Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Paano Ko Kaya Makikilala Nang Higit ang mga Magulang Ko?

Paano Ko Kaya Makikilala Nang Higit ang mga Magulang Ko?

Nagsasalu-salo sina Jessica at ang kaniyang mga magulang kasama ang ilang kaibigan. Habang kumakain, isa sa mga bisita ang nagsabi sa nanay ni Jessica, “Alam mo bang nakita ko si Richard​—’yung boyfriend mo nung haiskul!”

Nabitiwan ni Jessica ang kaniyang tinidor. Wala siyang kaalam-alam tungkol kay Richard.

“Talaga, Ma? Bago si Papa, may naging boyfriend ka? ’Di ko alam ’yun ah!”

TULAD ni Jessica, may natuklasan ka na ba sa iyong mga magulang na ikinagulat mo? Kung mayroon, baka naisip mong marami ka pa palang hindi alam sa kanila!

Ano kaya ang dahilan? Makakatulong kaya kung kikilalanin mo sila nang higit? Paano mo ito magagawa?

“Marami Pa Akong Gustong Malaman”

Bakit kaya may mga bagay kang hindi alam sa iyong mga magulang? Malamang na ang isa sa mga dahilan ay hindi kayo magkasama sa bahay. “Nagdiborsiyo ang mga magulang ko noong walong taóng gulang ako,” ang sabi ni Jacob, a 22 anyos. “Simula noon, bihira ko na lang makita ang tatay ko sa loob ng isang taon. Marami sana akong gustong malaman tungkol sa kaniya.”

Kahit kasama mo ang mga magulang mo, malamang na hindi pa rin nila nasasabi sa iyo ang lahat ng tungkol sa kanila. Bakit kaya? Tulad natin, minsan, nahihiya rin ang mga magulang na ikuwento ang kanilang mga pagkakamali. (Roma 3:23) Baka nag-aalala rin sila na bababa ang tingin mo sa kanila​—o lalakas ang loob mo na gawin ang gusto mo.

Gayunman, kadalasan nang may mga bagay na hindi naikukuwento ng magulang mo dahil hindi lang ninyo ito napag-uusapan. Ganito ang sabi ng kabataang si Cameron, “Nakakagulat na kahit matagal na kayong magkasama ng mga magulang mo, marami ka pa ring matutuklasan tungkol sa kanila!” Bakit hindi mo tanungin ang mga magulang mo para makilala mo sila nang higit? Tingnan ang apat na kapakinabangan.

Kapakinabangan #1: Malamang na matuwa ang iyong mga magulang sa ipinakikita mong interes. Tiyak na magugustuhan nila ang pagtatanong mo tungkol sa kanila. Malay mo​—baka mas maintindihan ka nila at ang iyong nararamdaman!​—Mateo 7:12.

Kapakinabangan #2: Mauunawaan mo ang kaisipan ng iyong mga magulang. Halimbawa, baka hiráp noon sa buhay ang iyong mga magulang. Malamang na ito ang dahilan kung bakit sila matipid ngayon, kahit na iniisip mong hindi naman kailangang magtipid.

Makakatulong kung mauunawaan mo ang kaisipan ng iyong mga magulang. Sinabi ng kabataang si Cody, “Dahil alam ko ang kaisipan ng mga magulang ko, nagiging maingat ako kapag nakikipag-usap sa kanila.”​—Kawikaan 15:23.

Kapakinabangan #3: Hindi ka maiilang sa pagkukuwento tungkol sa personal mong buhay. “Naiilang akong magkuwento kay Daddy tungkol sa crush ko,” ang sabi ng 18-anyos na si Bridgette. “Pero nang subukan kong magkuwento kay Daddy, ikinuwento na rin niya ’yung una niyang girlfriend, at na ang saya-saya raw niya noon. Ikinuwento pa nga niya nung mag-break sila. Nasaktan daw talaga siya noon. Kaya tuloy ikinuwento ko na rin lahat.”

Kapakinabangan #4: May matututuhan ka. Ang mga karanasan ng iyong mga magulang ay makakatulong sa iyo na harapin ang sarili mong mga problema. “Gusto kong matutuhan kung paano nailalaan ng mga magulang ko ang mga pangangailangan namin​—pisikal, emosyonal, at espirituwal​—samantalang ang laki ng pamilya namin,” ang sabi ni Joshua, 16 anyos. “Tiyak na may mapupulot akong mahahalagang aral.” Ganito ang katanungan ng Bibliya: “Hindi ba may karunungan sa matatanda na at unawa sa kahabaan ng mga araw?”​—Job 12:12.

Magkusa

Ano ang maaari mong gawin para makilala mo nang higit ang iyong mga magulang? Narito ang ilang mungkahi.

