Ayon kay Juan 9:1-41

9  Habang naglalakad, nakita ni Jesus ang isang lalaking ipinanganak na bulag. 2  Tinanong siya ng mga alagad niya: “Rabbi,+ sino ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang taong ito, siya ba o ang mga magulang niya?” 3  Sumagot si Jesus: “Hindi ang taong ito ang nagkasala o ang mga magulang niya, pero nagbukas ito ng pagkakataon para maipakita ang mga gawa ng Diyos.+ 4  Habang araw pa, dapat nating isakatuparan ang mga gawain ng nagsugo sa akin,+ dahil kapag gumabi na, wala nang taong makagagawa. 5  Hangga’t ako ay nasa mundo,* ako ang liwanag ng sangkatauhan.”*+ 6  Pagkasabi nito, dumura siya sa lupa at gumawa ng putik at ipinahid niya iyon sa mga mata ng lalaki+ 7  at sinabi rito: “Pumunta ka sa imbakan ng tubig ng Siloam (na isinasaling “Isinugo”) at maghilamos ka roon.” Kaya pumunta siya at naghilamos. Pagbalik niya, nakakakita na siya.+ 8  Sinabi ng mga kapitbahay at ng mga nakakita sa kaniya noong pulubi pa siya: “Hindi ba ito ang lalaking namamalimos noon?” 9  Sinasabi ng ilan: “Siya nga iyon.” Sinasabi naman ng iba: “Hindi, pero kamukha nga niya.” Paulit-ulit na sinasabi ng lalaki: “Ako nga iyon.” 10  Kaya tinanong nila siya: “Paano nangyaring nakakakita ka na ngayon?” 11  Sumagot siya: “Ang taong tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik at ipinahid niya iyon sa mga mata ko at sinabi, ‘Pumunta ka sa Siloam at maghilamos ka roon.’+ Kaya pumunta ako at naghilamos, at pagkatapos ay nakakita na ako.” 12  Kaya sinabi nila: “Nasaan ang taong iyon?” Sumagot siya: “Hindi ko alam.” 13  Dinala nila sa mga Pariseo ang lalaki na dating bulag. 14  Nagkataong Sabbath nang araw na gumawa si Jesus ng putik at pagalingin niya siya.*+ 15  Kaya tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya: “Nilagyan niya ng putik ang mga mata ko, at naghilamos ako, at pagkatapos ay nakakita na ako.” 16  Sinabi ng ilan sa mga Pariseo: “Hindi isinugo ng Diyos ang taong iyon dahil hindi niya sinusunod ang Sabbath.”+ Sinabi naman ng iba: “Puwede bang makagawa ng ganitong himala ang isang makasalanan?”+ Kaya nagkabaha-bahagi sila.+ 17  At muli nilang tinanong ang lalaki: “Tutal, ikaw ang pinagaling niya, ano ang masasabi mo tungkol sa kaniya?” Sumagot ang lalaki: “Isa siyang propeta.”+ 18  Pero hindi naniwala ang mga Judio na dati siyang bulag at napagaling, kaya ipinatawag nila ang mga magulang niya. 19  Tinanong nila ang mga magulang: “Ito ba ang anak ninyo? Ipinanganak ba siyang bulag? Paano nangyari na nakakakita na siya ngayon?” 20  Sumagot ang mga magulang niya: “Siya nga ang anak namin at ipinanganak siyang bulag. 21  Pero hindi namin alam kung paano nangyaring nakakakita na siya ngayon. Hindi rin namin alam kung sino ang nagpagaling sa kaniya. Tanungin ninyo siya. Nasa hustong gulang na siya. Siya ang dapat sumagot sa inyo.” 22  Sinabi ito ng mga magulang niya dahil natatakot sila sa mga Judio;+ nagkasundo na kasi ang mga Judio na kung kikilalanin ng sinuman si Jesus bilang Kristo, ang taong iyon ay dapat itiwalag mula sa sinagoga.+ 23  Iyan ang dahilan kaya sinabi ng mga magulang niya: “Nasa hustong gulang na siya. Tanungin ninyo siya.” 24  Kaya muli nilang tinawag ang lalaki na dating bulag at sinabi sa kaniya: “Sa harap ng Diyos, magsabi ka ng totoo; alam namin na makasalanan ang taong iyon.” 25  Sumagot siya: “Kung makasalanan man siya, hindi ko alam. Pero ito ang alam ko, bulag ako noon at nakakakita na ako ngayon.” 26  Sinabi nila: “Ano ang ginawa niya? Paano ka niya pinagaling?” 27  Sumagot siya: “Sinabi ko na sa inyo, pero hindi kayo nakinig. Bakit gusto ninyong marinig ulit? Gusto rin ba ninyong maging mga alagad niya?” 28  Kaya sinabi nila nang may panlalait: “Alagad ka ng taong iyon, pero mga alagad kami ni Moises. 29  Alam naming nakipag-usap ang Diyos kay Moises, pero kung tungkol sa taong iyon, hindi namin alam kung sino ang nagsugo sa kaniya.” 30  Sinabi ng lalaki: “Parang ang hirap paniwalaan na hindi ninyo alam kung sino ang nagsugo sa kaniya pero napagaling niya ako. 31  Alam nating hindi nakikinig ang Diyos sa mga makasalanan,+ pero nakikinig ang Diyos sa mga may takot sa kaniya at gumagawa ng kalooban niya.+ 32  At ngayon lang may nakapagpagaling sa isang ipinanganak na bulag. 33  Kung hindi mula sa Diyos ang taong ito, wala siyang magagawang anuman.”+ 34  Kaya sinabi nila sa kaniya: “Tinuturuan mo ba kami, ikaw na ipinanganak na makasalanan?” At pinalayas* nila siya!+ 35  Nabalitaan ni Jesus na pinalayas* nila siya, at nang makita niya ang lalaki, sinabi niya: “Nananampalataya ka ba sa Anak ng tao?” 36  Sumagot ang lalaki: “Sino siya, Ginoo, para manampalataya ako sa kaniya?” 37  Sinabi ni Jesus: “Nakita mo na siya, at ang totoo, siya ang kausap mo ngayon.”+ 38  Sinabi niya: “Nananampalataya ako sa kaniya, Panginoon.” At yumukod siya sa kaniya. 39  Sinabi ni Jesus: “Dumating ako sa mundong* ito para mahatulan ang mga tao, para makakita ang mga hindi nakakakita+ at maging bulag ang mga nakakakita.”+ 40  Narinig ito ng mga Pariseo na naroroon, at sinabi nila sa kaniya: “Mga bulag din ba kami?”+ 41  Sinabi ni Jesus: “Kung mga bulag kayo, wala kayong kasalanan. Pero sinasabi ninyo ngayon, ‘Nakakakita kami.’ Nananatili ang kasalanan ninyo.”+

