Ang Pangmalas ng Bibliya
Ang Pipiliin Mong Paraan ng Paggamot—Mahalaga ba Ito?
ANG karamdaman, sakit, at kapinsalaan ay pawang karaniwan na sa sangkatauhan. Kapag napaharap sa ganitong mga kaaway ng kalusugan, marami ang naghahanap ng kaginhawahan sa pamamagitan ng pagpapagamot. Kinilala ni Jesu-Kristo ang kapakinabangang naidudulot ng gayong mga pagsisikap, anupat nababatid na “yaong malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi yaong mga may sakit.”—Lucas 5:31.
Ang manunulat mismo ng Bibliya na sumulat ng mga salitang iyan, si Lucas, ay isang manggagamot. (Colosas 4:14) Marahil, noong sila’y magkasamang naglalakbay, nakinabang si apostol Pablo sa kahusayan ni Lucas sa panggagamot. Subalit nagbibigay ba ang Kasulatan ng mga tuntunin kung anong uri ng pangangalagang medikal ang nararapat para sa mga Kristiyano? Mahalaga ba kung ano ang pipiliin mong paraan ng paggamot?
Maka-Kasulatang mga Tuntunin
Maaaring patnubayan ng Bibliya ang isang tao sa paggawa ng matatalinong pasiya may kinalaman sa paraan ng paggamot. Halimbawa, nililinaw ng Deuteronomio 18:10-12 na ang mga gawaing gaya ng panghuhula at mahika ay “karima-rimarim” kay Jehova. Kabilang sa mga ipinagbabawal na gawaing ito ang “pagsasagawa ng espiritismo,” na laban dito’y nagbabala si Pablo. (Galacia 5:19-21) Dahil dito, iniiwasan ng tunay na mga Kristiyano ang anumang paraan ng pagsusuri o panggagamot na maliwanag na nasasangkot sa espiritismo.
Isinisiwalat din ng Bibliya ang malaking pagpapahalaga ng Maylalang sa kabanalan ng buhay at dugo. (Genesis 9:3, 4) Palibhasa’y determinadong sundin ang tagubilin na ‘patuloy na umiwas sa dugo,’ tumututol ang mga Saksi ni Jehova sa mga pamamaraan sa panggagamot na lumalabag sa utos ng Bibliya na umiwas sa dugo. (Gawa 15:28, 29) Hindi naman ito nangangahulugan na tinatanggihan nila ang lahat ng paraan ng paggamot. Sa halip, hinahanap nila ang pinakamahusay na pangangalaga na posible para sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak. Subalit nakikiusap sila sa mga propesyonal na tagapangalaga sa kalusugan na ilaan ang paraan ng paggamot na kasuwato ng kanilang relihiyosong mga paninindigan.
Pag-isipan ang Iyong mga Hakbang
Nagbabala si Haring Solomon na “sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Kahit na ang isang kapasiyahang medikal ay hindi tuwirang salungat sa mga simulain ng Bibliya, dapat na ‘pag-isipan [ng isang tao] ang kaniyang mga hakbang.’ Hindi lahat ng paraan ng paggamot ay nakatutulong. Nang sabihin ni Jesus na ‘yaong mga maysakit ay nangangailangan ng manggagamot,’ hindi niya sinasang-ayunan ang lahat ng paraan ng paggamot na maaaring makuha noong kaniyang panahon. Batid niya na ang ilang uri ng pamamaraang medikal ay tama at ang ilan naman ay mali. a
Gayundin sa ngayon, ang ilang paraan ng paggamot ay maaaring walang silbi, o baka pandaraya pa nga. Ang kawalan ng mahusay na pagpapasiya ay maaaring maghantad sa isang tao sa di-kinakailangang mga panganib. Dapat ding kilalanin na ang isang paraan ng paggamot na nakatutulong sa isang tao ay maaaring di-mabisa—baka nakapipinsala pa nga—sa iba. Kapag napapaharap sa isang pagpapasiyang medikal, maingat na titimbangin ng isang matalinong tao ang kaniyang mga mapagpipilian sa halip na ‘manampalataya sa bawat salita,’ kahit na galing pa ang payo sa nagmamalasakit na mga kaibigan. Maipamamalas niya ang “katinuan ng pag-iisip” kung hahanap siya ng mapagkakatiwalaang impormasyon upang siya ay mapasa kalagayan na makagagawa ng may-kabatirang pasiya.—Tito 2:12.
