Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Luho na Naging Pangangailangan—Ang Kasaysayan ng Sabon

Luho na Naging Pangangailangan—Ang Kasaysayan ng Sabon

Luho na Naging Pangangailangan​—Ang Kasaysayan ng Sabon

KAKAUNTING produkto ang pangkaraniwan at kapaki-pakinabang na gaya ng sabon. Mula pagkabata hanggang pagtanda, bahagi ito ng ating araw-araw na buhay. Mula nang unang gawin ito noong sinaunang panahon, unti-unting naging pang-araw-araw na pangangailangan ang sabon na dati-rati ay luho lamang.

Sinabi nga ng isang kimiko noong ika-19 na siglo na ang dami ng sabong ginagamit ng isang bansa ay tumpak na panukat ng yaman at sibilisasyon nito. Sa ngayon, itinuturing itong mahalaga sa kalinisan at mabuting kalusugan. Paano naging bahagi ng araw-araw na buhay ang mahalagang produktong ito?

Sinaunang Panahon

Bago ang Karaniwang Panahon, kakaunti lamang ang katibayan na ginagamit ang sabon sa paglilinis ng sarili. Totoo, ang salin ng Ang Biblia sa Jeremias 2:22 ay nagsasabi: “Maghugas ka ng lihiya, at magbunton ka ng maraming sabon.” Gayunman, may mga dahilan upang pag-alinlangan kung tumutukoy ito sa alam natin ngayon na sabon​—bareta man, pinulbos, o iba pa. Ganito ang isa pang salin sa sinabi ng propeta: “Kumuha ka . . . ng maraming lihiya,” o panlinis na sosa na ibang-iba sa sabong ginagamit ngayon.

Karaniwan nang mabangong langis ang ginagamit ng mga Griego at, nang dakong huli, ng mga Romano para linisin ang kanilang katawan. Maaaring natutuhan nila ang sining ng paggawa ng sabon sa mga Celt. Sa kaniyang akda na Natural History, ginamit ng Romanong manunulat noong unang siglo na si Pliny na Nakatatanda ang salitang Galiko na saipo, kung saan sinasabing hinango ng mga wikang Aleman, Ingles, Kastila, Pranses, Portuges, at Romaniano ang kanilang salita para sa sabon.

Nang sumunod na mga siglo, madalang na tinukoy ang paggamit ng sabon, bagaman noong Edad Medya, naitatag ng Espanya, Italya, at Pransiya ang kanilang sarili bilang mga sentrong gawaan ng sabon. Gayunman, sa kabila ng mga pagsisikap na gumawa ng maramihang sabon, waring bihirang-bihirang gamitin ang sabon sa Europa. Sa katunayan, kahit noong 1672 na, nang magpadala ng nakabalot na regalong sabon mula sa Italya ang isang Aleman na tagahanga sa isang aristokrata, naisip niyang angkop na ilakip ang detalyadong tagubilin kung paano gagamitin ang mahiwagang produkto!

Paggawa ng Sabon Noon

Lumitaw ang isa sa unang detalyadong resipi sa paggawa ng sabon sa isang koleksiyon ng mga sekreto ng pangangalakal para sa mga artisano noong ika-12 siglo. Sa paglipas ng mga taon, halos hindi nagbago ang kemikal na proseso sa paggawa nito. Ang langis at taba mula sa iba’t ibang pinagkunan ay pinakukuluan sa nakatutunaw na tinimplang sosa sa isang proseso na ang resulta ay magaspang na sabon. Ang reaksiyong ito ay tinatawag na saponification.

Makatuwiran lamang na ang kalidad ng sabon ay nakadepende sa mga materyales na ginamit. Ang abo ng kahoy at taba ng hayop ay ginamit sa paggawa ng sabon noon, at ang sinaunang mga nakipamayan sa Estados Unidos, gamit ang mga sangkap na ito, ay nakagawa ng kulay-kape, tulad-jelly, at malambot na sabon para sa pang-araw-araw na gamit nila. Ang sebo, tinunaw na taba ng baka at tupa, ang pangunahing sangkap ng sabon at kandila nang panahong iyon, kung kaya ang mga mangangalakal na tinatawag na mga chandler * ang kadalasang kapuwa gumagawa at nagbebenta ng dalawang produktong ito. Ang paglalagay ng asin pagkatapos ng kanilang prosesong pagpapakulo sa sabon ang nagpapatigas sa sabon, mga baretang madaling bitbitin, na pinababango nila sa pamamagitan ng labender, wintergreen, o caraway.

