Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naakay sa Maylalang Dahil sa Kagandahan ng Katotohanan

Naakay sa Maylalang Dahil sa Kagandahan ng Katotohanan

Naakay sa Maylalang Dahil sa Kagandahan ng Katotohanan

AYON SA SALAYSAY NI TSUYOSHI FUJII

ILANG taon na ang nakalilipas, nabigyan ako ng isang pambihirang pagkakataon. Bilang kanang-kamay ni Senei Ikenobo, headmaster ng pangkat ng mga dalubhasa sa sining ng pag-aayos ng mga bulaklak na Ikenobo, mag-aayos ako ng mga bulaklak sa isang eleganteng silid sa Imperial Palace sa Tokyo, Hapon. Napakahigpit ng seguridad habang nagtatrabaho kami. Sa maigting na situwasyong iyon, tiniyak kong hindi tutulo ang kahit isang patak ng tubig. Iyan ang isa sa pinakatampok na bahagi ng aking karera sa larangan ng pag-aayos ng bulaklak. Hayaan mong ipaliwanag ko kung paano ako nakapasok sa larangang iyan.

Ipinanganak ako noong 1948 sa Nishiwaki City, na nasa hilagang-kanluran ng Kobe, Hapon. Mula pagkabata, hangang-hanga ako sa nagbabagong kagandahan ng apat na kapanahunan na mababanaag sa mga bulaklak. Gayunman, ang aking lola na isang debotong Budista ang nagpalaki sa akin, kaya wala akong kaalam-alam hinggil sa Maylalang.

Ang aking ina ay nagturo at nagtuturo pa rin ng ikebana, o pag-aayos ng bulaklak, sa aming sariling bayan. Sa Hapon, ang ikebana, na kilala rin bilang kado (ang paraan ng mga bulaklak), ay isang tinitingalang larangan ng pag-aaral. Bagaman hindi ako tuwirang tinuruan ng aking ina sa sining na ito, malaki ang naging impluwensiya niya sa akin. Nang sumapit ang panahon na kailangan ko nang magpasiya kung ano ang gagawin ko sa hinaharap, ninais kong pumasok sa larangan ng ikebana. Inirekomenda ng aking guro at ng aking ina na kumuha ako ng regular na kurso sa unibersidad, subalit walang pag-aatubili kong pinili na mag-aral sa Ikenobo College. Ang Ikenobo ang pinakamatandang larangan ng pag-aaral ng ikebana sa Hapon. Nang matanggap ako sa kolehiyo, masikap kong pinag-aralan ang sining ng pag-aayos ng bulaklak.

Pagpasok sa Larangan ng Ikebana

Tungkol sa buhay ang tema ng ikebana, isang tradisyonal na sining ng Hapon. Hayaan mo akong magpaliwanag. Maaaring magandang pagmasdan ang mga bulaklak na nakalagay sa isang timba sa tindahan ng mga bulaklak, pero kumusta naman kapag inihambing ang mga ito sa namumulaklak na maliliit na halaman sa parang o mga punungkahoy sa kabundukan? Sa likas na kapaligiran, damang-dama mo ang buhay at ang mga kapanahunan. Malamang na mas mapahanga ka sa gayong mga pagkakataon. Ang ikebana ay isang paraan upang ipahayag ang kagandahang iyon sa kalikasan sa pamamagitan ng paggamit ng bulaklak at mga halaman, anupat gumagawa ng disenyo batay sa kung ano ang nagpahanga sa iyo.

Halimbawa, gusto mong ipadama ang taglagas. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga bulaklak sa kapanahunang iyon, gaya ng gentian at patrinia, kasama na ang mga dahon kapag taglagas. Gusto mo bang magmukha itong dinadampian ng nakagiginhawang simoy ng hangin? Sapat na ang ilang tangkay ng eulalia na umuugoy nang bahagya upang ipaalaala sa mga nagmamasid ang simoy ng hangin sa taglagas. Wiling-wili ako sa ikebana, anupat nakasusumpong ng masidhing kagalakan sa pagpapahayag ng aking sarili sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga bulaklak at halaman sa ibabaw ng plorera.

