Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mali bang pumusta kung maliit na halaga lamang ng salapi ang nasasangkot?

Hindi detalyadong tinatalakay ng Salita ng Diyos ang pagsusugal, ngunit sapat ang sinasabi nito upang ipakita na ang lahat ng pagsusugal ay hindi kasuwato ng mga simulain ng Bibliya. * Halimbawa, kinikilala sa pangkalahatan na ang pagsusugal ay nag-uudyok ng kasakiman. Kahit ang bagay na iyon lamang ay mahalaga nang isaalang-alang ng mga Kristiyano, yamang sinasabi ng Bibliya na “ang mga taong sakim” ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos at ibinibilang nito na kauri ng idolatriya ang kaimbutan.​—1 Corinto 6:9, 10; Colosas 3:5.

Pinupukaw rin ng pagsusugal ang egotismo at ang di-mabuting espiritu ng pagpapaligsahan, isang matinding pagnanais na manalo. Nagbabala si apostol Pablo laban sa gayong mga bagay nang isulat niya: “Huwag tayong maging egotistiko, na nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa, na nag-iinggitan sa isa’t isa.” (Galacia 5:26) Karagdagan pa, pinasisigla ng pagsusugal sa ilan ang mapamahiing pananalig sa suwerte. Nakabubuo ang mga sugarol ng lahat ng uri ng pamahiin, anupat umaasang sila ay susuwertehin. Ipinaaalaala nila sa atin ang di-tapat na mga Israelita na “nag-aayos ng mesa para sa diyos ng Suwerte at yaong mga nagbubuhos ng hinaluang alak para sa diyos ng Tadhana.”​—Isaias 65:11.

Baka ikatuwiran ng ilan na ang pagpusta ng maliit na halaga ng salapi habang nagkakatuwaan sa paglalaro ng baraha o board game kasama ng mga kamag-anak o malapit na mga kaibigan ay isang di-nakapipinsalang libangan lamang. Totoo, maaaring hindi ituturing ng isa na pumupusta ng maliit na halaga ng salapi na siya ay sakim, egotistiko, mahilig makipagpaligsahan, o mapamahiin. Gayunman, ano ang magiging epekto ng kaniyang pagsusugal sa kaniyang mga kasugalan? Maraming sugapang sugarol ang nagsimula sa pagpusta ng maliliit na halaga ‘bilang katuwaan lamang.’ (Lucas 16:10) Ang waring di-nakapipinsalang libangan ay umakay sa isang mas masamang kalagayan sa kaso nila.

Iyan ay lalo nang totoo sa mga bata. Maraming bata ang natuwang manalo ng maliliit na pusta at natuksong pumusta nang mas malalaking halaga. (1 Timoteo 6:10) Pinatutunayan ng isang matagal na pag-aaral na inilathala sa Estados Unidos ng Arizona Council on Compulsive Gambling na maraming sugapa sa pagsusugal ang nagsimula sa murang edad “sa pamamagitan ng pagpusta ng maliliit na halaga sa mga paligsahan sa isport o sa paglalaro ng baraha kasama ng mga kaibigan o mga kamag-anak.” Isa pang ulat ang nagsasabi na “ang mga bata ay nagsisimulang magsugal sa tahanan, madalas ay sa paglalaro ng baraha kasama ng pamilya at mga kaibigan.” Idinagdag pa ng ulat na “tatlumpung porsiyento ng mga bata na nagsugal ay nagsimulang magsugal bago sila tumuntong ng onse anyos.” Tinutustusan ng maraming tin-edyer na sugarol ang kanilang pagkasugapa sa pamamagitan ng krimen o ng imoralidad, ayon sa pag-aaral na Why Do People Gamble Too Much​—Pathological and Problem Gambling. Tunay ngang isang kalunus-lunos na resulta ng isang bagay na waring di-nakapipinsala sa simula!

Yamang nabubuhay tayo sa isang daigdig na may napakarami nang silo at tukso, bakit pa natin ihahantad nang di-kinakailangan ang ating sarili sa isa pang tukso? (Kawikaan 27:12) Ang pagsusugal​—may kasama mang mga bata o wala, maliit man o malaking halaga ang nasasangkot​—ay nagsasapanganib sa espirituwalidad at dapat na iwasan. Ang mga Kristiyano na nasisiyahan sa paglalaro ng mga board game o baraha bilang libangan ay makabubuting magtala na lamang ng iskor o maglaro na lamang bilang katuwaan nang hindi nagtatala ng iskor. Ang matatalinong Kristiyano na nangangalaga sa kanilang sariling espirituwalidad at yaong sa mga kaibigan at pamilya nila ay umiiwas sa pagsusugal​—kahit na maliit na halaga lamang ng salapi ang nasasangkot.

[Talababa]

^ par. 3 Binibigyang-katuturan ng World Book Encyclopedia ang pagsusugal bilang ang “pagpusta sa kalalabasan ng isang laro, pangyayari, o pagkakataon.” Sinasabi pa nito na “ang mga sugarol o mga naglalaro ay karaniwan nang pumupusta ng salapi sa . . . gayong mga sapalarang laro tulad ng mga loterya, laro sa baraha, at mga dais.”