Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Sinaunang mga Eskriba at ang Salita ng Diyos

Ang Sinaunang mga Eskriba at ang Salita ng Diyos

Ang Sinaunang mga Eskriba at ang Salita ng Diyos

NAKUMPLETO ang Hebreong Kasulatan noong katapusan ng ikalimang siglo B.C.E. Nang sumunod na mga siglo, tiniyak ng mga Judiong iskolar, partikular na ng mga Soperim at nang maglaon ng mga Masorete, na maingatan at hindi mabago ang tekstong Hebreo. Subalit noon pang panahon nina Moises at Josue isinulat ang pinakamatatandang aklat ng Bibliya, isang libong taon bago ang panahon ng mga Soperim. Ang materyales kung saan isinulat ang mga aklat na ito ay nasisira at nabubulok; kaya malamang na maraming beses na kinopya ang mga balumbon. Ano ba ang nalalaman hinggil sa trabaho ng mga eskriba, o mga tagakopya noong panahong iyon? May bihasa bang mga tagakopya sa sinaunang Israel?

Ang pinakamatatandang manuskrito ng Bibliya na makikita sa ngayon ay mga bahagi ng Dead Sea Scrolls, na ang ilan ay isinulat noong ikatlo at ikalawang siglo B.C.E. “Wala na ngayon ang mas matatandang kopya ng alinmang bahagi ng Bibliya,” ang paliwanag ni Propesor Alan R. Millard, isang iskolar sa mga wika at arkeolohiya ng Gitnang Silangan. Sinabi pa niya: “Ipinakikita ng mga kultura ng katabing mga lugar kung paano magtrabaho ang mga sinaunang eskriba, at makatutulong ang gayong impormasyon sa pagsusuri ng tekstong Hebreo at ng kasaysayan nito.”

Trabaho ng mga Eskriba Noon

Apat na libong taon na ang nakalilipas, may mga akda nang isinusulat sa Mesopotamia hinggil sa kasaysayan, relihiyon, batas, akademya, at panitikan. Dumami ang mga paaralan ng mga eskriba, at ang isa sa mga asignaturang itinuturo dito ay ang tumpak na pagkopya ng umiiral na mga teksto. Nasumpungan ng makabagong mga iskolar na kakaunti lamang ang pagbabago sa mga teksto sa wikang Babilonyo na paulit-ulit na kinopya sa loob ng isang milenyo o higit pa.

May mga eskriba rin sa ibang mga lugar. Ganito ang sinasabi ng The Oxford Encyclopedia of Archaeology in the Near East: “Ang isang Babilonyong eskriba na nabubuhay noong kalagitnaan ng ikalawang milenyo BCE ay malamang na magiging pamilyar sa mga pamamaraang ginamit sa mga sentro ng mga eskriba sa buong Mesopotamia, Sirya, Canaan, at maging sa Ehipto.” *

Noong panahon ni Moises, tinitingala ang mga eskriba sa Ehipto. Laging abala ang mga eskriba sa pagkopya ng mga akdang pampanitikan. Ang gawaing ito ay makikita sa mga dekorasyon sa mga libingan ng Ehipto na mahigit apat na libong taon na ang katandaan. Ganito ang sinabi ng ensayklopidiya na sinipi sa itaas hinggil sa mga eskriba noong panahong ito: “Pagsapit ng ikalawang milenyo BCE, nakopya at natipon na nila ang maraming akdang pampanitikan na naglalarawan sa dakilang mga sibilisasyon ng Mesopotamia at Ehipto at nakapagtatag na sila ng mga pamantayan ng etika para sa mga propesyonal na eskriba.”

Kasama sa “mga pamantayan ng etika” na ito ang paggamit ng mga colophon na idinagdag sa pangunahing teksto. Mababasa sa mga colophon ang pangalan ng eskriba at ng may-ari ng tapyas ng bato o luwad, ang petsa, ang pinanggalingan ng tekstong kinopya, kung ilan ang linya, at iba pa. Napakadalas na idinaragdag ng eskriba: “Ang akdang ito ay kinopya at inihambing mula sa orihinal.” Ipinakikita ng mga detalyeng ito na mahalaga sa mga sinaunang tagakopya ang pagiging tumpak ng kanilang ginawa.