Isang Malaking “Pamilya”

Ang kasaysayan ng ikebana bilang sining pandekorasyon ay nagsimula 500 taon na ang nakalilipas. Ang mga pangkat ng mga dalubhasa sa ikebana ay dominado ng matatawag na sistemang pinamumunuan ng headmaster. Ipinamamana ang posisyon bilang headmaster. Bilang tagapagmana ng masining na mga tradisyon, siya ang may hawak ng awtoridad ng patriyarka sa malaking “pamilya” ng mga tagapagtaguyod ng ikebana. Bukod sa mga tradisyon, ituturo niya sa susunod na henerasyon ang bagong mga istilong pinasimulan niya ayon sa kapanahunang pinamumuhayan niya.

Nang magtapos ako sa Ikenobo College at makumpleto ko ang dalawang-taóng teknikal na kurso na kado, nagsimula akong magtrabaho sa Ikenobo Foundation noong Enero 1971. Ako ang nagplano at nag-organisa ng “Ikebana Exhibitions by Ikenobo” sa buong Hapon. Nilibot ko rin ang buong bansa kasama ng headmaster bilang isa sa kaniyang mga kanang-kamay sa paglikha ng kaniyang mga gawang sining.

Naaalala ko pa ang kauna-unahang pagkakataon na tumayo ako sa entablado ng Fukuoka Sports Center upang magsilbing kanang-kamay ng headmaster habang itinatanghal niya ang pag-aayos ng bulaklak. Palibhasa’y nasa harapan ng libu-libo katao, kabadung-kabado ako. Ibinaluktot ko ang mga tangkay at pinutol ang mga sanga, gayong hindi ko naman dapat gawin ang lahat ng iyon. Subalit mabait na nagbiro hinggil dito ang headmaster habang ipinaliliwanag niya sa mga tagapakinig kung ano ang kaniyang ginagawa. Nakatulong ito para marelaks ako.

Kapag idinaraos ang pambansang mga okasyon na dadaluhan ng sikát na mga tao mula sa ibang bansa, sinasamahan ko ang headmaster sa pag-aayos ng mga bulaklak para sa okasyong iyon. Gaya ng nabanggit ko sa pasimula, ang isa sa gayong oportunidad ay ang makapag-ayos ng bulaklak sa isang eleganteng silid ng Imperial Palace.

Sa kalaunan, nang maitatag ang Ikenobo Central Training School sa layuning sanaying muli ang mga instruktor sa buong bansa, pinagkatiwalaan ako ng trabahong may kinalaman sa pagtuturo, paggawa ng kurikulum, at pangangasiwa sa produksiyon ng mga aklat-aralin at pelikula na gagamitin sa mga lektyur para sa mga 200,000 magsasanay sa 300 sangay sa buong Hapon. Naglakbay ako sa buong bansa upang pangasiwaan ang kurso. May mga sangay rin sa ibang bansa ang Ikenobo, at nagpabalik-balik ako sa Taiwan nang ilang beses sa isang taon. Kaya nakuha ko ang tiwala ng headmaster at humawak ako ng mabigat na katungkulan.

Masaya ako sa aking trabaho, subalit hindi ako lubusang nasisiyahan sa buhay. Kahit na may kaugnayan sa kagandahan ang aking trabaho, may mga bagay na nakasisira ng aking loob. Ang paninibugho at inggitan ng mga nagsasanay ay humantong sa paninirang-puri, at madalas akong lapitan ng lokal na mga instruktor upang humingi ng payo. Subalit sa isang organisasyon na pinangingibabawan ng matatandang kaugalian at kapangyarihan, maraming bagay ang hindi ko kayang kontrolin. Yamang marami naman ang may taimtim na pag-ibig sa ikebana at seryoso sa pag-aaral ng kurso, talagang sinikap kong gawin ang aking buong makakaya upang masiyahan sila sa pag-aaral.

