Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinalaya Sila ng Katotohanan sa Bibliya

Pinalaya Sila ng Katotohanan sa Bibliya

Pinalaya Sila ng Katotohanan sa Bibliya

SINABI ni Jesu-Kristo sa isang grupo ng tagapakinig: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga halimbawa, kasama sa pagpapalayang ito ang paglaya mula sa mga demonyo, ang mga sinungaling at mandaraya na nasa likod ng okultismo.​—Juan 8:44.

Ipinakikita ng bawat isa sa mga karanasang ito na talagang nakapagpapalaya ang katotohanan sa Bibliya. Oo, ito lang ang talagang magpapalaya sa mga tao. Bakit hindi mo pag-aralan ang Bibliya? Tiyak na hindi mo ito pagsisisihan.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

Ang mga litrato ay pagsasadula lamang

● Si Susanna ay isang babaylan sa templo sa Brazil. Gusto niyang gamitin ang kaniyang kapangyarihan para tumulong sa mga nangangailangan. Bukod diyan, “nakikipag-usap siya sa kaniyang namatay na ina.” Pero nang maglaon, nakiusap ang diumano’y espiritu ng kaniyang ina na magpakamatay siya para magkasama na sila. Dahil dito, nabagabag nang husto si Susanna at siya’y binabangungot. Pagkatapos, silang mag-asawa ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nahirapan silang ‘salansangin ang Diyablo,’ pero ‘tumakas din ito mula sa kanila.’ (Santiago 4:7) Ngayon, tahimik na ang buhay nila, at hindi na binabangungot si Susanna. Isinulat niya: “Napakarami kong dapat ipagpasalamat kay Jehova, lalo na ang tulong niya na makalaya kami sa espirituwal na kadiliman.”

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

● Si Timothy na taga-Kanlurang Aprika ay pipi’t bingi. * Dahil hindi siya matulungan ng mga doktor, bumaling siya sa mga faith healer. Pero wala rin silang nagawa. “Hindi ko matanggap na dinaya lang ako,” ang isinulat niya. Pagkatapos, nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag nila sa kaniya ang layunin ng Diyos na alisin ang lahat ng sakit at kapansanan. Sinabi ni Timothy, “Sabik na sabik na akong dumating ang bagong sanlibutan ng Diyos kung saan ang ‘tainga ng mga bingi ay mabubuksan . . . at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.’” (Isaias 35:1-6) Samantala, nasisiyahan siya sa paggamit ng kaniyang portable DVD player para ibahagi ang mga katotohanan ng Bibliya sa iba pang may problema sa pandinig, nang sa gayo’y matulungan silang magkaroon ng tunay na kapayapaan.

[Talababa]

^ par. 8 Binago ang ilang pangalan.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

● Si Evelyn ay aktibo sa okultismo sa Estonia. Dahil nagpagaling si Jesus ng mga maysakit, gayundin ang gusto niyang gawin. Gustung-gusto niyang tulungan ang kaniyang ina na malala na ang sakit. Kaya naman pinag-aralan niya kung paano gumamit ng mga pendulo para alamin at gamutin ang malulubhang karamdaman. Nang maglaon, sinuri niya ang Bibliya. Ang resulta? “Nalaman ko na nadaya pala ako nang husto,” ang sabi niya. “Kaya sinunog ko ang mga babasahin at pendulo na ginagamit ko sa espiritismo.” Sa ngayon, itinuturo niya sa iba ang nakapagpapalayang katotohanan ng Bibliya.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

● Si Mary ay lumaki sa isang isla sa Papua New Guinea kung saan takót ang mga tao sa patay. Nang mamatay ang isang taganayon nila, natulog si Mary sa ilalim ng higaan ng iba sa takot na ligaligin siya ng espiritu ng yumao kung mag-isa lang siya. Pero natutuhan niya sa Bibliya na ang patay ay natutulog lang​—sila’y nasa libingan at naghihintay na buhaying muli sa Paraisong lupa. (Lucas 23:43; Juan 11:11-14) Kaya hindi na siya takót sa mga patay.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

● Si Alicia ay lumaki sa isang pamilyang Kristiyano sa Estados Unidos. Nagkahilig siya sa mga aklat at pelikula tungkol sa okultismo. Pero dumating ang panahon na pinag-isipan niyang mabuti ang mga katotohanang napag-aralan niya sa Bibliya. Natanto niyang ‘nakikibahagi siya sa mesa ni Jehova at sa mesa ng mga demonyo,’ kaya nagbago siya. Ngayon, mayroon na siyang malinis na budhi sa harap ng Diyos.​—1 Corinto 10:21.