Nang Makarating ang Sangkakristiyanuhan sa Tahiti
Nang Makarating ang Sangkakristiyanuhan sa Tahiti
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TAHITI
NOONG magtatapos na ang ika-18 siglo, naging interesado ang mga tao sa Europa sa pag-eebanghelyo. Sa Britanya, marubdob na hinimok ni William Carey, na naging misyonero nang bandang huli, ang mga Protestante na magturo ng Bibliya sa mga lupaing wala pang alam tungkol dito. Isa na rito ang Tahiti. Napasigla si Carey sa iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad sa lahat ng mga bansa. (Mateo 28:19, 20) Noong 1802, ang kilalang aklat na Le Génie du christianisme (Ang Karunungan ng Kristiyanismo), na isinulat ng manunulat na Pranses na si François-Auguste-René de Chateaubriand, ay nagpasigla rin sa mga Katoliko na maging masisigasig na misyonero.
Di-nagtagal, nagkaroon ng mga samahan at grupo ng mga misyonerong Katoliko at Protestante. Noong 1797, nagpadala ang London Missionary Society ng 29 na misyonero sa Tahiti. Noong 1841, dumating ang isang grupo ng mga Katoliko na kabilang sa isang relihiyosong orden na tinatawag na Picpus Fathers. Pagkalipas ng tatlong taon, nagpadala rin doon ng mga misyonero ang mga miyembro ng Simbahang Mormon. Gayunman, di-nagtagal, marami sa mga misyonerong ito ang lumihis sa kanilang pangunahing misyon na magturo ng Bibliya at sa halip ay nakisangkot sa pulitika at komersiyo. Ano ang dahilan ng kanilang paglihis?
Mga Kaalyado ng Ariʽi
Noong una, hindi agad tinanggap ng mga tagaisla ang turo ng mga misyonerong Protestante. Ayon sa isang awtor, “mas nakasentro ang mensahe [ng mga misyonero] sa apoy ng impiyerno kaysa sa pagkahabag at pag-ibig sa kapuwa.” Bukod dito, natuklasan din ng mga mángangarál na iyon na hindi magpapabinyag ang mga tagaroon bilang Kristiyano hangga’t hindi nakukumberte ang kanilang ariʽi, o pinuno, na isa ring relihiyosong lider. Kaya ipinasiya ng mga misyonero na ibaling muna ang kanilang pansin sa mga pinuno.
Isang partikular na pinuno, si Pomare II, ang malugod na tumanggap sa mga misyonero, yamang iniisip niya na maaaring maging kaalyado niya ang mga ito sa negosyo at sa digmaan. Nakita naman ng mga misyonero na matutulungan sila ni Pomare na makamit ang kanilang tunguhin. Kung sa bagay, mula nang dumating ang mga misyonero, may impluwensiya na sila sa lugar na iyon sa paanuman yamang nagsilbi silang mga tagapamagitan ng mga Tahitiano at ng mga mandaragat na regular na pumupunta sa isla para bumili ng kanilang pangangailangan.
Dahil umaasa si Pomare na matutulungan siya ng mga misyonero na maabot ang kaniyang ambisyon sa pulitika at makuha ang mga sandatang kailangan niya, nagpakita siya ng interes sa kanilang mensahe, at noong 1811, gusto na niyang magpabinyag. Nang sumunod na taon, sumulat siya sa mga misyonero upang hilingin na binyagan siya. Gayunman, sa loob ng walong taon, hindi pinagbigyan ang kahilingan niya dahil maingat munang tiniyak ng mga misyonero kung talagang mamumuhay siya ayon sa mga pamantayan ng Bibliya sa moralidad.
Samantala, si Pomare ang naging kinikilalang hari ng isla ng Tahiti at ng mga katabing isla na bumubuo sa Society Islands. Muli niyang hiniling na mabinyagan siya at sa wakas noong 1819, pumayag ang mga misyonero.
Nakita agad ang epekto nito sa mga isla. Sa loob lamang ng mga limang taon, nag-angking Kristiyano ang halos lahat ng mamamayan sa
Society Islands, sa kanluran ng Tuamotu Archipelago, at sa kalahati ng Austral Islands.Kodigo ni Pomare
Dahil sa malawakang “pagkakumberte” ng mga tagaisla, kinailangang baguhin ang mga pamantayang moral, kaugalian, at batas sa isla. Para magawa ito, humingi ng tulong si Pomare sa mga misyonero. Noon pa man, gusto nang baguhin ng mga misyonero ang kaugalian ng mga tribo at limitahan ang kapangyarihan ng hari. Kaya pumayag ang mga misyonero sa kahilingan ni Pomare at bumuo sila ng kalipunan ng mga batas na ayon sa isang reperensiya, pinagsama “ang pangunahing mga batas ng konstitusyon ng Britanya, pamantayan ng Bibliya, at kaugalian ng mga bansang Kristiyano.” Pagkatapos ng maraming rebisyon, pinagtibay ng hari ang kauna-unahang nasusulat na batas ng Tahiti. Tinawag itong Kodigo ni Pomare.