Ang mga sabon sa timugang Europa ay karaniwan nang gawa sa langis ng olibo. Gumagamit pa rin ng sebo ang mga gumagawa ng sabon sa mas malalamig na rehiyon. Ang iba ay gumagamit pa nga ng langis ng isda. Bagaman angkop na panlaba ang mga sabong ito, hindi naman masarap gamitin sa paliligo ang mga ito! Gayunman, ang taba at langis ay bahagi lamang ng kuwento ng sabon.

Gawaing-Kamay na Naging Industriya

Sa loob ng maraming siglo, ang sosa na kailangan sa paggawa ng sabon ay mula sa mga abo ng pilíng mga halaman, kabilang na ang damong-dagat. Sa Espanya, sinusunog ang halamang saltwort, na nagiging abong sosa na tinatawag na barilla. Kapag inihalo ito sa langis ng olibo na pinoproseso roon, nagiging puting sabon ito na mataas ang kalidad at tinatawag na sabong Castile.

Noong ika-18 siglo, lumaki ang internasyonal na pangangailangan para sa potash upang gamitin sa paggawa ng sabon, salamin, at pulbura. * Noong mga 1790, natuklasan ni Nicolas Leblanc, isang Pranses na surihano at kimiko, ang proseso ng pagkuha ng sosa mula sa asin. Nang bandang huli, matagumpay na nakagawa ang mga kimiko ng nakatutunaw na soda mula sa tasik (brine). Ang mga tuklas na ito ang nagbigay-daan sa industriyalisasyon ng paggawa ng sabon.

Bumango ang Pangalan ng Sabon

Ang huling bahagi ng ika-19 na siglo ay panahon ng malalaking pagbabago kung kailan gumawa ng mga pagsisikap na turuan ang mga tao hinggil sa kalusugan at kalinisan. Gayunman, ang sabon nang panahong iyon ay nanatili pa ring kimpal na di-maganda, kulay-kape, at may batik ng hilaw na sosang nakaiirita sa balat. Manu-mano pa rin itong ginagawa, na pinakukuluan lamang sa mga kawa. Nakukuha ito ng madla bilang mga sabon na walang pangalan ng gumawa at kinakailangang hatiin pahaba ng mga tindahan at ibinebenta nang kilu-kilo.

Mabula ang ilang sabon pero naglalabas ang mga ito ng mga patak ng langis sa kamay at kapag naglaon ay umaanta. Ang mga gumagawa nito, na lalong nagiging palaisip sa kahilingan ng publiko, ay nagsimulang magdagdag ng mga sangkap na tulad ng citronella upang maitago ang nakasusukang amoy nito sa samyo ng pabango na parang lemon.

Marami pang pagbabago ang napipinto. Naging popular ang mga sabong gawa sa langis ng gulay, na may mas magagandang katangian. Dahil sa malalaking pagbabago sa transportasyon, naging mas madali para sa mga gumagawa ng sabon na makahanap ng maraming mapagkukunan ng de-kalidad na mga sangkap. Nagmumula sa kanlurang Aprika ang langis ng palma, at ang sangkap na matingkad ang kulay at madulas mula sa makapal na laman nito ay naging pangunahing sangkap ng mga sabon at kosmetik. Mula naman sa mga isla sa Pasipiko nanggaling ang kopra, ang tuyong laman ng niyog, na pinagkukunan ng langis ng niyog. Dahil sa eksotikong mga sangkap mula sa malalayong lugar, nagsimulang gumanda ang reputasyon ng sabon.

