Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Ang Dami Ko Pang Gagawin!’

‘Ang Dami Ko Pang Gagawin!’

‘Ang Dami Ko Pang Gagawin!’

SA PAGSASANAY ng mga weight lifter na sumasali sa palarong Olympic, hindi sila gumagawa ng bagong rekord bawat araw. Regular muna silang nag-eehersisyo gamit ang mas magagaang barbel bilang paghahanda sa pagbuhat ng mas mabibigat na barbel. Kung araw-araw nilang sasagarin ang kanilang lakas, makasasama ito sa kanilang mga kalamnan at kasukasuan, at baka hindi na sila makapagpatuloy bilang weight lifter.

Sa katulad na paraan, bilang estudyante, baka puspusan ka sa pag-aaral. At kapag mayroon kang mahihirap na takdang-aralin o malapit na ang eksamen, naghahanda kang mabuti at lalo kang nagsisikap. a Pero paano kung araw-araw ay puro ka na lang takdang-aralin at mga gawain sa eskuwela? Baka madalian na o wala sa oras ang pagkain mo o kulang ka na sa tulog. Kung palagi ka na lang nai-stress, malamang na magkasakit ka. Baka ganiyan na ang nararanasan mo ngayon. b

Walang-Katapusang Takdang-Aralin

“Parami nang parami at pahirap nang pahirap ang mga takdang-aralin bawat grado. Mauubos ang panahon mo,” ang sabi ni Hiroko, c 15-anyos na estudyante sa Hapon. “Ang dami ko pa sanang gustong gawin, pero kailangan nang ipasa ang takdang-aralin namin kinabukasan. Kung minsan, natataranta na ako.” Tungkol sa kaniyang mga takdang-aralin, sumulat ang 14-anyos na si Svetlana na taga-Russia: “Mas mahirap ang mga takdang-aralin namin ngayon. Taun-taon, nadaragdagan ang mga subject na pag-aaralan at mas maraming ipinababasa ang mga guro. Bukod diyan, sinasabi ng bawat guro na mas mahalaga ang subject na itinuturo niya kaysa sa iba. Mahirap pagsabay-sabayin ang mga ito.”

Bakit ang daming ibinibigay na takdang-aralin? Ganito ang isinulat ng 18-anyos na si Gilberto, na taga-Brazil: “Sinasabi ng mga guro na paghahanda ito para hindi kami mahirapang humanap ng trabaho.” Pero kahit maganda ang layunin ng mga guro, baka nai-stress ka pa rin sa santambak na takdang-aralin. Kung babaguhin mo ang iyong pananaw sa mga takdang-aralin at kung gagawa ka ng praktikal na mga hakbang para maging mas organisado ka, malamang na mabawasan ang iyong stress.

Isipin mo na ang mga takdang-araling iyon ay pagsasanay na tutulong sa iyo para magtagumpay ka bilang adulto. Kahit parang wala nang katapusan ang mga takdang-aralin, matatapos ka rin sa pag-aaral nang hindi mo namamalayan. Kapag nagtatrabaho ka na, ipagpapasalamat mong sinikap mong tapusin ang mga takdang-araling iyon. Makikinabang ka sa lahat ng pagsisikap mo sa pag-aaral.​—Eclesiastes 2:24.

Hindi ka masyadong mai-stress kung magiging disiplinado ka at organisado. (Tingnan ang kahong  “Tip Para Mabawasan ang Stress.”) Kung lagi mong maingat na gagawin ang iyong mga takdang-aralin ayon sa iskedyul, malamang na magtiwala sa iyo ang mga guro mo at tutulungan ka pa nila. Ipagpalagay nang ganiyan ang ginagawa mo. Kapag may nangyaring hindi inaasahan at sinabi mong hindi mo agad maipapasa ang iyong takdang-aralin, mas malamang na pagbigyan ka, hindi ba? Si Daniel na isa sa mga lingkod ng Diyos ay “mapagkakatiwalaan at walang anumang pagpapabaya o tiwaling bagay ang nasumpungan sa kaniya.” Pinuri at pinagkatiwalaan siya ng hari dahil sa kaniyang pagiging masikap. (Daniel 6:4) Kung tutularan mo si Daniel sa paggawa mo ng iyong mga takdang-aralin, malamang na mabigyan ka ng konsiderasyon kapag kailangan mo.

Kung makikinig kang mabuti sa klase, gagawin mo ang iyong takdang-aralin, at tatapusin mo sa takdang panahon ang iyong mga project, hindi ka na ba mai-stress? Mai-stress ka pa rin, pero dahil na lang sa kagustuhan mong pagbutihin ang iyong pag-aaral. Hindi lang para makaraos kaya mo gagawin ang iyong mga takdang-aralin. Sa halip, mag-aaral ka dahil gusto mong matuto at makinabang sa klase.

Kailangan mo ng gayong kapaki-pakinabang na uri ng stress. Pero baka makaranas ka rin ng nakasasama at sobrang stress.

