Ang Pangmalas ng Bibliya
Masama Bang Magpaganda ang Kababaihan?
“GUSTUNG-GUSTO ng kababaihan ang moda,” ang sabi ni George Simonton, isang makaranasang tagadisenyo ng damit at propesor sa Fashion Institute of Technology sa New York. Ipinaliwanag niya: “Gustong ipakita ng mga babae ang kanilang natatanging katangian, mag-ayos, at magpaganda . . . Sa palagay ko, ang paggawa nito ay nagpapakita ng paggalang sa iyong sarili at paggalang sa mga taong kasama mo.” Oo, ang paggayak ay matagal nang kinikilalang paraan ng kababaihan upang ipahayag ang kanilang pagiging babae, magpaganda, at magkaroon ng kumpiyansa sa sarili.
Gayunman, sa ngalan ng relihiyon, ang iba ay may negatibong pananaw hinggil sa paggayak ng kababaihan. “Ang banal na mga babae . . . kung . . . likas na maganda, . . . ay hindi na dapat magpaganda pa, kundi sa halip ay dapat niyang sikaping itago ito,” ang isinulat ni Tertullian noong ikatlong siglo C.E. Tungkol sa mga kosmetik, idinagdag niya: “Nagkakasala sa Diyos ang mga babae na nagpapahid ng krema sa kanilang mukha, naglalagay ng pampapula sa kanilang pisngi, o nagguguhit ng kanilang kilay.” At inilarawan niya ang mga “palamuti” na gawa sa ginto at pilak bilang “mga kasangkapan sa pang-akit.”
Sa ngayon, marami pa rin ang may di-makatuwirang pananaw hinggil sa paggayak ng kababaihan. Ipinagbabawal pa nga ng ilang relihiyon sa kanilang mga miyembro ang pagsusuot ng alahas, makukulay na damit, o paglalagay ng makeup. Dapat bang itago ng isang babaing Kristiyano ang kaniyang kagandahan, o maaari niyang pagandahin pa ang kaniyang hitsura?
Pangmalas ng Diyos
Hindi detalyadong tinatalakay ng Bibliya ang pagsusuot ng alahas at paggamit ng mga kosmetik. Gayunman, may sapat pa ring katibayan na nagpapakitang hindi hinahatulan ng Diyos ang mga ito o ang iba pang anyo ng paggayak.
Ezekiel 16:11-13) Kabilang sa gayong mga palamuti, bagaman makasagisag, ang mga pulseras, kuwintas, at hikaw. Positibo ring inihahambing ng Kasulatan ang palamuting yari sa ginto sa “marunong na tagasaway” na ang mga salita ay tinatanggap ng taong handang makinig. (Kawikaan 25:1, 12) Kung positibo ang ganitong mga paghahambing ng Kasulatan, lumilitaw na hindi tutol ang Diyos sa paggamit ng kababaihan ng mga bagay na nagpapaganda sa kanilang hitsura.
Halimbawa, sa paglalarawan kung paano niya pinagpala ang Jerusalem, binanggit ng Diyos ang lunsod na iyon na para bang isang babae, sa pagsasabing: “At ginayakan kita ng mga palamuti . . . , at ikaw ay naging lubhang napakaganda.” (Ginagayakan ng Kristiyanong mga Babae ang Kanilang Sarili
Tuwirang binabanggit ng ilang talata sa Bibliya ang paksang paggayak ng kababaihan. Sumulat si apostol Pablo: “Nais kong gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit.” Kapag ginagawa ito “na[ng] may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip,” makikita sa pamamagitan nito ang pagpipitagan ng isang babae sa Diyos. (1 Timoteo 2:9, 10) Kapag ipinakikita ng Kristiyanong mga babae ang gayong mahinhing kagandahan, positibo ang impresyong ibinibigay nito hinggil sa mga turo ng Diyos at sa kongregasyon.
Tumututol naman ang ilang tao anupat sinasabi na sa talata ring iyon, binabanggit na ang kagayakan ay hindi dapat ang “mga istilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan, kundi sa paraan na angkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos, samakatuwid nga, sa pamamagitan ng mabubuting gawa.” Ibig bang sabihin nito na hindi na dapat mag-ayos ng buhok o magsuot ng alahas ang mga babae?
Hindi naman; positibo ang pagbanggit ng Bibliya sa paggayak. Kaya sa halip na ipagbawal ang paggayak, hinihimok ni Pablo ang mga babae na pangunahin nang magtuon ng pansin sa paggayak ng kanilang mga sarili ng mga katangiang Kristiyano at mabubuting gawa.
Mahalaga ang Motibo
Sumulat si apostol Pablo: “Huwag na tayong maghatulan pa sa isa’t isa, kundi sa halip ay ito ang gawin ninyong inyong pasiya, na huwag maglagay ng katitisuran o ng sanhi ng pagkakatalisod sa harap ng isang kapatid.” (Roma 14:13) Paano ito kapit sa pinipili nating kagayakan?
Una, sinasabi sa atin ni Pablo na huwag na tayong “maghatulan pa sa isa’t isa.” Dapat tayong maging maingat na hindi ‘makapaglagay ng katitisuran sa harap ng isang kapatid.’ Ang mga pamantayan ng kung ano ang katanggap-tanggap ay maaaring iba-iba sa bawat lupain at kultura. Ang katanggap-tanggap sa isang yugto ng panahon at lugar ay maaaring hindi naman angkop sa iba. Hindi tayo dapat makatisod o magdulot ng samâ ng loob sa iba sa pamamagitan ng kagayakan na iniuugnay ng ating kultura sa istilo ng pamumuhay na hindi katanggap-tanggap. Dapat itanong ng makadiyos na mga babae sa kanilang sarili: Ano ang tingin ng komunidad sa suot ko? Ang mga miyembro ba ng kongregasyon ay napapahiya, nagtataka, o nahihiya dahil sa suot ko? Kahit na may karapatang manamit o mag-ayos sa isang partikular na istilo ang isang babaing Kristiyano, bibitiwan niya ang karapatang iyan kung magdudulot ng samâ ng loob ang kaniyang istilo ng pag-aayos.—1 Corinto 10:23, 24.
Gayundin, ang pagtutuon ng labis na pansin sa hitsura ng isa ay maaaring humantong sa di-mabuting saloobin. Sa ngayon, ilang babae sa maraming lupain ang maalembong gumayak upang walang-kahinhinang magpapansin. Gayunman, mahigpit na iniiwasan ng mga babaing Kristiyano ang gayong maling paggamit ng kagayakan, anupat nagsisikap silang maging matino ang pag-iisip at maging malinis sa kanilang mga gawain, “upang ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan nang may pang-aabuso.”—Tito 2:4, 5.
Alam ng makadiyos na mga babae na gumamit man sila ng panlabas na kagayakan, nakasalalay ang kanilang tunay na kagandahan sa “lihim na pagkatao ng puso” at kung gayon ay nakikita ito sa kanilang saloobin at disposisyon. (1 Pedro 3:3, 4) Ang babaing matalino sa kaniyang pagpili sa paraan ng pananamit, paggamit ng kosmetik, at alahas ay iginagalang ng iba at nagpaparangal sa kaniyang Maylalang.