Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Ibig Sabihin ng Maging Matapat?

Ano ang Ibig Sabihin ng Maging Matapat?

Ano ang Ibig Sabihin ng Maging Matapat?

MINAMALAS ng mga Judiong Hasidim mula sa ikalawang siglo B.C.E. ang kanilang mga sarili bilang tunay na matapat. Ang kanilang pangalan ay galing sa cha·sidhʹ, ang saligang salitang Hebreo para sa “matapat.” Ito ay kinuha mula sa pangngalang cheʹsedh, na madalas isalin bilang “maibiging-kabaitan,” “matapat na pag-ibig,” “kabaitan,” “kabutihan,” at “kaawaan.” Ayon sa Theological Dictionary of the Old Testament, ang cheʹsedh “ay aktibo, nakikipagkapuwa, at namamalagi [at] ipinahihiwatig nito hindi lamang ang saloobin ng tao, kundi maging ang pagkilos din na nagmumula sa saloobing ito. Ito’y isang pagkilos na nag-iingat o nagtataguyod ng buhay. Ito’y pamamagitan alang-alang sa isa na dumaranas ng kasawian o kabagabagan. Ito’y pagpapakita ng pakikipagkaibigan.”

Maliwanag, sa maraming wika, walang isang salita ang makapagpapahayag ng ganap na kahulugan na nauugnay sa salitang Hebreong ito na ginagamit sa Bibliya. Magkagayunman, ang pagkamatapat sa diwa ng Bibliya ay nangangahulugan ng higit pa sa tapat na pagtupad sa mga tipanan. Kalakip nito ang ideya ng maibiging pakikipag-ugnayan na may positibong pagkilos upang makinabang ang iba. Upang maunawaan kung ano ang kahulugan ng tunay na pagkamatapat, isaalang-alang kung paano ito ipinakita ni Jehova kina Abraham, Moises, David, sa bansang Israel, at sa sangkatauhan sa pangkalahatan.

Ipinakita ni Jehova ang Pagkamatapat

Sinabi ni Jehova sa kaniyang kaibigan na si Abraham: “Ako ay kalasag para sa iyo.” (Genesis 15:1; Isaias 41:8) Hindi ito mga salita lamang. Ipinagsanggalang at iniligtas ni Jehova si Abraham at ang kaniyang sambahayan mula kay Paraon at mula kay Abimelec. Tinulungan niya si Abraham na sagipin si Lot mula sa alyansa ng apat na hari. Isinauli ni Jehova ang kakayahang mag-anak ni Abraham na 100 taóng gulang at ni Sara na 90 taóng gulang upang sa pamamagitan nila ay maaaring dumating ang ipinangakong Binhi. Regular na nakipagtalastasan si Jehova kay Abraham sa pamamagitan ng mga pangitain, mga panaginip, at mga mensaherong anghel. Sa katunayan ipinakita ni Jehova ang pagkamatapat kay Abraham noong siya’y nabubuhay at gayundin, noong matagal na siyang namatay. Sa loob ng maraming siglo, tinupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako sa mga inapo ni Abraham, ang bansang Israel, sa kabila ng kanilang kalikuan. Ang kaugnayan ni Jehova kay Abraham ay pagpapakita ng tunay na pagkamatapat​—ang pag-ibig na isinagawa.​—Genesis, mga kabanata 12 hanggang 25.

Binanggit na “nagsalita si Jehova kay Moises nang mukhaan, kung paanong nagsasalita ang isang tao sa kaniyang kapuwa.” (Exodo 33:11) Oo, si Moises ay may mas matalik na kaugnayan kay Jehova kaysa sa kaninumang propeta bago si Jesu-Kristo. Paano ipinakita ni Jehova ang pagkamatapat kay Moises?

Bilang isang 40-taóng-gulang na lalaki na may kapangyarihan at kakayahan, may kapangahasang isinabalikat ni Moises ang pananagutan na palayain ang kaniyang bayan. Ngunit hindi pa iyon ang panahon. Kinailangan niyang tumakas para sa kaniyang buhay. Sa loob ng 40 taon ay nagpastol siya ng mga tupa sa Midian. (Gawa 7:23-30) Gayunman, hindi siya iniwan ni Jehova. Nang dumating na ang tamang panahon, pinabalik si Moises upang akayin ang Israel palabas sa Ehipto.

