Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Maililigtas ang Lupa

Kung Paano Maililigtas ang Lupa

Kung Paano Maililigtas ang Lupa

SA KABILA ng malagim na situwasyon ng lupa, hinahangad nating makaligtas ito. Tutal, tahanan natin ito​—at umaasang magiging tahanan din ito ng ating mga anak at ng kanilang magiging mga anak. May magagawa ba tayo upang mapatibay ang pag-asang iyan?

Ang totoo, bagaman ang karamihan sa mga tao ay nababahala hinggil sa kapaligiran, marami ang hindi nag-aatubili sa pagtatapon ng basura sa lupa, pagtatambak ng basura sa ilog, o pag-iiwan na nakabukas ang mga ilaw kahit hindi naman ginagamit ang mga ito. Waring maliliit na bagay lamang ito, subalit kung ang bawat isa sa bilyun-bilyong indibiduwal sa lupa ay magiging maingat sa pakikitungo natin sa lupa, malaki ang magiging epekto nito. Ang mga bagay na gaya ng pagtitipid ng enerhiya, pakikipagtulungan sa mga programa ng pagreresiklo, at tamang pagtatapon ng basura ay nakatutulong sa pag-iingat ng ating kapaligiran. Sa pamamagitan ng ating mga kaugalian ay maipakikita natin ang ating pagmamalasakit sa lupa sa ngayon.

Gayunpaman, hindi natin makokontrol ang paggawi ng karamihan sa mga tao sa palibot natin. Nangangahulugan ba ito na sa kahuli-hulihan ay wala nang pag-asa ang situwasyon?

Malapit Nang Dumating ang Isang Nakahihigit na Solusyon

Binanggit ng komento ni Thilo Bode ng organisasyong Greenpeace, na sinipi sa magasing Time, ang pinakaugat ng problema sa kapaligiran: “Ang pangunahin nating tunguhin ay na dapat sana’y isaalang-alang ng mga korporasyon kung paano itatapon ang kanilang mga produkto. Dapat nilang pag-isipan ang tatlong bagay: produksiyon, paggamit at pagtatapon.” Nakalulungkot, nakagagawa tayo ng mga bagay, alam natin kung paano gagamitin ang mga ito, ngunit hindi natin ito wastong itinatapon. Sa ilang kaso, hindi talaga alam ng mga tao kung paano ito gagawin nang ligtas.

May mga limitasyon ang mga tao, ngunit hindi gayon ang ating Maylalang. Ipinamalas na niya ang kaniyang nakahihigit na karunungan sa kaniyang mga nilaláng na nakikita natin sa lupa. Alam niya kung paano gumawa, gumamit, at wastong magtapon ng mga bagay. Marami sa mga sistemang ginawa niya ay awtomatiko. Sumisibol ang isang binhi, at isang halaman ang tumutubo at namumunga. Pagkatapos ay namamatay ito​—kasama ang lahat ng elemento nito na nasisira sa paraang hindi nagdudulot ng polusyon, anupat maaari na muling gamitin ang mga ito. Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagreresiklo! Walang polusyong nakalalason!

Walang balak ang ating Maylalang na pabayaan ang lupa na masira tungo sa isang di-matitirhang tambak ng basura. Sa Bibliya, mababasa natin sa Isaias 45:18: “Ito ang sinabi ni Jehova, . . . Siya na tunay na Diyos, na Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito, Siya na nagtatag nito nang matibay, na hindi niya nilalang na walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan.”

Kung inanyuan ng Diyos ang lupa upang tahanan ito, bakit niya hinayaan itong umabot sa ganitong nakalulungkot na kalagayan? Ipinaliliwanag ng Bibliya na noong una ay inilagay ang tao sa isang paraiso. Sa katunayan, nilayon ng Diyos na umabot ang Paraisong ito sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa at mapuno ito ng mga tao. (Genesis 1:28) Gayunman, nagkaroon ng paghihimagsik. Hindi nais ng unang lalaki at babae na magpasakop sa pamamahala ng Diyos.

Pinahintulutan ng Diyos ang mga tao na subukan ang kanilang sariling paraan ng pamamahala. Nakikita natin sa ngayon ang mga resulta, isang kapaha-pahamak na kabiguan. Maliwanag na ipinakita ng mga tao na hindi nila kayang lutasin ang kanilang mga problema. Hindi maaaring sisihin ang Diyos sa nangyari. Totoo ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa buong lipunan ng tao: “Sila ay gumawi nang kapaha-pahamak sa ganang kanila; sila ay hindi niya mga anak, ang kapintasan ay kanila. Isang salinlahing liko at pilipit!”​—Deuteronomio 32:5.

Gayunpaman, hindi nagbubulag-bulagan ang Diyos sa pagkasira ng lupa. Kikilos siya bago maging huli ang lahat, bago maging isang di-matitirhang ilang ang lupa. Paano natin nalaman iyan? Ipinaliliwanag ng Apocalipsis 11:18: “Ang mga bansa ay napoot, at ang iyong sariling poot ay dumating, at ang takdang panahon . . . upang ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” Patitigilin ang pagpapahamak sa lupa.

Ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa, na ito ay maging isang paraiso, ay matutupad pa rin. Ipinakita ito ng Diyos sa kaniyang mga pananalita. Halimbawa, sinabi niya: “Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig [ay hindi] . . . babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko.” (Isaias 55:11) Masisiyahan ka sa pagbabasa sa Isaias kabanata 35, kung saan inilarawan ng Diyos ang pagbabago ng mga nasirang lupain tungo sa tulad-harding mga parke at mabubungang bukirin.

Maging sa ngayon, kapag napapahinto ang polusyon, ipinakikita ng lupa ang kamangha-manghang kakayahan nito na panumbalikin ang orihinal na kondisyon nito. Nilalang ito ng Diyos na maging gayon. Kung ang labis-labis na pagtatapon ng polusyon sa lupa ay ihihinto, napakaraming iba’t ibang mikroorganismo sa tubig at lupa ang makapagpapagaling sa kalakhang bahagi ng pinsala. Karagdagan pa, may dahilan upang maniwala na kapag nakialam na ang Diyos at nangasiwa na sa mga bagay-bagay, ang prosesong ito ng paggaling ay magiging mas mabisa pa. Maaari siyang maglaan ng pagsasanay at sakdal na patnubay na hindi taglay ng mga tao.

Kaya may pag-asa ang kinabukasan ng lupa. Makaliligtas ang mga halaman at hayop. Mawawala ang mga talaan ng mga papaubos na uri ng hayop. Magiging sariwa muli ang ating hangin at tubig. Ang masunuring mga tao ay mabubuhay roon upang tamasahin ito. Gusto mo bang makita iyon? Puwede. Paano? Nagbibigay ang Bibliya ng mga detalye kung ano ang dapat gawin. Bakit hindi ka gumawa ng isang sistematikong pagsusuri sa Bibliya upang malaman mo ito? Hilingin sa mga tagapaglathala ng magasing ito na ipakilala ka sa isa na makatutulong sa iyo na pasimulan ang pagsusuring ito. Bakit mo palalampasin ang pagkakataong matuto kung paano ka makapagtatamasa at ang iyong pamilya ng isang malinis na kapaligiran magpakailanman?