Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pantanging mga Kaloob Kung Kaya Wala Tayong Katulad

Pantanging mga Kaloob Kung Kaya Wala Tayong Katulad

Pantanging mga Kaloob Kung Kaya Wala Tayong Katulad

‘Pinag-aaralan ng siyentipiko ang kalikasan sapagkat nalulugod siya rito, at nalulugod siya rito sapagkat ito ay maganda.’​—JULES-HENRI POINCARÉ, SIYENTIPIKO AT MATEMATIKONG PRANSES (1854-1912).

LUBHANG hinangaan ni Poincaré ang kagandahan ng likas na daigdig, lalo na ang “higit na kagandahan” ng pagkakasuwato at kaayusan na nakaaakit sa makasensiyang kaisipan. Gayunman, hindi kinakailangang maging siyentipiko ang isa upang humanga sa kagandahan at kaayusan sa paligid natin. Mga 3,000 taon na ang nakalipas, ang salmistang si David ay lubhang naantig sa disenyo na nakikita sa paglalang​—lalo na sa disenyo ng katawan ng tao. Kaya, nanalangin siya: “Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin. Ang iyong mga gawa ay kamangha-mangha, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.”​—Awit 139:14.

Ang gayong damdamin ng panggigilalas at pagpipitagan ay natatangi sa tao, na nakahihigit sa kakayahan maging ng pinakamatalinong hayop. Gayunman, mas malalim pa ang ating interes sa likas na daigdig. Ang palaisip na mga tao na iba’t iba ang edad ay nagtanong: Ano ang pinagmumulan ng kahanga-hangang disenyo sa nabubuhay na mga bagay? Oo, bakit nga ba umiiral ang nabubuhay na mga bagay? At ano ang bahagi natin sa kaayusang ito ng mga bagay? Hindi masasagot ng siyensiya at ng mapanuri-sa-sariling pangangatuwiran ang mga tanong na ito. Subalit ang Bibliya, na kinasihan ng Diyos, ay nagbibigay ng tunay na kasiya-siyang mga kasagutan.​—2 Pedro 1:20, 21.

Ipinaliliwanag ng sinaunang sagradong aklat na ito na ang ating walang-katulad na katangian bilang tao ay resulta ng pagkalalang sa atin ayon “sa larawan ng Diyos”​—ibig sabihin na tayo ay may kakayahang magpamalas (bagaman sa nakabababang antas) ng mga katangian ng personalidad ng ating Maylalang. (Genesis 1:27) Kaya bagaman wala tayong mata na tulad ng agila, nakapagpapakita tayo ng karunungan na may malawak na pananaw. Ang ating pandinig ay maaaring walang-sinabi kung ihahambing sa paniki, subalit tayo’y nasisiyahan sa pakikipag-usap, sa musika, at sa kaayaayang mga tunog ng kalikasan. At bagaman wala tayong panloob na kompas, sa pamamagitan ng pagbaling sa Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, nakukuha natin ang pinakamainam na patnubay sa buhay.​—Kawikaan 3:5, 6.

Ipinaliliwanag din ng pagkalalang sa atin ayon sa larawan ng Diyos kung bakit tayo lamang ang may espirituwal na pangangailangan. “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang,” ang sabi ni Jesus, “kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Regular ka bang tumatanggap ng nakagiginhawang mga pananalitang iyon sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya?

Kapag wastong napakain ng Salita ng Diyos, maaaring palawakin ng ating espirituwalidad ang mga pang-unawa natin na lampas pa sa mga hangganang itinakda ng ating pisikal na mga pandamdam. Paano? Sa pamamagitan ng pagpapatibay sa ating pananampalataya. Ang tunay at salig-Bibliyang pananampalataya ay magpapangyari sa atin na ‘makita’ ang di-nakikitang Diyos​—gaya ni Moises​—at maunawaan din ang Kaniyang layunin para sa hinaharap.​—Hebreo 11:1, 27.

Isang Maluwalhating Hinaharap Para sa mga ‘Nakakakita’ sa Diyos

Itinuturo ng Bibliya na iniibig ng Maylalang, ang Diyos na Jehova, ang lupa at ang lahat ng nabubuhay na mga nilalang nito, lalo na ang mga taong may takot sa Diyos. Kaya, nangangako siya na wawakasan niya ang lahat ng kabalakyutan, pati na yaong mga sakim na “nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18; Awit 37:10, 11; 2 Tesalonica 1:8) Pagkatapos, ipagkakaloob niya ang buhay na walang hanggan sa mga taong umiibig at sumusunod sa kaniya. Bukod pa riyan, tutulong sila upang gawing paraiso ang buong lupa na sagana sa buhay. Anong pagkaganda-gandang pag-asa!​—Lucas 23:43.

Gunigunihin kung ano ang magagawa at matutuklasan mo kapag ang buhay at mabuting kalusugan ay walang hanggan! Ang “kalikasan,” ang isinulat ng isang siyentipiko, “ay laging magiging bago, sagana, at maganda na hindi kailanman mauubos.” Ganito ang pagkakasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng bagay ay ginawa [ng Diyos na] maganda sa kapanahunan nito. Maging ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso, upang hindi kailanman matuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.”​—Eclesiastes 3:11.

Paano ka magiging bahagi ng Paraiso na inilalarawan sa Bibliya? Sa pamamagitan ng pag-alam tungkol sa layunin ng Diyos ngayon at pagkakapit ng iyong natutuhan. “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan,” ang sabi ni Jesus, “ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”​—Juan 17:3.

[Larawan sa pahina 10]

Gamitin ang iyong mga pandamdam upang paunlarin ang iyong pagpapahalaga sa Maylalang

[Larawan sa pahina 11]

Ang pagbabasa ng Bibliya ang pinakamainam na paraan upang makilala ang iyong Maylalang