Ang Taong Gumawa ng Mapa ng Daigdig
Ang Taong Gumawa ng Mapa ng Daigdig
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BELGIUM
Noong unang mga buwan ng 1544, napiit si Gerardus Mercator sa malamig at madilim na bilangguan. Alam niyang papatayin siya. Bakit humantong sa ganitong kalagayan ang buhay ng pinakamahusay na kartograpo ng ika-16 na siglo? Para masagot ito, alamin muna natin ang kasaysayan ng kaniyang buhay at ang mga kalagayan noong panahon niya.
IPINANGANAK si Mercator noong 1512 sa Rupelmonde, isang maliit na daungang bayan malapit sa Antwerp, Belgium. Nag-aral siya ng pilosopiya at teolohiya sa unibersidad ng Louvain. Nang makapagtapos, pinag-aralan niya ang mga turo ni Aristotle, at ikinabahala niya ang pagkakasalungatan ng pananaw ni Aristotle at ng mga turo ng Bibliya. Isinulat ni Mercator: “Nang makita kong magkaibang-magkaiba ang bersiyon ni Moises sa Genesis ng daigdig at ang pananaw ni Aristotle at ng iba pang mga pilosopo, nagduda na ako sa sinasabi ng lahat ng pilosopo at sinimulan kong pag-aralan ang kalikasan.”
Dahil ayaw ni Mercator na maging pilosopo, hindi na siya kumuha ng karagdagang kurso sa unibersidad. Pero sa buong buhay niya, sinikap niyang maghanap ng mga ebidensiya na susuporta sa ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang.
Nag-aral ng Heograpiya
Noong 1534, nag-aral si Mercator ng matematika, astronomiya, at heograpiya sa tulong ng matematikong si Gemma Frisius. Bukod diyan, malamang na natuto si Mercator ng sining ng pag-ukit mula sa tagaukit at tagagawa ng globo na si Gaspar Van der Heyden. Noong pasimula ng ika-16 na siglo, makapal na tipong Gothic, o black letter, ang ginagamit ng mga kartograpo, kaya kaunti lamang ang maisusulat sa mapa. Pero ang ginamit ni Mercator ay ang bagong istilo ng pagsulat nang kabit-kabit mula sa Italya na tinatawag na italiko, at malaking tulong ito sa paggawa ng globo.
Noong 1536, nagtrabaho si Mercator bilang tagaukit kasama nina Frisius at Van der Heyden sa paggawa ng globo ng daigdig. Nakatulong sa proyektong iyon ang magandang kabit-kabit na pagsulat ni Mercator. Sinabi ni Nicholas Crane, biyograpo ngayon ni Mercator, na “napagkasya [ng isang kartograpo] ang pangalan ng limampung lugar sa Amerika sa isang pandingding na mapa na sinlapad ng taas ng tao, [pero] animnapu ang napagkasya ni Mercator sa isang globong dalawang dangkal lang ang diyametro”!
Sumikat Bilang Kartograpo
Noong 1537, natapos ni Mercator ang kaniyang kauna-unahang “solong produksiyon”—isang mapa ng Lupain ng Israel, na ginawa niya para “higit na maintindihan ang dalawang testamento.” Noong ika-16 na siglo, mali-mali ang mga mapa ng Lupain ng Israel, na ang ilan sa mga ito
ay mayroon lamang halos 30 pangalan ng lugar—at karamihan pa rito ay nasa maling lokasyon. Pero sa mapa ni Mercator, mahigit 400 lugar ang makikita! Ipinakikita rin dito ang ruta sa disyerto na dinaanan ng mga Israelita sa kanilang Pag-alis sa Ehipto. Dahil sa katumpakan ng mapa, hangang-hanga rito ang maraming kapanahon ni Mercator.Palibhasa’y naging matagumpay, naglathala si Mercator ng mapa ng daigdig noong 1538. Bago nito, kaunti lamang ang nalalaman ng mga gumagawa ng mapa tungkol sa Hilagang Amerika, na tinatawag nilang Di-Kilalang Malayong Lupain. Bagaman ginagamit na noon ang heograpikong pangalan na “Amerika,” si Mercator ang kauna-unahang gumamit ng pangalang ito para sa Hilaga at Timog Amerika.
