Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Aklat na Napasamâ

Isang Aklat na Napasamâ

Isang Aklat na Napasamâ

“Ang doktrina ng doblehang pag-ikot ng lupa sa ehe nito at sa araw ay mali, at lubusang salungat sa Banal na Kasulatan.” Iyan ang sinabi ng Congregation of the Index ng Iglesya Katolika Romana sa isang dekreto noong 1616.1 Totoo nga bang di-kasuwato ng tunay na siyensiya ang Bibliya? O ito’y napasamâ lamang?

NOONG taglamig ng 1609/10, itinapat ni Galileo Galilei ang kaniyang bagong gawang teleskopyo sa kalangitan at nakatuklas ng apat na buwan na umiikot sa planetang Jupiter. Ang kaniyang nakita ay bumuwag sa umiiral na palagay na lahat ng mga bagay sa kalangitan ay umiikot sa lupa. Bago pa nito, noong 1543, may teoriya ang astronomong taga-Poland na si Nicolaus Copernicus na ang mga planeta ay umiikot sa araw. Pinatunayan ni Galileo na iyan ang katotohanan ayon sa siyensiya.

Gayunman, para sa mga Katolikong teologo, ito ay hidwang paniniwala. Napakatagal nang iginigiit ng simbahan na ang lupa ang sentro ng uniberso.2 Ang pananaw na ito’y isinalig sa isang literal na pagpapakahulugan sa kasulatan na naglalarawan sa lupa bilang nakapako “sa pundasyon nito, na di-makikilos magpakailanman.” (Awit 104:​5, The Jerusalem Bible) Nang ipatawag sa Roma, humarap si Galileo sa Inkisisyon. Sa ilalim ng napakahigpit na pagsisiyasat, napilitan siyang bawiin ang kaniyang natuklasan, at ginugol niya ang natitirang bahagi ng kaniyang buhay bilang isang bilanggo sa sarili niyang tahanan.

Noong 1992, mga 350 taon pagkamatay ni Galileo, sa wakas ay inamin ng Simbahang Katoliko na tama nga siya.3 Ngunit kung tama si Galileo, mali ba kung gayon ang Bibliya?

Pagtuklas sa Tunay na Diwa ng mga Sipi sa Bibliya

Naniniwala si Galileo na tama ang Bibliya. Nang salungatin ng kaniyang natuklasan sa siyensiya ang umiiral na interpretasyon sa ilang talata sa Bibliya, ikinatuwiran niya na hindi naunawaan ng mga teologo ang tunay na diwa ng mga talata. Tutal, “ang dalawang katotohanan ay hindi kailanman maaaring magkasalungatan,” isinulat niya.4 Ipinahiwatig niya na ang mga espesipikong termino ng siyensiya ay hindi naman salungat sa mga pangkaraniwang salita sa Bibliya. Subalit hindi mapasang-ayon ang mga teologo. Iginiit nila na lahat ng mga pangungusap sa Bibliya na may kinalaman sa lupa ay dapat ituring na literal. Bilang resulta, hindi lamang nila tinanggihan ang mga natuklasan ni Galileo kundi hindi rin nila nakuha ang tunay na diwa ng gayong mga pananalita sa Kasulatan.

Ang totoo, dapat mapagwari ng sentido-komon na kapag tumutukoy ang Bibliya sa “apat na sulok ng lupa,” hindi iyon nangangahulugan na ang pagkaunawa ng mga manunulat ng Bibliya ay na literal na kudrado ang lupa. (Apocalipsis 7:1) Ang Bibliya ay isinulat sa wika ng mga ordinaryong tao, na kadalasa’y gumagamit ng matatalinghagang pangungusap. Kaya kapag sinasabi nitong ang lupa ay may “apat na sulok,” isang matibay na “pundasyon,” “mga pedestal,” at isang “batong-panulok,” ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng isang maka-siyentipikong paglalarawan ng lupa; maliwanag na ito’y nagsasalita nang patalinghaga, gaya ng madalas nating ginagawa sa pang-araw-araw na pagsasalita. a​—Isaias 51:​13; Job 38:6.