Talababa

O “sanlibutan.”
O “sanlibutan.”
Lit., “idilat ang mga mata niya.” Ganito rin ang literal na ideya sa tal. 17, 21, 26, 30, at 32.
O “itiniwalag.”
O “itiniwalag.”
O “sanlibutang.”

Study Notes

kapag gumabi na: Sa Bibliya, makasagisag kung minsan ang paggamit sa salitang “gabi.” Dito, ang tinutukoy ni Jesus ay ang panahon kung kailan siya lilitisin, bibitayin, at mamamatay, dahil sa panahong ito, hindi na niya magagawa ang gawain ng kaniyang Ama.—Job 10:21, 22; Ec 9:10; ihambing ang study note sa Luc 22:53.

dumura: Tatlong beses na mababasa sa Bibliya na ginamit ni Jesus ang laway niya para magpagaling. (Mar 7:31-37; 8:22-26; Ju 9:1-7) Marami ang naniniwala noon na nakakapagpagaling ang laway ng tao, pero ang mga himalang nagawa ni Jesus ay dahil sa kapangyarihan ng espiritu ng Diyos. Kaya hindi talaga laway niya ang nagpagaling sa mga tao. Sinabi niya sa lalaking ipinanganak na bulag bago ito nakakita: “Pumunta ka sa imbakan ng tubig ng Siloam . . . at maghilamos ka roon.” (Ju 9:7) Siguradong sinabi ito ni Jesus para mapatunayan ng lalaki ang pananampalataya niya, kung paanong kailangang maligo ni Naaman sa Ilog Jordan bago siya mapagaling sa ketong.—2Ha 5:10-14.

imbakan ng tubig ng Siloam: May natagpuang mga labí ng imbakan ng tubig noong unang siglo C.E. sa timog ng bundok ng templo, at ipinapalagay na ito ang imbakan ng tubig ng Siloam. Makikita ito sa paanan ng nakausling bahagi ng bundok sa timog, kung saan nakatayo ang sinaunang lunsod, at malapit ito sa lokasyon kung saan nagtatagpo ang Lambak ng Tyropoeon at Lambak ng Kidron. (Tingnan ang Ap. B12.) Ang Siloam ay ang Griegong katumbas ng pangalang Hebreo na “Shiloah,” na posibleng may kaugnayan sa pandiwang Hebreo na sha·lachʹ, na nangangahulugang “isugo.” Kaya sinabi ni Juan na ang kahulugan ng pangalang Siloam ay Isinugo. Sa Isa 8:6, kung saan ang pangalang Hebreo na Shiloah ay tumutukoy sa isang kanal na dinadaluyan ng suplay ng tubig ng Jerusalem, ginamit ng Septuagint ang pangalang Siloam. Ang tubig ng Siloam ay nanggagaling sa Bukal ng Gihon, kung saan bumubulwak paminsan-minsan ang tubig. Malamang na may kaugnayan sa pagbulwak ng tubig ang pangalang Siloam. Sa Ju 9:7, maraming Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J7-14, 16-18, 22 sa Ap. C4) ang gumamit ng terminong “Shiloah.”

mga Judio: Lumilitaw na tumutukoy sa mga Judiong lider ng relihiyon.—Tingnan ang study note sa Ju 7:1.

