Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Nagdisenyo ba Nito?

Kamangha-manghang Pagtutulungan sa Lupa

Kamangha-manghang Pagtutulungan sa Lupa

◼ May ilang halaman at baktirya sa lupa na nagtutulungan sa kamangha-manghang paraan para manatiling buháy ang mga nilalang.

Pag-isipan ito: Mahalaga ang nitroheno sa paglaki at pagdami ng halaman. Pero ang gas na ito ay kailangan munang maging compound tulad ng amonya bago mapakinabangan ng mga pananim. May solusyon dito ang mga butong-gulay. Nakikipagtulungan sila sa baktiryang tinatawag na rhizobia. Ang gayong pagtutulungan na kapuwa nakikinabang ang di-magkatulad na organismo ay tinatawag na simbiyosis.

Lumilikha ang mga butong-gulay ng espesyal na kemikal na gustung-gusto ng mga baktirya, kaya pumapasok ang mga ito sa mga ugat ng halaman. Bagaman magkaiba ng klasipikasyon ang baktirya at ang halamang ito, ang sabi ng magasing Natural History, nagtutulungan sila “para makagawa ng isang bagong sangkap: isang bukó ng ugat na kayang-kayang gawing compound ang nitroheno.” Ang loob ng bukóng ito ang nagsisilbing bagong tirahan ng mga baktirya kung saan sila nagtatrabaho. Pangunahin nilang ginagamit ang isang espesyal na enzyme​—isang anyo ng protina na tinatawag na nitrogenase​—para gawing amonya ang nitroheno na nakapapasok sa lupa.

“Ang buong suplay ng nitrogenase sa daigdig . . . ay magkakasya sa isang malaking timba,” ang sabi ng Natural History. Kaya mahalaga ang bawat molekula nito! Pero may isang problema. Sinisira ng oksiheno ang enzyme. Ang solusyon? Naglalabas ang butong-gulay ng isang espesyal na substansiyang nag-aalis ng oksihenong posibleng makapinsala sa enzyme.

Ang membrane sa palibot ng bukó ang kumokontrol sa pagpapalitan ng amonya, asukal, at iba pang nutriyente sa pagitan ng baktirya at ng halaman. Tulad ng lahat ng halaman, namamatay rin ang mga butong-gulay. Ano ang nangyayari pagkatapos nito? Ang amonya na nasa mga butong-gulay ay naiiwan sa lupa. Kaya tama lamang na bansagang “luntiang pataba” ang mga butong-gulay.

Ano sa palagay mo? Ang mga mikrobyo bang ito at ang katulong nilang mga halaman ang mismong “umimbento” sa kamangha-mangha at napakasalimuot na sistemang kailangan ng mga nilalang para mabuhay? O isa na naman itong katunayan na mayroon talagang isang Disenyador?

[Larawan sa pahina 25]

Isang bukó ng ugat

[Picture Credit Lines sa pahina 25]

Background: © Wally Eberhart/Visuals Unlimited; inset: © Dr. Jack M. Bostrack/Visuals Unlimited