Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dinisenyo Upang Matuto Magpakailanman

Dinisenyo Upang Matuto Magpakailanman

Dinisenyo Upang Matuto Magpakailanman

“Sa bawat ulo ay may nakalululang pinagmumulan ng enerhiya, isang maliit at mahusay na sangkap na ang kakayahan ay tila walang katapusan habang mas marami tayong nalalaman hinggil dito.”​—TONY BUZAN AT TERENCE DIXON, MGA MANUNULAT SA SIYENSIYA.

GAANO karami ang kayang matutuhan ng utak ng tao? Ang tanong na iyan ay patuloy na nakabibighani at pinagtatakhan ng mga mananaliksik. Ganito ang isinulat ni Peter Russell sa The Brain Book: “Habang mas maraming natututuhan tungkol sa utak ng tao, lalong maraming kakayahan at mga potensiyal nito ang natutuklasan na higit pa sa mas naunang mga espekulasyon.”

Halimbawa, may kinalaman sa memorya, ang ating utak ay may pagkalaki-laking kakayahan. “Ang memorya ay di-tulad ng isang sisidlan na unti-unting napupuno,” ang sabi ni Russell, “mas katulad ito ng isang punungkahoy na nagsasanga kung saan isinasabit ang mga alaala. Ang lahat ng naaalaala mo ay isa pang sanga kung saan maisasabit ang bagong mga alaala. Kaya patuloy na lumalago ang kakayahan ng memorya. Habang mas marami kang nalalaman, mas marami ka pang impormasyong malalaman.” Ibinabalik tayo nito sa ating tanong kanina, Bakit napakalaki ng reserbang mga kakayahan ng utak ng tao?

Walang makatuwirang sagot na ibinibigay ang teoriya ng ebolusyon. Palibhasa’y dumedepende nang husto sa ideyang matira ang matibay, nagtataka tuloy ang palaisíp na mga tao kung bakit nagkaroon ng pagkalaki-laking kakayahan ang utak ng tao. Bilang ilustrasyon, bakit ka gagawa ng isang napakalaking trak kung ang ilalaman mo lamang ay isang pala ng buhangin?

Subalit ang Bibliya ay nagbibigay ng nakarerepresko, simple ngunit makatuwirang paliwanag. Una, sinasabi nito sa atin na ang ating unang mga magulang​—sina Adan at Eva​—ay inanyuan ayon sa larawan ng Diyos, anupat may kakayahang ipakita ang kamangha-manghang mga katangian ng Diyos. Ikalawa, ipinaliliwanag nito na sila ay dinisenyo upang mabuhay​—at samakatuwid ay matuto​—​magpakailanman. (Genesis 1:27; 2:16, 17) Ipinakikita ng utak ng tao ang layuning iyon ng Diyos, bagaman sa di-sakdal na paraan sa kasalukuyan dahil sa pagpasok ng kasalanan sa sambahayan ng tao.​—Roma 5:12.

Subalit matutupad ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa na mapuno ito ng sakdal at may-takot sa Diyos na mga tao na mabubuhay sa Paraiso. Tunay, ibinigay ni Jehova ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo, bilang haing pantubos alang-alang sa atin upang magtamo tayo ng buhay na walang hanggan.​—Mateo 20:28; Juan 3:16.

Ang Pinakamainam na Pagkain Para sa Isipan

Ibinigay rin sa atin ni Jehova ang kaniyang kinasihang Salita, ang Banal na Bibliya. (2 Timoteo 3:16; 2 Pedro 1:21) Sapagkat ang mahalagang aklat na ito ay produkto ng banal na espiritu, hindi kalabisang sabihin na naglalaman ito ng pinakamainam na mental at espirituwal na pagkain para sa sangkatauhan. (Awit 19:7-10) Oo, sinabi mismo ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”​—Mateo 4:4.

Kaya nga, ikaw man ay bata o matanda, bakit hindi maglaan ng kaunting panahon araw-araw upang basahin ang mahahalagang ‘pananalita’ ng Diyos? Ang mga gumagawa nito at nagkakapit ng kanilang natututuhan ay makikinabang kapuwa ngayon at sa hinaharap. Oo, matatamasa nila ang pag-asang mabuhay at matuto magpakailanman, gaya ng orihinal na nilayon ng Diyos. Kamangha-manghang pag-asa nga!​—Eclesiastes 3:11; Juan 17:3.

[Larawan sa pahina 11]

Yamang ipinakikita ang layunin ng Diyos, ang utak ng tao ay dinisenyo upang matuto magpakailanman

[Mga larawan sa pahina 12]

Ang Bibliya ay naglalaman ng pinakamainam na pagkain para sa iyong isipan