Sa katulad na paraan, ipinakita ni Jehova ang pagkamatapat kay David, ang tanyag na ikalawang hari ng Israel. Bagaman si David ay isa lamang kabataan, sinabi ni Jehova kay propeta Samuel: “Tumindig ka, pahiran mo siya, sapagkat siya na nga!” Mula noon, may pagkamatapat na ipinagsanggalang at pinatnubayan ni Jehova si David habang sumusulong siya sa pagkamaygulang bilang ang susunod na hari ng buong Israel. Iniligtas siya ni Jehova “mula sa pangalmot ng leon at mula sa pangalmot ng oso” at mula sa kamay ng higanteng Filisteo na si Goliat. Binigyan niya si David ng maraming tagumpay laban sa mga kaaway ng Israel, at iniligtas ni Jehova si David mula sa sibat ng mapanibughuin, at lipos ng pagkapoot na si Saul.​—1 Samuel 16:12; 17:37; 18:11; 19:10.

Siyempre pa, si David ay hindi isang sakdal na tao. Sa katunayan, nagkasala siya nang malubha. Gayunman, sa halip na pabayaan siya, pinalawig ni Jehova ang matapat na pag-ibig sa taimtim-na-nagsisising si David. Sa buong buhay ni David, paulit-ulit na kumilos si Jehova upang maingatan at maitaguyod ang buhay. Namagitan siya alang-alang sa isa na dumaranas ng kabagabagan. Maibiging-kabaitan nga!​—2 Samuel 11:1–​12:25; 24:1-17.

Ang bansang Israel sa kabuuan ay pumasok sa isang pantangi at nakaalay na kaugnayan kay Jehova nang sumang-ayon sila sa mga hinihiling ng Kautusang Mosaiko sa Bundok Sinai. (Exodo 19:3-8) Kaya ang Israel ay inilarawan bilang asawa ni Jehova. Sinabi sa Israel: “Tinawag ka ni Jehova na waring ikaw ay asawang babae.” At sinabi ni Jehova sa kaniya: “Sa maibiging-kabaitan hanggang sa panahong walang takda ay maaawa ako sa iyo.” (Isaias 54:6, 8) Paano ipinakita ni Jehova ang pagkamatapat sa pantanging kaugnayang ito?

Nagkusa si Jehova na ilaan ang mga pangangailangan ng mga Israelita at patibayin ang ugnayan nila sa kaniya. Iniligtas niya sila mula sa Ehipto, inorganisa sila na maging isang bansa, at dinala sila sa “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Exodo 3:8) Regular siyang naglaan ng espirituwal na instruksiyon sa pamamagitan ng mga saserdote, mga Levita, at sunud-sunod na mga propeta at mensahero. (2 Cronica 17:7-9; Nehemias 8:7-9; Jeremias 7:25) Nang bumaling ang bansa sa paglilingkod sa ibang mga diyos, itinuwid sila ni Jehova. Nang magsisi sila, pinatawad niya sila. Hindi maikakaila na ang bansang Israel ay isang “asawa” na mahirap pakitunguhan. Gayunman, hindi siya iniwan kaagad ni Jehova. Dahil sa kaniyang mga pangako kay Abraham, matapat Siyang nanatili sa mga Israelita hanggang sa ang Kaniyang mga layunin may kaugnayan sa kanila ay matupad. (Deuteronomio 7:7-9) Isang napakahusay na halimbawa nga para sa mga mag-asawa sa ngayon!

Ipinakikita rin ni Jehova ang pagkamatapat sa sangkatauhan sa pangkalahatan anupat inilalaan niya ang pangunahing mga pangangailangan sa buhay para sa lahat ng tao, matuwid at di-matuwid. (Mateo 5:45; Gawa 17:25) Higit pa riyan, inilaan niya ang haing pantubos ng kaniyang Anak upang ang buong sangkatauhan ay magkaroon ng pagkakataon na mapalaya mula sa pagkakaalipin sa kasalanan at kamatayan at upang tamasahin ang maluwalhating pag-asa ng buhay na sakdal at walang hanggan sa Paraiso. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Ang inilaang pantubos ang sukdulang pagkilos upang maingatan at maitaguyod ang buhay. Ito nga ay “pamamagitan alang-alang sa isa na dumaranas ng kasawian o kabagabagan.”