Nabuhay si Mercator nang panahong ginagalugad ang mga karagatan sa daigdig at maraming nadidiskubreng lupain. Pero hindi magkakatugma at kulang ang impormasyong ibinibigay ng mga magdaragat, kaya hirap ang mga kartograpo sa paggawa ng mapa. Sa kabila nito, noong 1541, nakagawa si Mercator ng “mas detalyadong globo.”
Inakusahang Erehe
Maraming Luterano sa Louvain kung saan nakatira si Mercator. Noong 1536, pumanig sa Luteranismo si Mercator, at malamang na naging Luterano ang kaniyang asawa. Noong Pebrero 1544, inaresto si Mercator kasama ng 42 iba pang residente ng Louvain sa akusasyong pagsulat ng “kontrobersiyal na mga liham.” Pero posible ring pinagsuspetsahan si Mercator ng dalawang teologo mula sa isang unibersidad sa Louvain, sina Tapper at Latomus, dahil sa inilathalang mapa ng Lupain ng Israel. Ang dalawang lalaking ito ang nangasiwa sa paglilitis sa tagapagsalin ng Bibliya na si William Tyndale, na binitay sa Belgium noong 1536. Malamang na ikinabahala nina
Tapper at Latomus na baka magbasa nang magbasa ng Bibliya ang mga tao dahil sa mapa ng Lupain ng Israel na ginawa ni Mercator, gaya ng naging epekto ng salin ni Tyndale sa Bibliya. Anuman ang dahilan, ibinilanggo si Mercator sa kastilyo ng Rupelmonde, ang bayang sinilangan niya.Si Antoinette Van Roesmaels, na kasama sa mga nilitis, ay tumestigo na hindi kailanman sumama si Mercator sa mga Protestante sa kanilang pagbasa ng Bibliya. Pero dahil si Antoinette mismo ay dumadalo sa gayong mga pagbasa, inilibing siya nang buháy. Pinalaya si Mercator makalipas ang pitong buwan, pero kinumpiska ang lahat ng kaniyang pag-aari. Noong 1522, lumipat si Mercator sa Duisburg, Alemanya, kung saan may kalayaan sa relihiyon.
Ang Kauna-unahang Atlas
Patuloy na ipinagtanggol ni Mercator ang ulat ng Bibliya sa paglalang. Iniukol niya ang halos buong buhay niya sa paggawa ng sintesis, o sumaryo, ng paglalang “ng langit at lupa, mula sa pasimula ng panahon hanggang sa kasalukuyan,” gaya ng pagkakasabi niya. Ang akda niyang ito ay may mga impormasyon hinggil sa kronolohiya at heograpiya.
Noong 1569, naglathala si Mercator ng listahan ng pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan mula sa paglalang patuloy—ang unang bahagi ng kaniyang sintesis, na pinamagatang Chronologia. Gusto niyang tulungan ang kaniyang mga mambabasa na maunawaan kung nasaan na sila sa agos ng panahon at kasaysayan. Pero dahil isinama ni Mercator sa kaniyang aklat ang pagtutol ni Luther sa indulhensiya noong 1517, idinagdag ng Simbahang Katoliko ang Chronologia sa kanilang indise ng mga ipinagbabawal na aklat.
Nang sumunod na mga taon, ibinuhos ni Mercator ang kaniyang panahon sa pagguhit at pag-ukit ng mga platong gagamitin sa pag-iimprenta ng kaniyang bagong mga mapa. Noong 1590, naistrok si Mercator kaya hindi na siya makapagsalita at naparalisa ang kaliwang bahagi ng kaniyang katawan. Bunga nito, hirap na hirap siya sa kaniyang proyekto. Pero determinado pa rin siyang tapusin ang gawaing napakahalaga para sa kaniya kaya ipinagpatuloy niya ito hanggang sa mamatay siya noong 1594 sa edad na 82. Si Rumold na anak ni Mercator ang tumapos sa limang mapang hindi niya nakumpleto. Inilathala noong 1595 ang kumpletong koleksiyon ng mga mapa ni Mercator. Ito ang kauna-unahang koleksiyon ng mga mapa na pinanganlang atlas.
