang mga punong opisyal ng sinagoga at ang mga espesyal na bisita ay umuupo malapit sa mga balumbon ng Kasulatan, na nakikita ng buong kongregasyon. Ang mga upuang ito ay malamang na nakareserba sa importanteng mga taong gaya nila.

pamilihan: Tingnan ang study note sa Mat 23:7.

pinakamagagandang puwesto: Tingnan ang study note sa Mat 23:6.

Media

Pinakamagandang Puwesto sa Sinagoga
Pinakamagandang Puwesto sa Sinagoga

Makikita rito ang posibleng hitsura ng sinagoga batay sa natirang bahagi ng unang-siglong sinagoga sa Gamla, isang lunsod na mga 10 km (6 mi) sa hilagang-silangan ng Lawa ng Galilea. Wala nang sinagoga mula noong unang siglo ang buo pa rin hanggang ngayon, kaya hindi sigurado kung ano ang eksaktong hitsura nito. Nasa paglalarawang ito ang ilang bahagi na malamang na makikita sa maraming sinagoga noong panahong iyon.

1. Ang mga upuan sa unahan, o pinakamagagandang puwesto, ay posibleng nasa plataporma ng tagapagsalita o malapit dito.

2. Ang plataporma kung saan binabasa ang Kasulatan. Posibleng iba-iba ang puwesto ng plataporma depende sa sinagoga.

3. Ang mga upuan sa tabi ng pader ay posibleng para sa mga may katayuan sa lipunan, at ang iba naman ay umuupo sa sapin sa lapag. Ang sinagoga sa Gamla ay posibleng may apat na hilera ng upuan.

4. Ang kaban kung saan inilalagay ang sagradong mga balumbon ay posibleng nasa pader sa likod.

Laging ipinapaalaala ng mga upuan sa sinagoga na ang ilan ay nakakataas sa iba, ang usapin na madalas pagtalunan ng mga alagad ni Jesus.—Mat 18:1-4; 20:20, 21; Mar 9:33, 34; Luc 9:46-48.

Upuan Para sa Importanteng mga Bisita sa Handaan
Upuan Para sa Importanteng mga Bisita sa Handaan

Noong unang siglo, karaniwan nang humihilig sa mesa ang mga tao kapag kumakain. Ipinapatong ng mga tao ang kaliwang siko nila sa kutson at kumakain gamit ang kanang kamay nila. Ayon sa tradisyon ng mga Griego at Romano, karaniwan nang may tatlong mahahabang upuan na nakapalibot sa mababang mesa sa silid-kainan. Ang ganitong silid-kainan ay tinatawag ng mga Romano na triclinium (Latin ng salitang Griego na nangangahulugang “silid na may tatlong mahahabang upuan”). Noong una, siyam lang ang nakakaupo rito, tigtatatlo sa bawat mahabang upuan, pero nang maglaon, gumamit na ang mga tao ng mas mahahabang upuan para mas marami ang makaupo. Ang importansiya ng isang bisita ay makikita sa puwesto niya sa silid-kainan. May upuan para sa mga di-gaanong importanteng bisita (A), mayroon para sa mas importante (B), at mayroon din para sa pinakaimportante (C). Nakadepende rin ang importansiya ng isang bisita sa puwesto niya sa upuan. Mas mahalaga siya kaysa sa nasa kanan niya, at mas mahalaga naman sa kaniya ang nasa kaliwa niya. Pero sa isang pormal na handaan, karaniwan nang umuupo ang punong-abala sa unang puwesto (1) sa upuan para sa mga di-gaanong importante. Ang pinakaprominenteng posisyon ay ang ikatlong puwesto (2) sa gitnang upuan. Hindi malinaw kung gaano kalaki ang naging impluwensiya ng tradisyong ito sa mga Judio, pero lumilitaw na ito ang tinutukoy ni Jesus nang turuan niya ang kaniyang mga alagad tungkol sa kahalagahan ng kapakumbabaan.