Patunayan ang Iyong Pagkamatapat ng Positibong Pagkilos

Yamang kasingkahulugan ng maibiging-kabaitan, kalakip din sa pagkamatapat ang masidhing damdamin ng pagbibigayan. Kung pinagpakitaan ka ng maibiging-kabaitan, gayundin ang aasahan sa iyo. Ang pagkamatapat ay ginagantihan ng katumbas nito. Ang katotohanan na naunawaan ni David ang mga pahiwatig na nauugnay sa cheʹsedh ay maliwanag sa kaniyang mga pananalita: “Yuyukod ako tungo sa iyong banal na templo, at pupurihin ko ang iyong pangalan.” Bakit? “Dahil sa iyong maibiging-kabaitan at dahil sa iyong katapatan.” (Awit 138:2) Bilang isa na nakatanggap ng maibiging-kabaitan ni Jehova, maliwanag na si David ay napakilos na sumamba at pumuri sa kaniya. Kaya habang minumuni-muni natin ang pagpapakita ni Jehova ng maibiging-kabaitan sa atin, hindi ba tayo napakikilos na gantihan iyon? Halimbawa, kung dinusta ang pangalan ni Jehova, ang iyo bang pagkabahala sa kaniyang reputasyon ay mag-uudyok sa iyo na magsalita upang ipagtanggol siya?

Ganiyan ang nangyari sa isang baguhang Kristiyano at sa kaniyang asawang babae nang dinaluhan nila ang libing ng isang kamag-anak na namatay sa isang aksidente sa motorsiklo. Hindi naman relihiyoso ang serbisyo, at yaong mga dumalo ay pinahintulutang magsalita tungkol sa namatay. Ang isa na nagsalita ay nagsimulang sisihin ang Diyos dahil sa maagang kamatayan ng kabataang lalaking ito sa pamamagitan ng pagsasabing, ‘Gusto ng Diyos na mapunta siya sa langit, kaya kinuha niya siya.’ Nadama ng ating Kristiyanong kapatid na imposibleng manahimik. Tumungo siya sa podiyum, bagaman wala siyang dalang Bibliya o mga nota. “Sa palagay ninyo kaya’y sinasang-ayunan ng isang Diyos na maawain, madamayin, at makapangyarihan-sa-lahat ang mga pangyayaring katulad nito?” ang tanong niya. Pagkatapos ay nagpatuloy siya sa sampung-minutong biglaang pahayag na may mga pagsipi mula sa Kasulatan na ipinaliliwanag kung bakit tayo namamatay, kung ano ang ginawa ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kamatayan, at ang kamangha-manghang pag-asa ng pagkabuhay-muli tungo sa buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. Ang mahigit sa 100 katao na dumalo ay matagal na nagpalakpakan. Nang maglaon ay naalaala ng kapatid: “Nakadama ako ng panloob na kagalakan na hindi ko pa nadama kailanman. Nagpasalamat ako kay Jehova dahil sa itinuro niya sa akin ang kaniyang karunungan at binigyan ako ng pagkakataon na maipagtanggol ang kaniyang banal na pangalan.”

Kalakip sa pagkamatapat kay Jehova ang pagkamatapat sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Bakit? Dahil sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya, itinuturo sa atin ni Jehova kung paano mamuhay. Ang mga batas at mga simulain na nakaulat doon ay, sa katunayan, ang pinakamainam at pinakakapaki-pakinabang na mga alituntunin sa buhay. (Isaias 48:17) Huwag mong hayaan ang panggigipit ng iba o ang iyong sariling kahinaan ang maglihis sa iyo mula sa pagsunod sa mga batas ni Jehova. Manatiling matapat sa Salita ng Diyos.

Kasama rin sa pagkamatapat sa Diyos ang pagkamatapat sa kaniyang organisasyon. Sa nakalipas na mga taon, nagkaroon ng kinakailangang mga pagtutuwid at mga pagbabago sa ating kaunawaan sa ilang kasulatan. Ang katotohanan ay na wala nang sinuman ang mainam na pinakakain sa espirituwal na gaya natin. (Mateo 24:45-47) Walang alinlangan, nanatiling matapat na sumusuporta si Jehova sa kaniyang makabagong-panahong organisasyon. Maaari ba nating gawin din ang gayon? Gayon ang ginawa ni A. H. Macmillan. Nang malapit na siyang mamatay, sinabi niya: “Nang inialay ko ang aking sarili sa Diyos sa edad na dalawampu’t-tatlo noong Setyembre 1900, nakita kong lumaki ang organisasyon ni Jehova mula sa isang maliit na pasimula tungo sa isang pambuong-daigdig na samahan ng maliligayang tao na masigasig na naghahayag ng kaniyang katotohanan. . . . Kumbinsido ako nang higit kailanman, habang nakikita kong matatapos na ang aking paglilingkod sa Diyos sa lupa, na pinapatnubayan ni Jehova ang kaniyang bayan at ibinibigay sa kanila ang mismong kailangan nila sa tamang panahon.” Naglingkod si Brother Macmillan nang may integridad at katapatan sa loob ng halos 66 na taon, hanggang sa kaniyang kamatayan noong Agosto 26, 1966. Siya ay isang mainam na halimbawa ng pagkamatapat sa nakikitang organisasyon ng Diyos.

