Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang “Ebanghelyo ni Hudas”?

Ano ang “Ebanghelyo ni Hudas”?

NOONG Abril 2006, ang mga pahayagan sa buong daigdig ay may nakagugulat na istorya tungkol sa isang grupo ng mga iskolar na maglalabas diumano ng nilalaman ng isang bagong-tuklas na sinaunang manuskrito na pinamagatang “Ebanghelyo ni Hudas.” Sinasabi sa mga artikulong iyon na ayon sa mga iskolar, babaguhin ng manuskritong ito ang pagkakilala kay Hudas, ang alagad na nagkanulo kay Jesus. Ang totoo raw, si Hudas ay isang bayani, ang apostol na siyang higit na nakakakilala kay Jesus, anupat ipinagkanulo niya si Jesus dahil hiniling ito ni Jesus sa kaniya.

Tunay ba ang manuskritong ito? At kung oo, mayroon ba itong isinisiwalat na mga katotohanan tungkol kina Hudas Iscariote, Jesu-Kristo, o sa unang mga Kristiyano? Dapat ba itong makaapekto sa pangmalas natin kay Kristo at sa kaniyang mga turo?

PAANO NATUKLASAN ANG “EBANGHELYO NI HUDAS”?

Hindi pa rin tiyak kung paano natuklasan ang “Ebanghelyo ni Hudas.” Ang dokumentong ito ay bigla na lang lumitaw sa merkado noong huling mga taon ng dekada ’70 o maaga ng dekada ’80. Malamang na natuklasan ito sa Ehipto noong 1978 sa isang libingan, posibleng sa loob ng isang kuweba. Isa ito sa apat na magkakahiwalay na manuskritong nasa isang codex (isang uri ng sinaunang aklat) na isinulat sa wikang Coptic (mula sa sinaunang wikang Ehipsiyo).

Palibhasa’y daan-daang taóng napreserba sa tuyong klima ng Ehipto, ang codex na ito ay naging marupok at madaling masira nang alisin doon. Noong 1983, sandaling ipinakita sa ilang iskolar ang codex; pero napakataas ng presyo nito kaya hindi nagkabentahan. Dahil ilang taon pang napabayaan at di-wastong naingatan, lalo itong naging marupok. Noong 2000, binili ito ng isang Swisong dealer ng mga antigo. Pagkatapos, ibinigay niya ito sa isang internasyonal na grupo ng mga eksperto, na suportado ng Maecenas Foundation for Ancient Art at ng National Geographic Society, para ayusin at buuing muli. Ang ilan kasi rito ay nagkapira-piraso na. Aalamin din ng grupo kung gaano na katagal ang codex at  isasalin nila at bibigyan ng interpretasyon ang nilalaman nito.

Batay sa carbon 14, ang codex ay malamang na mula pa noong ikatlo o ikaapat na siglo C.E. Pero ayon naman sa mga iskolar, ang “Ebanghelyo ni Hudas” na nasa wikang Coptic ay salin mula sa mas sinaunang Griegong manuskrito. Kailan ba talaga isinulat ang “Ebanghelyo ni Hudas”?

ANG “EBANGHELYO NI HUDAS” —ISANG GNOSTIKONG EBANGHELYO

Unang nabanggit ang tungkol sa “Ebanghelyo ni Hudas” sa mga akda ni Irenaeus, obispo ng Lyons noong huling bahagi ng ikalawang siglo C.E. Sa akdang Against Heresies, ganito ang isinulat ni Irenaeus tungkol sa isa sa maraming grupo na ang mga turo ay tinututulan niya: “Sinasabi nilang alam na alam ng taksil na si Hudas ang mga bagay na ito, at na siya lang, dahil siya lang ang nakaaalam ng katotohanan, ang nagsakatuparan ng misteryo ng pagkakanulo. Dahil sa kaniya, nagkaroon ng kalituhan ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa. Gumawa sila ng ganitong kathang-isip na kasaysayan, na pinamagatan nilang Ebanghelyo ni Hudas.”

“Hindi ito isang Ebanghelyong isinulat noong panahon ni Hudas ng mismong nakakakilala sa kaniya”

Pursigido si Irenaeus na patunayang mali ang iba’t ibang turo ng mga Gnostikong Kristiyano, na nag-aangking mayroon silang pantanging kaalaman. Maraming Gnostikong grupo, at bawat grupo ay may kani-kaniyang interpretasyon tungkol sa inaakala nilang katotohanan. Itinaguyod nila ang kanilang mga turo batay sa kanilang sariling mga akda, na lumaganap noong ikalawang siglo C.E.

Sinasabi ng mga ebanghelyong Gnostikong iyon na hindi naunawaan ng prominenteng mga apostol ni Jesus ang mensahe niya, at na may isang lihim na turo si Jesus na iilan lang ang nakaunawa. * Naniniwala ang ilang Gnostiko na ang daigdig na ito ay isang bilangguan. Kung gayon, ang “diyos na maylalang” ng Hebreong Kasulatan ay isang nakabababang diyos, na kalaban ng iba’t ibang nakatataas na diyos. Naniniwala silang mauunawaan ng isang taong may pantanging kaalaman na kailangan niyang makatakas sa kaniyang pisikal na katawan.

Sa paniniwalang iyan ibinatay ang “Ebanghelyo ni Hudas.” Nagsisimula ito sa ganitong pananalita: “Ang lihim na sinabi ni Jesus kay Hudas Iscariote, sa panahon ng walong araw, tatlong araw bago niya ipagdiwang ang Paskuwa.”

