Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Pamahalaang Magtataguyod ng Makadiyos na mga Pamantayang Moral

Isang Pamahalaang Magtataguyod ng Makadiyos na mga Pamantayang Moral

Isang Pamahalaang Magtataguyod ng Makadiyos na mga Pamantayang Moral

GUNIGUNIHIN ang isang daigdig na may iisa lamang pamahalaan para sa mga tao ng bawat lahi at wika. Gunigunihin ang isang pamahalaan na kilala sa pagsasanggalang sa pinakamatatayog na pamantayang moral at sa pag-aalis ng digmaan, pagkapoot, krimen, karalitaan, polusyon, sakit, at maging kamatayan!

‘Napakaganda, pero imposible,’ maaaring sabihin mo. Hindi, hindi ito imposible. Sa katunayan, ito ay sigurado. Ipinangako ni Jesu-Kristo ang gayong pamahalaan. Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na ipanalangin ito: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’ ”​—Mateo 6:9, 10.

Marahil ay pamilyar ka sa pananalita ng panalanging iyan, sapagkat milyun-milyong tao sa buong daigdig ang nakaaalam nito o nakarinig na nito. Subalit napag-isipan mo na ba nang husto kung ano talaga ang kahulugan ng mga salitang iyon? Pansinin na ang Kaharian ay iniuugnay sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos dito sa lupa. Ano, kung gayon, ang Kaharian ng Diyos? At ano ang kalooban ng Diyos para sa ating lupa?

Kung Ano ang Kaharian ng Diyos

Ang isang kahulugan ng kaharian ay isang pamahalaan na pinamumunuan ng isang hari. Ang Kaharian ng Diyos ang paraan ng paggamit ng Diyos na Jehova ng kaniyang pansansinukob na soberanya. Ito ay isang maharlikang pamahalaan na pinamumunuan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Kung tungkol sa kalooban ng Diyos para sa lupa, ganito ang malinaw at maliwanag na pagkakasabi sa Awit 37:10, 11: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”

Kaya kung nakadarama ka ng kawalang-pag-asa dahil sa sumasamang mga pamantayang moral ng daigdig na ito, lakasan mo ang iyong loob. Nangangako ang Bibliya na malapit nang mangyari ang malaking pagbabago sa mga kalagayan at mga pamantayang moral ng daigdig. Ang pangako na malapit nang mamahala ang Kaharian ng Diyos sa lupa upang ipatupad ang mga pamantayang moral ng Diyos ay isang tiyak na saligan ng pag-asa.

Makadarama tayo ng higit na katiwasayan sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga pangako ng Kaharian ng Diyos. Isaalang-alang ang mga pamantayang moral na nauugnay sa pamamahala ng Kahariang iyon: “Halikayo, masdan ninyo ang mga gawa ni Jehova, kung paano siya nagsagawa ng kagila-gilalas na mga pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.” (Awit 46:8, 9) Kayganda ngang pangako para sa kapayapaan at katiwasayan!

Sa isang hula hinggil sa Hari ng Kaharian ng Diyos, si Jesu-Kristo, ganito ang sabi ng Awit 72:12-14: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.”

Mga Pamantayang Moral ng Bibliya

Isaalang-alang ang ilan sa mga pamantayang moral na itinataguyod ng Bibliya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Isa pa: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”​—Kawikaan 3:5, 6.

Itinuturo rin ng Bibliya na mananagot tayo sa mga pamantayang moral na pinipili nating sundin. Isaalang-alang ang Eclesiastes 11:9: “Magsaya ka, binata, sa iyong kabataan, at dulutan ka nawa ng iyong puso ng kabutihan sa mga araw ng iyong kabinataan, at lumakad ka sa mga lakad ng iyong puso at sa mga bagay na nakikita ng iyong mga mata. Ngunit alamin mo na dahil sa lahat ng ito ay dadalhin ka ng tunay na Diyos sa kahatulan.” Tuwirang sinasabi sa Kawikaan 2:21, 22 na mananagot tayo sa ating mga pagkilos: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.”

Taglay ang nakapagpapalakas-loob na pag-asang ito ng isang matuwid na pamahalaan, lubhang kapaki-pakinabang nga na linangin ang isang malapít na pakikipagkaibigan sa Diyos! Ang pakikisama sa iba na nagnanais ding maging mga sakop ng Kaharian ng Diyos ay tutulong sa atin na mamuhay sa paraang mararanasan natin ang pamamahala ng kaniyang maluwalhating Kaharian at ang bunga ng kamangha-manghang mga pamantayang moral na itataguyod nito.

[Larawan sa pahina 10]

Ang maaamo ang “magmamay-ari ng lupa” at “makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—AWIT 37:11.