Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Pananampalataya

Pananampalataya

Sinasabi ng ilan na relihiyoso sila pero hindi naman nila naiintindihan ang kahulugan ng “pananampalataya.” Ano nga ba ang pananampalataya, at bakit ito mahalaga?

Ano ba ang pananampalataya?

ANG SINASABI NG ILAN

Iniisip ng marami na ang isang tao ay may pananampalataya kapag tinanggap nila ang isang paniniwala kahit wala itong basehan. Halimbawa, baka sinasabi ng isang relihiyosong tao, “Naniniwala ako sa Diyos.” Kapag tinanong siya, “Bakit ka naniniwala?” maaaring isagot niya, “Gano’n kasi ang pagpapalaki sa ’kin” o, “Iyon kasi lagi ang itinuturo sa ’kin.” Kapag ganiyan, parang walang gaanong pagkakaiba ang pananampalataya at ang basta maniwala na lang.

ANG SABI NG BIBLIYA

“Ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Para manalig ang isang tao sa inaasahan niya, dapat na may matibay siyang dahilan. Sa katunayan, ang kahulugan ng orihinal na salitang isinaling “mapananaligang paghihintay” ay hindi basta emosyon o pangarap lang. Kaya ang pananampalataya ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kombiksiyong may basehan.

“Ang . . . di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.”Roma 1:20.

Bakit mahalagang magkaroon ng pananampalataya?

ANG SABI NG BIBLIYA

“Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan siya nang lubos, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.”—Hebreo 11:6.

Gaya ng nabanggit kanina, marami ang naniniwala sa Diyos dahil iyon ang itinuturo sa kanila. Maaaring sabihin nila, ‘Gano’n kasi ang pagpapalaki sa ’kin.’ Pero gusto ng Diyos na ang mga mananamba niya ay maniwalang umiiral talaga siya at na iniibig niya sila. Isang dahilan iyan kung bakit idiniriin ng Bibliya na kailangan nating magsikap para lubusan siyang makilala.

“Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”Santiago 4:8.

Paano ka magkakaroon ng pananampalataya?

ANG SABI NG BIBLIYA

“Ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig,” ang sabi ng Bibliya. (Roma 10:17) Kaya para magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, dapat muna nating ‘marinig’ ang talagang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kaniya. (2 Timoteo 3:16) Ang pag-aaral ng Bibliya ay makatutulong sa iyo na makita ang malinaw na sagot sa mahahalagang tanong, gaya ng: Sino ang Diyos? Ano ang katibayan na talagang umiiral siya? Talaga bang nagmamalasakit sa akin ang Diyos? Ano ang layunin ng Diyos para sa hinaharap?

Kitang-kita sa paligid natin ang katibayang may Diyos

Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang mag-aral ng Bibliya. Ganito ang binabanggit sa aming website na jw.org/tl, “Gustong-gusto ng mga Saksi ni Jehova na turuan ang mga tao tungkol sa Bibliya. Pero hindi namin pinipilit ang sinuman na maging miyembro ng aming relihiyon. Magalang lang naming inihaharap ang sinasabi ng Bibliya. Ang indibiduwal na ang magpapasiya kung ano ang paniniwalaan niya.”

Ang iyong pananampalataya ay dapat na nakasalig sa katibayang nakita mo habang sinusuri kung totoo nga ang mga impormasyong nababasa mo sa Bibliya. Sa gayong paraan, tinutularan mo ang mga estudyante noong unang siglo na ‘tumanggap ng salita nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.’—Gawa 17:11.

“Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”Juan 17:3.