Ang codex bang ito ang mismong manuskritong tinutukoy ni Irenaeus, na inakalang ilang siglo nang nawawala? Ayon kay Marvin Meyer na miyembro ng unang grupong sumuri at nagsalin ng codex na ito, ang “maikling deskripsiyon [ni Irenaeus] ay tamang-tama sa kasalukuyang manuskritong Coptic na pinamagatang Ebanghelyo ni Hudas.”

PAGLALARAWAN KAY HUDAS SA EBANGHELYONG ITO—PINAGTATALUNAN NG MGA ISKOLAR

Sa “Ebanghelyo ni Hudas,” pinagtawanan ni Jesus ang kakulangan ng kaalaman ng kaniyang mga alagad. At sa 12 apostol, si Hudas lang ang nakakakilala kung sino talaga si Jesus. Kaya naman sa kaniya lang sinabi ni Jesus “ang mga misteryo ng kaharian.”

Ang unang grupo ng mga iskolar na nagsalin ng “Ebanghelyo ni Hudas” ay naimpluwensiyahan ng mga sinabi ni Irenaeus. Sa kanilang salin, pinaboran ni Jesus si Hudas bilang ang alagad na makauunawa ng mga misteryo at “makararating” sa “kaharian.” Ang mga naligaw na apostol ay pipili ng kapalit ni Hudas, pero siya ang magiging “ikalabintatlong espiritu,” na “makahihigit sa lahat [ng iba pang alagad]” dahil, sabi ni Jesus, “isasakripisyo mo ang katawang-taong nakabalot sa akin.”

 Ang popular na mga awtor, gaya nina Bart Ehrman at Elaine Pagels, na mga prominente ring iskolar ng sinaunang Kristiyanismo at Gnostisismo, ay agad na naglathala ng kanilang sariling mga pagsusuri at komentaryo tungkol sa “Ebanghelyo ni Hudas” na kagayang-kagaya ng ginawang salin ng unang grupo ng mga iskolar. Pero di-nagtagal, nabahala ang ibang iskolar, na gaya nina April DeConick at Birger Pearson. Sinabi nilang minadali ang paglalathala ng sinaunang manuskrito para makuha ang atensiyon ng media. Sinabi rin nilang hindi ito dumaan sa normal na proseso ng pagrerepaso.

Walang isa man sa mga iskolar na sumuri sa manuskritong ito ang nagsasabing may tumpak na impormasyon ito sa kasaysayan

Matapos ang kanilang magkahiwalay na pagsusuri, parehong sinabi nina DeConick at Pearson na mali ang pagkakasalin ng mga naunang iskolar sa ilang mahalagang bahagi ng pira-pirasong codex. Ayon sa salin ni DeConick, tinawag ni Jesus si Hudas na “Ikalabintatlong Demonyo,” at hindi “ikalabintatlong espiritu.” * Tuwiran ding sinabi ni Jesus kay Hudas na hindi siya aakyat sa “kaharian.” Sa halip na ‘nakahihigit’ sa ibang mga alagad, sinabi ni Jesus kay Hudas: “Mas magiging masama ka kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat ang katawang-taong nakabalot sa akin, isasakripisyo mo siya.” Para kay DeConick, ginawang katatawanan ng mga sumulat ng “Ebanghelyo ni Hudas” ang lahat ng apostol. Ayon kina DeConick at Pearson, sa “Ebanghelyo ni Hudas,” si Hudas ay hindi bayani.

ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN SA “EBANGHELYO NI HUDAS”?

Itinuturing man nilang bayani o demonyo si Hudas sa ebanghelyong ito, walang isa man sa mga iskolar na sumuri sa manuskritong ito ang nagsasabing may tumpak na impormasyon ito sa kasaysayan. Ipinaliwanag ni Bart Ehrman: “Hindi ito isang Ebanghelyo na isinulat ni Hudas, ni inaangkin man nitong gayon nga. . . . Hindi ito isang Ebanghelyong isinulat noong panahon ni Hudas ng isang aktuwal na nakakakilala sa kaniya . . . Kung gayon, hindi ito isang aklat na makapagbibigay sa atin ng karagdagang impormasyon tungkol sa talagang nangyari noong panahon ni Jesus.”

Ang “Ebanghelyo ni Hudas” ay isang Gnostikong manuskrito mula sa ikalawang siglo C.E., at orihinal na isinulat sa wikang Griego. Pinagtatalunan pa rin ng mga iskolar kung ang natuklasang “Ebanghelyo ni Hudas” ay siya ring manuskritong tinutukoy ni Irenaeus. Pero malinaw na pinatutunayan ng “Ebanghelyo ni Hudas” na may panahong ang “Kristiyanismo” ay nagkawatak-watak sa iba’t ibang grupo. Sa halip na patunayang mali ang Bibliya, sinuportahan ng “Ebanghelyo ni Hudas” ang mga babala ng mga apostol, gaya ng sinabi ni Pablo sa Gawa 20:29, 30: “Alam ko na pag-alis ko . . . mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.”

^ par. 11 Ang mga ebanghelyong ito ay karaniwan nang isinusunod sa pangalan ng mga diumano’y mas nakaunawa sa tunay na mga turo ni Jesus, gaya ng “Ebanghelyo ni Tomas” at ng “Ebanghelyo ni Maria Magdalena.” Lahat-lahat, mga 30 gayong sinaunang akda ang natuklasan na.

^ par. 18 Ang mga iskolar na naniniwalang si Hudas ay isang demonyo—isa na mas nakakakilala kay Jesus kaysa sa ibang mga alagad—ay nagsasabing katulad ito ng ulat ng Ebanghelyo sa Bibliya tungkol sa mga demonyong nakakakilala kung sino talaga si Jesus.—Marcos 3:11; 5:7.