Namasdan ang Kagandahan ng Katotohanan sa Unang Pagkakataon

Ayaw ko sa relihiyon dahil iniisip kong aakay ito sa pagkabulag ng isipan. Bukod diyan, nakita ko ang labis na pagpapaimbabaw ng mga bumabanggit ng kapayapaan at kaligayahan. Gayunman, hinahanap na ng aking asawang si Keiko ang katotohanan mula pa sa pagkabata. Nagpakita siya ng interes sa iba’t ibang relihiyon at nakinig sa kanilang mga turo, subalit walang isa man sa mga ito ang nakasapat sa kaniyang espirituwal na pagkagutom.

Kaya nang dumalaw sa aming tahanan ang isa sa mga Saksi ni Jehova, sumang-ayon si Keiko na mag-aral ng Bibliya. Sinasabi niya sa akin ang lahat ng natutuhan niya at ang anumang nagpahanga sa kaniya. Magaganda ang sinasabi ni Keiko, pero hindi ako nasasabik na katulad niya.

Sa kabila nito, hindi huminto si Keiko sa pagsasabi sa akin nang may pananalig kung ano ang natutuhan niya mula sa Bibliya. Lagi siyang naglalagay sa bag ko ng ilang magasin tungkol sa Bibliya kapag naglalakbay ako. Pero ayaw kong basahin ang mga ito. Gusto kong pangalagaan ang karera at tagumpay na natamo ko sa nakalipas na mga taon. Kabibili pa lamang namin ng sariling bahay, at sa paanuman ay iniisip kong kapag tinanggap ko ang mga turo ng Bibliya, kakailanganin kong iwan ang aming bahay. Samantala, mabilis na sumulong si Keiko at ikinapit niya ang kaniyang pinaniniwalaan. Parang napabukod ako at nalungkot. Bagaman alam kong tama ang mga sinabi niya sa akin, sinimulan kong salansangin siya.

Sumasalansang, Subalit Naaakit

Gabi na akong umuuwi noon sa bahay pagkagaling sa trabaho, pero sa mga gabing dumadalo si Keiko sa pulong ng mga Saksi ni Jehova, sinasadya kong umuwi nang mas gabi kaysa sa karaniwan. Kahit alas dos o alas tres nang madaling-araw na akong umuwi, hinihintay pa rin ako ni Keiko upang sabihin sa akin ang mga nangyari nang araw na iyon, at nagpapakita siya ng malasakit sa akin. Pero hindi ko matanggap na aalis ang aking pamilya sa bahay sa loob ng ilang oras upang dumalo sa Kristiyanong mga pagpupulong. Pinatindi ko ang aking pagsalansang at nagbanta akong makipagdiborsiyo. Pero nanatiling matatag si Keiko.

Hindi ko maintindihan ang iginagawi ni Keiko. Sa kabila ng aming maigting na ugnayan at sa pagsumpong ng kaniyang hika, maligayang-maligaya siya sa lahat ng kaniyang ginagawa. Nagustuhan ko si Keiko dahil sa kaniyang busilak na puso at pagkabanayad. At iyan mismo ang dahilan kung bakit noong magsimula siyang mag-aral ng Bibliya ay nag-alala ako na baka malinlang siya.

Gayunman, ikinapit ni Keiko ang kaniyang natututuhan at sinikap niyang maging mabuting asawa at ina. Bagaman salansang ako, kapag nakikiusap siyang sumama ako sa Kristiyanong mga pagpupulong at asamblea, dumadalo ako paminsan-minsan, marahil dahil ipinagmamalaki ko si Keiko.