Walang Pahinga Dahil sa mga Extracurricular Activity

Gunigunihin ang isang drayber na bara-barang magmaneho. Haharurot siya at biglang hihinto sa stoplight. Saka niya tatapakan ang silinyador at muling haharurot. Ano kaya ang mangyayari sa sasakyan ng ganiyang kaskaserong drayber? Malamang na masira ang makina nito at ang iba pang piyesa. O kaya naman, baka maibangga niya ito.

Sa katulad na paraan, sinasagad ng maraming estudyante ang kanilang isip at katawan bago at pagkatapos ng klase. Sa kaniyang aklat na Doing School, ganito ang sinabi ni Denise Clark Pope tungkol sa ilang estudyanteng nakilala niya: “Maagang nagsisimula ang kanilang buhay-estudyante, isa o dalawang oras bago magsimula ang trabaho ng karamihan sa mga adulto, at madalas na gabing-gabi nang natatapos, pagkatapos ng praktis ng soccer at sayaw, miting ng student council, part-time na trabaho, at takdang-aralin.”

Kung araw-araw na lang na hindi magkandaugaga ang mga estudyante sa dami ng kanilang ginagawa, malamang na magkaproblema sila. Dahil sa sobrang stress, baka sakit ng ulo at tiyan ang abutin nila. Kapag lagi silang pagod, hihina ang kanilang resistensiya, at baka sila magkasakit. Hindi na nila magagawa ang dati nilang nagagawa at mahihirapan silang makabawi ng lakas. Nararanasan mo ba iyan?

Tama namang magsumikap para sa magandang tunguhin, pero gaano ka man kalakas, limitado pa rin ang kaya mong gawin sa isang araw. Maganda ang payo ng Bibliya: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” (Filipos 4:5) Ang salitang “makatuwiran” ay nangangahulugang “hindi labis-labis o sobra” at “matinong magdesisyon.” Ang isang taong makatuwiran ay hindi gumagawa ng desisyon na makasasama sa kaniya o sa iba. Maygulang na siyang kumilos, isang napakahalagang katangian sa isang mabuway na daigdig sa ngayon. Kaya para maingatan ang iyong kalusugan, maging makatuwiran​—bawasan ang di-gaanong mahahalagang aktibidad na gusto mong gawin.

Paghahabol sa Kayamanan

Pero itinuturing ng ilang kabataan na sagabal sa kanilang tunguhin ang pagiging makatuwiran. Naniniwala ang gayong mga estudyante na susi sa tagumpay ang trabahong mataas ang suweldo at ang kayamanang ibibigay nito. Ganiyan ang napansin ni Pope sa ilang kabataang nakilala niya. Sinabi niya: “Gusto ng mga estudyanteng ito na makatulog nang mas mahaba at maging mas malusog, pero dahil napakaabala nila sa eskuwela, pamilya, at trabaho, hindi nila ito magawa. Gusto rin nilang makasama nang mas madalas ang kanilang mga kaibigan, gumawa ng iba pang gawain, o maglibang, pero marami ang natatakot na baka bumaba ang grade nila kung gagawin nila ito. Alam nila na kailangan nilang pumili, at sa tingin nila, mas mahalagang maging matagumpay sa kinabukasan kaysa maging maligaya ngayon.”

Makabubuting pag-isipan ng gayong mga estudyante ang sinabi ng isang matalinong tao: “Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa kanya ang kanyang buhay?” (Mateo 16:26, Magandang Balita Biblia) Sa mga salitang iyon, nagbababala si Jesu-Kristo tungkol sa mga tunguhing baka gusto nating maabot ngayon pero may masama namang epekto sa ating kalusugan, emosyon, at espirituwalidad.

Sa kaniyang aklat na The Price of Privilege, sinabi ng sikologong si Madeline Levine na “ang pera, edukasyon, kapangyarihan, kasikatan, at materyal na mga bagay ay hindi garantiya na ang isa’y hindi na malulungkot o magkakaproblema sa emosyon.” Ganito naman ang sinabi ni Pope na binanggit kanina: “Ang dami kong nakikitang mga bata at magulang na gustong maging perpekto​—akala nila’y ito ang susi sa tagumpay.” Sinabi pa niya: “Ang dapat nating sikapin ay maging malusog​—sa mental, pisikal, at espirituwal.”

May mas mahalaga pa kaysa pera. Kasama rito ang emosyonal at pisikal na kalusugan, malinis na budhi, at pakikipagkaibigan sa ating Maylalang. Hindi mabibili ng pera ang mga regalong ito mula sa Diyos. Kapag naiwala mo ito dahil sa paghahabol sa katanyagan o kayamanan, baka hindi mo na ito mabawi pa. Pansinin ang sinabi ni Jesus tungkol diyan: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.”​—Mateo 5:3.