Naging saligan ang Kodigo ni Pomare para sa sistema ng mga batas ng mga katabing isla. Mahigpit na ipinag-uutos sa kodigo ang pangingilin ng Sabbath. Nagtakda ito ng parusa sa mga kasalanang gaya ng pangangalunya, bigamya, pagnanakaw, at rebelyon. Itinakda rin nito ang parusang kamatayan para sa pagpaslang gayundin sa pagkitil sa buhay ng sanggol. Ang lahat ng mahahalay na libangan ay ipinagbawal.
Pakikisangkot sa Pulitika
Ang mga Protestanteng misyonero ay “labis na nasangkot sa pulitika ng isla,” ang sabi ng aklat na Where the Waves Fall. “Bukod sa pag-eebanghelyo, gumagawa rin sila ng mga estratehiyang pandigmaan, naging mga tagapayo sa ekonomiya at pulitika, at naging mga tagapanukala ng mga batas.” Ganiyan din ang ginawa ng mga misyonerong Mormon at Katoliko. Sila ang nangasiwa sa mga gawaing sibil at pampulitika sa mga islang tinitirhan nila. Isang misyonerong Mormon sa Tubuai, isa sa mga isla sa Austral Islands, ang nagsabi: “Ang pamahalaan ay nasa ilalim ng kontrol ng simbahan. . . . Ako ang punong ministro ng isla.” May gayunding impluwensiya ang mga Katoliko sa Gambier Islands. Isang klerigo roon ang nanungkulan bilang ministro ng pamahalaan.
Sinabi naman ng isang istoryador na nagngangalang Claire Laux na sa halip na magtuon ng pansin sa pagtuturo ng Bibliya, “ginamit [ng mga misyonero] ang pulitika para palaganapin ang kanilang mensahe.” Nakita nilang ito ang mas mabilis na paraan para makuha ang kanilang kagustuhan. Dahil dito, nilabag ng mga misyonero ang tagubilin ng mga awtoridad ng kanilang simbahan. Gayunpaman, hanggang sa ngayon, malakas pa rin ang impluwensiya ng relihiyon sa pulitika sa French Polynesia.
Papel ng Negosyo
Ang ilang misyonero naman ay “nakisangkot sa pulitika upang maitaguyod ang kanilang interes sa pagnenegosyo,” ang sabi ni Niel Gunson, isang propesor sa University of Canberra sa Australia. Maraming misyonero ang naging negosyante—naglalaan sila ng mga suplay sa mga barkong pangkalakal, nagpapaarkila, at gumagawa pa nga ng mga barkong pangkalakal. May ilang misyonero na namahala ng mga taniman ng uraro, kape, bulak, tubo, tabako, at iba pa.
Umunlad nang husto ang negosyo ng mga misyonero anupat sa loob ng 25 taon, kontrolado nila ang kalakalan sa pagitan ng Australia at Tahiti, partikular na sa pagbebenta ng tapang karne ng baboy at langis ng niyog. Subalit may ilang misyonero na nabahala sa mga pagnenegosyong ito at iniharap ito sa London Missionary Society para lutasin ang isyu. Para naman sa ibang misyonero, inisip nilang makatutulong ang pagnenegosyo para maabot nila ang kanilang relihiyosong tunguhin. Paano?
Simula nang dumating sila, ginamit ng mga misyonero ang kanilang abilidad sa pagnenegosyo at paggawa ng produkto para pahangain ang mga tagaisla. Inisip ng mga misyonero na magiging mas maligaya ang mga tao kung matuturuan nila ang
mga ito na maging “sibilisado.” Dahil dito, pinasigla nila ang mga tagaisla na maging masipag sa pagtatrabaho at magpayaman. Sinabi pa nga nilang ang pagiging mayaman ay patotoo ng pagpapala ng Diyos.Talaga Bang Nakumberte ang mga Tao?