Pumili ng tamang pagkakataon. Hindi naman kailangang maging laging pormal ang pag-uusap. Puwede kayong mag-usap ng iyong mga magulang kapag kayo’y naglalaro, nagtatrabaho sa bahay, o namamasyal. “Ang sarap ng kuwentuhan namin kapag nagbibiyahe kami,” ang sabi ni Cody. “Kung tutuusin, puwede naman akong makinig na lang ng music o matulog, pero sulit pala talaga na makipagkuwentuhan sa kanila!”

Magtanong. Tandaan: Kahit tama naman ang pagkakataon, baka hindi basta-basta magkukuwento ang nanay mo tungkol sa una niyang crush, o ang tatay mo, kung ilang beses siyang nabasted. Pero kung magtatanong ka, baka ikuwento nila ang mga ito!​—Tingnan ang  kahon sa pahina 12 para magkaroon ka ng ideya kung ano ang puwede mong itanong.

Hayaan mo lang silang magkuwento. Kadalasan nang nauuwi ang sagot nila sa ibang kuwento o paksa. Baka maisipan mong ibalik sa tanong mo ang usapan, pero huwag mong gagawin iyan! Tandaan, hindi ka nag-iimbestiga. Ang gusto mo ay mapalapít sa kanila. At ang isa sa pinakamahusay na paraan para magawa iyan ay ang pagkuwentuhan ang mga bagay na gusto nilang pag-usapan.​—Filipos 2:4.

Maging maingat sa pagtatanong. “Ang panukala sa puso [o kaisipan] ng tao ay gaya ng malalim na tubig, ngunit ang taong may kaunawaan ang siyang sasalok nito.” (Kawikaan 20:5) Lalo kang dapat magpakita ng kaunawaan, o maging maingat, kapag nagtatanong tungkol sa personal na mga bagay. Halimbawa, malamang na gusto mong malaman ang tungkol sa mga nakakahiyang pagkakamali ng tatay mo noong kasing-edad mo siya at kung ano ang gagawin niya kung sakaling mangyari uli iyon. Pero bago ka magtanong, maaari mong sabihin, “May itatanong po sana ako . . . ”

Maging maingat sa iyong reaksiyon. Kapag nagkukuwento ang iyong mga magulang tungkol sa kanilang sarili, “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” (Santiago 1:19) Huwag na huwag mo silang tutuksuhin o iinsultuhin. Baka hindi na uli sila magkuwento kapag sinabihan sila ng mga pananalitang “Talaga? Nagawa n’yo po iyon?” o “Kaya pala ganun na lang kayo kahigpit!” Hindi mo rin dapat ikuwento sa iba ang personal na mga bagay.

Puwede Mo Pa Silang Makilala Nang Higit!

Ang nabanggit na mga mungkahi ay makakatulong sa iyo na makilala nang higit ang iyong mga magulang habang hindi ka pa nagsasarili. At kahit nga nakabukod ka na, makakatulong din ito sa iyo na maging malapít sa iyong mga magulang​—o kaya’y maging malapít pa nga sa magulang na hindi mo nakasama nang matagal. Iyan ang naranasan ni Jacob, na nabanggit sa pasimula. Bagaman nakabukod na siya, sinabi niya, “Natutuwa ako dahil nakikilala ko na nang higit si Daddy.”

Kaya nakabukod ka man ngayon o hindi, puwede mo pang makilala nang higit ang iyong mga magulang. Bakit hindi mo subukan ang mga mungkahi sa artikulong ito?

Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype

[Talababa]

a Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

PAG-ISIPAN

◼ Anu-anong paksa sa artikulong ito ang gusto mong itanong sa mga magulang mo?

◼ Kung kikilalanin mo nang higit ang iyong mga magulang, paano ka matutulungan nito na makilala nang higit ang iyong sarili?

[Kahon/Larawan sa pahina 12]

  Puwede mong itanong sa iyong mga magulang ang sumusunod:

PAG-AASAWA: Paano po kayo nagkakilala? Ano po ang nagustuhan ninyo sa isa’t isa? Saan po kayo tumira pagkatapos ng kasal ninyo?

PAGKABATA: Saan po kayo ipinanganak? Nag-aaway din po ba kayo ng mga kapatid ninyo? Istrikto po ba sa inyo sina Lolo at Lola?

EDUKASYON: Ano po ang paborito ninyong subject? Ano po ang pinakaayaw ninyo? Sino po ang paborito ninyong titser? Bakit po?

TRABAHO: Ano po ang una ninyong trabaho? Nagustuhan po ba ninyo iyon? Kung papipiliin po kayo, ano ang gusto ninyong trabaho?