Ganito pa ang sinabi ni Propesor Millard: “Masusumpungang kasama sa proseso ng pagkopya ang pagsusuri at pagwawasto, isang proseso na may tiyak na mga pamamaraan upang maiwasan ang mga pagkakamali. Ang ilan sa mga ito, partikular na ang pagbilang ng mga linya o salita, ay ginamit din sa tradisyon ng mga Masorete noong unang bahagi ng Edad Medya.” Kaya noong panahon nina Moises at Josue, maingat na ang mga eskriba sa Gitnang Silangan sa pagkopya ng mga akda.

May bihasa bang mga tagakopya noon sa Israel? Ano ba ang mababasa natin sa Bibliya?

Mga Eskriba sa Sinaunang Israel

Lumaki si Moises bilang miyembro ng sambahayan ni Paraon. (Exodo 2:10; Gawa 7:21, 22) Ayon sa mga eksperto tungkol sa sinaunang Ehipto, malamang na kasama sa edukasyon ni Moises ang pagpapakadalubhasa sa pagbasa at pagsulat ng wikang Ehipsiyo at ang pag-aaral ng ilang kasanayan ng mga eskriba. Ganito ang sinabi ni Propesor James K. Hoffmeier sa kaniyang aklat na Israel in Egypt: “May ebidensiya para maniwala sa pahiwatig ng Bibliya na may kakayahan si Moises na magtala ng mga pangyayari at mga paglalakbay, at gumanap ng iba pang mga trabaho ng eskriba.” *

Binabanggit din ng Bibliya ang iba pa sa sinaunang Israel na may mga kakayahang gaya ng mga eskriba. Ayon sa The Cambridge History of the Bible, si Moises ay ‘nag-atas ng mga opisyal na marunong bumasa’t sumulat upang magtala ng mga pasiya at magsilbing mga tagapangasiwa.’ Ang konklusyon na ito ay batay sa Deuteronomio 1:15, na nagsasabi: “Kaya kinuha ko [ni Moises] ang mga ulo ng inyong mga tribo . . . at inilagay ko sila bilang mga ulo sa inyo, mga pinuno ng libu-libo at mga pinuno ng daan-daan at mga pinuno ng lima-limampu at mga pinuno ng sampu-sampu at mga opisyal ng inyong mga tribo.” Sinu-sino ang mga opisyal na ito?

Ang Hebreong salita para sa “opisyal” ay maraming beses lumitaw sa mga teksto sa Bibliya na bumabanggit sa panahon nina Moises at Josue. Ipinaliwanag ng iba’t ibang iskolar na ang salitang ito ay nangangahulugang “kalihim para sa pagtatala,” “isa na ‘sumusulat’ o ‘nagtatala,’” at “isang opisyal na tumutulong sa hukom sa paggawa ng mga ulat.” Ang maraming beses na paglitaw ng Hebreong salitang ito sa Bibliya ay nagpapahiwatig na maraming gayong kalihim sa Israel at na mabibigat ang kanilang mga pananagutan sa pamamahala noon sa bansa.

Ang ikatlong halimbawa ay may kinalaman sa mga saserdote ng Israel. Sinasabi ng Encyclopaedia Judaica na ang mga saserdote ay “dapat na marunong bumasa’t sumulat upang magampanan ang kanilang relihiyoso at sekular na gawain.” Halimbawa, iniutos ni Moises sa mga anak ni Levi: “Sa pagwawakas ng bawat pitong taon, . . . babasahin mo ang kautusang ito sa harap ng buong Israel.” Ang mga saserdote ang naging mga tagapag-ingat ng opisyal na kopya ng Kautusan. Sila ang nagpapahintulot at nangangasiwa sa pagsulat ng karagdagang mga kopya.​—Deuteronomio 17:18, 19; 31:10, 11.

