Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Katapatan sa Asawa—Ano ba Talaga ang Kahulugan Nito?

Katapatan sa Asawa—Ano ba Talaga ang Kahulugan Nito?

Alam ng karamihan na maling magkaroon ng seksuwal na relasyon sa hindi asawa. Ang pangmalas na ito hinggil sa katapatan sa asawa ay naaayon sa simulain ng Bibliya, na nagsasabi: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa.”​—Hebreo 13:4.

NANGANGAHULUGAN ba ito na kung hindi nakikipagtalik sa iba, talagang tapat na ang isa sa kaniyang asawa? Kumusta naman ang seksuwal na pagpapantasya sa isa na hindi niya asawa? Ang pagiging malapít ba sa isa na di-kasekso ay masasabing “kataksilan”?

May Masama ba sa Seksuwal na Pagpapantasya?

Ipinakikita ng Bibliya na ang pakikipagtalik ay likas na bahagi ng buhay may-asawa, isang bagay na kapaki-pakinabang at pinagmumulan ng kagalakan at kasiyahan ng mag-asawa. (Kawikaan 5:18, 19) Pero maraming eksperto sa ngayon ang naniniwala na normal​—kapaki-pakinabang pa nga​—na pagpantasyahan ng isang taong may asawa ang isa na hindi niya asawa. Wala bang masama sa gayong pagpapantasya hangga’t hindi naman ito aktuwal na ginagawa?

Sariling kaluguran lamang ang iniisip ng isang tao kapag nagpapantasya siya. Ang gayong pagkamakasarili ay salungat sa payo ng Bibliya sa mga mag-asawa. Tungkol sa seksuwal na ugnayan, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang asawang babae ay walang awtoridad sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawa; gayundin naman, ang asawang lalaki ay walang awtoridad sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawa.” (1 Corinto 7:4) Kapag sinunod ang payo ng Bibliya, ang pakikipagtalik ay hindi ginagawa para lamang mapagbigyan ang makasariling pagnanasang nabuo dahil sa pagpapantasya. Kaya nagiging mas maligaya ang mag-asawa.​—Gawa 20:35; Filipos 2:4.

Kung pinagpapantasyahan ng isa ang hindi niya asawa, para na rin niyang inihahanda ang sarili niya kung paano isasagawa ang naiisip niya, na kapag aktuwal na ginawa ay magdudulot ng matinding kirot sa kaniyang asawa. Ang gayon bang pagpapantasya ay puwedeng mauwi sa pangangalunya? Ang simpleng sagot ay oo. Inilalarawan ng Bibliya kung paanong ang ating iniisip ay nakaaapekto sa ating paggawi: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan.”​—Santiago 1:14, 15.

Sinabi ni Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Kung iiwasan mong pagpantasyahan ang hindi mo asawa, ‘maiingatan mo ang iyong puso’ at ang iyong pag-aasawa.​—Kawikaan 4:23.

Bakit Dapat Iwasan na Maging Malapít ang Loob sa Hindi Asawa?

Para maging matagumpay ang pag-aasawa, kailangang ibigay mo sa iyong asawa ang “bukod-tanging debosyon.” (Awit ni Solomon 8:6; Kawikaan 5:15-18) Ano ang ibig sabihin nito? Normal naman na magkaroon ka ng mga kaibigang lalaki o babae na hindi mo asawa, pero ang iyong asawa ang may pangunahing karapatan sa iyong panahon, atensiyon, at emosyonal na suporta. Anumang ugnayan mo sa iba na umaagaw sa mga bagay na nauukol sa iyong asawa ay masasabing “kataksilan,” kahit na walang anumang nangyaring seksuwal na gawain. a

Paano ba nabubuo ang gayong ugnayan? Baka ang isang di-kasekso ay mas maganda, guwapo, o mas maunawain kaysa sa iyong asawa. Kung madalas kayong magkasama sa trabaho o sa iba pang pagkakataon, baka maikuwento mo na ang personal na mga bagay, pati ang mga problema o reklamo mo sa iyong asawa. Baka sa kaniya mo na laging gustong ihinga ang nadarama mo. Ang pakikipag-usap sa kaniya nang harapan, sa telepono, o sa Internet, ay baka mauwi sa pagsasabi ng kompidensiyal na mga bagay. Angkop lamang na asahan ng mag-asawa na may ilang bagay na hindi nila dapat ikuwento sa iba at ang kanilang “lihim na usapan” ay pananatilihing pribado.​—Kawikaan 25:9.

