Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Masyado Bang Mahigpit ang Bibliya?

Masyado Bang Mahigpit ang Bibliya?

Masyado Bang Mahigpit ang Bibliya?

“NOONG bata ako, hindi itinuro sa akin ang mga pamantayan ng Bibliya. Ni hindi man lamang nababanggit ang Diyos,” ang sabi ng isang kabataang lalaki na taga-Finland. Pangkaraniwan na sa ngayon ang gayong pagpapalaki. Itinuturing ng marami, lalo na ng mga kabataan, na ang Bibliya ay talagang makaluma at ang payo nito ay masyadong mahigpit. Ang mga nagnanais sumunod sa Bibliya ay itinuturing ng iba na kawawang mga tao na ang buhay ay pinabibigatan ng mga pagbabawal at utos. Kaya nadarama ng marami na mas mabuti pang huwag nang basahin ang Bibliya at maghanap na lamang ng patnubay sa iba.

Ang ganiyang pananaw hinggil sa Bibliya ay pangunahin nang dahil sa mahabang rekord ng paniniil ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Halimbawa, noong panahon na kung tawagin ng ilang istoryador ay Panahon ng Kadiliman, kinontrol ng Simbahang Katoliko sa Europa ang halos lahat ng pitak ng buhay ng tao. Ang sinumang kumontra sa simbahan ay nanganganib na mapahirapan at maparusahan pa nga ng kamatayan. Nang lumitaw naman ang mga simbahan ng Protestante, hinigpitan din nila ang personal na kalayaan ng mga tao. Sa ngayon, kapag naririnig ang mga terminong gaya ng “Calvinist” o “Puritan,” naaalaala ng mga pamilyar sa mga relihiyong Protestante hindi lamang ang mga tagasunod nito kundi pati ang malupit nitong pagdidisiplina. Bunga nito, dahil mapaniil ang mga simbahan, nagkaroon ng maling palagay ang mga tao na malamang na mapaniil din ang mga turo ng Bibliya.

Nitong kamakailang mga siglo, humina nang husto ang impluwensiya ng mga simbahan sa buhay ng mga tao sa ilang lupain. Pagkatapos tanggihan ang tradisyonal na mga relihiyosong paniniwala, naisip ng marami na may karapatan ang mga tao na magpasiya sa kanilang sarili kung ano ang tama at mali. Ano ang resulta nito? Ganito ang paliwanag ni Ahti Laitinen, isang propesor sa kriminolohiya at hudisyal na sosyolohiya: “Nabawasan ang paggalang sa awtoridad, at lalong naging malabo ang pagkaunawa ng tao sa kung ano ang katanggap-tanggap at di-katanggap-tanggap.” Ang kakatwa rito, maging ang mga lider ng simbahan ay sumang-ayon na rin sa ganitong paraan ng pag-iisip. Isang prominenteng obispo ng Luterano ang nagsabi: “Para sa akin, ang mga usapin hinggil sa moral ay hindi malulutas sa tulong ng Bibliya o ng sinumang awtoridad sa relihiyon.”

Kanais-nais ba ang Kalayaang Walang Limitasyon?

Ang ideya ng kalayaang walang limitasyon ay waring kaakit-akit, lalo na sa mga kabataan. Hindi gusto ng nakararami na ituring sila na nakabababa o mamuhay nang may detalyadong talaan ng mga dapat at di-dapat gawin. Subalit dapat bang hayaan na lamang na gawin ng lahat ang anumang gusto nila? Upang masagot ang tanong na ito, isaalang-alang ang isang ilustrasyon. Gunigunihin ang isang lunsod na walang batas trapiko. Walang hinihiling na lisensiya sa pagmamaneho o pagsubok sa pagmamaneho. Maaaring magmaneho ang mga tao sa anumang paraang gusto nila, kahit na lasing sila, nang hindi nag-aalala hinggil sa mga limitasyon sa bilis ng pagmamaneho, mga karatulang pantrapiko, ilaw ng trapiko, lansangang one-way, o mga tawiran ng mga tao. Kanais-nais ba ang gayong “kalayaan”? Tiyak na hindi! Magdudulot ito ng kaguluhan, kalituhan, at malulubhang aksidente. Bagaman nililimitahan ng mga batas trapiko ang kalayaan ng mga tao, nauunawaan natin na ang mga batas na ito ay proteksiyon sa mga nagmamaneho gayundin sa mga taong nasa lansangan.

Sa katulad na paraan, nagbibigay si Jehova ng patnubay kung paano tayo dapat mamuhay. Kapaki-pakinabang ito sa atin. Kung wala ang gayong patnubay, manghuhula na lamang tayo sa kung ano ang mabuti at masama, at kapag ganito ang nangyari, maaari tayong mapahamak pati ang iba. Ang gayong kalagayan ng kaguluhan sa moral ay magiging di-kanais-nais at mapanganib gaya ng pagmamaneho sa isang lunsod na walang batas trapiko. Ang totoo, kailangan natin ng mga tuntunin at mga batas sa paanuman​—isang katotohanang kinikilala ng maraming tao.