Maging Makatotohanan at Makatuwiran
Wasto na mabahala sa kalagayan ng ating kalusugan. Ang timbang na pag-aasikaso sa ating pisikal na kalusugan ay nagpapakita ng pagpapahalaga sa kaloob na buhay at sa banal na Bukal nito. (Awit 36:9) Bagaman nagsisikap na makakuha ng angkop na paraan ng paggamot, nanaisin ng mga Kristiyano na maging timbang may kinalaman sa kalusugan. Halimbawa, kung ang isang maituturing na malusog na tao ay maging labis na abala sa kalusugan at kondisyon ng katawan, maaaring maging sanhi ito upang makaligtaan niya ang “mga bagay na higit na mahalaga.”—Filipos 1:10; 2:3, 4.
Ang isang babae na may napakalubhang sakit noong panahon ni Jesus ay ‘gumugol ng lahat ng kaniyang pag-aari’ sa paghahanap ng tulong ng mga manggagamot upang magamot ang kaniyang namamalaging karamdaman. Ano ang resulta? Sa halip na mapagaling, lalong lumala ang kaniyang kalagayan, na malamang na nagdulot sa kaniya ng labis na pagkasiphayo. (Marcos 5:25, 26) Ginawa niya ang lahat para gumaling siya, subalit walang nangyari. Itinatampok ng kaniyang karanasan ang mga limitasyon ng siyensiya sa medisina noong kaniyang panahon. Maging sa ngayon, sa kabila ng mga pagsulong sa pananaliksik at teknolohiya sa medisina, nasusumpungan ng maraming tao ang kanilang sarili sa gayunding situwasyon. Kaya mahalaga na magkaroon ng makatotohanang pangmalas sa maaaring magawa ng siyensiya sa medisina. Hindi maaaring makamtan sa ngayon ang sakdal na kalusugan. Kinikilala ng mga Kristiyano na ang panahon ng Diyos para sa “pagpapagaling sa mga bansa” ay sa hinaharap pa. (Apocalipsis 22:1, 2) Samakatuwid, dapat na magkaroon tayo ng timbang na pangmalas sa mga paraan ng paggamot.—Filipos 4:5.
Maliwanag, mahalaga kung anong pagpili ang ating gagawin. Dahilan dito, kapag napaharap sa mga pagpapasiya tungkol sa mga paraan ng paggamot, dapat na masalamin sa ating pagpili kapuwa ang ating pagnanais ng mabuting kalusugan at ang ating hangarin na mapanatili ang isang mabuting kaugnayan sa Diyos. Habang ginagawa natin ito, patuloy tayong makaaasa nang may pagtitiwala sa katuparan ng pangako ni Jehova na sa maluwalhating bagong sanlibutan na darating, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”—Isaias 33:24.
[Talababa]
a Halimbawa, sa ensayklopidiyang pangmedisina ni Dioscorides noong unang siglo, ang isang sinasabing lunas para sa sakit sa atay at bato (jaundice) ay ang pag-inom ng pinaghalong alak at dumi ng kambing! Siyempre pa, alam na natin ngayon na ang gayong reseta ay mas malamang na makadaragdag sa paghihirap ng maysakit.
[Larawan sa pahina 26]
“Ang Doktor,” 1891, ni Sir Luke Fildes
[Credit Line]
Tate Gallery, London/Art Resource, NY