Ang Pangmalas ng Bibliya
Sino si Miguel na Arkanghel?
AYON sa Bibliya, milyun-milyong nilalang na anghel ang naninirahan sa dako ng mga espiritu. (Daniel 7:9, 10; Apocalipsis 5:11) Mula sa pasimula hanggang sa katapusan, daan-daang pagtukoy sa mga anghel na nananatiling matapat sa Diyos ang binabanggit sa Kasulatan. Gayunman, dalawa lamang sa mga espiritung nilalang na ito ang binanggit ang pangalan. Ang isa ay si anghel Gabriel, na personal na naghatid ng mga mensahe mula sa Diyos sa tatlong magkakaibang indibiduwal sa loob ng mga 600 taon. (Daniel 9:20-22; Lucas 1:8-19, 26-28) Ang isa pang anghel na binanggit ang pangalan sa Bibliya ay si Miguel.
Maliwanag na si Miguel ay isang namumukod-tanging anghel. Halimbawa, sa aklat ni Daniel, inilarawan si Miguel bilang isa na nakikipaglaban sa mga balakyot na demonyo alang-alang sa bayan ni Jehova. (Daniel 10:13; 12:1) Sa kinasihang liham ni Judas, hinarap ni Miguel si Satanas sa isang pagtatalo hinggil sa katawan ni Moises. (Judas 9) Ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis na si Miguel ay nakipagdigma kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo at inihagis sila mula sa langit. (Apocalipsis 12:7-9) Walang ibang anghel ang inilarawan na may gayong dakilang kapangyarihan at awtoridad laban sa mga kaaway ng Diyos. Hindi kataka-taka kung gayon, na angkop lamang na tukuyin ng Bibliya si Miguel bilang “arkanghel,” na sa Ingles ay archangel, kung saan ang unlaping “arch” ay nangangahulugang “pinuno,” o “pangunahin.”
Ang Kontrobersiya Hinggil sa Pagkakakilanlan kay Miguel
Ang mga relihiyon sa Sangkakristiyanuhan, gayundin sa Judaismo at Islam, ay may nagkakasalungatang mga ideya hinggil sa paksa ng mga anghel. Malalabo ang ilang paliwanag. Halimbawa, sinasabi ng The Anchor Bible Dictionary: “Baka may iisang nakatataas na anghel at/o isang maliit na grupo ng mga arkanghel (karaniwan nang apat o pito).” Ayon sa The Imperial Bible-Dictionary, Miguel ang “pangalan ng isang personang nakahihigit sa tao, na sa pangkalahatan ay may dalawang magkaribal na opinyon hinggil dito, iyon ay kung siya ba ang Panginoong Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, o kung siya ba ang isa sa tinatawag na pitong arkanghel.”
Sa tradisyong Judio, ang pitong arkanghel na ito ay sina Gabriel, Jeremiel, Miguel, Raguel, Rafael, Sariel, at Uriel. Sa kabilang dako naman, naniniwala ang Islam sa apat na arkanghel, iyon ay, sina Jibril, Mikal, Izrail, at Israfil. Naniniwala rin ang Katolisismo sa apat na arkanghel: sina Miguel,
Gabriel, Rafael, at Uriel. Ano ba ang sinasabi ng Bibliya? Marami bang arkanghel?Ang Sagot ng Bibliya
Bukod pa kay Miguel, wala nang ibang arkanghel ang binanggit sa Bibliya, ni ginagamit man ng Kasulatan ang terminong “arkanghel” sa maramihan. Ang paggamit ng pamanggit na pantukoy sa orihinal na Griego ng Judas 9 ay nagpapahiwatig na si Miguel lamang ang nagtataglay ng katawagang iyon. Kaya, makatuwiran na ipalagay na ang Diyos na Jehova ay nag-atas sa isa, at tanging isa lamang, sa kaniyang makalangit na mga nilalang ng lubos na awtoridad sa lahat ng iba pang anghel.
Bukod pa sa mismong Maylalang, tanging isang tapat na persona lamang ang binanggit na may mga anghel sa ilalim ng kaniyang pangangasiwa—iyon ay, si Jesu-Kristo. (Mateo 13:41; 16:27; 24:31) Espesipikong binanggit ni apostol Pablo ang hinggil sa “Panginoong Jesus” at sa “kaniyang makapangyarihang mga anghel.” (2 Tesalonica 1:7) At inilarawan ni Pedro ang binuhay-muling si Jesus sa pagsasabing: “Siya ay nasa kanan ng Diyos, sapagkat pumaroon siya sa langit; at ang mga anghel at ang mga awtoridad at ang mga kapangyarihan ay ipinasakop sa kaniya.”—1 Pedro 3:22.
Bagaman walang pananalita sa Bibliya na tuwirang kumikilala na si Jesus ay si Miguel na arkanghel, may isang kasulatan na nag-uugnay kay Jesus sa posisyon ng arkanghel. Sa kaniyang liham sa mga taga-Tesalonica, humula si apostol Pablo: “Ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit na may nag-uutos na panawagan, may tinig ng arkanghel at may trumpeta ng Diyos, at yaong mga patay na kaisa ni Kristo ang unang babangon.” (1 Tesalonica 4:16) Inilarawan si Jesus sa kasulatang ito bilang isa na tumanggap ng kaniyang kapangyarihan bilang Mesiyanikong Hari ng Diyos. Gayunman, nagsasalita siya na may “tinig ng arkanghel.” Pansinin din na siya ay may kapangyarihan na bumuhay ng patay.
Nang siya ay nasa lupa bilang tao, isinagawa ni Jesus ang ilang pagbuhay-muli. Sa paggawa nito, ginamit niya ang kaniyang tinig upang bumigkas ng mga nag-uutos na panawagan. Halimbawa, nang bubuhayin niyang muli ang patay na anak na lalaki ng isang balo sa lunsod ng Nain, sinabi niya: “Binata, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!” (Lucas 7:14, 15) Nang maglaon, noon mismong pagkakataon bago niya buhaying muli ang kaniyang kaibigan na si Lazaro, “sumigaw [si Jesus] sa malakas na tinig: ‘Lazaro, lumabas ka!’” (Juan 11:43) Ngunit sa mga okasyong ito, ang tinig ni Jesus ay tinig ng isang sakdal na tao.
Pagkatapos ng kaniya mismong pagkabuhay-muli, iniangat si Jesus sa isang “nakatataas na posisyon” sa langit bilang isang espiritung nilalang. (Filipos 2:9) Yamang hindi na tao, taglay niya ang tinig ng isang arkanghel. Kaya nang inihayag ng trumpeta ng Diyos ang panawagan para sa “mga patay na kaisa ni Kristo” na bubuhaying muli sa langit, binigkas ni Jesus ang “nag-uutos na panawagan,” sa pagkakataong ito, na “may tinig ng arkanghel.” Makatuwirang sabihin na tanging ang isang arkanghel lamang ang makatatawag na “may tinig ng arkanghel.”
Oo, may iba pang mga nilalang na anghel na may mataas na posisyon, tulad ng mga serapin at kerubin. (Genesis 3:24; Isaias 6:2) Gayunman, tinutukoy ng Kasulatan ang binuhay-muling si Jesu-Kristo bilang pinuno ng lahat ng anghel—si Miguel na arkanghel.