Pagpapaamo sa Elepante
Pagpapaamo sa Elepante
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA INDIA
HABANG nagluluto ng kanilang ulam sa may pampang ng Ilog Narmada ang isang mahout, o amo ng elepante, ipinuwesto niya ang kaniyang maliit na anak sa may nguso at paanan ng kaniyang elepanteng nagpapahinga. Ilang ulit sinubukan ng bata na umalis, pero “marahan siyang pinipigilan ng nagpapahingang elepante gamit ang nguso nito at ibinabalik kung saan siya ipinuwesto ng kaniyang ama,” ang ulat ng aklat na Project Elephant. “Tuluy-tuloy ang ama sa kaniyang pagluluto palibhasa’y buo ang tiwala na ligtas ang kaniyang anak.”
Mula pa noong 2000 B.C.E., katu-katulong na ng tao ang mga elepante. Noong sinaunang panahon, karaniwan nang sinasanay ang mga elepante para sa digmaan. Sa India ngayon, sinasanay sila para magtrabaho. Ginagamit sila sa pagtotroso, sa mga relihiyosong kapistahan at kasalan, advertising, sirkus, at pati sa pamamalimos. Paano napapaamo ang mga elepanteng ito? At paano sila sinasanay?
Pagsasanay sa mga Elepante
May mga pasilidad sa India na nangangalaga sa mga batang elepante na nahuli, inabandona, o nasaktan sa kagubatan. Isa sa mga pasilidad na ito ay nasa Koni, sa estado ng Kerala. Sinasanay rito ang mga batang elepante para sa pagtatrabaho. Kailangan munang makuha ng mahout ang tiwala ng batang elepante. Ang pagpapakain ay isang mabisang paraan para magawa
ito. Nakikilala ng batang elepante ang boses ng kaniyang mahout, at kapag tinatawag ito para kumain, magmamadali ito para makainom ng gatas at makakain ng mijo. Karaniwan nang nagsisimula ang pagsasanay para sa pagtatrabaho kapag ang batang elepante ay mga 13 taóng gulang na. Kapag tumuntong na sila nang edad 25, saka pa lamang sila pagtatrabahuhin. Sa Kerala, itinakda ng gobyerno na hanggang edad 65 lamang puwedeng pagtrabahuhin ang mga elepante.Para mapaamo ang isang elepante, kailangan munang dumaan sa mahusay na pagsasanay ang mahout. Ayon sa Elephant Welfare Association of Trichur sa Kerala, ang isang baguhang mahout ay kailangang sumailalim sa puspusang pagsasanay nang di-kukulangin sa tatlong buwan. Hindi lamang ito tungkol sa pag-uutos sa elepante. Itinuturo din sa mahout ang lahat ng bagay tungkol sa elepante.
Mas matagal sanayin ang adultong elepante. Mula sa labas ng bakod, tinuturuan muna ng tagapagsanay ang kaniyang elepanteng nakakulong na makaintindi ng berbal na mga utos. Sa Kerala, mga 20 utos at signal ang ginagamit ng mahout para utusan ang kaniyang elepante na gawin ang isang trabaho. Kasabay ng malinaw at malakas na utos, tinatapik ng mahout ang kaniyang elepante gamit ang isang patpat at ipinakikita niya kung ano ang gagawin. Kapag sumunod, binibigyan ang elepante ng pakunsuwelo. Kapag natiyak ng tagapagsanay na maamo na ang kaniyang elepante, pumapasok siya sa bakod at hinahaplos ito. Sa paggawa nito, lalong tumitibay ang tiwala nila sa isa’t isa. Di-magtatagal, puwede nang ilabas ng bakod ang elepante—siyempre pa, kailangan ng pag-iingat dahil hindi pa rin ito ganap na napapaamo. Kapag sigurado nang maamo ang elepante, ikinakadena ito sa pagitan ng dalawang sanay nang elepante tuwing inilalabas para maligo at ipinapasyal.
Kapag nakakaintindi na ng mga berbal na utos ang elepante, sumasakay rito ang mahout at tinuturuan itong sumunod sa mga signal gamit ang daliri sa paa o sakong. Para mapaabante ang elepante, idiniriin ng mahout ang kaniyang mga hinlalaki sa likod ng mga tainga ng elepante. Para paatrasin, idiriin naman niya ang kaniyang mga sakong sa balikat nito. Para hindi malito ang elepante, isang mahout lang ang nagbibigay ng berbal na utos. Sa loob ng tatlo o apat na taon, matatandaan na ng elepante ang lahat ng utos. At hindi na niya ito malilimutan. Kahit napakaliit ng utak ng elepante kumpara sa katawan nito, napakatalino ng elepante.
Pag-aalaga sa Elepante
Kailangang laging malusog at masaya ang elepante. Importante ang paliligo araw-araw. Gamit ang bato at bunot ng niyog, hinihilod ng mahout ang makapal, pero malambot at sensitibong balat ng elepante.