Nauunawaan ng mga gumagawa ng sabon ang likas na paghahangad sa kalinisan. Dapat makumbinsi ang mga mamimili na isang pangangailangan ang sabon. Di-nagtagal, iniugnay ng mga nag-aanunsiyo ang kanilang mga produkto at ang mga resulta nito sa mga bagay na tulad ng pulot-pukyutan, sinag ng araw, at niyebe. Binago ng iba ang kanilang kilalang mga gawang-sining upang iugnay ang kanilang mga anunsiyo​—at sabon​—sa kagandahang-asal at pagiging sopistikado. Noong unang mga taon ng ika-20 siglo, ipinagbibili na ang sabon sa buong mundo. Pinasigla nito ang industriya ng pag-aanunsiyo. Noong 1894, lumabas pa nga sa likod ng mga selyo sa New Zealand ang mga islogan na nag-aanunsiyo ng sabon. Mabango na ngayon ang pangalan ng sabon.

Makabagong-Panahong Paggawa ng Sabon

Ang sinaunang industriyal na paggawa ng sabon ay nangahulugan ng pagpapakulo ng mga sangkap sa walang-takip na mga kawa. Ang proseso ay kinokontrol ng bihasang manggagawa sa pamamagitan ng kutsara ng mason. Mula sa pagdulas ng sabon sa mainit na kutsarang tangan-tangan, masasabi niya kung ang mga sangkap o proseso ay kailangan pang baguhin.

Sa ngayon, ang paggawa ng sabon ay nagsasangkot ng tatlong pangkalahatang hakbang. Ang una ay saponification, na may kinalaman sa kemikal na reaksiyon ng iba’t ibang langis o taba at ng sosa upang makagawa ng purong sabon at glycerol sa timpladang 30 porsiyento ay tubig. Kung minsan, ang hakbang na ito ay ginagawa pa rin sa pamamagitan ng prosesong pagpapakulo sa kaldero, subalit ang karamihan sa makabagong mga tagagawa ng sabon ay gumagamit ng de-computer na mga sistema ng saponification. Ang ikalawang hakbang ay pagpapatuyo sa pamamagitan ng init, bakyum, at pag-iisprey upang maging maliliit na bolitas ang purong sabon na may mga 12 porsiyento na lamang na tubig. Ang ikatlo at panghuling hakbang ay ang finishing. Ang mga bolitas ay hinahaluan ng pabango, pangulay, at iba pang sangkap kung kaya naiiba at bumabango ang sabon. Ang mga bareta ay pinipipi sa hulmahan ng sabon upang hubugin sa karaniwan nitong hugis. Sa ngayon, gusto ng mga mamimili ang karaniwang mga sabon na amoy-prutas at may katas ng yerba, anupat ang paggamit ng sabon ay nagiging mas “likas” at mas nakarerepreskong karanasan!

Bagaman malaki na ang naging pagsulong sa pagkaunawa sa kemistri ng mga sabong panlinis at malaki na ang pagbabago sa paggawa ng mga ito, popular pa rin ang tradisyonal na sabon. Iilan lamang ang tututol na ang sabon ay isang pangangailangan para sa kalinisan at mabuting kalusugan. Gayunman, sa panahong palasak ang karumihan sa moral at espirituwal, waring kakatwa na mas madaling makamit ngayon ang pisikal na kalinisan higit kailanman. Gayunman, napakahalaga lamang ng panlabas na kalinisan kapag sinasalamin nito ang kadalisayan ng panloob na pagkatao.

[Mga talababa]

^ Mula sa Latin para sa kandila, candela.

^ Ang potash ay yaong naiiwan pagkatapos pakuluan hanggang matuyo ang tinimplang sosa o lihiya. Kapag hinurno ang potash hanggang masunog ang lahat ng dumi, ang resulta ay pino at puting pulbos na tinatawag na pearl ash.

[Larawan sa pahina 12]

Paggawa ng sabon noon sa Hilagang Amerika

[Larawan sa pahina 13]

Ang “Bubbles,” ni Sir John E. Millais, ay ginamit na pang-anunsiyo ng sabon

[Larawan sa pahina 13]

Tradisyonal na paggawa ng sabon na gumagamit ng prosesong pagpapakulo sa kawa

[Picture Credit Lines sa pahina 13]

Itaas: Victoria & Albert Museum, London/Art Resource, NY; ibaba: © Jeff Greenberg/Index Stock Imagery