Kasabay nito, naninibugho ako kay Jehova. Nang makita kong nagsisikap magbago si Keiko, nag-isip ako kung bakit gayon na lamang ang epekto ng mga turo ng Bibliya sa mga tao. ‘Bakit handang tiisin ng aking asawa ang lahat ng uri ng hirap para kay Jehova?’ ang naisip ko.

Di-nagtagal, sinikap ng ilan sa Kristiyanong mga kapatid mula sa kongregasyon ni Keiko na dalawin ako sa bahay. Ayaw ko sanang makipagkilala sa kanila. Pero gusto kong malaman kung bakit may gayong kapayapaan ng isip si Keiko. Sa wakas, naging labis akong mausisa anupat sumang-ayon akong makipag-aral ng Bibliya. Habang napapalapit ako sa mga dumadalaw sa akin, nadama kong nakapagpapasigla silang kasama. Sa pamamagitan ng lingguhang pag-aaral, unti-unting tumagos sa aking puso ang katotohanan sa Bibliya, at lumawak ang aking mga pananaw.

Kagandahan ng Kalikasan at ng Katotohanan

Kapag sinisikap kong ipahayag ang kagandahan at pang-akit ng kalikasan sa pamamagitan ng ikebana, nababahala ako kung paano ko itatanghal ang karingalan nito. Pagkatapos, nang matutuhan kong si Jehova ang lumalang sa kamangha-manghang mga gawa sa kalikasan, naging maliwanag na ang lahat sa akin. Paano matutumbasan ng isang hamak na tao ang masining na kakayahan ng Maylalang? Si Jehova ang Kataas-taasang Dalubsining! Gayunman, sa pagsisikap na tularan siya, nakakapag-ayos na ako ng mga bulaklak sa mas mahusay na paraan. Sa katunayan, pagkatapos kong magsimulang mag-aral ng Bibliya, sinabi ng mga tao sa akin na nagbago ang aking paraan ng pag-aayos ng bulaklak, anupat may nadagdag na pagkabanayad sa sigla nito.

Tinulungan ako ng mga katotohanan sa Bibliya na maunawaan ang maraming bagay sa kauna-unahang pagkakataon. Nang matutuhan ko na si Satanas na Diyablo ang nasa likod ng mga pagdurusa ng mga tao sa ngayon yamang siya ang tagapamahala ng sanlibutan, at na ang ating puso ay mapandaya dahil sa kasalanang minana mula kay Adan, naunawaan ko sa wakas ang tunay na kahulugan ng mga pangyayari sa ating paligid. (Jeremias 17:9; 1 Juan 5:19) Natutuhan kong si Jehova ay isang mapayapang Diyos, sagana sa pag-ibig, katarungan, kapangyarihan, at karunungan (Deuteronomio 32:4; Roma 11:33; 1 Juan 4:8; Apocalipsis 11:17); na dahil sa pag-ibig ay isinugo ng Diyos si Jesus upang mamatay para sa atin (Juan 3:16; 2 Corinto 5:14); at na darating ang panahon kung kailan mawawala na ang pagdurusa o kamatayan (Apocalipsis 21:4). Naakit ako sa kagandahan ng mga katotohanang ito. Bukod diyan, namumuhay ang mga Saksi ni Jehova ayon sa turo ni Jesus na ‘ibigin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Nasaksihan ko ito mismo kaya natiyak kong ito ang tunay na relihiyon.​—Mateo 22:39.

Hadlang na Kailangang Pagtagumpayan

Habang nagkakaugat ang katotohanan sa aking puso, napaharap ako sa isang hamon. Kapag hindi nakadadalo ang headmaster sa mga libing, ako ang kadalasang pumapalit sa kaniya upang mangasiwa sa mga ritwal ng Budismo. Naging pagsubok ito sa akin sapagkat pinag-iisipan ko nang ialay ang aking sarili kay Jehova. Personal kong ipinasiya na hindi na ako makikibahagi sa mga ritwal ng Budismo. (1 Corinto 10:21) Magalang kong ipinaliwanag sa headmaster na plano ko nang magpabautismo sa lalong madaling panahon at na buo na ang pasiya kong hindi makibahagi sa anumang iba pang pagsamba, kahit na ang paggawa nito ay nauugnay sa aking trabaho. Sinabi niya sa akin na hindi siya tutol na maging Kristiyano ako at maaari akong gumawa ng sarili kong mga pasiya pagdating sa relihiyon. Nasorpresa ako sa sagot niya dahil iniisip kong pagagalitan niya ako at tatanggalin sa trabaho.