Ganiyan ang natanto ng maraming kabataan. Bagaman ginagawa nila ang buong makakaya nila sa eskuwela, alam nila na ang matataas na grade at materyal na kayamanan ay hindi magbibigay ng walang-hanggang kaligayahan. Natanto nila na matinding stress ang daranasin nila sa pag-abot sa gayong mga tunguhin. Natutuhan ng gayong mga estudyante na kung sasapatan nila ang kanilang “espirituwal na pangangailangan,” magkakaroon sila ng tunay na maligayang kinabukasan. Ang mga tagapaglathala ng magasing ito o ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar ay malulugod na ituro sa iyo kung paano ka magiging maligaya habang sinasapatan mo ang iyong espirituwal na pangangailangan.

[Mga talababa]

a Para sa mga estudyanteng hindi gaanong nagsisikap, tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Maaari Ko Kayang Pagbutihin Pa ang Aking Pag-aaral?” sa isyu ng Gumising!, Marso 22, 1998, pahina 20-22.

b Para sa karagdagang impormasyon tungkol dito, tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Magagawa Ko Tungkol sa Napakaraming Araling-Bahay?” sa isyu ng Gumising!, Abril 8, 1993, pahina 13-15.

c Binago ang ilang pangalan.

[Blurb sa pahina 6]

Gaano ka man kalakas, limitado pa rin ang kaya mong gawin sa isang araw

[Blurb sa pahina 8]

Ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa iyong Maylalang ang pinakamahusay na edukasyon

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

 TIP PARA MABAWASAN ANG STRESS

❑ Nauubos ba ang oras mo sa paghahalungkat ng mga papel at notbuk para lang makita ang hinahanap mo? May mga tao na kailangan ng tulong para maging mas organisado. Huwag mahiyang magtanong kung ano ang magandang gawin.

❑ Ipinagpapaliban mo ba ang gagawin mo? Subukan mong tapusin nang mas maaga ang isang takdang-aralin. Tiyak na magiginhawahan ka at masisiyahan sa paggawa nito, kaya malamang na hindi mo na ipagpapaliban ang iyong mga takdang-aralin.

❑ Madalas ka bang nangangarap nang gising habang may klase kayo? Subukan ito sa loob ng isang buwan: Makinig kang mabuti sa talakayan sa klase, at kumuha ng notes na magagamit mo sa pagre-review. Matutuwa ka kapag nakita mong napakadali lang palang gumawa ng takdang-aralin. Dahil dito, mababawasan ang stress mo sa eskuwela.

❑ Kumukuha ka ba ng karagdagang mga subject para mas marami kang matutuhan kaysa sa mga kaklase mo, pero nauubos naman ang panahon at lakas mo? Kailangan mo ba talaga ang gayong mga subject? Ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang. Kunin ang opinyon ng isa na timbang ang pananaw sa edukasyon. Makikita mong kahit hindi ka kumuha ng gayong karagdagang mga subject, makakapagtapos ka rin naman.

[Kahon sa pahina 6]

GUNIGUNING PANANGGALANG NA PADER

“Ang mahahalagang pag-aari ng mayaman ay kaniyang matibay na bayan, at ang mga iyon ay gaya ng pananggalang na pader sa kaniyang guniguni.” (Kawikaan 18:11) Noon, umaasa ang mga tao sa matataas na pader para hindi sila mapasok ng mga kaaway. Pero paano kung nakatira ka sa isang lunsod na ang pader ay nasa guniguni mo lamang? Ipagpilitan mo mang may pader, wala ka pa ring proteksiyon laban sa mga kaaway.

Ang mga kabataan na naghahabol sa kayamanan ay siguradong mabibigo tulad ng mga nakatira sa gayong lunsod na walang pader. Isa ka bang magulang? Makabubuting tulungan mo ang iyong anak na iwasan ang silo ng materyalismo at huwag mamuhay sa isang lunsod na guniguni lamang ang pader.

Sa pakikipag-usap sa iyong anak, makatutulong ang mga katotohanang ito na itinuturo ng Bibliya:

◼ Ang malaking kayamanan ay kadalasan nang mas maraming ibinibigay na problema kaysa solusyon. “Ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan.”​—Eclesiastes 5:12; 1 Timoteo 6:9, 10.

◼ Kung mahusay magplano ang isang tao, magiging maligaya siya kahit hindi siya mayaman. “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.”​—Kawikaan 21:5; Lucas 14:28.

◼ Ang katamtamang kita na nakasasapat sa mga pangangailangan ay makapagdudulot sa isa ng kasiyahan. “Huwag mo akong bigyan ng karalitaan ni ng kayamanan man.”​—Kawikaan 30:8. d

[Talababa]

d May karagdagan pang impormasyon tungkol sa silo ng materyalismo sa isyu ng Gumising!, Abril 8, 2003, pahina 20-21.

[Mga larawan sa pahina 7]

Hindi ka rin makikinabang kung sasagarin mo ang iyong sarili

[Larawan sa pahina 7]

Ituring mong parang pagsasanay sa trabaho ang takdang-aralin, HINDI pabigat