Pagkalipas ng ilang panahon, isang istoryador ng London Missionary Society ang sumulat na ang mabilisan at malawakang pagkakumberte ng mga tagaisla ay “hindi dahil sa gusto nilang gawin ang tama o dahil sa gusto nilang magkaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos.” Ayon kay Gunson, ang pagkakumberte ng mga Tahitiano ay “basta pagsunod lamang sa kagustuhan ni Pomare II, na naimpluwensiyahan ng relihiyosong kaugalian (hindi ng mga paniniwala) ng mga misyonerong Ingles.”
Maraming Tahitiano ang naging Kristiyano sa pangalan lamang, at pagkalipas ng ilang taon, bumalik sa paganismo ang marami sa kanila sa pamamagitan ng pakikibahagi sa isang relihiyosong kilusan na tinatawag na Mamaia. Isa itong pagsambang may napakababang moralidad na tinanggap maging ng babaing tagapagmana ng trono sa Tahiti. Pinaghalo sa Mamaia ang mga tradisyon ng isla at ang mga turo ng Kristiyanismo.
May matinding pagtatalu-talo sa gitna ng mga Protestanteng grupo—mga Anglikano, Calvinista, at Metodista. May pagkakapootan naman sa pagitan ng mga Protestanteng ito at ng mga Katoliko. Ganito ang sinabi sa aklat na The Cambridge History of the Pacific Islanders: “Ang mga tagaisla ay wala namang nakikitang pagkakaiba sa doktrina ng mga grupong ito ng relihiyon, at hindi nila maintindihan kung bakit may marahas na mga alitan sa gitna ng mga taong nag-aangking magkakapatid.” Halimbawa, nang dumating ang dalawang misyonerong Katoliko sa Tahiti, kaagad silang pinaalis sa isla dahil sa utos ng isang kilala at dating misyonerong Protestante. Muntik na itong humantong sa digmaan sa pagitan ng Britanya at Pransiya. Nang bandang huli, pumayag na ang Britanya sa kagustuhan ng Pransiya na isailalim sa kanilang “pangangalaga” ang Tahiti.
Ang Kanilang Positibong Kontribusyon
Sa kabilang banda, natulungan ng ilang naunang misyonero ang mga tagaisla na matutong bumasa at sumulat. Nakatulong din sila para maitigil ang kanibalismo, pagkitil sa buhay ng mga sanggol, at paghahandog ng tao. Bagaman maaaring napakaistrikto ng ilang misyonero, nagsikap naman silang itaas ang mga pamantayang moral ng mga tagaisla.
Ang isang natatanging kontribusyon ng mga misyonero ay ang pagsasalin ng Bibliya sa wikang Tahitiano. Sa ganitong paraan, nalaman ng mga tao ang pangalan ng Diyos, na kilalang-kilala pa rin sa mga isla hanggang ngayon. a—Awit 83:18.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Pangkaraniwang mga Lalaki ang Nagsalin ng Bibliya” sa Hulyo 1, 2003, isyu ng Ang Bantayan.
[Kahon sa pahina 15]
“Hindi Kayo Bahagi ng Sanlibutan”
Ang sinabing ito ni Jesu-Kristo ang simulaing sinusunod ng kaniyang mga tunay na tagasunod. (Juan 15:19) Sa katunayan, napakahalaga nito para sa kanila anupat nanalangin si Jesus sa Diyos: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Kasuwato nito, hindi nakibahagi si Jesus sa pulitika, ni ginamit man niya ito para magkaroon siya ng mga alagad. Hindi rin siya nagkamal ng materyal na kayamanan—na karaniwang ginagawa ng mga tao sa sanlibutang ito. Sa halip, itinaguyod niya ang simpleng buhay na nakatuon sa pagtatamo ng espirituwal na kayamanan. (Mateo 6:22-24, 33, 34) Tinutularan ng kaniyang mga tunay na tagasunod ang kaniyang halimbawa.
[Larawan sa pahina 13]
Pagtanggap sa mga unang misyonero noong 1797
[Credit Line]
The Granger Collection, New York
[Larawan sa pahina 14]
Isang misyonero kasama ang mga nakumberteng Tahitiano noong mga 1845
[Larawan sa pahina 14]
Haring Pomare II
[Larawan sa pahina 15]
Ang Tahiti at ang kabiserang lunsod nito, ang Papeete
[Credit Line]
Photo courtesy of Tahiti Tourisme
[Picture Credit Lines sa pahina 14]
Kaliwa: Photo by Henry Guttmann/Getty Images; kanan: Collection du Musée de Tahiti et de ses Îles, Punaauia, Tahiti