Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Hindi Na Mapagpasensiya ang mga Tao?

Bakit Hindi Na Mapagpasensiya ang mga Tao?

HINDI na bago ang kawalan ng pasensiya. Karaniwan na lang makakita ng mga taong nauubusan ng pasensiya kapag naiipit sa trapik o nakapila. Pero naniniwala ang ilang eksperto na mas mabilis maubos ang pasensiya ng mga tao ngayon kaysa noon​—at baka magulat ka sa mga dahilan.

Sinasabi ng ilang analista na nitong nakaraang mga taon, maraming tao ang hindi na mapagpasensiya dahil sa teknolohiya. Ayon sa The Gazette ng Montreal, Canada, ipinahihiwatig ng ilang mananaliksik na “binabago ng digital technology, gaya ng mga cellphone, camera, e-mail, at iPod, ang ating buhay . . . Dahil sa mga teknolohiyang iyan, gustung-gusto nating magkaroon agad ng resulta ang mga bagay-bagay.”

May sinabi ang family psychologist na si Dr. Jennifer Hartstein na dapat pag-isipan. Sinabi niya na “anumang naisin natin, gusto nating makuha agad iyon​—nang mabilis, mahusay, at ayon sa ating paraan. Kapag hindi nangyari iyon, nadidismaya tayo  at naiinis, [na senyales] ng kawalan ng pasensiya.” Ang sabi pa niya, “Nakalimutan na nating maghinay-hinay lang at i-enjoy ang bawat sandali.”

Naniniwala ang ilan na bihira na lang ang gumagamit ng e-mail at malapit na itong hindi gamitin. Bakit? Dahil ang mga taong nagpapadala ng e-mail ay wala nang tiyagang maghintay nang ilang oras, o kahit ilang minuto lang, para sa sagot. At gaya ng pagsulat ng liham, ang e-mail ay nangangailangan pa ng panimula at pangwakas na pagbati. Para sa marami, ang mga ito ay boring at ubos-oras. Kaya mas pinipili nila ang instant messaging. Tila wala nang tiyaga ang mga tao na mag-type ng mga pagbati! Hindi na tinitingnan ng marami kung may mali sa naisulat nila. Kaya madalas na ang mga liham at e-mail ay maraming mali at napupunta sa maling tao.

Maraming tao ang wala nang tiyagang magbasa ng mahahabang artikulo na nakaimprenta

Ang pagnanais na makuha agad ang gusto ay hindi lang nangyayari sa larangan ng digital communication. Parang nag-aapura na rin ang mga tao sa iba pang aspekto ng buhay. Halimbawa, minsan ba’y ang bilis mong magsalita, kumain, magmaneho, o gumasta ng pera? Ang sandaling paghihintay na dumating ang elevator, mag-green ang ilaw-trapiko, o magbukas ang computer ay nakakainip na.

Naobserbahan ng mga eksperto na maraming tao ang wala nang tiyagang magbasa ng mahahabang artikulo na nakaimprenta. Bakit? Dahil nasanay na silang mag-browse nang mabilis sa mga Web page, anupat puro blurb at bullet na lang ang binabasa at umaasang makita agad ang pangunahing punto.

Bakit hindi na mapagpasensiya ang mga tao? Hindi alam ng mga eksperto ang lahat ng dahilan. Pero tila matibay ang ebidensiya na puwedeng maging problema ang kawalan ng pasensiya. Tatalakayin sa kasunod na mga artikulo ang ilang panganib sa pagiging hindi mapagpasensiya at kung ano ang puwede mong gawin para maging mas mapagpasensiya ka.

Nasanay na ang marami na mag-browse nang mabilis sa mga Web page, anupat puro blurb na lang ang binabasa