Sa kaniyang aklat na Galileo Galilei, ganito ang sinabi ng manunulat ng talambuhay na si L. Geymonat: “Ang mga teologong makikitid ang isip na ang ibig ay takdaan ang siyensiya ayon sa pangangatuwiran ng Bibliya ang sa totoo’y nagpapasamâ mismo sa Bibliya.”5 Iyon nga ang ginawa nila. Ang totoo, ang interpretasyon ng mga teologo​—hindi ang Bibliya mismo​—ang naglagay ng di-makatuwirang limitasyon sa siyensiya.

Sa katulad na paraan, pinipilipit ng mga relihiyosong pundamentalista sa ngayon ang Bibliya nang ipaggiitan nila na ang lupa’y nilalang sa loob ng anim na araw na may 24 na oras. (Genesis 1:​3-31) Ang gayong pananaw ay hindi kasuwato ng siyensiya ni ng Bibliya. Sa Bibliya, gaya ng sa pang-araw-araw na pananalita, ang salitang “araw” ay isang pangkalahatang termino, na tumutukoy sa mga sukat ng panahon na may iba’t ibang haba. Sa Genesis 2:​4, lahat ng anim na araw ng paglalang ay tinutukoy bilang isang saklaw-ang-lahat na “araw.” Ang Hebreong salita na isinaling “araw” sa Bibliya ay maaaring mangahulugan lamang ng “isang mahabang panahon.”6 Kaya, walang dahilan sa Bibliya na ipilit na ang mga araw ng paglalang ay 24 na oras ang bawat isa. Sa pagtuturo ng iba pa kaysa rito, napipilipit tuloy ng mga pundamentalista ang Bibliya.​—Tingnan din ang 2 Pedro 3:8.

Sa buong kasaysayan, madalas na pinipilipit ng mga teologo ang Bibliya. Tingnan ang iba pang paraan na doo’y napasamâ ang sinasabi ng Bibliya dahil sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.

Napasamâ Dahil sa Relihiyon

Ang mga pagkilos niyaong namamaraling sumusunod sa Bibliya ay madalas na nagpaparumi sa karangalan ng aklat na ayon sa kanila’y pinagpipitaganan nila. Ang diumanong mga Kristiyano ay nagpadanak ng dugo ng isa’t isa sa ngalan ng Diyos. Gayunman, ipinapayo ng Bibliya sa mga tagasunod ni Kristo na “ibigin ninyo ang isa’t isa.”​—Juan 13:​34, 35; Mateo 26:52.

Pinagsasamantalahan ng ilang klerigo ang kanilang kawan, anupat inuulukan silang ibigay ang kanilang pinaghirapang salapi​—na ibang-iba naman sa instruksiyon ng Kasulatan na: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.”​—Mateo 10:8; 1 Pedro 5:​2, 3.

Maliwanag, hindi maaaring husgahan ang Bibliya ayon sa mga salita at gawi niyaong basta sumisipi rito o nag-aangking sumusunod dito. Samakatuwid ay nanaisin ng isang taong bukás ang isip na tuklasin niya mismo kung ano talaga ang nilalaman ng Bibliya at kung bakit nga ba ito isang pambihirang aklat.

[Talababa]

a Halimbawa, maging ang mga pinakamadetalyeng astronomo sa ngayon ay gumagamit ng pananalitang “pagsikat” at “paglubog” ng araw, mga bituin, at mga konstelasyon​—bagaman, ang totoo, ang mga ito’y mistulang kumikilos lamang dahil sa pag-ikot ng lupa.

[Larawan sa pahina 4]

Ang dalawa sa mga teleskopyo ni Galileo

[Larawan sa pahina 5]

Si Galileo sa harapan ng kaniyang mga inkisidor