Karagdagan pa sa pagiging matapat sa organisasyon, magiging matapat kaya tayo sa isa’t isa? Kapag napaharap sa banta ng malupit na pag-uusig, mananatili kaya tayong matapat sa ating mga kapatid? Noong Digmaang Pandaigdig II, nagpakita ng mainam na halimbawa ng pagkamatapat ang ating mga kapatid sa Netherlands. Isang matanda mula sa Kongregasyon ng Groningen, si Klaas de Vries, ang napasailalim sa malupit at walang-awang pagtatanong ng Gestapo ng Nazi, mag-isang ibinilanggo sa loob ng 12 araw na tinapay at tubig lamang ang pagkain, at pagkatapos ay muling pinagtatanong. Habang nakatutok sa kaniya ang rebolber at binantaang papatayin, binigyan siya ng dalawang minuto para isiwalat ang kinaroroonan ng mga kapatid na may pananagutan, gayundin ang iba pang mahahalagang impormasyon. Ang sinasabi lamang ni Klaas ay: “Wala kayong maririnig sa akin. . . . Hindi ako magiging isang traidor.” Tatlong beses siyang binantaan sa pamamagitan ng rebolber. Sa wakas ay sumuko ang Gestapo, at ipinakulong muli si Klaas sa iba namang bilangguan. Hindi niya kailanman ipinagkanulo ang kaniyang mga kapatid.

Maipaaabot ba natin ang ating pagkamatapat sa ating pinakamalapit na kamag-anak​—sa ating asawa? Kung paanong binigyang-dangal ni Jehova ang kaniyang pakikipagtipan sa bansang Israel, tayo ba’y matapat sa ating mga panata sa kasal? Bukod pa sa di-nagmamaliw na katapatan, may-kasigasigang itaguyod ang isang malapít na kaugnayan sa iyong asawa. Magkusa na gawing tiwasay ang iyong pag-aasawa. Gumugol ng panahon nang magkasama, malaya at tapatang makipagtalastasan sa isa’t isa, suportahan at patibayin ang isa’t isa, makinig sa isa’t isa, tumawa nang magkasama, umiyak nang magkasama, maglaro nang magkasama, gumawa nang magkasama upang matamo ang mga tunguhin ninyong dalawa, paluguran ang isa’t isa, maging magkaibigan. Maging lalong maingat upang maiwasang magkaroon ng romantikong damdamin sa iba. Bagaman tama at angkop na magkaroon ng mga kakilala at maging ng malalapít na pakikipagkaibigan sa iba sa labas ng iyong pag-aasawa, dapat na iukol ang romantikong damdamin sa iyong asawa lamang. Huwag mong hayaan na sirain ninuman ang ugnayan ninyo bilang mag-asawa.​—Kawikaan 5:15-20.

Manatiling matapat sa nananampalatayang mga kaibigan at kapamilya. Habang lumilipas ang mga taon, huwag mo silang kalilimutan. Makipag-ugnayan, sumulat, tumawag, dumalaw. Anuman ang maging kalagayan mo sa buhay, huwag silang biguin. Hayaan silang matuwa na sabihing kakilala ka nila o na may ugnayan kayo. Ang pagkamatapat sa kanila ay magpapangyari sa iyo na manatiling matatag sa paggawa ng tama at magsisilbing isang pampatibay-loob sa iyo.​—Esther 4:6-16.

Oo, kalakip sa tunay na pagkamatapat ang positibong pagkilos upang maingatan ang mahahalagang kaugnayan. Gawin ang magagawa mo upang gantihan ang maibiging-kabaitan ni Jehova. Tularan ang pagkamatapat ni Jehova sa iyong pakikitungo sa kongregasyong Kristiyano, sa iyong asawa, pamilya, at mga kaibigan. May-pagkamatapat na ipahayag ang mga kagalingan ni Jehova sa iyong kapuwa. Tumpak ang pagkakasabi ng salmista nang kaniyang sabihin: “Aawitin ko ang tungkol sa mga maibiging-kabaitan ni Jehova hanggang sa panahong walang takda. Sa sali’t salinlahi ay ihahayag ko ang iyong katapatan sa pamamagitan ng aking bibig.” (Awit 89:1) Hindi ba tayo napapalapít sa gayong Diyos? Tunay nga, “ang kaniyang maibiging-kabaitan ay hanggang sa panahong walang takda.”​—Awit 100:5.

[Larawan sa pahina 23]

A. H. Macmillan