“Ang Aking Pasan ay Magaan”

Ang mga batas trapiko ay maaaring binubuo ng mahaba at detalyadong talaan ng mga tuntunin​—sa ilang lugar, napakarami na ng tuntunin sa pagpaparada pa lamang ng sasakyan. Sa kabaligtaran, ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng mahabang listahan ng mga tuntunin. Sa halip, nagbibigay ito ng saligang mga simulain, at ang mga ito ay hindi nakapagpapabigat o mapaniil. Ganito ang nakaaakit na paanyaya ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga kapanahon: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mateo 11:28, 30) Sa isang liham sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto, sumulat si apostol Pablo: “Kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.”​—2 Corinto 3:17.

Subalit may limitasyon ang kalayaang iyan. Malinaw na binanggit ni Jesus na ang mga kahilingan ng Diyos ay may kasamang simpleng mga utos. Halimbawa, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ito ang aking utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.” (Juan 15:12) Gunigunihin ang magiging buhay ng mga tao kung ikakapit ng lahat ang utos na iyan! Kaya nga, ang kalayaang tinatamasa ng mga Kristiyano ay may mga limitasyon. Sumulat si apostol Pedro: “Maging gaya ng malalayang tao, gayunma’y taglay ang inyong kalayaan, hindi bilang panakip ukol sa kasamaan, kundi bilang mga alipin ng Diyos.”​—1 Pedro 2:16.

Kaya bagaman walang sinusunod ang mga Kristiyano na isang detalyadong talaan ng mga kautusan, hindi sila kumikilos alinsunod sa kanilang sariling ideya sa kung ano ang tama at mali. Kailangan ng mga tao ng patnubay na Diyos lamang ang makapagbibigay. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Kung susundin natin ang patnubay ng Diyos, makikinabang tayo nang husto.​—Awit 19:11.

Ang isa sa mga kapakinabangan ay kaligayahan. Halimbawa, ang kabataang lalaki na binanggit sa pasimula ay dating magnanakaw at sinungaling. Imoral din siya noon. Nang matutuhan niya ang matataas na pamantayan ng Bibliya, binago niya ang kaniyang paraan ng pamumuhay upang iayon ito sa kaniyang natutuhan. “Bagaman hindi ko naman agad nasunod ang lahat ng pamantayan ng Bibliya,” sinabi niya, “naunawaan ko ang halaga ng mga ito. Ang kaligayahang tinatamasa ko ngayon ay hindi ko naranasan sa dati kong paraan ng pamumuhay. Dahil sa pamumuhay kasuwato ng mga pamantayan ng Bibliya, nagiging simple ang iyong buhay. May direksiyon ang buhay mo at alam mo kung ano ang tama at mali.”

Gayundin ang naranasan ng milyun-milyong tao. Dahil din sa patnubay ng Bibliya, natulungan sila na matamasa ang mas mabuting pakikipag-ugnayan sa iba, magkaroon ng timbang na pangmalas sa trabaho, makaiwas sa nakapipinsalang mga bisyo, at sa gayo’y magkaroon ng mas maligayang buhay. Nasubukan ni Markus, * isang kabataang lalaki, na mamuhay alinsunod sa mga pamantayan ng Bibliya. Naranasan din niyang mamuhay nang walang patnubay nito. Ganito ang sinabi niya hinggil sa kaniya mismong buhay: “Sa pamumuhay alinsunod sa Bibliya, nagkaroon ako ng higit na paggalang sa aking sarili.” *

Ano ang Pasiya Mo?

Kaya mahigpit ba ang Bibliya? Ang sagot ay oo​—para sa kapakinabangan nating lahat. Pero masyado bang mahigpit ang Bibliya? Ang sagot ay hindi. Hahantong lamang sa mga problema ang kalayaang walang limitasyon. Timbang ang mga pamantayan ng Bibliya, at itinataguyod ng mga ito ang ating kapakanan at kaligayahan. Ganito ang sinabi ni Markus: “Sa paglipas ng panahon, natanto ko ang karunungan ng pagkakapit ng Salita ng Diyos sa buhay. Bagaman sa maraming paraan ay naiiba ang aking buhay sa karamihan ng mga tao, hindi ko kailanman inisip na may kulang sa buhay ko.”

Kapag nararanasan mo na ang mga pagpapala ng pamumuhay alinsunod sa mga pamantayan ng Bibliya, lalo mong mapahahalagahan ang Salita ng Diyos. Aakay ito sa mas malaking pagpapala​—malilinang mo ang pag-ibig sa Pinagmulan nito, ang Diyos na Jehova. “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.”​—1 Juan 5:3.

Si Jehova ang ating Maylalang at ang ating makalangit na Ama. Alam niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Sa halip na higpitan tayo, nagbibigay siya ng maibiging patnubay para sa ating ikabubuti. Sa matulaing pananalita, hinihimok tayo ni Jehova: “O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.”​—Isaias 48:18.

[Mga talababa]

^ par. 13 Binago ang pangalan.

^ par. 13 Para sa higit pang impormasyon hinggil sa paraan ng pamumuhay na nakasaad sa Bibliya, tingnan ang kabanata 12 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 9]

Sinabi ni Jesus na ang mga kahilingan ng Diyos ay nakapagpapaginhawa

[Larawan sa pahina 10]

Ang pagsunod sa patnubay ng Diyos ay nagdudulot ng kaligayahan at paggalang sa sarili