INTERES: Ano po’ng lugar ang gusto ninyong puntahan? Ano po ang paborito ninyong libangan?

BIBLIYA: Ano po ang relihiyon ninyo noong bata kayo? Bakit po kayo nag-aral ng Bibliya? Nahirapan po ba kayong sundin ang mga sinasabi sa Bibliya?

PAMANTAYAN: Ano po kaya ang kailangan para magkaroon ng matalik na kaibigan? maging maligaya sa buhay? magtagumpay sa pag-aasawa? Sa lahat po ng ipinayo sa inyo, ano ang pinakagusto ninyo?

Subukin ito: Pumili ng ilang tanong sa itaas at hulaan kung ano ang isasagot nila sa iyo. Saka mo sila tanungin at ihambing ang kanilang sagot sa hula mo.

[Kahon sa pahina 13]

MENSAHE SA MGA MAGULANG

Nagsasalu-salo kayo ng inyong pamilya kasama ang ilang kaibigan. Habang nagkukuwentuhan, nabanggit ng iyong kaibigan ang naging boyfriend mo bago mo nakilala ang iyong asawa. Hindi mo pa ito naikukuwento sa iyong anak. Ngayon, tinatanong ka niya. Ano’ng gagawin mo?

Kadalasan nang makabubuting sagutin ang tanong ng iyong anak. Tutal, pagkakataon ito para makapag-usap kayo​—at iyan naman ang gusto ng maraming magulang.

Anu-ano ang ikukuwento mo sa iyong anak? Siyempre, hindi mo ikukuwento ang mga nakakahiya mong karanasan. Pero kung angkop naman, makakatulong sa kanila kung ikukuwento mo ang ilan sa mga naging pagkakamali at problema mo. Paano?

Narito ang isang halimbawa. Inamin ni apostol Pablo: “Kapag nais kong gawin ang tama, yaong masama ay narito sa akin. . . . Miserableng tao ako!” (Roma 7:21-24) Ang pananalitang ito ay ipinasulat ng Diyos na Jehova sa Bibliya at iningatan para sa ating kapakinabangan. (2 Timoteo 3:16) At talaga namang nakikinabang tayo, dahil nadarama rin natin ang nadama ni Pablo.

Sa katulad na paraan, mas maiintindihan ka ng iyong mga anak kung ikukuwento mo ang mga naging pagkakamali mo at tamang pagpapasiya. Totoo, iba ang panahong kinalakhan mo. Pero hindi nagbabago ang likas na pangangailangan ng tao; ni ang mga simulain sa Bibliya. (Awit 119:144) Kung pag-uusapan ninyo ang mga naging problema mo​—at kung paano mo ito napagtagumpayan​—makakatulong ito sa iyong mga anak na tin-edyer na makayanan ang kanilang mga problema. “Kapag alam mong nagkakamali rin ang mga magulang mo, madarama mong katulad mo rin sila,” ang sabi ng kabataang si Cameron. Dagdag pa niya, “Kapag nagkaproblema ka uli, iisipin mo kung naranasan din ito ng mga magulang mo.”

Paalaala: Hindi lahat ng kuwentuhan ay dapat magtapos sa payo. Totoo, baka nag-aalala ka na magkaroon ng maling impresyon sa iyo ang anak mo o maisip niyang okey lang na magkamali. Pero sa halip na basta sabihin ang mga dapat niyang matutuhan sa iyong karanasan (“Kaya hindi mo dapat . . . ”), banggitin kung ano ang nadarama mo. (“Kung maibabalik ko lang, hindi ko ’yun gagawin dahil . . . ”) Matututo ang anak mo sa iyong karanasan nang hindi niya nadaramang pinapayuhan siya.​—Efeso 6:4.

[Kahon sa pahina 13]

“Minsan, inamin ko kay Nanay na mas gusto kong kasama ang mga kaeskuwela ko kaysa mga kapuwa Kristiyano. Kinabukasan, may iniwang sulat si Nanay sa desk ko. Sinabi niya na nahirapan din siyang humanap ng kaibigan sa mga kapananampalataya namin. Binanggit niya ang mga tauhan sa Bibliya na naglingkod sa Diyos kahit wala silang kaibigang magpapalakas sa kanila. Pinuri din niya ako sa pagsisikap kong humanap ng mabubuting kaibigan. Nagulat ako na hindi lang pala ako ang may ganitong problema. Si Nanay rin pala. Na-touch ako kaya napaiyak ako. Napalakas ako ni Nanay. Alam ko na kung ano ang dapat kong gawin.”​—Junko, 17, Hapon.

[Larawan sa pahina 11]

Yayain mo ang mga magulang mo na tingnan ninyo ang mga litrato nila noon. Puwede itong maging simula ng isang masayang kuwentuhan