Huwag ikatuwiran na walang namamagitan sa inyong dalawa gayong ang totoo, baka mayroon na! ‘Ang puso ay mapandaya,’ ang sabi ng Jeremias 17:9. Kung malapít ka sa isang di-kasekso, tanungin ang iyong sarili: ‘Ipinagkakaila ko ba o isinisekreto ang aming pagkakaibigan? Hindi kaya ako mahihiya kung maririnig ng asawa ko ang aming usapan? Ano ang mararamdaman ko kung mayroon din siyang ganoong kaibigan?’​—Mateo 7:12.

Ang di-wastong pakikipagkaibigan ay maaaring sumira sa pag-aasawa, dahil ang pagiging malapít sa iba ay maaaring humantong sa pangangalunya. Gaya ng babala ni Jesus, “mula sa puso ay nanggagaling ang . . . mga pangangalunya.” (Mateo 15:19) Pero kahit hindi ito humantong sa pangangalunya, napakahirap ayusin ang pinsalang dulot ng pagkasira ng tiwala. Ganito ang sabi ni Karen b: “Nang malaman kong lihim na nakikipag-usap si Mark sa ibang babae sa telepono nang ilang beses sa isang araw, ang sama-sama ng loob ko. Napakahirap paniwalaang wala pang nangyari sa kanila. Ewan ko kung magtitiwala pa ako sa kaniya.”

Limitahan ang pakikipagkaibigan mo sa mga di-kasekso. Huwag balewalain ang tumutubong maling mga damdamin o ipagmatuwid ang maling mga motibo. Kung nararamdaman mong ang pakikipagkaibigan sa isang di-kasekso ay nagsasapanganib ng ugnayan ninyong mag-asawa, limitahan agad o putulin ang “pakikipagkaibigan” na iyon. Sinasabi ng Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.”​—Kawikaan 22:3.

Ingatan ang Inyong Pagsasama Bilang Mag-asawa

Nilayon ng Maylalang na ang pagsasama ng mag-asawa ang maging pinakamatalik na ugnayan sa pagitan ng dalawang tao. Sinabi niya na ang mag-asawa ay “magiging isang laman.” (Genesis 2:24) Ang pagiging isang laman ay hindi lamang nagsasangkot ng seksuwal na ugnayan. Kasama rin dito ang pagiging malapít ng loob ninyo sa isa’t isa, na lalong pinatitibay ng tiwala, pagiging di-makasarili, at paggalang sa isa’t isa. (Kawikaan 31:11; Malakias 2:14, 15; Efeso 5:28, 33) Kapag sinunod ang mga simulaing ito, ang inyong pag-aasawa ay hindi masisira ng kawalang-katapatan, ito man ay sa isip lamang o damdamin.

[Mga talababa]

a Pero tandaan na ang seksuwal na pakikipagrelasyon sa hindi asawa ang tanging maka-Kasulatang dahilan para sa diborsiyo.​—Mateo 19:9.

b Binago ang pangalan.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

◼ Maaari bang mauwi sa aktuwal na pangangalunya ang seksuwal na pagpapantasya?​—Santiago 1:14, 15.

◼ Ang pagiging malapít ba sa isang di-kasekso ay maaaring magsapanganib ng ugnayan ninyong mag-asawa?​—Jeremias 17:9; Mateo 15:19.

◼ Paano mo mapatitibay ang inyong pagsasama bilang mag-asawa? ​—1 Corinto 7:4; 13:8; Efeso 5:28, 33.

[Blurb sa pahina 29]

“Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.”​—Mateo 5:28