Palibhasa’y wala na ang hadlang na iyon, nabautismuhan ako bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova sa isang Kristiyanong asamblea noong Hunyo 1983, isang taon mula nang magsimula akong mag-aral ng Bibliya. Pag-ahon ko sa pool na pinagbautismuhan, binati ako ni Keiko na may masayang ngiti at mga luha sa kaniyang mga mata. May luha sa aking mga mata, pinasalamatan namin ni Keiko si Jehova sa kaligayahang pinagsaluhan namin.

Pasiya na Iwan ang Aking Sekular na Karera

Inunawa nang husto ng headmaster ang aking pananaw bilang nakaalay na Kristiyano. Sinikap kong pagbutihin pa nang husto ang pagganap ko sa aking trabaho at mga responsibilidad. Sa kabila nito, sinikap kong maging timbang sa aking sekular na trabaho at sa aking Kristiyanong pamumuhay. Sa loob ng pitong taon, pinag-iibayo ko ang aking Kristiyanong pagmiministeryo nang ilang buwan sa bawat taon.

Gayunman, kailangan kong seryosong isaalang-alang ang espirituwalidad ng aking nag-iisang anak na lalaki at ang humihinang kalusugan ni Keiko. ‘Kailangan kong gumugol ng mas maraming panahon sa aking pamilya,’ ang naisip ko. Gusto ko ring unahin sa aking buhay ang mga kapakanan ng Kaharian. Ang mga pangangailangan at hangaring ito ang nag-udyok sa akin na manalangin kay Jehova hinggil sa pag-iwan sa aking karera sa larangan ng ikebana. Natanto ng headmaster na desidido na ako, at sa wakas ay nakapagretiro ako nang walang sagabal noong Hulyo 1990 sa edad na 42.

Pagtulong sa Iba na Makita ang Kagandahan ng Katotohanan

Di-nagtagal pagkatapos kong magretiro, nagsimula akong pumasok sa buong-panahong ministeryo upang tulungan ang iba na masumpungan ang katotohanan. Sa kasalukuyan, gumugugol ako ng isang araw sa loob ng isang linggo upang magturo ng pag-aayos ng bulaklak, nang hindi nalilimitahan ng istilong Ikenobo. Pribilehiyo kong maglingkod bilang elder sa kongregasyon, at nasisiyahan naman si Keiko sa pagpapayunir palibhasa’y mas madalang nang sumumpong ang kaniyang hika di-gaya noon. Ang aming anak na lalaki, na may asawa na ngayon, ay ministeryal na lingkod sa kalapit na kongregasyon. Napakalaking pribilehiyo nga na kaming buong pamilya ay makapaglingkod kay Jehova!

Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ni Jesu-Kristo, nananabik akong gamitin ang mga halamang pinalaki ko sa aking hardin upang gumawa ng magagandang ayos ng bulaklak. Marubdob kong ninanais na purihin magpakailanman kasama ng aking mahal na pamilya ang maringal na pangalan ni Jehova, ang Maylalang ng lahat ng magagandang bagay.

[Larawan sa pahina 23]

Sa pamamagitan ng “ikebana,” maipahahayag mo ang iyong damdamin hinggil sa kagandahan ng kalikasan

[Mga larawan sa pahina 23]

Kasama ang aking asawa, ang aming anak na lalaki, at ang kaniyang pamilya