Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ Sa loob ng 35 taon mula 1970 hanggang 2005, sangkapat ng mga hayop na may gulugod—isda, ampibyan, reptilya, ibon, at mamalya—ang naglaho.—SÜDDEUTSCHE ZEITUNG, ALEMANYA
◼ Sa pagsisikap na solusyonan ang 2.2 milyong porsiyentong implasyon, inalis ng Zimbabwe ang sampung zero sa perang papel nito noong Agosto 2008. Kaya ang $10 bilyon na perang papel nito ay ginawang isang “zimdollar.”—AGENCE FRANCE PRESSE, ZIMBABWE.
◼ “Mahigit 12,000 kaso ng pagpaslang gamit ang baril ang iniulat sa Estados Unidos noong 2005. Pero ang bilang ng mga taong nabaril na hindi naman napuruhan ay mas malaki—halos 53,000 ang isinugod sa pagamutan noong 2006.”—THE SEATTLE TIMES, E.U.A.
“Diwa” ng Pasko?
Mga 20 porsiyento ng mga kaso ng diborsiyo sa Australia ang isinasampa pagkatapos na pagkatapos ng Kapaskuhan at Bagong Taon, ang sabi ng Sunday Telegraph ng Sydney. “Pagbukas ng opisina namin, nariyan na agad ang pila ng mga taong nag-aaway o hindi magkasundo,” ang sabi ng abogado sa diborsiyo na si Barry Frakes. “Umaasa ang mga tao na ang Pasko ay magiging kasinsaya ng ipinakikita sa mga palabas sa TV at mga advertisement.” Sinabi pa niya na kapag hindi nangyari ang inaasahan nila, nakikipagdiborsiyo na sila. Pero ayon kay Angela Conway, tagapagsalita ng Australian Family Association, “kadalasan nang hindi nawawala ang malalalim na problema kapag nagdiborsiyo at hindi rin ito nakapagdudulot ng kapayapaan at kaligayahang inaasahan nila.” Inirekomenda niya: “Mas maigi pang huwag makipaghiwalay at sikaping isalba ang pag-aasawa.”
Nagliligtas-Buhay na mga “Tuluyan ng mga Manganganak”
Umaksiyon ang Peru para mabawasan ang bilang ng mga inang namamatay sa panganganak. Para mahimok ang mga kababaihan sa Andes na sa klinika magsilang sa halip na sa bahay lamang, 390 “tuluyan ng mga manganganak” ang itinayo sa Peru nitong nakalipas na dekada. Ang isang babaing nagdadalang-tao at ang kaniyang pamilya ay puwedeng tumira sa mga bahay na ito—na malapit sa klinika—hanggang sa manganganak na siya. Ayon sa ulat ng Reuters sa Cuzco, ang isa sa magagandang katangian ng mga klinikang ito ay na pinagsasama nito ang “makabagong medisina at ang pamamaraan ng mga katutubo,” gaya ng “panganganak nang nakatayo,” na “karaniwan nang nagpapabilis sa panganganak . . . at mas nakikita pang mabuti ng ina ang paglabas ng sanggol kaysa kung nakahiga siya.”
Laging Huli
Ayon sa Department of Transportation ng Estados Unidos noong 2008, mga 30 porsiyento ng lahat ng nakaiskedyul na paglapag ng mga eroplano sa Estados Unidos ay nahuhuli nang mahigit 15 minuto. Ang isa sa pinakamalala ay ang mga biyahe ng isang airline mula Texas hanggang California na laging huli kung dumating.