Isaalang-alang kung paano isinulat ang unang kopya ng Kautusan. Noong huling buwan ng kaniyang buhay, sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Sa araw na tatawirin ninyo ang Jordan patungo sa lupain na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, maglalagay ka rin para sa iyo ng malalaking bato at papuputiin mo sa apog ang mga iyon. At isusulat mo sa mga iyon ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.” (Deuteronomio 27:1-4) Pagkatapos wasakin ang Jerico at Ai, nagtipon ang mga Israelita sa Bundok Ebal, na nasa sentro ng Lupang Pangako. Doon isinulat ni Josue sa mga bato ng isang altar ang “isang kopya ng kautusan ni Moises.” (Josue 8:30-32) Ipinakikita nito na marunong bumasa at sumulat ang bayan. Ipinahihiwatig nito na ang sinaunang mga Israelita ay may kaalaman at kasanayan upang maingatan ang kanilang mga sagradong kasulatan.

Pagiging Maaasahan ng Kasulatan

Pagkatapos ng panahon nina Moises at Josue, isinulat ang iba pang mga balumbong Hebreo, at manu-manong kinopya ang mga ito. Yamang naluluma o nasisira ang mga ito dahil sa halumigmig o amag, kinailangang palitan ang mga ito. Nagpatuloy ang pagkopyang ito sa loob ng maraming siglo.

Sa kabila ng pag-iingat ng mga tagakopya ng Bibliya, hindi pa rin maiwasan ang ilang pagkakamali. Pero naapektuhan ba nito ang teksto sa Bibliya? Hindi. Sa kabuuan, maliliit lamang ang mga pagkakamaling ito at hindi nabago ang mensahe ng Bibliya, gaya ng pinatunayan ng masusing paghahambing sa mga sinaunang manuskrito.

Para sa mga Kristiyano, ang pananaw ni Jesu-Kristo hinggil sa unang mga aklat ng Bibliya ay patotoo na hindi nabago ang mensahe ng Banal na Kasulatan. Ang mga pananalitang gaya ng “Hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises?” at “Ibinigay ni Moises sa inyo ang Kautusan, hindi ba?” ay nagpapakita na itinuturing ni Jesus na maaasahan ang sulat-kamay na mga kopya na umiiral noong naririto pa siya sa lupa. (Marcos 12:26; Juan 7:19) Bukod diyan, tiniyak ni Jesus ang pagiging maaasahan ng buong Hebreong Kasulatan nang sabihin niya: “Kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa kautusan ni Moises at sa mga Propeta at Mga Awit.”​—Lucas 24:44.

Kaya makapagtitiwala tayo na ang Banal na Kasulatan ay wastong kinopya at isinalin mula sa orihinal. Totoo ang sinabi ng kinasihang propeta na si Isaias: “Ang luntiang damo ay natuyo, ang bulaklak ay nalanta; ngunit kung tungkol sa salita ng ating Diyos, iyon ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.”​—Isaias 40:8.

[Mga talababa]

^ par. 6 Binanggit ni Josue, na nabuhay noong kalagitnaan ng ikalawang milenyo B.C.E., ang isang lunsod sa Canaan na tinatawag na Kiriat-seper, na nangangahulugang “Bayan ng Aklat” o “Bayan ng Eskriba.”​—Josue 15:15, 16.

^ par. 12 Masusumpungan sa Exodo 24:4, 7; 34:27, 28; at Deuteronomio 31:24-26 ang pagtatala ni Moises ng mga bagay na may kinalaman sa batas. Mababasa sa Deuteronomio 31:22 ang isang awit na kaniyang itinala, at binanggit naman sa Bilang 33:2 ang kaniyang ulat hinggil sa paglalakbay sa ilang.

[Larawan sa pahina 18]

Isang Ehipsiyong eskriba habang nagtatrabaho

[Larawan sa pahina 19]

Noong panahon nina Moises at Josue isinulat ang pinakamatatandang aklat ng Bibliya