Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bucharest—Lunsod na May Dalawang Mukha

Bucharest—Lunsod na May Dalawang Mukha

Bucharest​—Lunsod na May Dalawang Mukha

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ROMANIA

KAPAG tiningnan sa malayo ang Bucharest, isang gusali ang agad na mapapansin​—ang Palace of Parliament (1), na tinatawag na House of the People noong panahon ng mga Komunista. Ang napakasimpleng gusaling ito na isa sa pinakamalaki sa buong daigdig ay dinarayo ng mga turista.

Masasalamin sa palasyong ito ang makabagong mukha ng Bucharest. Pero iba-iba ang opinyon ng mga tagaroon sa napakalaking gusaling ito. Gusto ng mga tagaroon na mapahalagahan din ng mga turista ang isa pang mukha ng kanilang lunsod​—ang kaakit-akit na arkitektura ng kanilang nakaraan.

Ang Matandang Kapitolyo

Noong 1862, ginawang kabisera ng Romania ang Bucharest. Sa ikalawang kalahatian ng ika-19 na siglo, mabilis na umunlad ang lunsod. Sunud-sunod na itinayo sa abenida na may nakahilerang mga puno ang malalaki at magagandang pampublikong gusali na dinisenyo ng mga arkitektong Pranses. Maraming parke, hardin, at plasa sa Bucharest, kaya tinawag itong harding lunsod. Isa rin ang Bucharest sa kauna-unahang lunsod sa daigdig na gumamit ng de-langis na mga lampara sa kanilang mga kalye. Noong 1935, ang Arch of Triumph (2), na ginaya sa Arc de Triomphe ng Champs-Élysées sa Paris, ay itinayo sa magandang Kiselef Avenue. Kahawig ng Paris ang magandang lunsod na ito. Sa katunayan, tinawag pa ngang Little Paris of the East ang Bucharest.

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, malaki ang ipinagbago ng Bucharest sa ilalim ng pamamahala ng mga Komunista. Giniba ang makasaysayang mga gusali na umookupa sa halos sangkatlo ng sentro ng lunsod para makapagtayo ng mga apartment. Noong 1960 at 1961 pa lamang, mga 23,000 apartment na ang naitayo. Noong 1980, sinimulan ang plano sa pagtatayo ng House of the People. Nang maglaon, nilagyan ito ng daan-daang chandelier at gumawa rito ng hukay na 90 metro ang lalim para mapagtaguan sa panahon ng pagsabog ng bomba. Ang gusaling ito na mahigit 360,000 metro kuwadrado ang lawak, 12 palapag, at may 1,100 silid ay tatlong ulit na mas malaki kaysa sa Palace of Versailles ng Pransiya. Malawak na lupain sa lumang bahagi ng bayan ang hinawan para tayuan ng palasyo at napakaluwang na kalye​—mas maluwang pa sa Champs-Élysées​—na deretso sa harapan ng palasyo. Halos hindi na ito makikilala ng mga dating nakakaalam sa Bucharest.

Ang napakalaking palasyo ay nagpapaalaala sa maraming tagaroon tungkol sa kanilang masaklap na kahapon sa ilalim ng pamamahala ng yumaong diktador na si Nicolae Ceauşescu na siyang nagpatayo nito. Sa kagustuhang makapagtayo ng isang gusali para maalaala siya ng mga tao, kumuha siya ng halos 700 arkitekto at libu-libong trabahador na 8-oras na magtatrabaho nang halinhinan sa isang araw para itayo ang palasyo. Nang bumagsak ang kaniyang rehimen noong 1989, hindi pa rin tapos ang gusali, gayong mahigit isang bilyong dolyar na ang nagagastos dito.

Kabilang Mukha ng Bucharest

Ibang mukha ng lunsod ang makikita sa isang bahagi ng matandang bayan. Hahangaan mo roon ang eleganteng arkitektura ng sinaunang Bucharest. At sa Village Museum (3)​—isa sa maraming museo sa lunsod​—makikita mo ang iba’t ibang kultura ng mga probinsiya sa Romania. Sa isang tahimik na parke kung saan tanaw ang isang lawa, mahigit 50 bahay ng mga magsasaka at iba pang istraktura mula sa palibot ng Romania ang pinagtiyagaang buuing-muli para magawa ang kahanga-hangang koleksiyong ito. Ang bawat bahay ay parang isa nang museo. Bibigyan ka nito ng ideya tungkol sa mga kasangkapan, kabuhayan, at tirahan noon sa Romania na ibang-iba sa Bucharest ngayon.

Sama-sama na ang makaluma at makabagong mga gusali sa lunsod na ito. Karaniwan nang makikita rito ang magkakatabing gusali na itinayo sa iba’t ibang panahon (4). Kaya ang dalawang mukha ng Bucharest ay makikita sa isang lunsod na salamin ng nakaraan at kasalukuyan.

[Mga larawan sa pahina 10]

1 Palace of Parliament

2 Arch of Triumph

3 Village Museum

4 Magkakatabing gusali na itinayo sa iba’t ibang panahon

[Credit Line]

© Sari Gustafsson/hehkuva/age fotostock