Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sa kaniyang modelong panalangin, ipinahihiwatig ba ni Jesus na nangyayari na ang kalooban ng Diyos sa langit kahit na hindi pa pinalayas ang balakyot na mga anghel?

Gaya ng nakaulat sa Mateo 6:10, sinabi ni Jesus: “Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” Ang kahilingang ito ay maaaring unawain sa dalawang paraan. Una, bilang pagsamo na mangyari nawa ang kalooban ng Diyos sa lupa kung paanong nangyayari na ito sa langit o, ikalawa, bilang kahilingan na mangyari nawa ito nang lubusan kapuwa sa langit at sa lupa. * Ang kahulugan ng naunang pananalita ni Jesus na, “dumating nawa ang iyong kaharian,” ay nagpapahiwatig na ang ikalawang pangmalas ang mas kasuwato ng Kasulatan. At ipinakikita nito ang situwasyon nang nasa lupa si Jesus at ang mahabang yugto pagkatapos noon. Paano?

Binabanggit ng aklat ng Apocalipsis ang dalawang magkaibang mga resulta ng pagkakatatag ng Kaharian ng Diyos sa langit. Ang una ay nakaaapekto sa langit mismo, ang ikalawa, sa lupa. Sinasabi ng Apocalipsis 12:7-9, 12: “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon, at ang dragon at ang mga anghel nito ay nakipagbaka ngunit hindi ito nanaig, ni may nasumpungan pa mang dako para sa kanila sa langit. Kaya inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya. Dahil dito ay matuwa kayo, kayong mga langit at kayo na tumatahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.”

Ang pagpapalayas kay Satanas at sa mga demonyo mula sa langit pagkatapos ng 1914 ang nag-alis ng lahat ng mapaghimagsik na espiritu sa dakong iyon, anupat nagdulot ng malaking kagalakan sa matatapat na anghel na mga anak ni Jehova, na kumakatawan sa kalakhang bahagi ng kaniyang mga nilalang na espiritu. (Job 1:6-12; 2:1-7; Apocalipsis 12:10) Sa gayon, ang kahilingan sa modelong panalangin ni Jesus, kung may kaugnayan sa pagkakapit nito sa langit, ay natupad. Ang lahat ng nanatili sa makalangit na dakong iyon ay matapat kay Jehova at lubos na nagpapasakop sa kaniyang pagkasoberano.

Dapat idiin na bago iyon, nang ang balakyot na mga anghel ay nakapupunta pa sa langit, sila ay itinakwil na sa pamilya ng Diyos at nasa ilalim na ng tiyak na mga paghihigpit. Halimbawa, isinisiwalat ng Judas 6 na noon pa mang unang siglo C.E., sila ay “itinaan [na] sa mga gapos na walang hanggan sa ilalim ng pusikit na [espirituwal na] kadiliman ukol sa paghuhukom sa dakilang araw.” Gayundin naman, sinasabi ng 2 Pedro 2:4: “Ang Diyos . . . ay hindi nagpigil sa pagpaparusa sa mga anghel na nagkasala, kundi, sa pamamagitan ng paghahagis sa kanila sa Tartaro [isang sukdulang napakababang kalagayan], ibinulid sila sa mga hukay ng pusikit na [espirituwal na] kadiliman upang itaan sa paghuhukom.” *

Kabaligtaran naman ng kanilang katayuan ng pagiging itinakwil samantalang nasa langit pa, ang balakyot na mga anghel ay may malaking awtoridad sa lupa. Sa katunayan, si Satanas ay tinatawag ng Salita ng Diyos na “ang tagapamahala ng sanlibutang ito,” at ang mga demonyo naman ay tinatawag nito na “mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito.” (Juan 12:31; Efeso 6:11, 12; 1 Juan 5:19) Dahil sa kaniyang awtoridad, maiaalok ng Diyablo kay Jesus “ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian” kapalit ng isang gawang pagsamba. (Mateo 4:8, 9) Kung gayon, maliwanag na kapag “dumating” ang Kaharian ng Diyos may kaugnayan sa lupa, magdudulot ito ng malalaking pagbabago.

Dito sa lupa, ang ‘pagdating’ ng Kaharian ng Diyos ay magdudulot ng isang lubos na bagong sistema ng mga bagay. Dudurugin ng Kaharian ang lahat ng gawang-taong pamamahala at ito ang magiging tanging pamahalaan sa lupa. Kasabay nito, ang mga sakop nitong mga tao na may takot sa Diyos ay magiging “isang bagong lupa.” (2 Pedro 3:13; Daniel 2:44) Papawiin din ng Kaharian ang kasalanan mula sa masunuring sangkatauhan at sa dakong huli ay gagawing isang pangglobong paraiso ang lupa, sa gayon ay inaalis ang lahat ng bakas ng satanikong pamamahala.​—Roma 8:20, 21; Apocalipsis 19:17-21.

Sa katapusan ng Milenyo, kapag naisakatuparan na ng Mesiyanikong Kaharian ang kalooban ng Diyos para rito, “magpapasakop din mismo ang Anak sa Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.” (1 Corinto 15:28) Pagkatapos ay magkakaroon ng isang panghuling pagsubok, anupat pagkalipas nito ay permanente nang papawiin sa “ikalawang kamatayan” si Satanas, ang kaniyang mga demonyo, at ang sinumang mapaghimagsik na mga taong nailigaw. (Apocalipsis 20:7-15) Mula sa panahong iyon, ang lahat ng matatalinong nilalang sa langit at sa lupa ay walang-hanggan nang magpapasakop nang may kagalakan sa maibiging soberanya ni Jehova. Sa lahat ng aspekto, iyon na ang lubos na katuparan ng mga salita sa modelong panalangin ni Jesus.​—1 Juan 4:8.

[Mga talababa]

^ par. 3 Isinasalin ng The Bible​—An American Translation ang bahaging ito ng modelong panalangin ni Jesus na, “Dumating nawa ang kaharian mo! Mangyari nawa ang iyong kalooban sa lupa gayundin sa langit!”​—Mateo 6:10.

^ par. 6 Inihalintulad ni apostol Pedro ang espirituwal na katayuang ito ng pagiging itinakwil sa pagiging nasa “bilangguan.” Gayunman, ang tinutukoy niya ay hindi ang “kalaliman” sa hinaharap na doo’y ibubulid ang mga demonyo sa loob ng isang libong taon.​—1 Pedro 3:19, 20; Lucas 8:30, 31; Apocalipsis 20:1-3.