Sa Atlas ni Mercator, may pagtalakay sa unang kabanata ng Genesis, kung saan ang pagiging tunay ng Salita ng Diyos ay ipinagtanggol laban sa paninira ng mga pilosopo. Sinabi ni Mercator na ang pagtalakay na ito “ang layunin ng lahat ng aking pagpapagal.”
“Ang Pinakamagaling na Heograpo sa Ating Panahon”
Isang malaking edisyon ng Atlas, na inilathala ni Jodocus Hondius noong 1606, ang inilimbag sa maraming wika at naging mabenta ito. Sinabi ni Abraham Ortelius, isang kartograpo noong ika-16 na siglo, na si Mercator “ang pinakamagaling na heograpo sa ating panahon.” Nitong kamakailan naman, si Mercator ay tinukoy ng manunulat na si Nicholas Crane bilang “ang taong gumawa ng mapa ng planeta.”
Nagagamit pa rin hanggang sa ngayon ang pamana ni Mercator. Halimbawa, tuwing titingin tayo sa isang atlas o gagamit ng Global Positioning System, nakikinabang tayo sa mga ginawa ni Mercator, isang kahanga-hangang lalaki na sa buong buhay niya ay nagsikap na malaman kung nasaan na siya sa agos ng panahon at kasaysayan.
[Kahon sa pahina 21]
MERCATOR—MASIPAG NA ESTUDYANTE NG BIBLIYA
Si Mercator ay naniniwala na mamamayani sa lupa ang katuwiran, kapayapaan, at kasaganaan. Sumulat siya ng isang di-nailathalang komentaryo sa Roma kabanata 1-11 kung saan tinutulan niya ang ideya ni Calvin tungkol sa pagtatadhana. Kapansin-pansin, hindi rin siya sang-ayon kay Martin Luther at sinabi niyang bukod sa pananampalataya, kailangan din ang mga gawa para maligtas. Sa isang liham, isinulat ni Mercator na ang kasalanan ay “hindi nagmumula sa mga planeta [astrolohiya] ni sa anumang kalikasan na nilalang ng Diyos, kundi tanging sa kalayaan ng mga tao na magpasiya.” Sa kaniyang liham, tinutulan niya ang doktrinang transubstantiation ng mga Romano Katoliko, at sinabing ang mga salita ni Jesus na “ito ang aking katawan” ay hindi dapat unawain nang literal, kundi makasagisag.
[Kahon/Larawan sa pahina 22]
ANG MERCATOR PROJECTION
Nasubukan mo na bang unatin at ilapat sa mesa ang balat ng dalandan? Magagawa mo ito pero mabibiyak ang ilang bahagi nito. Ipinakikita ng paglalarawang ito ang naging problema ng mga gumagawa ng mapa—kung paano gagawa ng mapa ng buong globo (ang lupa). Nilutas ni Mercator ang problema sa pamamagitan ng isang sistema na kilala ngayong Mercator projection. Sa pamamaraang ito, pare-pareho ang distansiya ng mga linyang kumakatawan sa digri ng latitud mula sa ekwador patungo sa mga polo. Bagaman nababago nito ang distansiya at sukat ng mga lugar (lalo na sa hilaga at timog), malaking pagsulong pa rin ito sa larangan ng kartograpiya. Ang pandingding na mapa ng daigdig na ginawa ni Mercator noong 1569 ay isang obramaestra na nagpasikat sa kaniya bilang kartograpo. Sa katunayan, ginagamit pa rin ang Mercator projection sa paggawa ng mapa ng karagatan at sa modernong Global Positioning System.
[Larawan]
Ang “Mercator projection” ay parang silinder na hiniwa at ibinuka para mailapat ang daigdig
[Larawan sa pahina 20]
Mahigit 400 lugar ang makikita sa mapa ng Lupain ng Israel na ginawa ni Mercator noong 1537
[Larawan sa pahina 20, 21]
Ang mapa ng daigdig na ginawa ni Mercator noong 1538
Pansinin ang salitang “AMERI CAE” sa dalawang kontinente ng Amerika
[Picture Credit Line sa pahina 19]
Antwerpen, Stedelijk Prentenkabinet
[Picture Credit Line sa pahina 20]
Both maps: From the American Geographical Society Library, University of Wisconsin-Milwaukee Libraries