Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ano ang Nangyayari Kapag Namatay ang Isang Tao?

Ano ang Nangyayari Kapag Namatay ang Isang Tao?

ANG mga taong anak ng Diyos ay hindi nilayong mamatay. (Roma 8:20, 21) Sa katunayan, nang unang banggitin ni Jehova kay Adan ang kamatayan, binanggit ito hindi bilang inaasahang kahihinatnan ng tao, kundi bilang parusa sa pagsuway sa Diyos. (Genesis 2:17) Naunawaan ni Adan kung ano ang kamatayan, yamang nakikita niyang namamatay ang mga hayop.

Nagkasala si Adan, at pinagbayaran niya ito nang mamatay siya sa edad na 930. (Genesis 5:5; Roma 6:23) Palibhasa’y itinakwil mula sa pamilya ng Diyos dahil sa pagsuway, hindi na siya itinuring na anak ng Diyos. (Deuteronomio 32:5) Ganito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa masaklap na epekto nito sa sangkatauhan: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.”​—Roma 5:12.

Ano ang Nangyayari sa Ating Pag-iisip?

Sinasabi rin ng Bibliya: “May kahihinatnan ang mga anak ng sangkatauhan at may kahihinatnan ang hayop, at ang kanilang kahihinatnan ay magkatulad. Kung paanong ang isa ay namamatay, gayundin namamatay yaong isa; at silang lahat ay may iisang espiritu, anupat ang tao ay walang kahigitan sa hayop, sapagkat ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan. Ang lahat ay pumaparoon sa iisang dako. Silang lahat ay nanggaling sa alabok, at silang lahat ay bumabalik sa alabok.” (Eclesiastes 3:19, 20) Ano ang ibig sabihin ng pagbalik sa alabok?

Ang pananalitang “bumabalik sa alabok” ay nagpapaalaala sa atin sa sinabi ng Diyos sa unang tao: “Ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Nangangahulugan ito na ang tao, gaya ng hayop, ay mga pisikal na nilalang. Hindi tayo basta lamang mga espiritu na nasa mga katawang laman. Ang ating pag-iisip ay mawawala kapag namatay ang ating katawan. Ganito ang sinabi ng Bibliya tungkol sa pagkamatay ng tao: “Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.”​—Awit 146:4.

Kung gayon, ano ang kalagayan ng mga patay? Binibigyan tayo ng Salita ng Diyos ng malinaw na sagot: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Sa halip na itulad sa isang kaibigan na umaakay sa atin sa isang mas magandang buhay, tinukoy ng Bibliya ang kamatayan bilang “huling kaaway,” yamang itinitigil nito ang lahat ng ating mga gawain. (1 Corinto 15:26; Eclesiastes 9:10) Nangangahulugan ba ito na wala nang pag-asa ang mga patay?

Mabuting Balita Tungkol sa Kamatayan

Para sa milyun-milyong namatay, ang kamatayan ay gaya ng pagtulog. Sila ay gigisingin mula rito. Ganito ang minsang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad may kinalaman sa kanilang namatay na kaibigan: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namamahinga, ngunit maglalakbay ako patungo roon upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.” Nang papunta si Jesus sa alaalang libingan nito, nakita niya ang mga tao na nagdadalamhati. Nang dumating siya sa libingan, pinabuksan niya ito at sumigaw: “Lazaro, lumabas ka!” At lumabas nga si Lazaro na apat na araw nang patay. (Juan 11:11-14, 39, 43, 44) Kahit nabubulok na ang katawan ni Lazaro, ipinakita ni Jesus na kayang alalahanin ng Diyos ang lahat ng bagay tungkol sa isang namatay​—ang kaniyang personalidad, memorya, at hitsura. Kaya Niyang ibalik ang lahat ng ito. Sa isang pagkakataon ay sinabi ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig [ni Jesus] at lalabas.”​—Juan 5:28, 29.

Sinasabi pa ng Bibliya: “Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay papawiin.” (1 Corinto 15:26) Wala nang taong mamimighati sa sementeryo habang inililibing ang kanilang mahal sa buhay. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi na magkakaroon ng kamatayan.” (Apocalipsis 21:4) Hindi ba talagang nakaaaliw ang pangmalas ng Bibliya hinggil sa kung ano nangyayari kapag namatay ang tao?

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

◼ May kabatiran pa ba ang mga patay?​—Eclesiastes 9:5.

◼ Wala na bang pag-asa ang mga patay?​—Juan 5:28, 29.

[Blurb sa pahina 29]

“Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.”​—Awit 146:4