Pagkatapos, mag-aagahan naman ang elepante. Naghahanda ang mahout ng malapot na lugaw na trigo, mijo, at damo. Inihahanda rin niya ang pangunahing pagkain ng elepante—kawayan, dahon ng palma, at damo. Natutuwa ito kapag binigyan pa siya ng tubó at sariwang karot. Halos walang tigil sa pagkain ang elepante. Kailangan nila ng mga 140 kilo ng pagkain at mga 150 litro
ng tubig araw-araw! Para manatiling magkaibigan, kailangang ibigay ng mahout ang mga pangangailangang ito.Kapag Inabuso
Hindi puwedeng pilitin o sagarin sa trabaho ang isang maamong Indian elephant. Kapag nanakit o nanigaw ang mahout, posibleng saktan siya ng elepante. May napaulat sa pahayagang Sunday Herald ng India na isang lalaking elepanteng may pangil na “nagwala . . . matapos pagmalupitan ng mga mahout. Ang elepante ay sinaktan ng mahout kaya naging mabangis . . . at kinailangang turukan ng droga para kumalma.” Noong Abril 2007, iniulat ng India Today International: “Nitong nakalipas na dalawang buwan lamang, mahigit 10 elepanteng may pangil ang nagwala sa mga kapistahan; mula noong Enero nang nakaraang taon, 48 mahout ang napatay ng galit na galit na mga hayop.” Madalas na nangyayari ito sa panahon ng tinatawag na musth, kung kailan tumataas ang level ng testosterone ng malusog na adultong lalaking elepante tuwing panahon ng pagpaparami taun-taon. Kaya nagiging agresibo ito at bigla-bigla nitong inaatake ang ibang lalaking elepante at mga tao. Umaabot nang 15 araw hanggang tatlong buwan ang musth.
Naliligalig din ang elepante kapag ipinagbili ito at ibang mahout na ang hahawak sa kaniya. Makikitang napalapít na ito sa dating mahout. Para hindi mabigla, karaniwan nang sumasama muna ang dating mahout sa bagong tirahan nito. Nagtutulungan ang mga mahout hanggang sa masanay ang bagong mahout sa ugali ng elepante. Mas mahirap ang situwasyon kapag namatay ang mahout at kailangan itong palitan ng iba. Pero unti-unti ring maiintindihan at matatanggap ng elepante ang kalagayan.
Bagaman kinatatakutan ng ilang tao ang malaking hayop na ito, ang turuang elepante ay susunod sa kaniyang mabait na amo. Kapag mabait ang mahout, hindi kailangang ikadena ang elepante kahit pansamantala niya itong iwan. Ipapatong lamang niya ang dulo ng kaniyang patpat sa paa ng elepante at ang kabilang dulo sa lupa at sasabihan itong huwag umalis. At hindi nga aalis ang mabait na elepante. Gaya ng kuwento sa pasimula, nakakatuwa at nakakaantig ang pagtutulungan ng elepante at ng mahout. Talagang mapagkakatiwalaan ng mabait na mahout ang kaniyang elepante.
[Kahon/Larawan sa pahina 18]
MATAGAL NANG SAMAHAN NG TAO AT ELEPANTE
Noon pa man, napapaamo na ng tao ang elepante. Marahil ang pinakasikat sa kasaysayan ay ang mga elepante ni Hannibal, isang heneral ng Cartago. Noong ikatlong siglo B.C.E., magkalaban ang lunsod ng Cartago ng Hilagang Aprika at ang Roma. Isang siglo na silang sumasabak sa sunud-sunod na digmaan na kilala sa tawag na mga Digmaang Punic. Bumuo si Hannibal ng isang hukbo sa lunsod ng Cartagena, Espanya, para lusubin ang Roma. Binagtas muna nila ang Pyrenees para makarating sa lugar na tinatawag ngayong Pransiya. Pagkatapos, sa sinasabi ng magasing Archaeology na “isa sa pinakapeligrosong taktika ng militar,” binagtas ng kaniyang hukbo na binubuo ng 25,000 lalaki—kasama ng 37 African elephant at maraming hayop na may mga kargada—ang Alps patungong Italya. Sinuong nila ang lamig, bagyo ng niyebe, gumuguhong mga bato, at matatapang na tribo sa bundok. Matinding pagod ang dinaanan ng mga elepante sa paglalakbay na iyon. Isang taon pa lamang si Hannibal sa Italya, namatay ang lahat ng elepanteng iyon.
[Credit Line]
© Look and Learn Magazine Ltd/The Bridgeman Art Library
[Larawan sa pahina 17]
Hinihilod ng “mahout” ang makapal, pero malambot at sensitibong balat ng elepante
[Credit Line]
© Vidler/mauritius images/age fotostock
[Picture Credit Line sa pahina 16]
© PhotosIndia/age fotostock