Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Itinatakda ba ng Uri ng Dugo Mo ang Iyong Personalidad?

Itinatakda ba ng Uri ng Dugo Mo ang Iyong Personalidad?

ANG pagkilatis sa personalidad ng isang tao salig sa blood type (uri ng dugo) niya ay popular sa ilang bansa. Halimbawa, sa Hapon, para pasimulan ang pag-uusap, karaniwan nang ganito ang itinatanong ng isa, “Ano ang type ng dugo mo?” Ang mga nagtataguyod ng ideyang ito ay nag-aangkin na ang mga taong may type A na dugo ay mahinahon, responsable, at mapaghinala; ang mga may type B na dugo naman ay bukas-palad, sumpungin, madaling maloko; at iba pa. Iginigiit din na ang taong may isang uri ng dugo ay maaaring mahirapan​—o madali​—na makisama sa ibang tao na may ibang uri ng dugo.

Salig sa konseptong ito, itinuturing ng ilan na mahalagang salik ang blood type kapag pinaggugrupu-grupo ang mga estudyante sa mga paaralan, pumipili ng mga ehekutibo sa mga kompanya, o kahit na kapag pumipili ng mapapangasawa. May patotoo ba na itinatakda ng uri ng dugo natin ang ating personalidad? May mga turo ba sa Bibliya na bumabanggit sa bagay na ito?

Ano ba ang Blood Type?

Ganito ang paliwanag ng The World Book Multimedia Encyclopedia: “Ang mga lamad ng pulang selula ng dugo ay nagtataglay ng mga protinang tinatawag na mga antigen. Mahigit na 300 antigen ng pulang selula ang nakilala na.” Bagaman may partikular na mga antigen ang ilang tao, ang iba ay wala nito, at ang ilang antigen ay hindi maaaring magsama. Kaya nga, gaya ng sinabi pa ng ensayklopidiya, “salig sa pagkakaroon o kawalan ng partikular na mga antigen, inuri ng mga siyentipiko ang dugo ng tao sa iba’t ibang grupo.”

Ang pinakamalaganap na tinatanggap na sistema sa paggugrupo ng dugo ay ang sistemang ABO, na nag-uuri sa dugo ng tao sa apat na klase​—A, B, AB, at O. Bukod dito, karaniwang ginagamit ang sistemang Rh. Ang totoo, may mga 20 kilalang sistema ng paggugrupo ng dugo. Maliwanag, kung gayon, na talagang napakasalimuot ng dugo. Ang Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Sa dami ng iba’t ibang mga antigen ng pulang selula, malayung-malayong mangyari na ang mga tao, maliban sa magkakambal na magkamukha (identical twins), ay magkakaroon ng iisang pagkakaayos ng mga substansiya sa grupo ng dugo.”

Ipinahihiwatig nito na sa katunayan, ang lahat ay may natatanging “blood type.” Kaya waring walang saligan ang sinasabi na magkakatulad ang mga katangian ng mga taong may partikular na mga blood type. May ilang salik na maliwanag na nakaiimpluwensiya sa ating personalidad.

Ano ang mga Nakaiimpluwensiya sa Ating Personalidad?

“Ang personalidad ay ang mga katangian ng pag-uugali, kapuwa namamana at natututuhan, na nagpapakita ng pagkakaiba ng bawat indibiduwal,” ang paliwanag ng Encyclopædia Britannica. Oo, bukod sa mga namamana natin, may iba pang salik​—gaya ng kalagayan sa pamilya, edukasyon, mga kasama, at mga karanasan kapuwa mabuti at masama​—na nakaaapekto sa pagsulong ng ating personalidad. Sa gayon, hindi lamang ang henetikong kayarian natin ang pawang nakaiimpluwensiya sa ating personalidad. Maging ang magkakambal na magkamukha, na iisa ang henetikong kayarian, ay kadalasang magkaiba ang mga personalidad.

Ang isa pang mahalagang salik ay na maaaring magbago o baguhin ang personalidad ng isa. Idiniin ni apostol Pablo ang kapangyarihan ng Kristiyanong mga turo na baguhin ang mga tao. Sumulat siya: “Hubarin ninyo ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito, at damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.” (Colosas 3:9, 10) Kinikilala ng mga Kristiyano na sila ay mga makasalanan at may minanang makasalanang mga hilig. Para tanggapin sila ng Diyos, kailangan nilang baguhin ang kanilang personalidad.

Paano nagiging posible ang gayong mga pagbabago? Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng salita, o mensahe, ng Diyos. May kinalaman sa malakas na impluwensiya ng salita ng Diyos, na matatagpuan ngayon sa Bibliya, sumulat si Pablo: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) Kapag ang isang indibiduwal ay nagpapaakay sa impluwensiya ng espiritu ng Diyos at nagsusumikap na sumunod sa moral na mga pamantayang itinakda sa Bibliya, maaaring unti-unting magbago ang kaniyang personalidad. Kasama sa Kristiyanong personalidad na nahubog sa ganitong paraan ang “magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.”​—Colosas 3:12.

Pagkamakatuwiran ng Kristiyano

Sabihin pa, wala namang simulain sa Bibliya ang nagbabawal sa pagsusuri sa mga blood type. Subalit ibang bagay ang pagkakaroon nito ng anumang kaugnayan sa paggawi ng tao. May kinalaman sa lahat ng bagay sa buhay, dapat nating hayaan na ang Salita ng Diyos ang pumatnubay sa ating mga hakbang. (Awit 119:105) Mahalaga rin ang pagkamakatuwiran.​—Filipos 4:5.

Tiyak na di-makatuwirang idahilan ang blood type ng isa para hindi magsumikap na ituwid ang mga kapintasan sa personalidad. Anuman ang kanilang henetikong kayarian, dapat na patuloy na linangin ng mga Kristiyano ang kanilang personalidad na nagpapamalas ng mga katangian ni Jehova at ni Jesus hangga’t maaari.​—Efeso 5:1.

Isa pa, sinisikap ng mga Kristiyano na malasin ang iba ayon sa pangmalas ni Jehova sa kanila. “Ang Diyos ay hindi nagtatangi.” (Gawa 10:34, 35) Malugod na tinatanggap ni Jehova ang lahat ng uri ng tao. Kaya di-makatuwiran at di-makakristiyano na iwasang makisama sa iba dahil lamang sa blood type nila. Totoo rin ito kung ang isa ay makikisama lamang sa mga taong “kabagay” ng kaniyang blood type. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Kung patuloy kayong nagpapakita ng paboritismo, kayo ay gumagawa ng kasalanan.”​—Santiago 2:9.

Habang sumusulong ang siyensiya at teknolohiya, maraming bagong mga tuklas at mga teoriya hinggil sa katawan ng tao. Natural lamang na mamangha sa mga konseptong ito. Gayunman, mas mabuting pahintulutan ng mga Kristiyano ang Bibliya​—hindi ang mga teoriya ng tao​—na siyang pumatnubay sa kanilang isipan. Sa lahat ng pitak ng buhay, kailangang “tiyakin [ng mga Kristiyano] ang lahat ng bagay” at ‘manghawakang mahigpit sa kung ano ang mainam.’​—1 Tesalonica 5:21.