Nasa hustong gulang na siya: O “Malaki na siya.” Ang ekspresyong ito ay puwedeng tumukoy sa edad ng mga lalaki kung kailan puwede na silang maglingkod sa hukbo ayon sa Kautusang Mosaiko, sa edad na 20. (Bil 1:3) Kaya naman sa ulat, tinawag siyang ‘lalaki’ (Ju 9:1), at hindi bata, at sinabing naging pulubi siya noon (Ju 9:8). Naniniwala naman ang iba na ang ekspresyong ito ay tumutukoy sa edad kung kailan masasabing adulto na ang isa ayon sa batas ng mga Judio, sa edad na 13.

mga Judio: Lumilitaw na tumutukoy sa mga Judiong lider ng relihiyon.—Tingnan ang study note sa Ju 7:1.

itiwalag mula sa sinagoga: O “palayasin sa sinagoga.” Dito lang ginamit ang pang-uring Griego na a·po·sy·naʹgo·gos at sa Ju 12:42 at 16:2. Ang mga itiniwalag ay nilalayuan at itinatakwil ng lipunan. Kapag naputol ang pakikipag-ugnayan ng isa sa kapuwa niya mga Judio, matindi ang magiging epekto nito sa kabuhayan ng pamilya niya. Ang mga sinagoga, na pangunahin nang ginagamit sa pagtuturo, ay puwede ring maging lokal na mga hukuman na makakapagpataw ng parusang paghahagupit at pagtitiwalag.—Tingnan ang study note sa Mat 10:17.

Sa harap ng Diyos, magsabi ka ng totoo: Lit., “Magbigay ka ng kaluwalhatian sa Diyos.” Ang literal na ekspresyon ay isang idyoma na nag-oobliga sa isang tao na magsabi ng totoo. Kaya ang idyomang ito ay puwedeng isaling “Luwalhatiin mo ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasabi ng totoo.”—Ihambing ang Jos 7:19.

yumukod: O “nagpatirapa; nagbigay-galang.” Kapag ang pandiwang Griego na pro·sky·neʹo ay tumutukoy sa pagsamba sa isang diyos o bathala, isinasalin itong “sumamba.” (Mat 4:10; Luc 4:8) Pero sa kontekstong ito, kinilala ng pinagaling na lalaking bulag na si Jesus ay kinatawan ng Diyos. Kaya yumukod siya sa kaniya, hindi dahil isa siyang diyos o bathala, kundi dahil siya ang inihulang “Anak ng tao,” ang Mesiyas na binigyan ng awtoridad ng Diyos. (Ju 9:35) Lumilitaw na katulad ito ng ginagawa ng mga tao noon sa Hebreong Kasulatan na yumuyukod sa harap ng mga propeta, hari, o iba pang kinatawan ng Diyos. (1Sa 25:23, 24; 2Sa 14:4-7; 1Ha 1:16; 2Ha 4:36, 37) Sa maraming pagkakataon, yumukod kay Jesus ang mga tao bilang pasasalamat dahil isiniwalat ng Diyos kung sino talaga si Jesus o bilang pagkilala na pinapaboran siya ng Diyos.—Mat 14:32, 33; 28:5-10, 16-18; Luc 24:50-52; tingnan din ang study note sa Mat 2:2; 8:2; 14:33; 15:25.

Media

Imbakan ng Tubig ng Siloam
Imbakan ng Tubig ng Siloam

Sinasabi noon na ang imbakan ng tubig ng Siloam ay ang maliit na imbakan ng tubig sa Jerusalem na tinatawag na Birket Silwan. Pero noong 2004, natagpuan ang mga labí ng isang mas malaking imbakan ng tubig sa timog-silangan ng mas maliit na imbakan, na wala pang 100 m (330 ft) ang layo. May nahukay ring mga barya na mula pa noong panahong nag-aklas ang mga Judio laban sa Roma (sa pagitan ng 66 at 70 C.E.). Patunay ito na ginagamit ang imbakang ito hanggang noong wasakin ng mga Romano ang Jerusalem. Sa ngayon, ito na ang pinaniniwalaan na imbakan ng tubig ng Siloam na tinutukoy sa Ju 9:7. Makikita sa larawan na may mga hagdan ang imbakan ng tubig na ito kaya nakakalusong ang mga tao sa tubig kahit na pabago-bago ang lebel nito. Ngayon, punô na ng dumi at halaman ang sahig ng imbakang ito.

1. Imbakan ng Tubig ng Siloam

2. Bundok ng Templo